Chapter 21

"Cut! Pakiayos naman. Nakakailang take na tayo, eh. Uulitin ba natin 'to hanggang bukas? Uubusin ba natin ang oras natin sa isang scene na hindi n'yo makuha? Kanina pa tayo, eh," singhal ni Kanoa na ikinagulat ni Jairold.

Tumalikod si Kanoa at uminom ng tubig mula sa bote ng tubig na ibinigay sa kaniya. Naupo siya sa director's chair at muling pinanood ang scene na ilang beses na nilang nakuhanan, pero hindi niya magustuhan.

Kinuha ulit siyang director ng isang sikat na singer para sa isang music video, pero hindi niya gusto kung paano umarte ang mga talent na napili ng producer.

"Kanoa, yosi break muna? Tensyonado na rin kasi lahat. Mag-break na muna tayong lahat?" pag-aya ni Jairold.

Hindi na nagsalita si Kanoa. Pinakiusapan ni Jairold si Gia na kausapin muna ang lahat na mag-break muna at magpahinga. Sumunod lang si Kanoa sa kaibigan niya palabas ng studio at dumiretso sa rooftop building ng location nila.

Nagsindi ng yosi si Kanoa at ipinatong ang dalawang siko sa railing habang nakatingin sa kawalan. Palubog na ang araw, pagod na siya, at mainit na rin ang ulo niya.

"Huminga ka muna. Pagod na rin naman lahat, Noa. Mabuting nag-break muna tayong lahat, baka kailangan na rin," sabi ni Jairold. "May problema ka ba? Nagkausap na ba kayo ulit ni Ara?"

Humithit si Kanoa bago umiling. "Hindi pa. Ayos na rin siguro 'yon. Tagal na rin naming hindi nagkakausap at nagkikita. Busy raw sa mga shoot sabi ni Sam."

"Nakakasama mo naman si Andra, 'di ba?" tanong ni Jairold.

Isang tango lang ang naging sagot ni Kanoa. Diretso siyang nakatingin sa kawalan.

"Kinausap pala ako kanina ni Boss Ryan kung ayos ka lang daw ba. Isang linggo na kasi tayong nagsho-shooting, pero palagi kang may tama, Kanoa. Lagi kang may hangover o legit na kakainom mo lang ng alak," paalala ni Jairold. "Pre, apektado na kasi 'yung trabaho. Mainit masiyado 'yung ulo mo."

Sumandal si Kanoa sa railing at muling nagsindi ng bagong yosi. Naningkit ang mga mata niya. Sinuklay niya ng sariling daliri ang buhok niyang nakaharang na sa mga mata niya dahil hindi niya maharap ang magpagupit.

"Two weeks lang 'tong project natin, Noa. Malaking project 'tong nakuha natin, eh. Isang linggo na lang 'yung hinihiling ko sa 'yo. Maging maayos ka naman. Papangit kasi 'yung image natin, eh. Kilala ka ng lahat . . . pero sana hindi humantong sa makilala kang ganito," umiling si Jairold. "Naiintindihan kong may pinagdadaanan ka ngayon. Kung ganoon, sana hindi na natin 'to tinanggap. Ilang beses kitang tinanong, eh."

Nanatiling tahimik si Kanoa. Pinitik niya ang yosing hawak niya at kaagad na nilipad nang malakas na hanging ang abong nasa dulo ng namumulang sigarilyo.

"Natatakot na 'yung mga talent. Takot silang magkamali kasi naninigaw ka na. Hindi sila makaarte nang maayos kasi ang taas daw ng expectation mo."

"Dapat lang na mataas ang expectation ko. Artista sila, pero hindi sila makaarte nang maayos? Kailangan ba talaga i-guide pa sila? Sana pala ako na lang naghanap ng aarte rito kaysa ganiyan." Bumuga nang makapal na usok si Kanoa. "Ayusin nila trabaho nila."

Umiling si Jairold. "Ayusin mo rin ang trabaho mo."

Nagsalubong ang kilay ni Kanoa sa sinabi ni Jairold. Hindi natatakot si Jairold na magalit sa kaniya si Kanoa. Sasabihin niya ang gusto niya dahil sumusobra na rin ito. Matagal na siyang nagtitimpi at nagtitiis dahil gusto niyang intindihin pa ang kaibigan niya, pero hindi na maganda ang nangyayari.

