CHAPTER 21
CHAPTER 21
"Ano ang bagay na ito?" tanong ni Astrid kay Claud nang iabot sa kanya ng binata ang isang face mask.
"Suotin mo. Mukha ka kasing virus," sarkastikong sagot ni Claud.
Napangiwi ang dalaga. Ngayong araw ay nag-leave si Claud sa trabaho upang samahan siya pabalik ng Alhambra. Hindi upang ihatid pabalik si Astrid kundi may nais lamang silang balikan.
Tutal wala naman pala siyang kamag-anak na hahanapin sa syudad, ito na lang ang tanging magagawa niya para sa dalaga. Wala naman siyang magagawa kundi ang maniwala. Ramdam niyang nagsasabi ito ng totoo.
"Bilisan mo riyan," naiinip niyang utos rito. Dahan-dahan ang ginagawa nitong pagbaba sa hagdan. Napakamot siya sa ulo at pinagmasdan itong humakbang habang hawak ang laylayan ng suot na bestida.
"Ang bagal mo!" asik pa niya.
"Ganyan mo ba tratuhin ang mahal na prinsesa?" Nagpantig ang tenga niya nang makarinig ng munting tinig. Napalingon siya sa kung sino man ang nagsalita. Wala namang ibang tao sa likuran niya bukod sa pusang si Casper. Ngumiyaw ito pagkatapos.
Napangiwi siya at naipilig ang ulo. Mukhang nahahawa na siya sa kabaliwan ni Astrid at nakakarinig na rin ng mga nagsasalitang hayop.
Ang katotohanan ay hindi pa rin siya kumbinsido sa mga kinukwento ng dalaga na isa itong prinsesa ngunit sa mga naririnig niyang kakaiba mula pa kanina ay isa nang dahilan kung bakit parang gusto na niya maniwala.
Sino ba namang hindi mapa-paranoid kung makarinig siya ng "magandang umaga" mula sa tuta na napulot nila ni Astrid sa basurahan? O nananaginip lamang siguro siya kanina. Ngayon naman, kinakausap siya ng pusa.
"Pasensya na," mahinhin na sagot ni Astrid sa binata.
"May narinig ka bang nagsasalita?" tanong nito kay Astrid. Napailing naman ang dalaga na may pagtataka.
"Bakit?"
"W-wala," wika niya at napaiwas ng tingin. Tumikhim siya at agad na nilingon ang nakaparadang kotse ng kaibigang si Macky. Tinawagan kasi niya ito upang samahan sila. Pasalamat na lang siya dahil hindi ito humingi ng tip ngayon.
"Tara na," aya ni Claud kay Astrid at hinatak na ang dalaga.
"Saan po ang destination ng bagong kasal, Ma'am, Sir?" pabirong tanong ni Macky nang magsimulang ikabit ni Claud ang seatbelt ni Astrid bago ang sa kanya. Napangiwi naman ang binata at sinamaan siya ng tingin.
Mayamaya ay umayos ito ng upo sa tabi ng kaibigan nang maikabit na ang seatbelt ni Astrid.
"Siraulo. Magdrive ka na nga," naiinis nitong tugon at sinulyapan si Astrid mula sa likod.
Napabuntong-hininga siya.
"Ano ba kasing hahanapin ninyo sa Alhambra? Pre, nakalimutan ko atang sabihin sa'yo na bawal nang pumasok roon nang walang permit mula sa bagong owner," paliwanag ni Macky kay Claud kaya otomatiko itong napalingon sa kanya.
"Bakit hindi mo agad sinabi?"
"Aba, malay ko bang sa Alhambra pala kayo pupunta! Ngayong umaga mo lang kaya sinabi sa akin," depensa ng kaibigan. Marahas na napakamot sa ulo si Claud.
"Ano, tutuloy pa ba tayo?" tanong naman ni Macky na medyo binagalan ang pagda-drive para makapagdesisyon ang dalawa.
"Oo, mag-ingat na lang tayo kung may bantay man," desididong sambit ng binata.
