Chapter 39
ARKHE
'Kapag may mahal ka, wag mong pakakawalan.'
Buong byahe na paulit-ulit sa utak ko ang mga salitang 'yon.
Pakiramdam ko nagkakasala ako kasi nung sinabi 'yon ni Sab, walang ibang tao na pumasok sa isip ko kung 'di siya lang.
Alam kong ang Third Base ang tinutukoy niya, pero siya agad ang una kong naisip. Sa totoo lang, lahat ng mga sinabi niya sa 'kin kanina, hindi ko na nakalimutan. Apektadong-apektado ako.
Kanina pa rin tuloy ako balisa at nagpipigil ng iyak dito sa kotse na naghahatid sa 'kin pauwi. Ewan ko kung paano ko haharapin si Patrice mamaya kasi ang gulo ng utak ko ngayon. Hindi ko na maintindihan kung anong nararamdaman ko.
Una, hindi pa rin ako makapaniwala na wala na si Amanda.
Hindi ko lang sinasabi, pero sobrang nalulungkot at nanghihinayang ako kasi hindi maganda ang naging huling pag-uusap namin. Kung alam ko lang na 'yon na pala ang huling beses na makikita ko siya, sana kinausap ko siya nang maayos. Sana sinabi ko sa kanya lahat ng nararamdaman ko at lahat ng nangyari sa 'kin, at hindi lang siya basta binalewala na para bang wala kaming pinagsamahan.
Nung tinawagan ako ni Arthur kanina para ibalita ang nangyari, pakiramdam ko ako 'yung nawalan ng ka-pamilya. Hindi ko napigilan ang sarili ko na mapaiyak sa sasakyan. Ang nasa isip ko pa no'n, si Sab.
Alam kong mabigat ang mga nangyari sa pagitan namin, pero bigla kong nakalimutan lahat ng 'yon. Lalo na nung sinabi ni Arthur na ilang araw hindi nagising si Sab dahil sa pagkawala ni Amanda, at ngayon, palagi na lang nakatulala sa kawalan. Ayaw pang umuwi sa bahay. Natatakot siya na baka kung anong gawin ni Sab sa sarili nito.
Doon din ako kinakabahan. Kilala ko kung paano malungkot si Sab. Pero sa buong oras na magkasama kami kanina, aminado ako sa sarili ko na hindi lang basta awa at pag-aalala ang naramdaman ko.
Ito na nga ang pinaka-kinatatakutan ko, eh. Isa sa mga dahilan kung bakit ayokong makipag-kita at makipag-usap sa kanya kasi alam kong may babalik. At 'yun 'yong lahat ng nararamdaman ko para sa kanya na pilit kong binabaon sa limot.
Pinoprotektahan ko ang sarili ko para hindi na ulit ako masaktan. Pinipilit kong umakto na matapang at wala ng pakialam sa kanya para tuluyan na akong makapamuhay nang maayos. Pero dahil lang sa saglit na pagsasama namin kanina, natibag agad 'yung pader na hinarang ko sa puso ko.
Gano'n pala talaga 'yon. May isang tao talaga sa buhay natin na hinding-hindi natin malilimutan. Yung kahit pa gaano karaming masasakit na bagay ang pinagdaanan niyo, kahit pa may nakilala ka ng bagong mamahalin, at kahit pa alam mong nakaraos ka na sa sakit, siya pa rin talaga ang laman ng puso at isip mo. Para sa 'kin, si Isabela ang taong 'yon.
Ang dami kong napagtanto dahil sa mga sinabi niya sa 'kin kanina. Akala ko, sinadya niyang makipag-kaibigan kay Patrice para guluhin kami, pero wala pala siyang intensyon na gano'n. Ang gago ko na pinag-isipan ko agad siya nang masama nang hindi man lang siya kinakausap.
At nung inisa-isa niya sa 'kin lahat ng mga pagsubok sa buhay na nagawa niyang lampasan, nanliit ako.
