V.

Pero kinain ko rin ang sinabi ko sa sarili ko, na hindi kami pwedeng maging magkaibigan. Hindi ko maalala kung kailan at paano kami naging malapit sa isa't-isa. Nakita ko na lang ang sarili kong kasama siyang namamasyal; kung hindi sa plaza, ay sa maliit na mall sa kabilang bayan. Minsan ay pinupuntahan ako ni Celeste sa bahay para lang bigyan ng lutong pagkain.

Isang taon na simula maging ganito ang set up namin ni Celeste. Walang label. Hindi official. Makikita sa aming dalawa na may pagkakaintindihan kami. Itinigil ko na rin ang trabaho ko. Hindi ko alam kung bakit ko ito tinigilan, siguro dahil sa impluwensya ni Celeste. Palagi rin niya akong inaayang mag-simba, noong una ay tumatanggi ako pero kalaunan dahil na rin sa kakulitan niya ay pumayag na rin ako.

Napansin ko rin ang pagiging matulungin niya. Tanggap ko pa kung ang mga hayop sa kalye ang tinutulungan niya pero mas madalas na tinutulugan niya ang mga batang nasa kalye. Kahit pa sabihin ko sa kanyang miyembro ng mga sindikato ang mga ito, ang lagi niyang sagot sa akin ay,

'Mabuti man sila o miyembro ng sindikato, tao pa rin sila, kaya hanggang nakikita ko silang palaboy-laboy sa kalsada ay tutulungan ko sila.'

Itanggi ko man sa sarili ko, ang pagiging mabait ni Celeste ang dahilan kung bakit nahulog ang loob ko sa kanya. Sa loob nang napakaiksing panahon ay nakilala ko siya nang lubusan. Kahit ayaw ko ay ipinakilala pa niya ako sa mga magulang niya.

Akala ko ay wala na akong pag-asang matutong magmahal. Akala ko habang buhay na ako mamumuhay sa kumunoy na kinalubugan ko. Tao ka pa pala, Ade.

Pero dapat ko bang aminin ang nararamdaman ko para sa kanya? O sasarilinin ko na lang ba ito? Ngayon lang ulit ako nakaramdam ng takot. Takot na baka hindi magawang ibalik ni Celeste ang nararamdaman ko. Kakayanin ko ba kung mangyari man iyon?

🌸 🌸 🌸 🌸 🌸 🌸 🌸

Euphemia🌸

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top