Story #1: Second Life

"Awit! Seven lose streak na tayo, pre. G pa ba?" angil ni John Paul na kulang na lang ay ipaghampasan ang cellphone sa dingding na katabi.

"Di na muna. Ang bobobo ng mga kakamping ibinibigay ng Moonton sa atin, eh. Pota," sagot ni Rick na siyang kausap ng nauna.

Napabuntong-hininga si John Paul at napasuklay sa buhok. Tila ba sa paraang iyon ay nailalabas niya ang stress na naipon na dulot ng sunod-sunod na pagkatalo. Mayamaya ay napatayo siya habang himas-himas ang tiyan.

"Nagugutom na ako. Angel's Burger tayo."

Napangisi si Rick. "Libre mo?"

"Ulol. Kani-kaniya siyempre. Mambuburaot ka na naman eh may utang ka pa nga sa akin."

Napakamot na lang sa ulo si Rick. Noo'y naalala niyang may bente pesos na utang nga pala siya sa kaibigan na hanggang ngayon ay hindi pa niya nababayaran. "Oo na. Kuhanin mo na 'yong susi ng motor mo nang makalarga na tayo."

Umahon na mula sa pagkakaupo si John Paul. Ini-charge muna niya ang cellphone bago pumunta sa kuwarto. Sinilip muna niya ang oras- 02:34 AM.

Hindi naman siya gaano nagtagal doon dahil mayamaya ay lumabas din siya habang pinaiikot sa kamay ang lanyard kung saan nakasabit ang susing tinutukoy ni Rick.

Sabay nang lumabas ang dalawa. Hanggang pagsakay ay Mobile Legends pa rin ang pinag-uusapan nila. Mayamaya pa ay nakasakay na sila sa motor. Si John Paul ang nagmamaneho at si Rick naman ang nasa angkas.

Dahil sa ingay ng makina at ng hanging pumapagaspas sa gawi nila ay hindi na sila nakapag-usap pa. Hindi man sila nagsasalita ay iisa ang tumatakbo sa isip nila- gutom na gutom sila at gusto na nilang kumain ng burger.

Banayad lang ang pagmamaneho ni John Paul. Bagama't gutom na ay nais naman niyang makarating sila nang ligtas sa destinasyon, lalo na ngayon at wala pa silang suot na helmet. Hindi na sila nag-abalang magsuot pa. Katwiran nila'y hindi naman kalayuan ang tindahan ng burger.

Ilang bloke na lang ang kanilang layo sa pupuntahan. Ipinihit ni John Paul ang handgrip para makaliko, bagay na kaniyang pagsisisihan pala sa huli.

Isang rumaragasang sasakyan ang paparoon sa kanilang puwesto. Napakabilis nito kung kaya wala nang ibang nagawa sina John Paul at Rick kundi iawang na lamang ang kanilang mga bibig. Ni hindi sila nagkaroon ng ilang sandaling mag-isip kung dapat bang lisanin nila ang motor para maiwasan ang sasakyan.

Nakangingilong tunog ng salpukan ng sasakyan at ng motor ang pumailanlang sa katahimikan ng gabi. Hindi maipaliwanag na sakit ang parehas na nararamdaman nina John Paul at Rick sa oras na iyon.

Pumailalim sa sasakyan si John Paul. Ramdam na ramdam pa niya ang pagkadurog ng kaniyang mga buto nang daanan ng gulong ang likod ng kaniyang mga hita. Kita rin niya ang paghiwalay ng kaniyang kanang kamay bago unti-unting nilamon ng kadiliman ang kaniyang mga mata.

Sa kabilang banda naman ay si Rick na tumilapon sa ere kung saan nagpaikot-ikot ang kaniyang katawan na parang papel. Napagibik na lang siya sa sandaling tumama ang bumbunan niya sa malamig na sementong ilang metro ang layo sa pinangyarihan ng aksidente.

"Huh?!"

Sa isang iglap ay natagpuan na lamang nina John Paul at Rick ang kanilang mga sarili sa harap ng bahay ng huli. Malalim na pagsinghap ang pinakawalan nila habang puno ng kuwestiyon ang kanilang utak.

"Putangina, ano 'yon?" bulalas ni Rick na pinanindigan ng balahibo sa katawan.

"Pota? A-Alam mo rin? 'Y-Yong aksidente?" may pagtatakang tanong ni John Paul. Sunod-sunod namang pagtango ang nakuha niya sa kaibigan.

Sabay silang napatingin sa wall clock.

"02:37 AM na. Kapag umalis tayo ngayon, maaaksidente tayo," ani John Paul.

Nagkatinginan nang makahulugan ang dalawa.

"Tangina. Mamahaw na lang tayo ng kanin. Ayoko pang mamatay."

Dali-daling pumasok ang dalawa sa loob at isinara nila ang pinto. Sa gabing iyon ay doon na rin pinatulog ni John Paul si Rick sa takot na baka mangyari sa kaibigan ang premonisyong kanilang naranasan.

Premonisyon nga ba iyong maituturing o isang glitch in the matrix? Kung ano iyon ay hindi nila alam.

Simula ng gabing iyon ay nag-stock na sa ref si John Paul ng mga puwedeng lutuin nang sa gayon ay hindi na nila kailangang lumabas sa gabi. Hindi na rin sila nakalilimot magsuot ng helmet gaano man kalapit o kalayo ang kanilang pupuntahan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top