Chapter 3
ARKHE
"NGINITIAN KA LANG, bumigay ka na?"
Napangisi ako sa banat sa 'kin nitong si Theo habang nakatambay kami sa Third Base. Kinwento ko kasi sa kanya ang pagkikita namin ni Sab nung nakaraang linggo lang.
"Ano, mahal mo pa rin?" dagdag niya pa sabay hithit sa yosi.
Sumandal ako sa upuan at tumingala sa kisame nitong club. Kaming dalawa pa lang ang nandito kasi maaga pa. "Syempre. Kahit na halos mawala na ako sa sarili nung nakalimutan niya ako, gustong-gusto ko pa rin talaga siya. Hindi ko nga lang alam kung tama 'tong nararamdaman ko. Ilang araw ko nang pinag-iisipan."
"Ba't naman magiging mali?"
Huminga ako nang malalim. "Baka lang kasi mali na umaasa na naman ako. Baka dapat panindigan ko na lang ang una kong plano na lumayo na lang."
Natawa siya sa 'kin. "Ang labo mo, gago. Wag ka nang mag-dalawang isip. Bumalik na nga siya rito sa Pinas, kinakausap ka na niya kahit papaano. Senyales na 'yon. Do'n ka ulit mag-umpisa."
"Tss. Ang dali lang sabihin. Sa dami ng pinagdaanan ko, syempre natatakot na rin akong sumugal ulit. Baka wala akong mapala e. Baka hindi na niya talaga ako maalala."
"Hindi mo malalaman brad kung hindi mo susubukan. Tsaka pansin ko, nagkabuhay ka nung nagkita na ulit kayo. No'ng umuwi ka kasi rito galing sa Amerika tangina hindi ka namin makausap nang maayos, alalang-alala si Mama sa 'yo. Ngayon nagsasalita ka na ulit. Maganda rin naidulot ng pagkikita niyo."
Pasimple akong napangiti. Totoo nga 'yon. Nabuhayan talaga ako nung nakita ko si Sab tsaka dahil sa sinabi ni Amanda na nagsisikap na rin talaga ang kapatid niya na tuluyan nang gumaling. Parang nagkaroon ulit ako ng dahilan para lumaban. Saglit lang naman kaming nag-usap ni Sab no'n sa opisina nila kasi nawala na agad ang atensyon niya sa 'kin. Pero pagkauwi ko sa bahay, sobrang kuntento ako. Parang ang tagal ko siyang nakasama kahit hindi naman. Simula no'n, siya na ulit ang laman ng isip ko. Ang pinagkaiba lang, hindi na ako gano'n kalungkot.
Pakiramdam ko nga alam ko naman na talaga kung anong gusto kong mangyari. Dinadaga lang ako, pero alam ko kung anong gusto ko. Gusto ko uling makuha si Isabela. Naghahanap lang ako ng totoong susuporta sa 'kin at mas magpapalakas ng loob ko. Si Theo na siguro 'yon.
Tumayo na ako. Kumuha ako ng isang stick ng yosi galing sa kaha niya, tapos sinindihan. "May isa lang akong pino-problema kung sakali."
"Ano?"
"Sino. Si Morris."
"Ah, ang lalaking palaging kasama ni Isabela ngayon?"
Tumango ako sabay hithit sa yosi. "Hindi ko talaga gusto ang gagong 'yon. Pinakawalan na niya dati si Sab, pero ngayon dinidikitan niya na naman. Kaya hindi rin tuloy siya nilalayuan ni Isabela."
"Ano, abangan na ba natin 'yan sa labas?"
Napangisi ako. "Tangina baka tayo pa abangan no'n. Kayang-kaya no'n na magpapatay ng tao. Muntik nga akong ipapatay no'n dati 'di ba, kung hindi lang ako niligtas ni Sab."
"Natatakot ka na baka sa kanya mahulog si Sab? 'Di mas lalong hindi ka na dapat magdalawang isip. Kapag hindi ka pa kumilos 'tol, diyan sa Morris na 'yan babagsak si Isabela."
