C H E C K M A T E VI
Dedicated to amer0127
Salamat sa pagbabasa, Glenzy.
•••
Marcus McLaren at multimedia.
Aidan's Dad.
••••••
Checkmate 6: Shattered Pieces of The Past
Aidan Stephan
Matapos ko siyang tangayin palayo kay Richard ay ihahatid ko rin siya ngayong hapon sa kanilang bahay. Alam kong pag-iinitan siya ng lahat ng Knight sa ginawa ko, pero kailangan ko 'yong gawin para hindi siya mahuli. Hindi pa ako tapos alamin ang lahat. Marami pa akong katanungan sa nakaraan, marami pa akong dapat lutasing misteryo sa nangyayari ngayon sa loob ng lipunan. At malakas ang kutob kong may kinalaman sa nakaraan ang babaeng ito. Pareho sila ni Shenderly, taglay nila ang iisang palatandaan ng nakaraan. Kung bakit kami may ganitong uri ng lipunan sa kasalukuyan.
Kababa lang namin sa bayan nang dumaan kami sa palengke at pinagtinginan kami ng buong pamayanan. Alam kong kami ang bulung-bulungan ng lahat ng aming nadaraanan pero wala akong pakialam. Hinawakan ko pa siya sa kamay para 'di mahalata na palabas lang ang nangyari kanina. Tinignan niya naman ako ng tinging nagtatanong, pero nginitian ko lang siya bilang sagot. Hindi naman siya pumalag kaya mas lumala ang tsismisan sa paligid.
Mga tao nga naman! Hindi ba kayo makapaniwala na magkakagusto ang isang Baron sa Pawn? Tss! Maganda naman si Saiderny kaya imposibleng hindi siya magustuhan ng kahit na sino. . . kahit pa kabilang sa higher society na tulad ko. 'Yon nga lang masyadong matigas ang kaniyang ulo at padalus-dalos sa kaniyang mga kilos at desisyon. The type of girl I like.
Napangiti na lang ako sa aking iniisip, at nang makalayo kami sa palengke ay binawi niya ang kaniyang kamay sa'kin.
"P'wede mo na akong iwanan dito!" galit niyang tugon.
"Ihahatid kita sa inyo, baka nakakalimutan mong pagala-gala lang ang mga Knight dito. Baka kunin ka ng wala sa oras."
"Tss! Kaya ko ang sarili ko! Isa pa malapit na rin ang bahay namin kaya okay na ako."
Ang tigas talaga ng ulo nito. Tss! Kilala ko na si Richard mula noon pa, at 'di 'yon tumatanggap ng pagkatalo kaya alam kong pag-iinitan niya kami.
"Kahit na!" pagpupumilit ko at mas lalo niya akong sinimangutan.
"Bahala ka nga!" aborido niyang sagot saka nagmadaling maglakad. Sinundan ko lang siya sa kaniyang dinaraanan pero hindi ko hinayaang makalayo siya sa'kin.
Natatawa na lang ako habang pinagmamasdan siya. Para siyang bata na nagmamaktol dahil pinapauwi na ng magulang mula sa galaan. Paminsan-minsan ay nililingon niya ako pero ganoon pa rin ang mukha niya, nakasimangot. Tsk!
'Di nagtagal ay narating namin ang pamayanan ng mga Pawn. Katulad ng inaasahan, pare-pareho lang ang uri ng tirahan nila. Isang sementado na bungalow house, plain ang pintura na kulay abo at walang bakod sa pagitan. Pare-pareho ang sukat, taas, lapad at laki. Kung baguhan ka rito ay maaari kang maligaw pero dahil sa numero ng bahay nila sa harap ay madali mong matatandaan kung saan ka papunta at saan ka galing. Ito ang pamayanan ng mga Pawn. Ngayon pa lang ako nakarating dito pero tingin ko mababait naman sila.
Sandali niya pa akong tinignan bago tuluyang lumapit sa isang bahay. Kumatok muna siya roon bago ito bumukas. Tumambad sa'min ang babaeng katabi niya kanina sa pila noong pinapahubad sila ni Richard sa harap ng Citadel. Tingin ko ito ang Nanay niya.
Halos maluha pa ito nang makita siya–si Saiderny. Oo, Saiderny nga pala ang pangalan niya. Kakaibang pangalan na ngayon ko lang narinig, malamang siya lang may pangalang ganiyan. Bagay na bagay sa kaniya, nag-iisang kakaiba sa lahat ng Pawn na nakilala ko.
