Chapter 68: Let's Go Training!

NANGINGINIG ang kamay ko habang nakaupo ako sa harap ng desktop. Kinakabahan akong i-login 'yong account ko sa Portal ng Merton Academy dahil kinakabahan ako sa grades ko. Sa oras na magkabagsak ako ay nai-imagine ko na kung paano ako papatayin ng Class Zero.
"Ate, ano? Titingnan mo lang grades mo inabot ka na diyan ng isang oras," reklamo ni Jason sa akin at napatingin ako sa kanya.
"Jason, paano kung may bagsak ako?"
"E'di pinatunayan mo sa akin na bobo ka." Mabilis akong napasimalmal, wala talaga akong aasahan na kahit katiting na simpatya rito sa kapatid ko.
Siguro kapag nabugbog ako sa kanto ay imbes na tulungan ako ay makikibugbog din siya. Ganoon kahayop 'tong kapatid ko.
"Alam mo, wala ka talagang kasupo-suporta sa akin." Umirap ako sa ere at ni-login ang account ko. Sa homepage pa lang ng Merton Academy ay grabe na 'yong kaba na nararamdaman ko, paano pa kaya kapag pumunta ako sa grades?
"Kinakabahan ako, Jason, kailangan maipasa ko 'tong sem na 'to para ma-improve ko 'yong powers ko," since sinabi ko kay Jason ang tungkol sa glitches of society, mas naging open ako sa kanya at napag-uusapan namin ng natural ang mga ganitong bagay. Although, may iilan na bagay pa rin talaga siyang hindi maintindihan, ini-explain ko naman sa kanya kahit buwisit siya.
"Speaking of powers, ate kailan ako magkakaroon no'n? Makakalaban ko rin ba 'yong mga lawbreakers?" He excitedly asked. Para siyang Mild, excited na lumabas ang powers niya at gustong-gusto makakita ng aksyon.
Sumimalmal ako. "Wala, hindi ka magkaka-powers. Mag-aral ka mabuti at baka masipa kita." Hindi ko pa rin gusto ang idea na glitch siya ng society. As long as, tutulungan ako ni Sir Joseph sa kaligtasan ng kapatid ko... sa tingin ko naman ay wala akong dapat ipag-alala.
"Luh, ikaw nga 'di nag-aaral mabuti."
"Nag-aaral akong mabuti!" Depensa ko.
"Kung nag-aaral kang mabuti, ate, hindi ka kakabahan na tingnan ang grades mo. Huwag ako." Sagot niya sa akin at nagpatuloy pa rin sa pag-e-ML niya sa kanyang cellphone.
"M-Mahirap talaga calculus."
Pinindot ko 'yong grade button at talaga naman, pakaba din 'tong internet namin dahil biglang bumagal.
Tiningnan ko ang grades ko ng grabe ang kaba sa puso ko. Nakita ko lahat ng subject ko sa First semester, lahat naka-green. It means pasado ako!
"Jason pasado ako sa lahat ng subject!" Napatalon-talon ako sa tuwa at tiningnan ang grades ko. Ang nakakatuwa pa, wala akong tres... wala akong pasang-awa!
Yumakap ako kay Jason. "Pasado ako! Pasado ako!" I shouted happily. Yes! Makakasama ako sa training camp at hindi lang sa school gaganapin ang training namin.
"Congrats." Jason smiled at ginulo ko ang buhok niya. "Pero feeling ko, naawa lang sa 'yo 'yong mga professor mo, eh. Naalala mo noong grade 12 ka? Ipinasa ka lang kasi graduating ka."
Nawala ang ngiti ko sa aking labi. "Alam mo, kayang-kaya mo talagang sirain ang kasiyahan ko."
"You are welcome." He answered at nagpatuloy na sa pagse-cellphone.
Pumasok ako sa kuwarto ko at kinuha ang cellphone ko. Sa lockscreen pa lang ay nakikita ko na ang chat ng Class Zero sa GC namin at saglit akong nag-backread.
Class Zero is a Hero GC
Teddy:
Posted na 'yong grades sa Portal! Check ninyo na!