Bandang alas-dos ng hapon na sila nakarating sa bukana ng Alhambra dahil na rin sa naranasan nilang traffic. Hindi pa sila nakakalabas ng sasakyan ay kinatok na sila ng isang military personnel.
Tinaasan lamang ito ni Macky ng kilay nang ibaba niya ang bintana.
"Magandang hapon, sir. Maaari bang malaman kung sino po sila?" magalang na tanong ng sundalo sa kanila.
"Mama mo," pabalang na sagot ni Macky. Ang sundalo naman ang napakunot ng noo.
"Mama mo?" tanong muli nito kaya nabatukan ni Claud ang kaibigan. Inuuto pa kasi mismo nito ang kausap. Siya na ang sumilip sa bintana at nagsalita.
"Sir, photographers po kami sa Studio 5. Kung hindi mo pa nalalaman, ang studio na iyon ang pinakamalaking studio rito sa city dahil sa mga pang-billboard nilang figures. Inatasan lang po kami na kung sana pwede kaming makakuha ng permit para makapag-photoshoot sa loob? Since ang tema po namin ngayon ay Encounters with Nature," nakangising paliwanag ni Claud at kumindat pa sa sundalo.
Halos mapanganga naman si Macky nang marinig ang sinabi ng kaibigan. Talagang napakagaling nito magsinungaling.
"Ah, ganoon ba sir? Kasi pinag-utos sa amin ni Mr. Sarzuelo na bawal na talagang magpa-pasok sa loob. Ipinatupad iyon mula noong isang linggo," giit ng sundalo kaya nagkatinginan sina Macky at Claud. Nagpasya silang bumaba na ng sasakyan pati na rin si Astrid.
"Kahit saglit lang kami sa loob? Iyong model kasi namin may hinahabol na schedule kaya hindi kami pwedeng magtagal. Promise, mabilis lang talaga kami," gatong pa ni Macky sa kasinungalingan ni Claud.
"Ako na riyan," bulong ni Astrid at umabante dahilan para magulat ang dalawa.
Pakiramdam ni Claud ay may hindi ito magandang gagawin sa sundalo.
"Sorry Ma'am kung hindi talaga pwede," hinging-paumanhin rin ng sundalo kay Astrid. Inalis ng dalaga ang suot na face mask at ngumiti sa sundalo. Mayamaya pa ay tila natulala ang lalaki. Nagliwanag ang mga mata ng dalaga at ilang minuto lamang, pumikit ang kausap na animo'y nahipnotismo niya.
Nakapikit ito ngunit hindi gumagalaw.
Mayamaya'y humarap si Astrid sa dalawang kasama at ngumiti ng pagkatamis-tamis. Agad nagtakip ng mga mata si Macky sa takot na magaya sa sundalo.
"What the heck? Paano mo nagawa iyon?!" walang tingin-tingin na tanong ni Macky sa kanya. Narinig nila ang pagngiyaw ni Casper sa bandang paanan ni Astrid. Imbes na sagutin ang katanungan ni Macky, napalingon siya sa sundalong naka-estatwa lamang sa kinatatayuan.
"Ilang oras lamang ang itatagal ng mahika sa kanya. Pumasok na tayo bago pa siya magising," ani Astrid at nanguna na maglakad papasok ng Alhambra kasabay ng pusa niyang si Casper.
Hindi makapaniwalang napatingin si Macky kay Claud na ngayon ay gulat pa rin sa nasaksihan. May kapangyarihan nga talagang taglay ang dalaga. Nakusot niya ang mga mata.
"LC, may alam ka ba sa kung ano si Astrid? Salamangkera ba 'yan ha?" sunod-sunod na tanong ni Macky ngunit nanatiling tulala. Nakalayo na si Astrid sa kanila.
"Mama mo," wala sa sariling sambit ni Claud. Napakunot ang noo ni Macky.
"Mama mo?"
"Mama mo salamangkera," pabalang rin nitong sagot at sinundan na ang dalaga.
Naiwang nakangiwi si Macky kasama ang sundalong hindi gumagalaw. Natataranta tuloy siyang napasunod sa dalawa.
***
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top