Hiyang-hiya ako para sa sarili ko kasi wala naman talaga ako sa kalingkingan ng mga pinagdaanan niya. Ako, nasaktan lang sa pag-ibig. Siya, nawala na lahat sa kanya, pero siya pa rin 'tong mas nakaintindi sa sitwasyon namin. Wala na talaga akong kasing gago. Wala na akong kasing duwag, aminado ako ro'n.
Sinandal ko ang ulo ko rito sa upuan ng kotse para pilitin pa ring pigilan ang mga luha ko.
Nakakapanghinayang lahat ng nangyari sa 'min ni Sab. Gusto ko siyang balikan ngayon, e. Gusto kong pabalikin 'tong sasakyan sa kanila para mayakap ko ulit siya at masabi ko kung gaano pa rin ako nasasaktan na wala na siya sa buhay ko.
Hindi kasi ako masyadong nakapagsalita kanina. Nahihiya ako na natatakot kasi baka may masabi ako na ikasakit ng damdamin niya. Puro tungkol kay Patrice pa naman ang tinatanong niya sa 'kin. Kahit na gusto ko siyang bigyan ng sagot, hindi ko na lang ginawa.
Wala na rin kasi ako sa sarili. Gusto ko na nga lang siyang yakapin hanggang umaga para maiparamdam sa kanya ang mga bagay na hindi ko kayang sabihin. Pero alam kong mali. Lahat ng iniisip at nararamdam ko ngayon, maling-mali kasi ikasasal na ako. Ayokong masaktan si Patrice, espesyal din siya sa 'kin at masyado siyang mabait para lang masaktan.
• • •
PASIKAT NA ANG araw nang makauwi ako sa bahay.
"Arkhe? Ikaw na ba 'yan?"
Boses ni Patrice ang sumalubong sa 'kin. Gising pa siya sa kahihintay na makauwi ako.
Ang bigat-bigat na ng katawan ko ngayon na gusto ko na lang magkulong at umiyak ulit mag-isa para mailabas ko lahat, pero kailangan kong kausapin si Patrice.
Sinalubong niya ako sa pinto. Hindi na ako umakto na ayos lang ako. Niyakap ko agad siya at iniyak na lahat ng bigat na kanina ko pa kinikimkim.
Nataranta naman siya. Nilayo niya ako at hinawakan agad ang magkabila kong mga pisngi. "Hey, w-what happened?"
Pumikit ako. "Pwede ba tayong mag-usap?"
"Of course." Hinila niya ako papunta sa kusina para paupuin sa isang silya.
Humila siya ng isa pang bangko para umupo naman sa tapat ko. "What is it? Tsaka saan ka ba galing? Nagpaalam ka lang sa 'kin kanina, pero hindi mo naman sinabi kung saan talaga ang punta mo. Hinanap ka tuloy ni Jasmine. What happened to you?" Alalang-alala ang mga mata niya.
Hindi ko na tuloy siya matingnan. Nalulungkot ako kasi alam kong masasaktan ko siya, pero hindi ko na 'to pwedeng itago. Sobrang naapektuhan ako sa pagkikita namin kanina ni Sab.
Pinahid ko ang mga luha ko, tapos inabot ko ang isa niyang kamay. "Patrice. Si Rose, 'yung kaibigan mo. Kilala ko siya."
"R-really?" Biglang nagliwanag ang mukha niya na para bang natuwa pa siya sa sinabi ko. "Paano mo siya nakilala? Magkaibigan din kayo?"
Napapikit ulit ako nang mariin. Ang inosente niya sa mga nangyayari, hindi ganito ang inaasahan kong reaksyon. Mas lalo lang akong nahihirapan na sabihin sa kanya ang totoo at kung anong nararamdaman ko.
"Arkhe, paano kayo nagkakilala ni Rose? And why are you crying like this? Kinakabahan na ako sa 'yo." Bumitiw siya sa 'kin para siya mismo ang magpunas sa mga luha ko sa pisngi.