"Saiderny, anak?" Kumikislap ang mga mata nito dahil sa namumuong mga luha bago yumakap sa kaniya. "Mabuti at umuwi ka na, nag-aalala kami ni Paul sa'yo kanina pa!"
Bago pa man makasagot si Saiderny ay may isang lalaki na lumapit sa kanilang mag-ina mula sa loob ng bahay.
"Saiderny!" Halata ang pag-aalala sa boses nito.
"Okay lang ako, Ma, Paul, wala kayong dapat ipag-alala," sagot ni Saiderny sa kanila.
So siya pala si Paul, ngunit napansin kong ang sama ng tingin niya sa'kin.
Naghahamon ka ba p're? Anong problema mo?
Tinignan ko lang din siya ng masama. Ako pa ang hahamunin mo? Lakas din ng loob mo!
Ngunit nakita kong napansin ako ng ina ni Saiderny kaya humiwalay siya sa pagkakayakap sa kaniyang anak.
Nginitian ko lang siya at binati, "Magandang gabi po."
"Ikaw 'yong boyfriend ng anak ko, 'di ba?" tanong niya sa'kin.
Napansin ko namang nanlaki ang mga mata ni Saiderny sa sinabi ng kaniyang ina at ako ay palihim na napapangisi.
"Ma!" saway nito sa ina.
"Ganoon nga po," sagot ko naman saka nginitian ng ubod ng tamis ang kaniyang ina, at dahil doon ay pinandilatan ako ni Saiderny.
Ang sarap niyang asarin.
Alam kong nababanas siya sa'kin, at malamang kung kaming dalawa lang ang narito ay kanina niya pa ako sinugod at sinabihan ng kung anu-ano, o baka sinaktan pa.
"He is–"
"Pasok ka muna," putol ng kaniyang ina sa sasabihin niya sana.
"Naku hindi na po, malapit na ring gumabi at kailangan ko pang pumunta sa Barracks namin," tanggi ko naman.
Hindi naman sa pambabastos pero kailangan ko na talagang umalis. Marami pa akong gagawin sa barracks. Kung may oras lang ako baka pinagbigyan ko pa ito nang maasar ng husto si Saiderny.
"Naku sayang naman. Ayaw mo man lang bang kumain?" alok pa nito.
"Ma, may pagkain din sila sa bahay nila. Hayaan na natin siya," sabat ni Saiderny sa iritableng boses.
"Oo nga po, Tita. Baka may duty pa ito si. . ."
"Aidan, Aidan Stephan McLaren," pakilala ko kay Paul.
Kung hindi ako nagkakamali siya 'yong humila kay Saiderny noong tangkain nitong pigilan ang pagpatay kay Blake.
"Aidan," mariin niyang pag-uulit ng pangalan ko.
"Opo, may duty pa po ako ngayon. Hinatid ko lang si Saiderny para masigurong ligtas siya pag-uwi."
"Gano'n ba? Sige next time bumisita ka rito sa'min ah?"
"Ma!" nagbabantang wika ni Saiderny.
"Sigurado po 'yan. Paano po, mauna na ako. Kailangan ko na talagang umalis."
"Sige, ingat ka, hijo."
"Mabuti pa nga umalis ka na," bulong ni Saiderny pero narinig ko pa rin.
"Ingat ka, babes. Iyong bilin ko 'wag mong kakalimutan," sabi ko at nag-roll eyes lang siya bilang tugon.
Tsk! Maasar nga kita ng husto! Tila may kung anong pumasok sa utak ko para lalo siyang asaring kaya hindi na ako nagdalawang isip pa na gawin iyon.
Lumapit ako sa kaniya at halata sa mukha niya ang pagtataka kung bakit hindi pa ako umalis. Nakataas pa ang isa niyang kilay na tila nagtatanong.
"Bakit?" takang tanong niya pero hindinko siya sinagot, bagkos ay marahan ko siyang hinawakan ang kaniyang ulo at hinalikan sa noo. Bagay na hindi niya inaasahan at nagpatulala sa kaniya.
Nakita ko naman sa rear view na mas lalong sumama ang tingin sa'kin ni Paul at ang kaniyang nanay naman ay nakangiti.
Nang mahimasmasan si Saiderny ay bahagya niya akong tinulak at uutal-utal na nagsalita, "U-um-umuwi ka na nga!" utos niya at halatang tila bulkan ng sasabog sa galit.
