CHAPTER 6

CHAPTER 6




"Ano ang pangalan mo?" tanong ni Claud sa babaeng kaharap nila ngayon ni Macky.

"Astrid nga sabi, pre."

"Hindi ikaw ang tinatanong ko," pabalang nitong bara sa kaibigan kaya nanahimik na lamang ito sa sulok.

"A-Astrid ang...ngalan ko," nauutal na sagot ng dalaga at napaiwas ng tingin.

"Matagal ka nang nakatira rito? May kamag-anak ka ba?" sunod-sunod na tanong ng binata dahilan para mablanko ang mukha ni Astrid.

"Claud, baka binibigla mo lang iyong tao. Hayaan mong ikwento niya. Halatang chismoso ka, e noh?" sabat ng nananahimik na si Macky at naglakad-lakad sa loob ng silid. Bawat sulok nito ay sinisipat niya na tila ngayon lamang nakakita ng ganitong uri ng tree house.

"Saan ka ba nakatira?"

"Sila ang pamilya ko," makahulugang sambit ni Astrid at nilingon ang mga hayop na nakasilip sa mismong bintana ng tree house. Nag-ingay naman ang mga ibon sa himpapawid. Nagkatinginan ang magkaibigan.

"Anong sinasabi mong sila ang pamilya mo? I mean, tao ka! Nasaan ba ang nanay at tatay mo?" naguguluhan pa nitong tanong dahilan para mapakagat-labi ang dalaga. Hindi niya alam ang isasagot.

"Napakadelikado para sa isang babae ang manirahan rito mag-isa sa pusod ng gubat. Ang daming mababangis na hayop rito, Astrid," komento ni Macky na nakasilip na sa bintana ng kinaroronan nilang tree house. Mayamaya ay napasigaw siya nang sumulpot mula sa labas ang isang ahas.

"Tangina!" mura nito at agad sinarado ang bintana. Namumutla siyang napasandal nang maipinid ito.

"Hindi. Nagkakamali kayo. Ligtas ako rito," depensa ng prinsesa.

"Paano ka napadpad rito?"

Bago pa makasagot si Astrid sa tanong ni Claud ay nag-ring naman ang cellphone ni Macky. Dali-dali niya itong sinagot.


"Yes, hello?" sambit nito sa kausap. Mayamaya pa'y ibinaba niya ang phone at humarap kay Claud na panay pa rin ang tanong kay Astrid.

"Pre, need na natin umuwi. May emergency sa bahay."

"Paano siya?" tukoy ni Claud sa babaeng ngayon ay walang ka-ide-ideya sa mga sinasabi ng dalawa.

"Astrid, sasama ka ba sa amin? Baka may tsansa na mahanap mo pa ang mga magulang mo oras na pumunta ka ng syudad," alok ni Macky at isinilid na sa bulsa ng pantalon ang cellphone.

Agad napailing si Astrid.

"Seryoso ka? Magtitiis ka rito?" paniniguro ni Claud na nawe-weirduhan na sa babaeng kausap. Tumango lamang ito.

"Sila ang pamilya ko," sagot muli nito at tinanaw ang mga ibon na nagliliparan sa tree house.

Alinlangan namang nagkibit-balikat ang binata.

"Aalis na kami. Pwede bang ituro mo sa amin ang daan pauwi?"

Napangiti si Astrid at muling napatango sa magkaibigan.

"Pre, bilisan mo riyan! Anong oras na, oh," tawag ni Macky na nauuna nang maglakad palapit sa sasakyan nila. Mabilis itong pumasok sa kotse at pinaandar ang makina. Samantalang si Claud ay maliliit ang ginawang hakbang upang malingon saglit ang dalagang nakatanaw lamang sa kanilang pag-alis.

Ngumiti ito nang makita siyang lumingon.

"Alam mo, hindi ko alam kung engkanto ka ba o tao tulad namin. Pero salamat sa pagligtas sa buhay ko. Ang totoo niyan, bumalik ako rito para sa'yo. Akala ko hindi kita makikita ulit," sambit ni Claud at napaiwas ng tingin. Napahigpit ang hawak niya sa dalang camera.

