Simula
Simula
We were the kids no one wanted.
Kaming tatlo; ako, si Ombré at Domino, nagsi-siksikan sa isang maliit na kuwarto na may dalawang maliliit na kama para kay Domino at sa amin ni Ombré at may kan'ya kan'yang maninipis na kumot, pero iisa lang ang pangarap namin—na balang araw, may pipili rin sa amin.
But no one ever did.
Lumaki kami sa loob ng sirang pader ng ampunan, maagang natutunan na ang pagmamahal ay pribilehiyong hindi para sa amin. Tuwing may mag-asawang bumibisita, pumipila kami, nagku-kunwaring hindi umaasa. Madalas kong suklayin ang gusot kong buhok, umaasang baka sakaling kapag ngumiti ako nang malawak ay mapansin nila ako.
Pero hindi.
At sa tuwing umaalis sila, kasama ang isang bata na napili nilang ampunin ay nagyayakapan kami nang mahigpit nina Ombré at Domino, sabay bulong ng, baka hindi naman talaga namin kailangan magkaroon ng magulang. Kasi nand'yan naman kami para sa isa't isa.
Ngumingiti lang si Domino, kunwaring naniniwala. Habang si Ombré naman ay tumatawa lang na parang hindi masakit.
"Bri, gising na!" sigaw ko habang niyuyogyog ang kan'yang balikat.
Ngunit imbes na magising siya ay hinila pa niya ang manipis niyang kumot para itakip sa kan'yang mukha. Inis na tinalikuran pa niya ako para ipagpatuloy ang kan'yang pagtulog.
"Kung hindi ka gigising, kakainin ko ang ulam mo!"
Agad siyang napabalikwas. "May ulam?!"
"Wala," ngumisi ako at tumayo na dahil tapos na ang trabaho ko sa kan'ya. Gising na ito. "Kanin lang."
Narinig ko pa ang pagpadyak ng paa niya sa kama at ang malakas niyang ungol. Napatingin ako kay Domino na ngayon ay nagsu-suot na ng kan'yang uniform, nagsu-suklay habang nakaupo sa kan'yang kama. Umiling siya habang pinapanuod si Bri na napilitan nang bumangon.
"Ang ingay ninyong dalawa," seryosong sabi niya habang hawak ang tenga. "Bukas maghahanap ako ng pang-ulam natin."
Pa-minsan lang kasi kami magkaroon ng ulam. Madalas ay munggo ang hinahain nina ate Liza dahil sa dami raw ng bata rito ay hindi na kaya ng budget. Pati nga ang kuryente ay maaga niya pinapatay dahil sayang daw. Kaya naman sa gabi, pinapaypayan kami ni Domino hanggang sa makatulog kami.
"Good morning, kuya Ino!" masayang bati ko sa kan'ya.
"Hindi mo ako kuya." kunot-noo niyang sabi.
Pero para sa amin ni Bri, para na siyang kuya namin. Lagi siyang nand'yan kung kailan kailangan namin siya, at siya minsan ang gumagawa nang paraan para mas gumaan ang buhay namin ni Bri, kahit dalawang taon lang naman ang tanda niya sa amin.
Sabay-sabay kaming papasok ng eskwelahan. Nga lang, si Ino ay high school na, tapos kami ni Bri ay grade 5 pa lang, kaya iba na ang school niya. Med'yo malapit lang naman din sa amin, kaya hinahatid niya muna kami bago siya papasok sa kan'ya. Walking distance lang din naman, kaya hindi na namin kailangan ng budget para sa pamasahe.
"Punta tayo ng playground mamaya pagkatapos ng klase, Spice," bulong sa akin ni Bri habang nakasabit ang kamay niya sa aking braso.
Tumango ako. "Sige! Gusto ko mag-slide!"
Dahil do'n, biglang sumingit si Domino sa usapan. "Huwag na. Mamaya madapa na naman kayong dalawa."
Sabay namin siyang nilingon, naglalakad siya sa likuran namin. Matangkad, med'yo guwapo rin, pero sabi ng mga kaklase naming babae ay crush daw nila ito. Maayos din ang kan'yang buhok na ilang minuto rin yata niyang sinuklay kaninang umaga, nakatago ang isang kamay niya sa loob ng suot niyang slacks at ang isa naman ay nakahawak sa strap ng kan'yang back pack.
Sumimangot ako. "Hindi kami madadapa!"
"Iyan din ang sabi mo no'ng nakaraan," iritang sabi niya. "Hindi pa nga gumagaling iyang sugat mo sa tuhod. Wala na tayong pambili ng gamot."
No'ng nakaraan kasi ay mas'yado yatang napalakas ang tulak sa akin ni Bri sa swing kaya lumipad ako. Mabuti na lang at nando'n si Ino, kaso hindi niya ako nasalo. Tumama ang nguso ko sa damuhan at gumasgas ang tuhod ko. Umiyak ako nang umiyak kasi masakit, kaya ilang oras niya akong inalu hanggang sa tumigil din ako kasi sabi niya bibilhan niya ako ng ice cream.