Inabot ko lang naman ulit ang kamay niya at mahigpit na hinawakan. "Patrice, wag ka sanang magagalit. Hindi ko rin kasi talaga nalaman agad. Hindi ko kaibigan si Rose. Siya ang dati kong girlfriend."
Para siyang nanigas sa kinauupuan. Kitang-kita ko ang pagbagsak ng mga balikat niya. Pati 'tong kamay niya na hawak ko, nanlambot.
Napapikit na lang ulit ako at napaiyak. "Sorry. Alam kong ilang beses mo na akong tinanong kung may pinagdaraanan ba ako. Ilang beses mong sinubukan na alamin kung sino ba talaga ako bago ang aksidente, pero masyado kong sinara ang sarili ko at hindi inamin sa 'yo kung ano ba talagang nangyari sa 'kin."
Hinigpitan ko ang pagkakakapit sa kamay niya habang patuloy sa pag-iyak. "Isabela ang tunay na pangalan ni Rose. Siya ang kauna-unahang babae na sineryoso at minahal ko nang sobra. Hindi ko kinaya ang paghihiwalay namin kaya nagtangka akong magpakamatay. 'Yun ang totoo. Sinadya kong ibangga ang sasakyan ko nung gabing 'yon para makalimutan ko na siya at matapos na lahat."
Hindi siya nakapagsalita. Pero kita ko sa mga mata niya ang matinding lungkot.
"Pasensya na kung ngayon ko lang 'to sinasabi. Gusto ko lang kasi sanang ibaon sa limot lahat ng pinagdaanan namin kaya hindi ko inuungkat." Pinunasan ko ng T-shirt ang mga luha ko. "Hindi maganda ang paghihiwalay namin. Nagkasakit si Sab no'n, brain tumor. Sinamahan ko siya sa New York para magpa-opera, pero pagkatapos ng operasyon, nangyari ang kinatatakutan namin, nawalan siya ng alaala. Nakalimutan niya ako. Ginawa ko lahat para maalala niya 'ko ulit, pero na-manipula pala siya ng ibang lalaki. Nakipaghiwalay siya sa 'kin at sumama siya sa taong 'yon. Sobrang nasaktan ako kaya tinangka kong magpakamatay."
Wala pa rin siyang imik.
Yumuko ako at hinayaan na tumulo ang mga luha ko sa sahig. "Akala ko hindi na magpaparamdam si Sab. Nagulat na lang ako nung bigla siyang dumating sa mismong araw na inalok kita ng kasal. Doon ko lang nalaman na siya pala ang Rose na tinutukoy mo." Inangat ko ulit ang tingin ko sa kanya. "Akala ko gusto niya tayong guluhin, pero ang gago ko kasi kanina ko lang nalaman na wala pala siyang itensyon na gano'n. Hindi niya rin alam nung una na ako ang kinakasama mo."
Hinigpitan ko ang pagkakakapit sa kamay niya. "Patrice, mahal ka ni Sab. Tinuring ka rin niyang tunay na kaibigan, kaya wag ka sanang magalit. Wala siyang kasalanan dito. Sa 'kin ka lang magalit kasi ako 'tong gago at duwag na hindi pinaalam sa 'yo ang tungkol sa dati kong relasyon. Ako na lang din ang hihingi ng tawad para kay Isabela kung sakaling nasaktan ka niya at pakiramdam mo naloko ka. Ako ang sasalo sa lahat."
Bigla siyang napayuko. Nanginginig ang kamay niya na kapit ko kaya alam kong pinipigilan niya lang ang nararamdaman niya.
"Sa kanya ka ba galing ngayon?" tanong niya sa 'kin nang hindi tumitingin.