Umigting ang panga ko. 'Yon ang hinding-hindi mangyayari.
Tinapos ko 'tong pagyo-yosi ko tas naglabas ako ng cellphone. Tinext ko si Amanda. Makikipagkita ulit ako.
"Ikaw pa rin muna ang bahala dito sa Third Base," sabi ko kay Theo. "Bantayan mong maigi."
Natawa na naman siya sa 'kin. "Tangina lakas makautos, ah. Sino ba talagang mas matanda sa 'ting dalawa?"
Natawa rin ako. "Basta ikaw na munang bahala sa lahat."
"Bakit, hindi ka pa rin ba babalik sa pagta-trabaho?"
"Hindi pa. Aasikasuhin ko muna si Sab. Hindi ko pakakawalan 'yon."
"'Yon naman pala! Sab pa rin. Paano naman ako niyan? Wala ka na yata talagang balak pauwiin ako ng Batangas."
"Mas gusto mo rin naman dito, kunyari ka pa. Mas nakakapang-babae ka rito."
Ngumisi siya sabay pinitpit ang yosi niya sa ashtray. "Stick to one ako ngayon."
"Stick to one? Bakit, may bago ka bang girlfriend?"
Hindi siya sumagot.
Napangisi na lang din ako. "Si Koko ba?" Siya lang kasi ang alam kong nakakasama madalas nitong utol ko ngayon.
Tumango naman siya.
Natawa ako. "Tangina mo, hindi ka nagsasabi. Kelan pa? Parang nung kasal nila Baron, ang sabi mo pa sa 'kin lumalabas-labas lang kayo."
"Naging kami pagkatapos ng kasal. Bago-bago lang. Sabi ni Nikola wag ko raw munang sasabihin sa 'yo kasi nahihiya siya."
Hindi na ako sumagot. Naiintindihan ko naman kung bakit nahihiya si Koko. Pero wala talagang problema sa 'kin 'yon. Hindi naman naging kami. Kaya kung maging sila man ng kapatid ko, rerespetuhin ko 'yon at wala silang maririnig sa 'kin. Masaya ako para sa kanila.
Kinuha ko na ang susi ng sasakyan. "Dito ka lang? Alis na muna ako. Pupuntahan ko lang ulit si Amanda."
"Anong oras ka babalik?"
"Saglit lang ako. Bakit?"
"Kailangan ko ang kotse. Nangako ako kay Nikola na susunduin ko siya mamayang hapon sa coffee shop."
Napangisi na lang ako. Tinamaan talaga ang hayop. "Sige. Bibilisan ko pagbalik."
Lumabas na ako ng Third Base at dumiretso sa kotse ko na nakaparada sa tapat.
Naghihiraman lang kami ni Theo ng sasakyan ngayon. Pumayag ako kasi tinutulungan niya naman ako sa pamamahala sa Third Base. Buti na nga lang pareho kami ng trip. Kasi kung hindi, hindi ko na alam kung kanino ako hihingi ng tulong.
Dikit kami ni Theo. Dalawang taon lang kasi ang tanda niya sa 'kin kaya parang mag-tropa lang kami. Kaya nga rin hindi ko siya tinatawag na kuya. Hindi kami nasanay sa gano'n.
Parehas kaming nagdi-DJ, pero hindi na siya masyadong tumatanggap ng gig. Nag-iba na kasi mga trip niya sa buhay. Mas hilig niya ng umakyat ng bundok, mag-camping, at mag-surf kasama mga kaibigan niya. Kaya madalas kaming nasasabihan na hindi magkamukha kasi ang layo na talaga ng kulay at lapad ng katawan niya kesa sa 'kin. Ngayon na lang yata ulit kami nagiging magkahawig kasi parehas na naman kaming long hair. Mas mahaba nga lang ang kanya kaya lagi siyang naka-man bun.