"Oo, ingat ka," pahabol kong pang-aasar sa kaniya sabay ngisi at kindat. Pero sa loob ko ay gustung-gusto kong tumawa ng malakas.
Sinimangutan niya ako ng husto na mas lalo ko pang ikinatuwa. Tila nag-aapoy sa galit ang kaniyang mga mata habang nakatingin sa'kin.
Sarap palang asarin nito eh. Hmm!
Kahit anong gawin mong pagtaboy at pag-iwas sa'kin, hindi kita lulubayan. Posibleng ikaw ang makasagot sa lahat ng katanungang mayroon ako.
• • •
Nakaalis ako sa pamayanan ng mga Pawn na masama ang titig sa'kin ni Paul, tila gusto niya akong sugurin at patayin. Hindi ko naman siya inaano. Tss! Posible kayang nagseselos 'yon?
Natawa na lang ako sa aking iniisip.
Dumaan muna ako sa aming bahay bago ako pupunta sa barracks. Katulad ng mga Pawn, iba rin ang pamayanan namin. Sadyang nakahiwa-hiwalay ang aming mga tirahan. Ang mga Bishop ay nakatira sa loob ng kumbento malapit sa simbahan. Kaming mga Fortress ay nakatira malapit sa Palasyo. Dito tinayo ang aming pamayanan, at ang mga Pawn naman ay malapit sa simbahan at sentro ng siyudad. Ang mga Erudite naman ay malapit sa Fortress Academy.
Pagdating ko sa aming bahay ay naabutan kong kumakain ng hapunan ang aking mga magulang kasama ang bunso kong kapatid.
Dalawa lang kaming magkapatid at parehong lalaki. Limang taon ang agwat ko sa kaniya kaya ngayon ay dalawampung taong gulang na siya at kasalukuyang mag-aaral sa Fortress Academy.
"Tamang-tama, gutom na ako!" bungad ko sa kanila sabay upo sa upuan ko.
"Kamusta ang araw mo anak?" tanong ni Mama.
"Ayos naman, Ma. Excited na ako sa exam na gaganapin sa sunod na lingo para sa mga Pawn."
"Ako rin, excited magkaroon ng mga bagong kaklase," sabat ni Clark sa'min.
"Iyon ay kung makakapasa sila sa exams na ginawa namin," sagot ko naman.
"Hay! Ang unfair kaya no'n, Kuya. Tayong mga anak ng Fortress at Erudite ay may kalayaang mamili ng gusto nating pangkat, pero ang mga Pawn ay kailangan pahirapan. Bakit gano'n?"
Natahimik kami nina Mama at Papa sa tanong ni Clark. Oo tama siya, sobrang unfair ng lipunang merong kami. Labis ang pang-aapi nila sa mga Pawn, na kung titignan mo naman ay halos pantay-pantay lang kami ng kakayahan.
"Dahil 'yon ang batas ng Reyna at walang sinuman ang makakabali no'n!" sagot ni Papa sa kaniya.
"Pero ano ang basehan nila sa pagpili ng ating pangkat?"
"Ang mga Pawn ang dating mga kalaban ng Reyna noon na tinulungan niya upang magkaroon ng panibagong buhay. Ngayon bilang pagbabayad ng utang na loob, sila ang ginawang pinakamababang uring pangkat sa panahon natin," paliwanag ni Papa.
"Ang labo pa rin, hay!" halatang dismayado siya sa sagot ni Papa pero wala rin akong maidugtong dahil maging ako ay walang maisagot sa kaniya.
Hindi ko rin alam kung bakit, pero iyan ang aalamin ko, at lahat aalamin ko malaman lang ang buong katotohanan sa pamamahala ng Reyna.
Matapos naming kumain ay umakyat na si Clark sa kaniyang k'warto. Si Mama naman ay naiwan sa kusina at nagliligpit ng mga pagkain. Kami naman ni Papa ay naiwan sa sala habang naglalaro ng Chess. Hilig namin itong dalawa basta may oras pa. Ilang sandali na lang kasi ay aalis na ako at pupunta sa barracks.
Kaming mga Baron ay may kaniya-kaniyang responsibilidad sa palasyo. Kadalasan akong naa-assign sa barracks kapag walang pasok sa Fortress Academy. Bilang isa sa may pinakamataas na tungkulin sa lipunan, hindi lang pagpapanatili sa kaligtasan ng mahal na Reyna ang nakapatong sa aking bikat. Pati rin ang pagbantay paminsan sa barracks naming mga Baron upang mapanatili ang kaayusan dito. Pero kapag may pasok na sa Fortress Academy, isa ako sa military officer na nagsasanay sa mga estudyante.