Tumango ako. "Namatay ang kapatid niya, si Amanda. Kanina ko lang nalaman kaya napasama agad ako sa sasakyan na sumundo sa 'kin dito. Kanina lang din kami nakapag-usap nang maayos ni Sab simula nung naghiwalay kami bago ang aksidente." Huminga ako nang malalim bago muling nagpatuloy. "Patrice, aaminin ko sa 'yo na sobrang nag-alala ako kay Sab kaya ko rin siya pinuntahan. Maraming nangyaring hindi maganda sa 'min, pero mas nangibabaw pa rin ang pag-aalala ko."
Muli niya akong tiningnan. "Pag-aalala lang ba talaga ang naramdaman mo sa kanya?"
Natigilan ako. Hindi ako nakapagsalita kahit na may sagot naman talaga ako sa tanong niya.
"Do you still have feelings for her?"
Pumikit ako.
"I'm asking you. May nararamdaman ka pa rin ba para sa kanya?"
Tinitigan ko siya nang matagal, tsaka ako tumango.
Inaasahan ko na magagalit siya sa 'kin, na tuluyan na siyang iiyak at sisigawan ako. Pero hindi. Bigla niya lang akong nginitian. "Thank you for your honesty. I appreciate it."
Bumitiw siya sa pagkakahawak ko, tapos bigla nang tumayo mula sa silya. "Sa kwarto lang muna ako." Tumalikod siya nang wala man lang ibang sinabi.
Pumasok siya sa kwarto at narinig ko ang pagkandado niya sa pinto.
Naiyak na lang ulit ako. Tinakpan ko ng mga kamay ang mukha ko para piliting magpigil, pero dire-diretso talaga ako sa pagluha.
Wala man lang siyang ibang tinanong sa 'kin. Sa dami ng mga inamin ko sa kanya, hindi niya man lang ako kinwestyon. Hindi man lang siya nagpakita ng kahit na anong galit kahit na alam kong sobrang nasaktan ko siya.
• • •
HINDI NA ULIT kami nakapag-usap ni Patrice.
Umalis siya ng bahay. Hinayaan ko siya nung una kasi alam kong kailangan niya ng oras at espasyo para makapag-isip isip. Tsaka kailangan ko rin. Ang gulo pa rin ng utak ko hanggang ngayon. Pero tatlong araw na ang lumipas, hindi pa rin siya umuuwi. Nag-aalala na ako.
Sinubukan ko ulit siyang tawagan habang lantang-lanta akong nakaupo rito sa paanan ng kama. Pero hindi niya pa rin talaga sinasagot. Ni hindi nga nagri-ring. Unang beses niya 'tong ginawa na pinatayan niya ako ng cellphone.
Tsk, napahilamos na lang ulit ako ng mga palad sa mukha.
Inaasahan ko naman ng mangyayari 'to. Sa tindi ng mga sinabi ko sa kanya, alam ko nang lalayo talaga siya at baka nga makipaghiwalay pa sa 'kin. Tanggap ko na 'yon. Pero hindi ko rin naman pwedeng bawiin ang sinabi ko kagabi na may nararamdaman pa rin ako para kay Sab kasi 'yun ang totoo.
Buong araw lang akong naghintay kay Patrice.
Lalong sumasama ang pakiramdam ko kasi hindi pa talaga ako nakakatulog nang maayos.
Bandang alas-nueve ng gabi na siya nakauwi. Nakahiga ako sa kama nung narinig kong may dumating ng kotse. Bumangon agad ako para salubungin siya sa labas.
Hindi siya tumitingin sa 'kin habang pababa ng sasakyan. Lalo ko tuloy nararamdaman na masama ang loob niya.
"Saan ka galing?" tanong ko.
"Umuwi lang ako saglit sa Tagaytay," malamig niyang sagot.
"Wala si Jasmine?"
"Iniwan ko muna kila Mama. Babalik din naman agad ako ro'n." Dire-diretso siyang pumasok sa bahay. Dinaanan niya lang ako.
Ang bigat sa dibdib, pero sinundan ko pa rin agad siya.
Pumunta siya sa kwarto namin at nagbukas ng cabinet.
"Kelan ka babalik sa Tagaytay?" tanong ko. "Pwede ba akong sumama para makita si Jasmine?"