Gusto man niyang hayaan ito sa kung ano man ang gustong gawin, maraming apektado. Sa trabaho nila, hindi puwedeng palaging emosyon ang paiiralin dahil masisira sila. The industry they were in was not a very pleasant place to be unprofessional. They would be jobless in an instant.

"Isang linggo lang, Noa. Tapusin na natin 'to nang mas maaga para makapagpahinga ka na ulit sa kadiliman. 'Wag mong idamay 'tong mga taong nagtatrabaho. Sa susunod, hindi muna tayo kukuha ng kliyente kahit na ganito," dagdag ni Jairold bago siya nito iniwan sa rooftop mag-isa.

Isa pang stick ng yosi, naupo si Kanoa sa sahig ng rooftop habang nakasandal sa railing. Mahigit isang buwan na simula nang huling usap nila ni Ara sa condo niya. Pagkatapos niyon, madalas na itong wala. Nagpupunta sa ibang lugar para sa shoot. Minsan, kasama nito si Antoinette.

Hindi na sila nagkaroon pa ng pagkakataong makapag-usap ulit. Kakamustahin niya si Antoinette, sasagot naman ito. Bihirang na ring makita ni Kanoa ang anak nila dahil madalas din naman itong wala at nitong mga nakaraan, may trabaho rin siya.

Tumanggap siya ng mga trabaho para i-distract ang sarili niya. Kailangan niya iyon.

"Musta si Noa?" tanong ni Gia kay Jairold. "Kinausap ko na 'yung mga artista. Sana talaga huling take na 'to."

"Ayos lang," sagot ni Jairold. "Kung kaya nating matapos na 'to nang mas maaga, gawin na natin. I-brief na lang natin nang maayos ang lahat para kahit paano, makahinga na tayong lahat. Baka hindi na rin muna tayo tatanggap ng ganito sa mga susunod pa."

Nagsalubong ang kilay ni Gia. "Bakit? May problema ba?"

Tumango si Jairold. "Bumalik na naman sa pagiging alcoholic si Noa. Naalala mo noong nagkahiwalay sila ni Ara? Halos anim na buwan naming prinoblema ni Tita Karina? Ito na naman tayo, eh."

Malalim na huminga si Gia at hinaplos ang pisngi ni Jairold. Nakita niya ang lungkot sa mga mata ng asawa niya dahil ito na naman sila. Walang nakaaalam dahil mas pinili nilang itago ang lahat na naging problema nila si Kanoa nang mahiwalay ito kay Ara.

Ang buong akala nila noon, nagbago na ito. Oo, malaki ang pagbabago nang makilala si Ara. Halos pagtawanan nilang lahat dahil para itong naging ibang tao. Ang dating laman ng mga bar, tumatanggi. Ang dating palaging iba-iba ang babae, isang babae na lang ang inuuwian.

No one knew about Kanoa's personal struggles, just Gia and Jairold.

Until Kanoa slowly regained himself again. He stopped smoking, and alcohol abstinence, and focused on work. Ginawan ng paraan ni Jairold na maging busy si Kanoa noon para kahit paano, makalimutan nito ang problema.

It worked . . . but it was happening again.

Dumating si Kanoa at muling sumeryoso ang lahat. Nakakunot ang noo nitong naupo sa harapan ng screen at sinabing mag-ready na para matapos na. Nagbigay ng instruction si Kanoa kung ano ang gusto niyang eksena, kung ano ang framing, at blocking. Panay naman ang tango ng lahat habang nasa gilid sina Gia at Jairold na nag-o-observe lang.

Nagpatuloy ang trabaho at naging maayos ang shoot. Dalawang takes inabot, pero sapat na iyon para mabuo ang gusto ni Kanoa.



Buong isang linggo, ganoon ang naging eksena nila, pero kahit paano ay kalmado na si Kanoa. May hangover pa rin ito tuwing dadating sa set, pero maayos ang trabaho. Nakausap na rin ni Jairold ang producer at mismong mga artista para humingi ng pasensya sa nangyari.

Naging maayos naman ang lahat dahil magaling naman talaga si Kanoa, pero hindi gusto ni Jairold na ganoon ang maging excuse. His work ethics should be fix.