"Eh, bakit mo ba kasi kami pinoproblema?" nakangusong tanong ni Bri. "Hindi naman ikaw iyong nasusugatan."
"Sino bang nag-aalaga sa inyo?"
Pinigilan ko na lang ang bunganga ko sa pagsasalita, dahil alam kong hindi rin naman kami mananalo. Mabuti na lang at malapit na kami sa school. Ngumuso na lang din si Bri habang nakatingin sa akin, tumango lang ako sa kan'ya.
"Ang sungit lagi ni Ino!" ani Bri at saka binagsak ang sarili sa upuan pagkadating namin sa classroom.
Umupo rin ako sa tabi niya. "Baka concern lang?"
"Hindi siya concern," hinarap pa niya ako. "Maarte lang talaga siya!"
Sa totoo lang, minsan hindi ko na rin malaman ang ugali ni Ino. Gusto lang naman namin maglaro, pero ayaw niya. Hindi naman namin nagagawa iyon sa ampunan dahil pagagalitan kami nina ate Liza, at saka, anong gagawin namin sa ilang oras na paghihintay matapos ng klase niya?
Hinawakan ko tuloy iyong tuhod ko na nilagyan niya ng band-aid kagabi. Ngumuso ako at umiling na lang. Masakit pa nga rin iyon hanggang ngayon, pero kaya ko pa naman maglaro pa ulit mamaya. Mag-iingat na ako.
"Basta mamaya ha, pumunta pa rin tayo." nakangiti niyang aya sa akin habang inaabot ang isang candy na hindi ko alam kung saan na naman niya ninakaw.
"Eh, hindi pumayag si Ino, 'di ba?" sabay kuha ko sa candy at binuksan.
Nilagay ko sa gilid ng pisngi ko iyong candy kaya natawa si Bri. Hinawakan niya pa ang bukol ng pisngi ko kaya sabay kaming napahagikhik.
"Babalik naman tayo agad sa gate, para hindi niya mahalatang naglaro pa rin tayo kahit hindi siya pumayag."
Tumango ako. "Pero ikaw maunang mag-slide, ha? Para kapag nadapa ka, hindi na ako susunod."
Umirap naman siya, ngunit tumango na lang din para matuloy lang kami. Nang dumating na ang teacher namin ay 'tsaka lang kami natahimik na dalawa.
Sa aming tatlo, si Ino ang matalino. Sa kan'ya kami lagi nagpapaturo ng homeworks habang nagchi-chismisan lang kami madalas ni Bri. Kaya naman nang on the spot kaming pinatayo ng teacher para i-explain ang sagot namin sa homeworks ay natulala na lang kami ni Bri. Simula no'n, pagkatapos niyang sagutan ang mga homeworks namin ay ini-explain niya rin kalaunan para maintindihan namin.
Basang basa kami ng pawis dalawa pagkatapos namin maglaro sa playground. Pabalik na kami ngayon ng gate, para hintayin si Ino. Tawa kami nang tawa dahil muntik na rin siyang madapa kanina, mabuti na lang at nahawakan ko kaagad ang buhok niya.
Ngunit napawi kaagad ang tawa namin nang mamataan namin si Ino na mukhang kanina pa naghihintay sa gate. May kasama siyang isang lalaki na agad ding umalis bago pa kami makalapit. Seryoso at madilim ang tingin niya sa aming dalawa, kaya naman napahawak na lang sa braso ko si Bri.
"Galit siya, Spice. Galit siya." bulong niya sa akin.
Huminto kami pareho ilang hakbang mula sa gate. Ramdam ko ang bilis ng tibok ng puso ko, hindi dahil sa pagod, kundi dahil sa pamamaraan ng titig sa amin ni Ino. Parang bawat patak ng pawis sa noo ko ay kasabay ng bigat ng kan'yang tingin.
"Saan kayo pumunta?" galit ngunit kalmadong tanong ni Ino. "Akala ko ba malinaw ang usapan nating hindi kayo maglalaro ngayon?"
Sabay na bumagsak ang tingin namin ni Bri sa lupa. Magkahawak pa rin ang nanginginig at malamig naming kamay. Tuwing gan'to si Ino, kahit hindi naman dapat, natatakot pa rin kami. Mayro'ng kung ano sa kan'ya na dapat ay sinusunod namin lagi.
"Saglit lang naman kami," sagot ni Bri.
"Sorry na, Domino."
Hindi na siya nagsalita. Dahil do'n, sabay kaming nag-angat ni Bri ng tingin sa kan'ya. Kunot-noo at galit pa rin ang mukha niya, ngunit alam na namin ni Bri na hindi na siya magsasalita pang muli. Nag-iwas siya ng tingin at kitang kita ko kung paano umigting ang kan'yang panga.