Hindi siya sumagot. Bigla lang siyang naglabas ng mga damit galing sa cabinet.
Kinabahan ako kaya taranta ko agad siyang nilapitan at pinaharap sa 'kin. "Patrice..."
"I'm fine," sagot niya naman agad. "Doon lang muna ako sa pamilya ko."
"Hindi. Hindi mo 'to kailangang gawin. Ako ang nakasakit, kaya ako ang aalis kung gusto mo."
Hindi siya makatingin sa 'kin. Nanatili lang siyang nakatayo.
Inabot ko ang kamay niya at pinisil 'yon. "Sorry. Sorry sa lahat-lahat. Alam kong iniisip mo ngayon na baka ginamit lang kita, na baka ginawa lang kitang panakip butas at hindi totoo lahat ng pinaramdam ko sa 'yo. Pero totoo 'yon. Wala akong pineke, at wala akong ginamit para makalimutan si Sab. Hindi ako naghanap ng iba. Kusa kang dumating sa buhay ko, at sobrang nagpapasalamat ako ro'n . . .
. . . Nung niyaya kita ng kasal, ginusto ko rin 'yon. Hindi ako napilitan kung 'yon ang inaakala mo. Dumating ako sa punto na gusto talaga kitang makasama habang buhay."
Napayuko siya, hanggang sa naramdaman ko na lang na umiiyak na siya. "I'm sorry for acting this way, Arkhe. Mahal kita, pero gusto kong lumayo kasi nasasaktan ko lang kayo ni Rose nang hindi ko namamalayan."
"Anong sinasabi mo? Wala kang sinasaktan."
Tiningnan niya ako nang may luha sa mga mata niya. "I get it now. Naiintindihan ko na kung bakit palagi kang malungkot, kung bakit palagi kang tahimik, kung bakit madalas kitang nakikita na umiiyak mag-isa. Kasi meron palang Rose sa buhay mo. Sorry if I was too insensitive to feel that. Pakiramdam ko ang sama-sama ko kasi mas lalo lang kitang nilayo kay Rose simula nung nakilala mo ako. Na lalo lang kitang pinalulungkot. I am ruining your real love story."
Niyakap ko agad siya. "Patrice..." Hindi ko inasahan na ganito pa pala ang magiging pakiramdam niya.
Umiyak lang naman siya sa dibdib ko. "I'm really sorry, Arkhe."
"Bakit ka nagso-sorry, wala kang kasalanan."
Hindi na siya sumagot.
Pinaupo ko na muna siya sa paanan ng kama para pakalmahin. "Ako ang may kasalanan dito, Patrice. Tsaka hindi mo ako pinalulungkot. Masaya ako na ikaw ang kasama ko. Pasensya na kung hindi ko naipararamdam, pero masaya ako sa 'yo."
"Pero hindi katulad ng saya mo kung si Rose ang kasama mo, 'di ba?"
Ako naman ang hindi nakasagot.
Ngumiti siya nang mapait sabay hinaplos ang pisngi ko. "You don't have to answer. I'm not mad at you, Arkhe. And I'm not mad at Rose either. Nahihiya nga ako sa kanya. When you told me she had no intention of ruining our relationship, I knew that was true. Kasi napakabait niya sa 'kin. Ni hindi ko naramdaman na may nakaraan pala kayo. Nito ko lang napagtagpi-tagpi lahat. Kaya pala parang nalulungkot siya kapag nagki-kwento ako tungkol sa atin. Pero kahit isang beses, hindi siya nagsalita. Hindi niya tayo sinubukang sirain. She even helped me. Nung kinausap kita dati tungkol sa pag-uwi mo sa pamilya mo, that was her idea. Tinutulungan niya tayo, pero ako, ang sama ko kasi nasasaktan ko na pala siya unintentionally . . .