Nakadapa si Kanoa sa kama nang pumasok si Jairold. Ibinaba niya ang mga camera at gamit sa gilid ng working table ni Kanoa. Puno iyon ng kalat. Bote ng beer, pinagkainan, at mga papeles. Nilingon niya ang kaibigan niyang mukhang matutulog na.

"Gusto mo bang ako na mag-edit ng clips 'tapos i-edit mo na lang kung gusto mo?" tanong ni Jairold. "Baka abutin na naman 'to ng ilang linggo o buwan, eh. May deadline tayo rito."

"Hmm."

"Kanoa, umayos ka naman," Jairold sounded frustrated. "Kung ayaw mo sa situwasyon n'yo ni Ara, na ganito kayo . . . kung gusto mong maging maayos kayo, kung gusto mong balikan ka, putangina, ayusin mo sarili mo."

Walang sagot mula kay Kanoa.

"Tingin mo babalikan ka na ganito ang sitwasyon mo?"

"Hindi ko naman gustong balikan ako," mababa ang boses ni Kanoa. "Ayos na 'yon. Malayo siya. Mas oks na 'yan. 'Di ka pa ba aalis? Gusto kong matulog. Kung gusto mo trabahuhin, bahala ka. Matutulog muna ako."

Nanatiling nakasandal si Jairold sa office table ni Kanoa at nakatingin sa kaibigan nang bumangon ito. Binuksan ang drawer sa bedside table at inilabas ang isang bote ng alak na walang sabing tinungga bago sumandal sa headboard ng kama. Nakapikit ito, nakatingala, at paminsan-minsang tutungga ulit.

"Alis na 'ko. Kunin ko muna 'yung ibang files, ako na maglilinis 'tapos ikaw na ang bahalang mag-edit sa susunod. Hindi ako kasing galing mo sa editing, Kanoa. Please lang, tama na 'to," ani Jairold. "Tatanggihan ko na muna 'yung mga request at offer. Hangga't hindi ka umaalis, hindi tayo tatanggap ng kliyente."

Hindi na nakasagot si Kanoa nang isara ni Jairold ang pinto. Muli siyang tumungga ng alak mula sa boteng hawak niya at diretsong tumitig sa itim na pader na nasa harapan niya.

Maayos naman ang pakikitungo sa kaniya ni Ara. Nagre-reply ito sa messages, sumasagot sa mga tawag niya, pero hindi sila nagkikita. Hindi nagtatagpo ang oras nilang dalawa at halos walang pagkakataong magkita sila sa personal.

Nagising si Kanoa nang makaramdam ng gutom. Umaga na pala mukhang napahaba na naman ang tulog niya. Nadatnan niya ang mama niyang nagluluto ng almusal. Ngumiti ito at iniabot sa kanya ang brewed coffee.

"May trabaho ka pa ba?"

Umiling si Kanoa at naupo sa dining chair. Huminga siya nang malalim nang maramdaman ang sakit ng ulo niya. "Wala na, Ma. Last shooting day namin kahapon. Sabi ni Jai, hindi muna kami tatanggap. Ayos 'yon."

"Kelan ba ulit dadalin si Andra dito?" tanong ng mama niya. "Nami-miss ko na!"

"Puwede ka namang sumama sa 'kin mamaya sa condo nila, Ma," sagot ni Kanoa. "Ganoon muna kasi setup namin ngayon."

Hindi sinasabi ni Karina kay Kanoa na minsan din niyang nakakausap si Ara. Ilang beses na niya itong inaayang kumain sa labas o mag-bonding man lang, pero palaging busy at madalas na nasa ibang lugar para sa trabaho. Natuloy naman sila minsan at kasama si Antoinette, pero walang alam si Kanoa.

"Ano'ng oras ka pupunta?"

"Hindi ko pa alam, Ma," sumandal si Kanoa at sumimsim ng kape. "Bahala na rin."

Nasapo ni Kanoa ang ulo nang maramdaman ang pagguhit ng sakit dahil sa hangover. Nahirapan siyang kumain ng almusal kahit na gusto naman niya ang sopas. Mas gusto niyang mahiga at matulog. Ganoon naman ang gawin niya nitong mga nakaraan.