Sobrang gala na tao ni Theo. Nito lang ulit siya pumirmis sa isang lugar dahil tinutulungan niya akong makabangon. At mukhang mas magtatagal din siya ngayon dito kasi may bago palang girlfriend ang hayop. Sa totoo lang, hindi ko inaasahan na magiging sila agad ni Koko. Pero masaya talaga ako para sa kanila.
Mayamaya lang nag-reply na si Amanda sa text ko. Nasa bahay lang pala siya kasi Sabado ngayon. Malamang nando'n din si Sab. Gusto ko rin siyang makita ulit.
Nagkabit na ako ng seatbelt at nagmaneho na paalis. Buti natatandaan ko pa kung paano pumunta sa bahay nila. Wala pang isang oras, nakarating na ako. Matagal-tagal na rin nung huli ko 'tong napuntahan. Ang tahimik pa rin talaga.
Pagkarating ko sa bahay nila, mga katulong pa muna ang sumalubong sa 'kin. Pinaupo ako sa sala tas hinatiran pa ako ng juice at isang hiwa ng cake. Kapag pumupunta talaga ako rito, para akong VIP. Ganitong-ganito rin dati kapag dinadalaw ko si Sab.
Ilang saglit lang, bumaba na rin ng hagdan si Amanda. Kasama niya ang anak niya, si Toby.
"Kuya Arkhe! You're here!" Tumakbo si Toby papunta sa 'kin.
Ginugulo-gulo ko ang buhok niya pagkalapit niya. "Dumalaw lang ako."
"Are we gonna play again?"
"Sige. Laro tayo mamaya."
Buti na lang kahit papaano nakaka-intindi ng Tagalog 'tong batang 'to, kasi kung hindi mauubusan talaga ako ng baong english. Madalas akong nakikipaglaro kay Toby nung nasa New York pa ako kahit na dumudugo talaga ilong ko pag nagsasalita siya.
"Toby," tawag naman na ni Amanda na palapit na sa 'min. "Play with yaya first. Kuya Arkhe and I will talk."
"Okay!" Tumakbo na si Toby papunta sa yaya niya.
Si Amanda naman, umupo malapit sa 'kin. "Sorry, ang hyper na naman ng anak ko."
"Ayos lang. Na-miss ko si Toby."
"So . . . what brings you here? Akala ko bumalik ka na sa Batangas."
"Pasensya na, biglaan 'tong pagpunta ko. Naistorbo ba kita?"
"No, it's okay. Good thing I'm here. Bakit ka napadaan?"
Pasimple akong tumingin sa hagdanan kung susunod din ba sa pagbaba ang kapatid niya. "Nandito ba si Sab?"
"Oh . . . " Napangiti siya nang matamis. ". . . I knew it. You came here to see her?"
"Hindi naman. Gusto lang din sana kitang makausap ulit."
"I see. Sana tinanong mo muna ako, baka nasayang ang pagpunta mo. Isabela is not here right now. She's in the office with Morris and my husband, Arthur."
"Sabado? Bakit siya nando'n?"
Bumuntong-hininga siya. "This sounds a little weird. Baka magtaka ka rin."
"Bakit?"
"Well, hindi ko pa alam kung epekto rin ito ng naging surgery niya, pero mukhang nagbago pati ang interests ng kapatid ko. Just recently, she told us she wanted to learn how to run and manage our insurance firm. We were all surprised because she was never interested in any of our businesses, but I think this is another good sign that she's getting better. Kaya hinayaan na muna namin siya."
Umiwas ako ng tingin. Oo nga, ang alam ko ayaw na ayaw niyang nanghihimasok sa mga negosyo ng pamilya nila. Pati pala 'yon nagbago. "Tinuturuan niyo na agad siya kaya siya nasa opisina ngayon? Kaya niya na ba?"
"Not yet. Gusto niya lang kasing bumalik do'n. Sinamahan na lang siya nila Morris para maging pamilyar na rin siya. Hindi niya pa kaya sa ngayon. She still needs to continue her therapy and study until she regains her thinking ability."
"Nagpipinta na ba ulit siya?"