. . . I also couldn't imagine how devastated she was when she saw you proposing to me that day. Kaya pala bigla siyang umalis no'n. Kung pwede ko lang sana siyang makita ulit para personal na makahingi ng tawad, gagawin ko."
"Wala kang kasalanan. Hindi mo rin naman alam na siya ang dati kong girlfriend. Napakabait mong tao, wag mong ibunton sa sarili mo ang sisi."
"Gusto mo pa rin ba akong pakasalan?" Bigla niyang tanong na nagpatahimik sa 'kin.
Wala talaga akong nasabi. Parang alam ko na kasi kung saan 'to mapupunta.
Napangiti lang naman ulit siya nang mapait, tapos nilapat ang kamay niya sa dibdib ko. "Sino ba talagang totoong tinitibok nito?"
Hindi pa rin ako nakasagot. Umiwas lang ako ng tingin hanggang sa hindi ko na napigilan, napaiyak na naman ako.
"You really still love her," sabi niya.
Tumango na ako sabay ipit sa pagitan ng mga mata ko. "Mahal na mahal ko pa rin si Sab. Kahit yata ilang beses pa akong ma-aksidente, hindi magbabago ang nararamdaman ko para sa kanya. Pero alam kong hanggang doon na lang 'yon. Hindi na kami pwede."
"Why not?"
Dumilat ako para tingnan siya. "Kasi hindi kita pwedeng pabayaan."
"Hindi mo naman ako pababayaan e. I'll be fine, I can take care of myself. Besides, I have Jasmine. Sanay naman ako na kaming dalawa lang."
Napapikit ulit ako. "Nakikipag-hiwalay ka na ba sa 'kin?"
"This is the right thing to do."
Kinuha ko agad ang kamay niya at hinalikan. "Mahal kita, Patrice."
"I know. I will never question your love for me, Arkhe. Sabi nga nila 'di ba, 'you can love two people at the same time, but never at the same level.' Ramdam na ramdam ko ang pagmamahal mo sa kung paano mo kami alagaan ng anak ko. Handa kang magpaka-tatay sa kanya. I know how much you value me and Jasmine, and I'm happy for that . . .
. . . When you asked me for marriage, that was one of the happiest days of my life kasi pinaramdam mo sa 'kin na ako 'yong tipo ng babae na pinakakasalan. Hindi 'yon nagawang iparamdam sa 'kin ng tatay ni Jasmine kahit isang beses. I thank you for giving me that kind of feeling. Pero ayoko na lokohin mo pa ang sarili mo. Gusto kong maging masaya ka—yung totoong saya."
Hindi na ulit ako nakasagot. Nakatitig na lang ako sa kanya ngayon habang pinipigilan ang sarili ko na muling umiyak.
Pumikit naman siya. "I hate to do this, Arkhe. I love you so much and I don't want to lose you . . . but you have to go back to Rose."
Dahan-dahan akong napabitiw sa pagkakahawak sa kamay niya. "Patrice..."
"It's okay. Go back to her."
Umiling ako. "Hindi ko siya pwedeng balikan. Ayoko na uling makasakit ng tao, Patrice. Mas tatanggapin ko pa kung mag-isa na lang ako sa buhay. Masyado akong gago at hindi ako karapat-dapat sa kahit na sino sa inyong dalawa."
"Hey, don't say that. You too have been through a lot. Sinabi mo na sa 'kin, 'di ba? Na sobrang naghirap ka rin, to the point that you even chose to end your life. Kaya wag mo nang parusahan pa ang sarili mo."
Umiling ulit ako.
"Please, let's just end all of our sufferings. Mas mabuting itigil na agad natin 'to habang kaya pa natin. I want you to let go of me, Arkhe."
At pagkatapos no'n, bigla niya na lang hinubad ang singsing na binigay ko at inabot sa 'kin. "Balikan mo si Rose. Mas magiging masaya ako kapag ginawa mo 'yon."
Love this story? Support me on Patreon and help me keep writing beautiful novels: www.patreon.com/barbsgaliciawrites.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top