"Kelan ka ulit titigil sa alak, Noa?" basag ng mama niya sa katahimikan. "Nag-aalala na kasi kami ni Jai sa 'yo. Ito na naman ba tayo?"

Tumayo siya kahit na hindi pa siya tapos kumain. Ayaw niyang makipagtalo sa mga ito dahil paulit-ulit lang naman ang mga sinasabi. Pumasok siya sa kwarto at nag-lock. Mahihiga sana siya nang makitang umilaw ang phone niya. Message iyon galing kay Jairold para sabihing mayroon silang offer mula sa isang kumpanya para naman sa commercial.

Tinawagan niya ang kaibigan na kaagad namang sumagot.

"Kung gusto n'yong tanggapin ni Gia, kayo na lang muna," suminghot si Kanoa. "Ayoko munang maging problema sa inyo. Kaya n'yo na 'yan."

"Hindi ko puwedeng tanggapin kasi ikaw ang gusto nila," paglilinaw ni Jairold. "Sabihin ko munang break mo at hindi ka muna tatanggap. Nakita mo na ba 'yung mga footage na na-send ko sa 'yo?"

Naupo si Kanoa sa swivel chair at inihiga ang ulo sa headrest. "Oo," pagsisinungaling niya. "Maglalagay na lang ako ng comments para makita mo rin. Sisimulan ko na siya bukas. Puntahan ko lang si Antoinette mamaya."

"Sige lang. Next week pa naman ang timeline natin sa editing. Ilagay mo na lang yung notes mo para ma-review ko para kung sakaling may kulang, ako na mag-aayos," dagdag ni Jairold. "Ingat ka sa pag-alis mo mamaya."

Pabagsak na sumandal si Kanoa sa office chair at binuksan ang monitor ng computer para magsimulang magtrabaho. Halos walang pumapasok sa utak niya. Gusto niyang uminom ng beer, pero hindi puwede dahil magmamaneho siya mamaya papunta sa anak niya.

Halos wala siyang maisip habang pinanonood ang mga footage nila. Kung dati, isang nood lang niya sa videos na ibinigay sa kaniya o na-shoot nila ay nakakaisip na siya ng scene o transitiion . . . ngayon, wala. Blangko talaga.

Huminga nang malalim si Kanoa at bumalik sa higaan. Nakadapa siyang nakatitig sa nakasarang glass wall ng kwarto niya. Madilim dahil sa blinds, pero sumisilip ang kaunting liwanag. Nakita niya ang maliit na bagay na kumikinang sa sahig at napagtantong sapatos iyon ng anak niya.

Kanoa shut his eyes and tried to sleep. Maaga pa naman. Hindi rin naman niya magawang magtagal sa condo nila Ara dahil naiilang siya. Hindi rin kasi siya makakilos nang maayos lalo na at wala naman si Ara na kumakausap sa kaniya.

Hapon na nang maisipang umalis ni Kanoa. Nakatulog ulit siya sandali. Dumaan na rin muna siya ng grocery para sa anak niya at nakarating sa condo nina Ara halos alas sais na rin ng gabi.

Bumukas ang pinto at sinalubong siya ni Sam. "Dumiretso na 'ko. Hindi kasi nasagot si Ara. Natutulog?"

"Ha? Hindi. Hindi siya ngsabi sa 'yo?"

Umiling si Kanoa.

"Nasa Bohol siya since kahapon," sabi ni Sam at tinuro si Antoinette na nanonood sa living area. "Hanggang sa isang araw yata siya roon, hindi ako sigurado, eh. Kaya nitong mga nakaraan talaga, mas madalas na ako 'yung nag-aalaga kapag gabi."

Stay out kasi ang sitter na na-hire ni Ara.

Hindi na siya sumagot at lumapit na lang kay Antoinette ngunit ikinagulat niya nang bigla itong tumayo at tumakbo papunta kay Sam. Nilagpasan siya ng anak niya na para bang hindi siya nakita dahilan para sumikip ang dibdib niya.

Kanoa just stood there dumbfounded. Almost two weeks niya rin kasing hindi nabisita ang anak dahil sa trabaho kaya malamang na hindi siya nito maalala lalo na at medyo makapal ang facial hair niya.