Hindi siya nakatanggap ng sagot mula sa dalaga. Halatang hindi ito palaimik.

"Paalam. Hanggang sa muli. Kapag nagbago ang isip mo at gusto mong sumama sa amin pagbalik ng syudad, i-text mo lang ako at susunduin kita rito," litanya pa niya at napatitig kay Astrid.

"Ay nga pala, wala kang cellphone. Hays!" Napakamot sa ulo ang binata. Nag-isip ito ng iba pang paraan para ma-contact pa rin ang dalaga.

"Huwag kang mag-alala. Narito naman ang mga mensahero ko." Sa wakas ay nagsalita si Astrid at dumapo sa dulo ng daliri niya ang munting pipit. Humuni ito na tila umaawit.

"Hindi ka talaga sasama?" sa huling pagkakataon ay tanong ni Claud.

"Hindi ko sila iiwan," ani pa ni Astrid kaya napatango na lamang ang binata.

"Sige, makakaasa kang walang makakaalam na dito ka nakatira."

"Salamat."

Nakatanaw lamang ang prinsesa sa papaalis na sasakyan ng magkaibigan. Pinanood niya ito hanggang sa maglaho sa kanyang paningin. Nanatili siyang nakatayo sa gilid ng highway, sa bukana ng Alhambra Tropical Rainforest.

Sa isang iglap ay hinugot muli niya ang kwintas na kanina pa niya tinatago sa likuran. Nakarinig siya ng mga huni ng ibon. Nagliliparan ito sa bandang ulo niya. Ipinakita niya ang pendant sa mga kaibigang hayop at napakagat-labi.

"Tingin n'yo isa sa kanila ang may-ari nito?" wika niya na tila kinakasap na naman ang mga alaga.






"KAKAIBANG babae! Sinong matinong tao ang titira sa gitna ng gubat? Isipin mo 'yon, pre! Tingin ko may saltik ang isang 'yon. Nakita mo ba iyong pananamit? Hays!" Halos laitin na ni Macky ang dalaga sa mga binibitawan nitong salita. Napabuntong-hininga naman si Claud at humilig ang ulo sa nakasaradong bintana ng kotse.

"Astrid, kakaiba ngang pangalan," mahinang sambit ni Claud habang inaalala ito. Naipikit niya ang mata dahil sa sobrang antok na nararamdaman.

Ngayon ay binabagtas na nila ang kahabaan ng highway pauwi. Ngunit ang diwa ni Claud ay naiwan pa yata roon sa loob ng gubat. Kung saan nakatira si Astrid. Parang hinahatak pa rin siyang bumalik roon. Kakaiba talaga ang kutob niya. Bakit parang nakita na niya noon pa ang dalaga?

"Pre, narito na tayo sa tapat ng apartment mo," untag ni Macky at niyugyog ang balikat ni Claud nang paulit-ulit. Hindi ito nakontento at pinatunog pa ang busina ng sasakyan para lamang magising ang tulog-mantika na kaibigan.

Pupungas-pungas na gumising ang binata. Hinagilap ang dalang camera at lumabas ng kotse. Lumingon muna ito kay Macky na papaalis na sana.

"Salamat, pre." Kumaway siya. Tinanguan lamang siya nito.

Pinagmasdan muna niyang makalayo ang kotse ng kaibigan bago tuluyang umakyat sa apartment. Mayamaya, napatigil siya nang makarinig ng huni.

"Meow."

Napalingon siya sa paligid. May naligaw na naman sigurong pusa rito ng kapitbahay.

"Meow."

"Anak ng tokwa!" Nagulat siya sa biglaang pagsulpot ng isang pusa sa paanan niya. Kilala niya ito.  Ito iyong pusa na sinasakal niya kanina sa tree house.

"Pota, anong ginagawa mo rito? Huwag mong sabihing sumabay ka sa amin?" Halos mapangiwi ang binata at dinuro-duro ang pusang may kulay abo na mga mata.

"Meow."

"Shit," mura niya nang mapagtantong sinundan nga siya nito mula Alhambra hanggang sa apartment niya.


***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top