Nag-ayos ako ng buhok at pinunasan ko ang pawis ko gamit ang suot kong white uniform.
Hanggang sa pag-uwi, tahimik pa rin si Domino. Kumain din kami at hindi namin kayang matuwa at magpasalamat na may munggo kaming ulam dahil alam naming galit sa amin si Domino. Ngumuso ako habang ngumunguya sa harap niya.
Walang gagawa ng homeworks namin!
"Kukuha ulit ako ng candy sa office ni ate Liza mamaya," bulong sa akin ni Bri. "Bigyan natin si Ino, peace-offering sa kan'ya."
Tumangu-tango pa siya sa akin kahit mukha namang imposible ang gusto niyang gawin. Kinagat ko ang labi ko habang pinapanuod pa rin si Ino na tuloy-tuloy lang sa pag-nguya sa harapan ko.
Kaya naman pagkatapos namin kumain ay pinuntahan namin ang office ni ate Liza. Siya ang papasok sa loob, habang ako ay magtitingin sa labas at se-senyas sa kan'ya kung sakaling may taong dadaan.
Suot ang manipis na pantulog ay lumilinga-linga ako sa paligid. Hawak ko ang isang flashlight, habang naririnig ko ang kapa ni Bri sa loob ng office.
"Hindi ka pa ba tapos d'yan, Bri?" mahinang tawag ko sa kan'ya.
Kahit kakatapos ko lang maligo ay parang pinagpapawisan na kaagad ako. Lalo na nang matantong med'yo matagal na si Bri sa loob. Sanay na sanay na siya sa gan'to, pero candy lang naman ang ninanakaw niya, pero ako, ito yata ang unang beses kong sumama sa kan'ya rito para kumuha ng candy.
"Wala akong makita, Spice, kinuha mo ang flashlight ko," mahinang sabi niya sa loob.
Sa taranta ko ay tinutok ko sa loob ang flashlight. Halos mapasigaw naman si Bri nang tumama iyon sa mukha niya, pero agad din naman siyang naka-dampot ng candy dahil doon.
Hinihingal kami habang tumatakbo palabas doon. Tawa pa ako nang tawa nang maalala ko ang mukha ni Bri nang tutukan ko siya ng flashlight kanina. Kaya naman nang makapasok na kami sa loob ng kwarto ay 'tsaka lang kumawala sa bunganga ko ang malakas na halakhak.
"Tumigil ka nga, Spice! Akala ko kasi nahuli ka na sa labas at si manong Elmer na iyong nag-flashlight sa akin," nakanguso niyang sabi.
Hindi ako makapagsalita sa tawa. Umupo naman kaagad si Bri sa kama namin at nilapag doon ang limang candy na na-dampot niya kanina. Nilingon namin nang sabay si Ino na tahimik at seryosong nagbabasa ng libro sa kama niya.
Lumapit ako kay Bri sa kama at siniko siya. "Ikaw na magbigay niyan kay Ino."
Siniko niya rin ako pabalik. "Bakit ako? Ikaw na."
"Ikaw na!"
"Ikaw na, Spice, ikaw peyborit niyan, eh." bulong niya pabalik sa akin.
Huminga ako nang malalim. Kinuha ko ang candy at tumayo na para lapitan ang kama ni Ino. Sumunod din naman sa akin sa Bri, pero nanatili siya sa likod ko, nakahawak sa dulo ng damit ko.
Nang maramdaman ni Ino ang presensya namin ay nag-angat siya ng tingin. Walang kahit anong emosyon ang mata niya, nilingon niya pa si Bri sa likuran ko, bago niya binalik ang tingin sa akin. Huminga siya nang malalim nang matantong walang gustong magsalit sa amin ni Bri.
"Ano iyon?" tanong niya sa isang malalim na boses.
"U-uh..." nagkamot pa ako ng ulo, bago ilahad ang kamay kong may limang candy. "Pasensya na sa ginawa namin kanina, Ino. Bati na tayo."
Sumilip naman si Bri sa likuran ko, hawak pa rin ang dulo ng damit ko. "Oo nga, Ino. Pasensya na talaga."
Sandali siyang hindi nagsalita. Akala ko ay hindi uubra ang plano ni Bri na abutan si Ino ng candy habang humihingi ng tawad, dahil hindi naman natinag ang seryoso niyang mukha.
Napapikit ako nang maramdaman ko ang init ng kamay niya sa kamay ko. Kinuha niya mula roon ang candy at tinignan. Binaba ko naman ang kamay ko para kurutin si Bri sa tagiliran. Napangiwi naman ang kaibigan ko, pero bago pa kami mag-away ay nagsalita na si Ino.
"Ayoko lang naman na nasusugatan kayo," simula niya. Nilapag niya iyong candy sa kama niya at tumayo. "Halika, Spice, gagamutin ko ang sugat mo."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top