Chapter 2
ARKHE
SABI KO SA sarili ko, hindi na ako magpapakita kila Amanda para hindi na ako masaktan.
Pero nung tinawagan niya ulit ako nung nakaraang linggo para ipaalam na nandito na sila sa Pinas, ang bilis kong bumyahe papuntang Maynila. Pagdating talaga kay Sab, rumurupok ako.
Wala naman akong inaasahan. Sa totoo lang, hinanda ko na nga rin ang sarili ko kung sakaling ipagtabuyan niya ulit ako katulad ng ginawa niya sa 'kin sa Amerika. Gusto ko lang talaga siyang makita, kung kumusta na siya. Ang tagal na rin kasi mula nung umalis ako sa New York. Wala na akong balita sa mga nangyari.
Pinapunta ako ni Amanda sa isa sa mga opisina nila para mag-usap. Para nga akong i-interview-hin dito. Nasa loob ako ng parang meeting room, tapos may mahabang mesa at maraming upuan.
Ilang saglit lang, dumating na rin si Amanda. Napatuwid agad ako ng upo.
Ang tamis ng ngiti niya habang palapit sa 'kin. "Hi! I'm sorry ang tagal namin."
"Okay lang. Medyo kararating ko pa lang din naman." Tumayo ako para makipag-kamay kasi nasanay ako na ganito kami kapag nagkakaharap. Pero nalipat agad ang tingin ko sa kasunod niyang pumasok.
Si Isabela. Kasama nito si Morris.
Napabagsak ako ng mga balikat at napatulala lang kay Sab. Tumingin din siya saglit sa 'kin. Namukhaan niya siguro ako. Ang ganda-ganda niya pa rin. Bigla tuloy akong nabuhayan kahit na dapat malungkot pa rin ako ngayon. Iba pa rin talaga ang epekto niya sa 'kin.
Umupo sila ni Morris sa kabilang dulo ng mesa. Malayo sa 'kin, pero ayos lang. Makita ko lang ulit ang mala-anghel na mukha niya, ayos na sa 'kin. Ang korni pakinggan pero kulang na lang talaga, tumalon ang puso ko sa saya kasi nakita ko na siya ulit.
Hindi ko na nga maalis ang tingin ko sa kanya. Medyo nangangayayat pa rin siya, hindi pa yata siya nakakabawi. Maiksi pa rin ang buhok niya ngayon. Parang magkapantay na nga yata kami ng buhok kasi hindi pa rin ako nagpapagupit. Nakatali lang ang buhok ko.
"How are you, Arkhe?" tanong ni Amanda kaya napabalik na ulit ako ng atensyon sa kanya. Nakaupo na siya sa tapat ko.
Umupo na rin ulit ako bago sumagot. "Ito, buhay pa naman. Ikaw, kamusta ka?"
"Super stressed out. Sorry pala, dito pa kita sa office pinapunta. I really wanted to invite you out for lunch, but I got too busy. Hindi ako makalabas. Do you want anything? Coffee? Magpapatimpla ako para sa 'yo."
"Hindi na, saglit lang din naman ako. Gusto lang din kitang makita, at tsaka siya." Tiningnan ko ulit si Sab. Tutok siya sa pagsusulat sa dala niyang notebook. Si Morris, nakatayo na sa kanto kasi may kausap na sa cellphone.
Tumingin din si Amanda sa kapatid niya. "Did you miss her?"
Ngumisi ako. "Tinatanong pa ba 'yan?"
"My sister has changed a lot, but I think she's getting better little by little. She's calmer now than before."
"Halata nga. Medyo maaliwalas na ulit ang mukha niya ngayon. Pero hindi niya pa rin naman ako naaalala."
"We're still hoping and praying she gets all her memories back. At nakiki-cooperate na rin naman siya, hindi katulad dati na hindi talaga siya nag-eeffort."
"Anong sabi ng doktor?"
"Ayun, tuloy lang sa therapy at sa pag-guide sa kanya. What she needs is a strong support system. May nagbago kasi talaga sa personality at behavior niya. Ang tagal ng recovery niya honestly, pero nakakakita kami ng improvements kahit papaano kaya hindi kami bumibitiw. Lagi na siyang may dalang notebook kasi sinusulat niya ang mga natututunan at naaalala niya para hindi na niya ulit makalimutan. We could see that she's really trying."
Napangiti ako. "Kaya pala kanina pa siya tutok sa notebook."
"Yes. Pinagpapahinga ko lang muna siya saglit kasi kababalik lang namin, pero sa mga susunod na linggo, magsisimula na ulit siya ng therapy niya. We've got her a specialist here."
Binalik ko na ang tingin ko kay Amanda. "Bakit nga pala dito na ulit kayo titira?"
