CHAPTER 1
THE MAN FROM NOWHERE
Naglalakad si Elia sa gilid ng kalsada sa Maynila, hawak ang folder na halos malukot na sa kakahigpit ng pagkakahawak niya.
Mainit ang hangin, sumasabay sa alikabok na lumilipad sa bawat pagdaan ng sasakyan. Nakabibingi ang ingay ng lungsod puro busina na galing sa sasakyan, tawanan ng mga kabataan pati na rin ang sigawan.
Pero sa araw na iyon, mas mabigat, mas nakakapagod.
Hindi dahil sa init.
Kundi dahil sa pakiramdam na kahit anong gawin niya, parang wala namang nagbabago.
Huminto siya sandali sa pedestrian lane, hinihintay ang signal. Ngunit bago pa man siya makatawid, napadako ang kanyang mata sa napakalaking LED screen sa itaas ng gusali sa tapat.
Napatingala siya.
At doon niya nakita ang isang video ng royal family—nakangiti, perpekto, parang mga taong walang bahid ng kapintasan.
Ang tagapagmana ng trono ng Pilipinas ay masayang karga ang babae nitong anak. May lalaking marahang kinakamayan ang isang matanda. May mga ngiting tila sinanay sa harap ng kamera.
"Bagong mukha ng monarkiya," sabi ng malinis at maamong boses ng narrator sa LED screen. "Mas malapit sa mamamayan. Mas makatao. Mas tunay."
Napakagat si Elia sa loob ng kanyang pisngi.
Mas tunay?
Napahigpit ang hawak niya sa folder.
Constitutional monarchy.
Iyan ang laging ipinagmamalaki sa klase nila—isang sistemang diumano'y balanse. May demokrasya, pero may korona pa rin.
Pero para kay Elia, isa lang iyong magandang pabalat . . . para sa isang sistemang hindi naman talaga nagbago.
"Pakitang-tao," bulong niya.
Masyadong mahina para marinig ng iba, pero sapat na para ilabas ang galit na matagal na niyang kinikimkim.
Hindi niya napansin na ilang tao ang napatingin sa kanya. Mabilis siyang umiwas ng tingin at naglakad palayo, parang walang nangyari.
Graduating student siya ng Political Science. Sa papel, dapat idealistic siya.
Dapat naniniwala siya sa sistema . . . sa gobyerno, sa pagbabago, pero ang totoo . . .
Pagod na siya.
Pagod na umasa.
Pagod na makinig sa mga pangakong hindi naman natutupad. Maghapon siyang nag-ikot sa iba't ibang government offices. "I hate Philippines . . . napakaliit na nga ng sahod, wala pang opportunity."
Isa-isa niyang pinasukan ang mga gusali—malalamig ang aircon, maayos ang upuan, propesyonal ang mga ngiti.
Pero pare-pareho ang sagot.
"Hintayin na lang po ang tawag."
"Next applicant, please."
Walang kasiguraduhan . . .
Walang kasiguruhan kailan . . .
Walang kasiguruhan kung may darating ba talaga.
Paglabas niya sa huling opisina, pakiramdam niya ay mas mabigat pa ang folder kaysa kaninang umaga . . . parang may dala na itong bigat ng reyalidad.
"Nay, ang hirap kapag wala ka . . . walang sasama sa akin," sabi niya at tumingin sa langit. "Pero para kina Tatay naman 'to . . . " Napalunok siya at nagsalita muli, "Please naman Lord, tulungan mo naman ako!"
Hapon na nung natapos na siya sa last na pinuntahan niyang government office at pagod na siya. Kaya't diretso na siyang pumunta sa terminal at sumakay ng bus pauwi sa Laguna.
Sa loob ng bus, tahimik . . . may ilang pasaherong natutulog, may nakatingin sa cellphone, may nag-uusap nang mahina.
Umupo si Elia sa tabi ng bintana at inilapag niya ang ulo niya sa salamin.
Habang umaandar ang bus, pinanood niya ang lungsod—unti-unting nawawala ang matataas na gusali, napapalitan ng mas simpleng tanawin.
Hanggang sa puro puno na lang at madilim na.
Tahimik na.
Unti-unti ring bumibigat ang talukap ng kanyang mga mata.
Hanggang sa . . .
PRRRRT!
Biglang napabalikwas ang mga tao sa bus.
Napamulat si Elia, huminto ang sasakyan.
"May problema po sa makina!" sigaw ng driver. "Sandali lang po!"
Nagkaroon ng ingay sa loob.
May nagreklamo.
May napabuntong-hininga.
May natahimik.
Napapikit si Elia sandali, pinipigilan ang inis.
"Isa na namang abala," sabi niya sa kanyang isipan. "Isa na namang delay."