Bawat antas sa lipunan ay may kani-kaniyang paaralan sa kani-kanilang pamayanan. Doon kami pumapasok mula primary hanggang secondary. Labing-walong taong gulang kami nagtatapos ng secondary at pagkatapos noon ay may karapatan na kaming mamili kung anong gusto naming pangkat maliban sa mga Pawn. Pagkatapos nila ng secondary, maghihintay pa sila ng tatlong taon bago bibigyan ng pagkakataong makapasok sa isa sa aming pangkat. Bale dalawampu't isang taong gulang na sila noon, ngunit, iyon ay kung makakapasa sila sa pagsusulit. Kung hindi, habang buhay na silang Pawn at utusan ng lahat.
Nasakalagitnaan si Papa ng pag-iisip kung ano ang ititira nang nagsalita ako.
"Pa. . ."
"Bakit?" tanong niya sa'kin ngunit nanatili sa Chess board ang kaniyang paningin.
"Paano kung buhay pa siya? Paano kung nandito lang siya kasama natin sa Divine Society?" seryosong tanong ko at napaangat si Papa ng paningin.
Seryoso niya akong tinignan na tila ba nagtatanong.
"Anong ibig mong sabihin?"
"Nakita ko siya. . . nakita ko ang batang pinatay ninyo noon," seryoso kong wika at halata ang labis na pagtataka sa mukha niya.
"Wala na siya, Aidan! Patay na siya!" malamig niyang sagot sa'kin saka tumayo, "Umalis ka na!" dugtong niya pa sabay talikod.
Talagan bang wala siyang balak sabihin sa'kin ang dahilan ng lahat? Ano pa ba ang kailangan kong patunayan para sabihin mo sa'kin ang katotohanan, Papa?
Gusto kong tanungin siya ng lahat na nasa utak ko pero alam kong sa away lang mauuwi ang lahat. Ano ba kasi ang tinatago ninyo ng mahal na Reyna, Papa? Ano?
Napakuyom na lang ako ng aking kamao sa inis sa aking ama. Parati na lang siyang ganiyan. Nakaka-badtrip na! Ang turing niya pa rin sa'kin ay isang batang paslit na naliligaw ng landas. Isa akong McLaren, ang pangalawang pamilya na pinakamaimpluwensya sa lahat dito sa Divine Society pero bakit kailangan kong patunayan sa lahat na magaling ako? Na karapatdapat ako bilang maging Baron sa paningin ng aking ama, bago niya sabihin sa'kin ang katotohanan tungkol sa Reyna? Tang ina talaga!
Nagsimula na siyang maglakad nang magsalita ako. Hindi ko ipipilit ang gusto dahil kusa ko na lang aalamin 'yon, pero kailangan kong malaman ang saloobin niya.
"Pero. . . Pa, gusto niyang pumasok sa Fortress Academy!"
Sa sinabi kong 'yon ay natigilan siya sa paglalakad at galit na hinarap ako.
"Kung totoo man ang sinasabi mo, iisa lang ang nasisiguro ko. . . hindi siya p'wedeng makapasok sa Fortress Academy, at lalung-lalo ng hindi siya pwedeng makita ng Reyna! Sa madaling salita, hindi siya nararapat dito sa Divine Society! At sa oras na makita ko siya do'n, pasensyahan kami. . . kung kinakailangan siyang patayin ng paulit-ulit ay gagawin ko, huwag lang magkrus ang landas nila ng Reyna!" pinal niyang sabi saka umakyat sa taas.
Naiwan naman sa'kin ang malaking katanungan dahil sa sinabi niya, sino nga ba kayo, Shenderly at Saiderny?
Hindi mo man sa'kin sabihin ang lahat ngayon, Papa, pipilitin ko pa ring alamin ang lahat sa tamang panahon. Kung kinakailangan kong protektahan si Saiderny laban sa Reyna ay gagawin ko. Malutas ko lang ang misteryo sa lipunang ito, at malaman kung sino nga ba kayo!
To be continued...
•••
Sorry for the long wait and short update.
6/8/2017
10:00 am
Partially edited and reconstructed.
6/26/2018
1:56am
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top