"Nagkaroon ng malaking problema sa isa sa mga negosyo namin. This one," tiningnan niya ang kabuuan ng kwarto, "this company is an insurance firm. It's close to bankruptcy. Hindi ko pwedeng balewalain kasi ito ang pinaka-unang negosyo na napalago ng parents namin. Mahalaga ito. Kaya wala kaming choice kung 'di mag-base na ulit dito sa Pilipinas para mas mabantayan namin. My husband and son are also here."
"E siya?" Pasimple kong tinuro si Morris. "Bakit kasama niyo siya?"
"We need his help. Sa dami ng negosyo namin sa Pilipinas, hindi na talaga namin kayang mag-asawa na i-handle lahat. And also, I don't want to say this, pero ayaw ni Isabela na hindi kasama si Morris."
Umiwas ako ng tingin. "Ano na namang meron sa kanila?"
"Nothing. I can assure you that."
Tumahimik na muna ako. Inaamin kong hindi ko gusto na nandito rin si Morris, kasi ako nga dapat ang kasama ni Sab ngayon at hindi ang demonyo na naging dahilan kung bakit kami nagkahiwalay dati. Nakakasama ko si Morris nang kaswal sa New York nung ginagamot pa si Sab, pero hindi talaga kami nagka-ayos. Wala akong balak.
"Ikaw pala, how's your club?" tanong ni Amanda. "Nagpapunta ako ng tao roon para sana i-meet ka kasi hindi mo sinasagot ang mga tawag ko noong time na nandito na kami. Pero wala ka raw."
"Nasa Batangas ako kasama ang pamilya ko. 'Yung kapatid ko lang ang namamahala sa Third Base. Hindi ko pa kasi kayang bumalik sa trabaho."
"I see. Buti bumyahe ka papunta rito. Akala ko nga hindi ka tutuloy sa pakikipagkita sa 'kin, e. It was so hard to reach you."
"Sorry. Umiiwas ako sa inyo sa totoo lang."
Ngumiti na naman siya nang mapait. "I know, I expected that. Don't worry, hindi ko sasayangin ang effort mo sa pagpunta rito." Bumuntong-hininga siya, tapos tumingin ulit sa kapatid niya. "Do you want to try to talk to her?"
"Kay Sab?"
"Mm-hmm. Do you want to try? Habang kalmado siya at hindi pa ulit naninigaw."
Tumingin muna ulit ako kay Sab, tapos tumango ako. "Sige."
"Okay, we will leave you two here." Tumayo siya at tinawag si Morris. "Morris, our 2 P.M meeting with the investors is about to start. Let's go?"
Hindi na sumagot si Morris. Nagpaalam lang ito kay Sab, tapos tumayo na rin at sumabay kay Amanda sa paglabas. Lumingon pa nga ito sa 'kin, pero hindi ko kinibo.
Pagkasara ng pintuan, tiningnan ko agad si Isabela.
Sa totoo lang, hindi ko alam kung anong sasabihin ko kasi hindi ko naman inaasahan na magkakaroon ako ng pagkakataon na makausap siya. Sabi ko nga kanina, makita ko lang siya, ayos na sa 'kin.
Nilakasan ko ang loob ko, tapos tumayo para lumipat ng upo sa silya malapit sa kanya. Hindi naman siya umiwas. Hindi niya rin ako pinagtabuyan katulad dati, pero hindi siya tumitingin sa 'kin.
"Hi," sabi ko lang. Ang lakas ng kabog ng dibdib ko, ngayon na lang ulit ako kinabahan nang ganito katindi.
Tsaka niya lang naman ako tiningnan. Ngumiti pa siya. Halatang pilit pero natuwa pa rin ako na ngumiti siya sa 'kin. Sobrang na-miss ko 'yon.
"Hi," sabi niya rin. "Nakita na kita dati, sa New York. What's your name again?"
Lumapad ang ngiti ko at napabagsak ng mga balikat. Tama nga si Amanda, kalmado na siyang makipag-usap ngayon. "Arkhe Alvarez."
"Ah, yes, Arkhe." Binuklat niya ulit ang notebook niya at sinulat niya roon ang pangalan ko. Tapos tumingin ulit siya sa 'kin. Tinuro niya naman ang sarili niya. "Isabela Rose Santiaguel."
Ewan ko pero gumaan ang pakiramdam ko. Nagpakilala lang naman siya pero para akong natanggalan ng tinik sa dibdib. Nawala ang bigat na ilang buwan ko nang pinapasan. Pakiramdam ko, bumalik kami sa araw na unang beses ko siyang nakitang mag-isa sa club. Parang bagong magkakilala na naman kami.
Ngumiti ulit ako, tapos nakipag-kamay sa kanya para gawing pormal ang lahat.
Akala ko suko na ako, pero ito na naman ako. Bigla akong nagkaroon ng pag-asa para sa aming dalawa.
• • •
Love this story? Support me on Patreon and help me keep writing beautiful novels: www.patreon.com/c/barbsgaliciawrites
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top