"Kanoa?" Kinuha ni Sam ang atensyon niya. "Okay lang bang ikaw na muna kay Antoinette? Babalik kaagad ako. Bababa lang ako sa lobby kasi dumating 'yung kaibigan kong may ibibigay. Kung ayos lang.

Napatitig si Kanoa kay Sam at hindi kaagad nakasagot. Buhat nito si Antoinette na nakahiga pa ang ulo sa balikat.

"Oo naman. Hindi rin naman ako aalis kaagad," ani Kanoa na lumapit sa dalawa. Inilahad niya ang kamay para kunin si Antoinette ngunit umiling ito. "Let's play and watch?" aniya sa mataas na boses.

"No," Antoinette responded shaking her head.

Kanoa forced a smile and tried again. Kung ano-ano na ang sinabi niya hanggang sa sumama ito sa kaniya. Nang sabihin niya manonood sila ng Zoo sa Africa, kaagad itong sumama. Nagsabi pa ng iba't-ibang animals. Nabanggit pa nito na long daw ang trunk ng elephant so they could drink water.

Nagulat siya dahil medyo matatas nang magsalita ang anak niya. Nagulat siyang kung ano-ano na ang alam nito tungkol sa mga wild animals at excited pang tinuro sa kaniya ang channel kung saan manonood.

Hindi niya inasahang ganoon na karami ang nasasabi ng anak niya. Sumasagot naman na ito noon pa sa mga sinasabi nila, pero ngayon, ito na mismo ang nagkukuwento sa kaniya.

Antoinette was enumerating every animal she could see and Kanoa didn't know what to feel. The way his daughter would show him the mommy animal and baby animal together and would giggle.

"I love you," mahinang sabi ni Kanoa habang nakatingin sa anak niya.

"Wuv you," Antoinette said without looking at him and focused on the television. "Dash a webra. Baby webra, Dada. Webra."

Kanoa bit his lower lip and chuckled. "Yup, Zebra. What's that?" he asked.

"Dash a wion and yina," Antoinette murmured. "Baby wion bad yina."

Ngumiti si Kanoa ngunit nagulat siya nang biglang magrambulan ang mga lion at hyena. Tama nga ang anak niya. Nag-aaway nga ang mga ito at seryosong nakakandong sa kaniya si Antoinette. Panay ang kuwento nito kahit na minsan hindi niya naiintindihan.

Bumaba ang tingin ni Kanoa sa kamay ng anak niya at nakita ang bracelet. Naalala niyang nagpaplano siyang bumili ng bagong charm para sa anak niya. Naisip niyang camera para konektado pa rin sa kanila ni Ara.

He loved videography while Ara loved photography.

"Where's mom?" bulong ni Kanoa para lang magtuloy ang pag-uusap nila ng anak nila.

"Where's mommy?" Tumingin sa kaniya si Antoinette at hinawi nito ang bangs na nakatakip sa may mata. "Where mommy go?"

Kanoa brushed his daughter's hair using his fingertips and tried so hard to fix her hair. "She's working. You miss Mommy?"

"Mommy. . ." Antoinette said and faced the television again. "Mommy loves Andwa, Theia."

"Daddy loves Andra, too!" He kissed his daughter's cheek. "And Theia," he whispered.

Antoinette faced him, squished his cheeks, and kissed the tip of his nose. Ganoon na ganoon ang paboritong gawin ni Ara sa kaniya, kahit na noong bago pa lang sila. Panggigigilan pa nito ang magkabilang pisngi niya bago siya hahalikan sa noo pababa sa tungki ng ilong, sa pisngi, pati sa labi.

And now, it was his daughter doing the same gesture.

Nakasalampak si Kanoa sa carpeted floor habang nakasandal sa sofa at hinahayaang nakakandong sa kaniya ang anak niya. Minsan itong tatayo kapag naiinip at babalik para may ipakitang laruan sa kaniya.

"Theia."

Nagulat si Kanoa nang banggitin iyon ni Antoinette habang hawak ang dalawang manika. Pinakita nito sa kaniya iyon.

"This Andwa." Pinakita ang manikang mayroong pulang ribbon. Itinaas naman ang isa pa na mayroong orange na ribbon sa buhok. "This Theia."


T H E X W H Y S

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #thexwhys