CHAPTER 32

CHAPTER 32


HALOS malagutan na ng hininga si Claud dahil sa sobrang higpit ng mga baging na nakagapos sa kanya. Napasinghap na siya. Nawawalan na siya ng pag-asa na may magligtas pa sa kanya rito.

Mayamaya ay lumitaw ang isang bilog na liwanag at iniluwa nito ang susuray-suray na si Leia habang hawak ang kumikirot na tagiliran. Natamaan siya ni Adelaide kanina. Hindi lang niya ito ipinahalata. Nanghihina na siya.

Napalingon si Leia sa direksyon niya at sinamaan siya ng tingin.

“Anong tinitingin-tingin mo riyan?!” bulyaw nito. Gamit ang paningin, mas pinahigpitan ng dalaga ang baging sa katawan ng binata. Napadaing na sa kirot si Claud. Pakiramdam niya ay nalalapnos na ang kanyang balat sa higpit ng pagkakatali kanina pa.

“Wala nang magliligtas sa iyo! Dito ka na mamamatay!” sigaw pa nito at iwinasiwas ang salangkay dahil sa sobrang emosyon na nararamdaman.

Ang sumisinghap na si Claud ay nabuhayan ng loob nang makita sa ere ang sumisirkong dragon lulan si Astrid. Malayo pa lamang ay kilalang-kilala na niya ang hitsura ng dalaga kahit iba na ang kasuotan nito.

Napangiti siya kahit nakakaramdam na ng panghihina.

“Mali ka. Narito na siya para iligtas ako,” mahinang sambit ni Claud dahilan para mapalingon si Leia sa direksyong tinitingnan ng binata. Nagulantang siya.

“Anong...” Hindi na naituloy ni Leia ang sasabihin nang tuluyang lumapag sa mismong harapan niya ang napakalaking dragon. Bumaba mula roon ang nahihilo pang si Astrid. Sumipol siya at kusang lumipad palayo ang dragon. Ngayon ay sila na lamang ang natitira.

Napalingon siya kay Claud na halos hindi na makahinga. Naiiyak siya. Tila dinudurog ang  puso niya nang makita ang kalagayan nito. Napakagat-labi siya at sinamaan ng titig ang kapatid.

“Pakawalan mo siya!”

“Bakit ko naman gagawin iyon?” Tila nang-aasar pa si Leia kahit nanghihina pa.

“Kung ano man ang gusto mong mangyari, labas na siya roon!”

“Malaki ang tulong ng inutil na iyan dahil siya ang kahinaan mo hindi ba?!” Dahil sa narinig ay natigilan si Astrid at nanginginig na napatitig sa pwesto ni Claud. Pinahid niya ang mga luha.

“Hindi ko alam kung bakit mas pinili mong pumanig sa kasamaan kaysa manatili kasama nina ama at ina.” Napangiti nang mapait si Astrid at pinakatitigan ang panganay na kapatid.

Nagtiim-bagang si Leia.

“Bakit ko pipiliin ang pamilyang hindi naman ako tinuring na pamilya?” Sa puntong ito ay naglandas na ang luha ng dalaga at napangisi kahit umiiyak na.

“Anong ibig mong sabihin?” naguguluhang tanong niya sa panganay at naibaba ang hawak na salangkay.

“Ikaw ang dahilan kung bakit nangyari ‘to! Simula nang mawala ka, naging masaya naman ako! Pero nang mabalitaan nila na buhay ka, lagi ka na lang bukambibig ni ina! Pakiramdam ko naroon ako pero hindi nila nakikita! Ikaw na mas mahalaga! Ikaw na mas pinapahalagahan! Magsama kayo ni Adelaide!”

“Dahil lang sa inggit, tatalikuran mo ang totoo mong pamilya?! Ate, ano bang mapapala mo sa pagiging sunod-sunuran ng salamangkerong iyon?!” Halos pumiyok si Astrid sa mga sinasabi.

“Dahil malaya ako! Malaya kong magamit ang kakayahan ko! Pinaramdam niyang kaya ko rin maging makapangyarihan!” depensa ng umiiyak na si Leia. Mas naging itim ang mga mata niya.

“Pero alagad lang ang nakikita niya sa’yo! Isa kang tauhan ng hangal na iyon, ate. Makinig ka, bitawan mo na iyan at sumama sa akin. Pakiusap.”

“Hindi, mali ka. Anak ang turing niya sa akin!”

Mas nakaipon ng sapat na lakas si Leia at muling kinalaban ang bunsong kapatid.