Kiran:
We already did. @Jamie, ano lagay mo?
Girly:
Magreply ka, subukan mong magkaroon ng bagsak... hindi ko alam ang magagawa ko sa'yong babae ka.
Claire:
'Wag kayong ganyan kay Jamie. Ayusin ninyo chat ninyo.
Mild:
Claire, usapan ng mga demonyo 'to. Di ka muna kasali. @Jamie, gusto naming magtraining camp. Ano na??
Kiryu:
Hindi na yata humihinga si Jamie. Di na nag-seen sa gc, siguro bagsak. 🧐
Ace:
Babagsakan ko siya ng bato. Subukan niya.
May new upload ako sa vlog ko, nood kayo guys.
Teddy:
Gago, 'di ako mapakali. Hindi ako kinakabahan sa grade ko... sa grade ni Jamie ako kinakabahan.
@Seven, wala bang update diyan?
Seven:
Just trust Jamie. Kahit anong maging result, i-improve ninyo lang ang abilities ninyo.
Girly:
Parehas na kayo ni Jamie, ang boring ninyo. 🙄
Alam ninyo, imbes na matuwa ako sa mga nababasa ko sa GC namin, nainis lang ako. Grabe ang buong Class Zero sa tiwala sa ako. Sabi ko sa inyo, eh, hindi mga lawbreakers ang papatay sa akin kung hindi sila.
Jamie:
Grabe guys, wala ba talaga kayong bilib sa akin?
Teddy:
Wala.
Ace:
Wala.
Kiryu:
Wala hehe.
Girly:
Duh?
Jamie:
Mga buwisit! Pero good news! Pasado ako sa lahat ng subjects!!
Claire:
Congrats, Jamie. 😄
Minute:
Sulit 'yong mga pagsama namin sa 'yo habang nagrereview ka. Congratssss!
Jessica:
Nice one, girl!
Mild:

Seven:
Great job. 😄
Girly:
Seven, iyon lang?
Seven:
Bakit ano gusto mong sabihin ko?
Girly:
🙄🙄🙄
Teddy:
Kami napapagod sa 'yo, Seven. Hina mo.
Jamie:
May training camp tayo!!! 😍😍😍
Wala pang ilang oras ay nagmessage sa amin si Sir Joseph sa amin na nakita na niya ang mga grades namin at agad niya naman kaming ni-congrats. Agad na sinabi ni Sir na bukas nang umaga ay kailangan naming bumalik sa School para sa training camp dahil doon ang meetup place namin. Hindi sinabi ni Sir Joseph kung saan ag training camp pero excited kaming lahat dito.
Kinuha ko ulit ang duffle bag ko at inilagay na doon ang mga dadalhin ko for the training camp. Isang linggo lang ako dito sa amin pero ang refreshing sa pakiramdam. Naka-bonding ko ang pamilya ko, it makes me feel alive at nabawasan ang bigat na nararamdaman ko kahit papaano.
Pumasok si Jason sa kuwarto ko at nakita niyang nag-e-empake ako. "Kailangan mo nang bumalik sa school mo?" Tanong niya.
Aso't pusa man kaming dalawa ay mami-miss namin dalawa ang isa't isa. At the end of the day, kahit gaano kabuwisit si Jason ay nag-iisang kapatid ko siya. "Oo, kailangan namin mag-prepared for the training. Ikaw na muna ang bahala kanila mama, Jason." Paalala ko sa kanya.
"Makakaasa ka diyan, ate." He smiled. Big boy na talaga si Jason, alam na niya ang responsibility niya.
"Pero Jason, huwag na huwag mong sasabihin kanila mama ang tungkol sa devil hour at sa pagiging glitch natin. Kapag may kakaiba kang naramdaman, tumawag ka agad sa akin. Alam kong aware ka na sa lawbreakers, pero please, lumayo ka kung sakaling makakita ka ng isa." I reminded him. Ang dami na sa mga kaibigan ko ang naglaho... ayokong matulad si Jason doon.
"Pero lalabas ba talaga ang powers ko, ate?" He asked.