Ngumiti siya nang mapait. "Hindi pa. I already took her to her art room upstairs when we got back here, but it seemed like she's no longer interested in painting. Tiningnan lang niya, tapos lumabas na rin siya agad."
Bumuntong-hininga ako sabay napapahid sa nakatali kong buhok. Mukhang mahihirapan yata ako nito, ah. Ang dami pala talagang nagbabago kay Sab, parang ibang tao na 'tong babalikan ko. Pero ayokong umatras. Itutuloy ko 'to. Tutal nasaktan na rin naman ako nang matindi. Hindi na siguro ako masasaktan ulit nang mas malala pa ro'n.
"By the way," salita na ulit ni Amanda, "bakit mo pala ako gustong makausap ulit?"
Huminga ako nang malalim, tapos napangiti na. "Tungkol kay Sab. Pero bago ang lahat gusto ko munang malaman kung ano talagang meron sa kanila ni Morris."
Natawa siya nang tipid. "I already told you, there's nothing going on between them."
"Ang hirap paniwalaan kasi alam ko, at alam mo rin kung anong nangyari dati. Hindi ako kumportable na palagi silang magkasama."
"I know. Parehas lang naman tayong hindi kumportable. I already talked to Morris about that. Sabi ko sa kanya wag niyang sanayin si Isabela na nandyan siya kasi alam nating lahat kung gaano katindi ang galit sa kanya ng kapatid ko. Pero wala naman daw siyang ibang intensyon. Gusto niya lang daw tulungan si Isabela na gumaling kasi nagi-guilty siya. Pakiramdam niya kasalanan niya kung bakit nagkasakit si Isabela at humantong sa ganito ang lahat."
Hindi na ako nagsalita ulit. Umiwas lang ako ng tingin. Naiintindihan ko naman ang dahilan niya, pero hindi pa rin talaga ako kumportable. Tangina kasi, bakit sumama-sama pa rito 'yon. Wala sana akong ibang iniisip.
"Arkhe?" Pagkuha ulit ni Amanda sa atensyon ko. "Don't worry about Morris. For sure natauhan na 'yon. Hindi na ulit siya gagawa ng ikagagalit nating lahat. Now, will you tell me why you wanted to talk to me about my sister?"
Huminga ulit ako nang malalim sabay nagbalik ng tingin sa kanya. "Sige, hindi na ako magpapaligoy-ligoy. Alam kong magulo pa sa ngayon at mahihirapan ako, pero gusto ko pa rin na maalala ako ni Isabela. Akin pa rin naman siya. Gusto ko uling maging kami."
Hindi siya nakasagot. Napatulala lang siya sa 'kin.
Yumuko ako. "Sorry. Alam kong hindi ito ang prayoridad mo ngayon para sa kapatid mo. Mas kailangan niyang tumutok sa pagpapagaling niya, pero ayoko 'tong palagpasin. Ayoko na uling magsayang ng oras. Ilang buwan na ang pinalipas ko na nagmukmok lang ako at walang ginawa."
"No, i-it's okay. I'm actually waiting for you to say all these."
Tiningnan ko ulit siya. Nakangiti na siya sa 'kin.
"Thank you, Arkhe, for still not giving up on my sister," sabi niya pa. "Akala ko hindi na darating ang araw na 'to na hihiling kang maging kayo ulit ng kapatid ko. Akala ko nung umalis ka sa New York, tapos na rin ang lahat. I'm happy and I really appreciate this."
Tipid akong ngumiti. "Ilang araw ko rin 'tong pinag-isipan. Lumakas ang loob ko nung huling beses kaming nagkita ni Sab." Bumuntong-hininga ulit ako bago nagpatuloy sa pagsasalita. "Gusto ko siyang ligawan ulit kung 'yon ang tanging paraan para maalala niya na ako at bumalik na kami sa dati. Uumpisahan ko ulit lahat. Pero kailangan ko sana ang tulong mo."
"Of course. What do you want me to do?"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top