Panay ang pagbatuhan nila ng sari-sariling kapangyarihan kahit kapwa na sila nanghihina. Nagpambuno ang dalawang prinsesa. Mas maliksi pa rin si Leia kaysa kay Astrid at agad itong nakalapit sa bunso.

Ilang oras lamang ay napatda si Astrid sa kinatatayuan nang may maramdamang kakaiba sa bandang tagilirian. Nanlalaki ang mga matang napatungo siya at nakita roon ang salangkay ng kapatid. Nakasaksak na ito sa bandang tagiliran ng dalaga.

Napasinghap si Astrid.

“Baka gusto mo nang magpaalam nang tuluyan at huwag nang bumalik. Ayaw ko sanang kitilin ang buhay mo ngunit pakialamera ka. Pasensya na,” bulong ni Leia at walang-awang idiniin ang salangkay sa tagiliran ni Astrid. Mas napaungol ito sa sakit.

“Astrid! Kahit nahihirapan, pilit pa ring tinatawag ni Claud ang nanghihinang dalaga.

“Astrid, huwag kang pipikit! Astrid! Kailangan ka pa nila!”

“Please, kailangan pa kita!”

Nanlalabo na ang paningin ni Astrid nang bumulagta sa lupa. Pinilit niyang imulat ang mga mata. Nakatunghay sa kanya si Leia na walang awa siyang tinadyakan sa sikmura.


“Hindi kita kapatid! Hindi!”

“Ako lang dapat ang prinsesa! Bakit kasi ipinanganak pa kayo ni Adelaide? Nakakainis!”

Tila nag-eecho sa pandinig niya ang mga panahong bata pa sila. Kung kailan inggit na ang pinapairal ng panganay na kapatid. Kung kailan iba na talaga ang ugali nito sa kanila.

Nagtangis ang bagang ni Astrid nang maalala ang nakaraan. Nabuhay sa dibdib niya ang inis sa kapatid. Naikuyom niya ang kamao at pinilit abutin ang salangkay niyang tumalsik kung saan.

Napasinghap siya nang maramdaman ang kirot matapos sadyang maapakan ni Leia ang kamay niyang inaabot ang salangkay. Napaiyak siya sa sakit.

“Huwag mo nang tangkain lumaban. Ikaw na ang sumuko,” walang emosyong saad ni Leia at mas diniinan ang pagkakayapak sa mga daliri ng dalaga.

Tila mababali na ang mga buto nito.

“Astrid!” sigaw ni Claud. Kung naghihirap siya ngayon ay ramdam niyang mas naghihirap ngayon si Astrid dahil sa pinaparanas ng kapatid.

“Malapit na ang muling pagsikat ng araw at kami ang mananaig. Kami na ang magmamay-ari ng Vianden.” Napangisi si Leia at napatitig sa unti-unti nang papasikat na araw.







Naghahalo na ang pawis at dugo sa mukha ni Adelaide. Gumapang ang kaawa-awang prinsesa sa direksyon ng salangkay niya ngunit naunahan siya ng salamangkero. Ito mismo ang pumulot sa salangkay ng dalaga at binali ito. Hindi pa ito nakontento at dinurog pa ito sa sahig gamit lamang ang paa.

Pagkuwa’y humalakhak ito.

“Nagbabalik ang lakas ko dahil siguro nagapi na ng kapatid mo ang Astrid na iyon. Ay, hindi mo na nga pala kapatid dahil hindi ka niya tinuring na pamilya.” Tumawa pa ang salamangkero at tinadyakan pa ang nanghihinang si Adelaide.

Napaiyak na lamang ito. Napaawang ang bibig niya. May lumabas na dugo mula roon.






Umalingawngaw ang pagak na tawa ni  Leia.

Sinamantala ito ni Astrid at hinila ang paa ng kapatid dahilan para mapabagsak rin ito. Siya naman ang nagpumilit tumayo. Pumaibabaw siya kay Leia at sinakal niya ito. Tinapon nito ang salangkay habang hindi pa rin inaalis ang mahigpit na hawak sa leeg ng kapatid.

Sumisinghap na ito sa kawalan rin ng hininga.

“Acckkk!”

Mayamaya ay naramdaman niyang nangisay ito at hindi na gumagalaw. Napahiga siya katabi ng kapatid habang habol rin ang hininga.

Napalingon siya kay Leia. Nakabulagta na ito at waring hindi na humihinga. Napahikbi siya. Mukhang nasakal nga niya ng todo ang kapatid.