Pero imbis na maghintay, bigla siyang nakaramdam ng kakaiba . . . isang pakiramdam na hindi niya maipaliwanag.
Bumaba siya ng bus, baka mamaya kasi masuka lang siya dahil sa nararamdaman niya. Isa pa, malapit-lapit na naman siya sa kanilang lugar kaya puwede na siyang mag-tricyle.
Pagbaba, malamig na hangin ang agad na sumalubong sa kanya.
Mas tahimik kaysa sa inaasahan niya at ang kalsada ay halos walang ilaw, maliban sa ilaw ng bus na nakatutok sa harap. "Tama ba'tong desisyon ko?" tanong niya sa kanyang sarili. "Tama naman 'to, kaysa magsuka ako sa loob ng bus, mas nakakahiya."
Mayamaya pa may narinig siyang kaluskos na mula sa kakahuyan. Hindi niya alam kung bakit pero parang may humihila sa kanya papunta roon.
Isang kutob.
Isang boses sa loob niya na nagsasabing—may mali.
Mayamaya pa bigla na lang may taong dumadaing kaya napatalon siya. "Si-Sino 'yan?" tanong niya pero walang nasagot. "Hoy! Kung sino ka man, pupuntahan kita, huwag mo akong sasaktan ah! Peace tayo!"
Dahan-dahan siyang naglakad sa may kakahuyan at bawat hakbang niya ay maingat. Bawat tunog ng dahon ay masyadong malakas sa kanyang pandinig.
Hanggang sa—napatigil siya at may nakahandusay sa lupa at iyon ay isang tao.
Napalunok siya.
"Hello?" mahinang tawag niya.
Walang sagot kaya lumapit siya.
At doon niya nakita na may isang lalaki na puro . . . dugo.
Sa kanyang damit.
Sa kanyang braso.
Sa lupa.
Napaatras si Elia.
"Diyos ko..."
Huminga siya nang malalim, pilit pinapakalma ang sarili.
Hindi siya pwedeng umatras at baka mapagbintangan siya.
Hindi ngayon.
Lumapit siyang muli.
Bahagyang gumalaw ang lalaki at nanghihina.
Halos hindi mapansin.
"Hey . . . naririnig mo ba ako?" nanginginig niyang tanong.
Dahan-dahang bumukas ang mga mata ng lalaki na halatang sobrang nasasaktan sa kanyang sitwasyon.
At ang unang salita nito ay . . . "You shouldn't be here."
Napakunot ang noo ni Elia, may pagkamaldita pa naman siya kung tutuusin. Alam niya na kailangan ng lalaki ng tulong kaya nagdesisyon siyang mag-stay. "Hindi ako aalis," sagot niya, kahit nanginginig ang boses niya. "Nasugatan ka. Kailangan kitang dalhin sa ospital."
Bahagyang umiling ang lalaki. "Go... leave..."
"Hindi," sagot ni Elia at mas tumatag ang boses niya.
Hindi niya alam kung saan nanggaling ang lakas ng loob na iyon.
Siguro dahil kung iiwan niya ito, mamamatay ito at hindi siya katulad ng ibang tao na kayang sikmurain ang ganoong sitwasyon . . . lalo pa't namatay ang nanay niya dahil sa pagbalewala rito.
At hindi niya kayang dalhin iyon, habang buhay siyang magsisisi kung ganoon.
At kahit hindi madali, pinilit niyang tulungan ang lalaki. Halos hindi niya kayang buhatin ang lalaki, pero pinilit niya.
Isa-isang hakbang.
Isang malalim na hinga.
Hanggang sa makarating siya sa kalsada, wala na ang bus pero may dumaang tricycle kaya pumara siya. "Para po!"
Noong tumigil ang tricycle driver at iyon pala ay ka-baranggay niya lang. "Anong nangyari riyan, Ineng?" tanong ni Kuya Ute.
"Kailangan ko po siyang dalhin sa pinakamalapit na hospital, Kuya Ute."
Tinulungan ni Kuya Ute ang dalawa at kaagad na pinaharurot ang tricycle papuntang hospital. Kahit ayaw na niyang pumuntang hospital, kailangan niya kasi mahalagang magligtas siya ng buhay.
Hawak ni Elia ang kamay ng lalaki . . . malamig, naghihina at halos wala nang lakas.
"Hoy . . . huwag kang matulog," bulong niya. "Stay with me."
Bahagyang gumalaw ang lalaki.
At sa pagitan ng hirap niyang paghinga, may sinabi siya.
Isang pangungusap na hindi maintindihan ni Elia . . . Isang pangungusap na parang may ibig sabihin na mas malalim kaysa sa sugat na nakikita niya.
Naguguluhan si Elia kaya huminga siya nang malalim. "Whatever you're saying . . . save it after you regain your energy because you have to live," Elia said, firmly. "I am praying . . . you live."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top