Mayamaya ay narinig niya ang impit na tawag ni Claud kaya kahit nanghihina na, pinilit niyang bumangon para tulungan ang binata. Gamit ang natitirang lakas, iwinasiwas ng dalaga ang salangkay at pinutol ang mga baging na nakagapos kay Claud.

“Claud? Claud!” Inalalayan ni Astrid ang binata na halos hindi na makalakad dahil sa panghihina. Namumutla na rin ito.

“Ayos ka lang ba? Claud!” Tinapik-tapik niya ang pisngi ni Claud dahil halos pumikit na ito.

“Ikaw ang inaalala ko. Nagdurugo ang tagiliran mo,” ani Claud kaya napatungo si Astrid at nasapo ang tagiliran.

“W-Wala ‘to. Halika na, uuwi na tayo.”

Kahit paika-ika ay nagawa nilang alalayan sa paglalakad ang isa’t isa. Napapangiwi si Astrid dahil sa nararamdamang kirot ngunit hindi niya ito ininda. Ang mahalaga ay makakabalik na siya ng Vianden para saklolohan naman ang kapatid na si Adelaide.

Napalingon si Astrid sa panganay na kapatid ngunit laking gimbal niya nang makita niyang wala na ito sa dating pwesto. Naging mabilis ang paningin niya. Narinig niyang sumigaw si Claud.

“Astrid sa likod mo!”

Saktong lingon niya ay siyang saksak niya ng salangkay sa mismong sikmura ng nakatayo na palang si Leia. Napasinghap sa sakit ang dalaga. Nanlalaki ang matang napatungo ito at napahawak sa kamay ni Astrid.
Kapwa nanginginig ang mga kamay nila. Napaangat ang tingin ni  Leia. Nagtama ang paningin nilang magkapatid.

Naluha na lamang si Astrid nang magliwanag ang dulo ng salangkay niya at tumagos ito sa sikmura ng kapatid. Napailing siya at akma na sanang huhugutin  ang salangkay nang otomatikong bumagsak si Leia sa kanyang paanan.








Nabuhayan ng loob si Adelaide nang masilayan ang liwanag na nagmumula sa balkonahe ng palasyo. Kakaibang liwanag ito. Tinatalo nito ang maiitim na usok kaya natigilan ang salamangkero.

“Hindi, hindi maaari.”

Nabitawan niya ang hawak na tungkod at napaatras. Gusto niyang magtago mula sa sinag ng araw ngunit hindi na siya nakatakbo nang maabutan niya ito. Napasigaw na lamang siya matapos siyang masunog at tuluyang maging abo.

Umalingawngaw ang tili niya na walang kalaban-laban. Bumagsak ang tungkod niya sa sahig at nagliparan ang itim na abo ng salamangkero.

“Astrid,” may luha sa mga matang sambit ni Adelaide habang inaabot ng palad ang sinag ng araw.







“A-ate.” Naglandas na ang luha ni Astrid. Bumulwak ang itim na dugo mula sa bibig ng kapatid. Nag-aagaw buhay na ito.

Napaluhod si Astrid at iniangat ang ulo ni Leia. Kahit papaano naman ay kapatid pa rin niya ang prinsesa at hindi niya sinasadyang masaktan ito.

“Ate, hindi ko sinasa---”

“Shhh!” Pinigilan siya ni Leia na magsalita. Napangiti ito at hinawakan ng nanginginig na kamay ang pisngi ni Astrid.

“P-pwede bang lumapit ka saglit? M-may s-sabihin l-lang ako...”

Napalingon ang umiiyak na si Astrid sa naghihintay na binatang si Claud. Nakatunghay lamang ito sa naghihingalo nang si Leia. Tumango ito na tila nagsasabing pakinggan niya ang sasabihin ng panganay.

Napalunok si Astrid. Pagkuwa’y inilapit ang mukha niya sa kapatid.

Napapikit siya nang marinig ang ibinulong nito. Mas napahikbi siya at napatango.

“Masusunod, ate.”

Agad siyang sumipol at narinig niya ang pagaspas ng dragon. Halos lumuwa naman ang mga mata ni Claud dahil sa gulat nang lumapag ito sa kanila. Nagpatulong si Astrid kay Claud na buhatin ang lupaypay na katawan ni Leia. Wala na itong malay.

Ngayon ay uuwi na sila sa Vianden. Iuuwi na niya ang mahal niyang kapatid na si Leia.



***

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top