Napasimalmal ako at nagpatuloy sa paglalagay ng gamit. "Oo lalabas 'yan sa tamang oras at panahon. Huwag kang atat."
Napatigil ako sa pag-aayos ng gamit noong seryoso akong tiningnan ni Jason.
"Pero ate, may sasabihin ako sa 'yo..."
***
SOBRANG aga kong umalis sa amin para makasakay agad ng bus, grabe 'yong antok na nararamdaman ko hanggang ngayon. Paano ba naman kasi, nag-movie marathon kami nila mama kagabi for our last bonding. Napuyat man ako, hindi naman ako nagsisi dahil minsan lang ako makauwi sa amin.
Nagmamadali akong pumasok sa Merton Academy at pumunta sa tapat mg Activity center (kung saan kami magkikita-kita). Una kong nakita si Minute at Jessica na natutulog pa sa gilid habang nakadantay sa may pader.
"Jamie," narinig ko ang boses ni Mild sa likod ko at may hawak siyang kape at pandesal para sa kanyang almusal. "Grabe hindi lang kita mayakap dahil may hawak ako pero super na-miss kita girl!"
"Kanina pa kayo nandito?" Tanong ko at ibinaba ang duffle bag ko sa isang gilid.
"Kanina pa akong 5 nandito. Super excited ako for the training camp! I mean, aksyon na naman 'to!" Umupo kami sa sahig since wala pa 'yong bus na sasakyan namin paalis. "Pero heto nga, may nasagap ako na baka sa beach daw gagawin ang training camp."
"Seryoso ba?!"
"Oo pero shhh ka lang. Bumili ako ng bagong bra't panty para rito." Grabe, wala talagang preno ang bunganga ng babaeng ito. No filter.
Sunod na dumating si Ace na umagang-umaga ay nagba-vlog pa rin. Sunod na dumating si Seven at mukhang antok na antok pa siya dahil panay ang paghihikab niya. Makalipas ang ilang minuto ay unti-unti na kaming na kumpleto. Isang linggo pa lang ang nakakalipas pero grabe ang pagka-miss ko sa buong Class Zero.
"Nasaan na ba si sir Joseph?" Tanong ni Kiryu habang ngumunguya na naman ng gummy worms. Umagang-umagang matamis naman ang kinakain nito.
Saktong pagtatanong naman ni Kiryu no'n ay may bus na huminto sa tapat namin at bumukasnang pinto nito. Lumabas si Sir Joseph at may kasama siyang isang lalaki, that guy is in early 30's at ngumiti ito sa aming direksyon. Pero ang nakakapagtaka ay parang nakita ko na ang lalaki na iyon somewhere kahit ito ang unang beses na pagkikita namin.
"Sila ba ang mga estudyante mo, Joseph?" Tanong ng lalaki habang nakatingin sa amin.
Sir Joseph introduced us to him. "Class Zero, this is Sir Hector. Tutulungan niya ako sa pagte-train sa inyo for the whole week. Adviser din si Hector ng isang klase na may abilities sa Nornian Academy." Paliwanag ni Sir. Ang Nornian Academy ay isang school na located sa Mindanao.
Narinig ko na ang tungkol sa school na iyon and hindi ko naman na in-expect na humahawak din sila ng mga estudyanteng glitches ng society.
Minsan nang naipaliwanag sa amin ni Sir na hindi lang kami ang school na may mga glitches ng society at ginawa niyang example ang Northford University. Hindi lang daw namin sila nakakasama sa mga misyon dahil nga iba-ibang task ang bawat school.
"Sir, familiar siya sa akin." I said.
"Oh, nakita mo na siya once sa class picture namin." Ah oo nga! Kaklase siya ni Sir Joseph, isa siya sa mga remaining survivors ng batch nila.
"Sir puwede na ba kaming pumasok sa bus? Gusto kong bumawi ng tulog." Suhestiyon ni Girly at pumasok na kami isa-isa sa bus.
Umupo ako sa tabi ng bintana... ang usapan namin ni Mild ay tabi kaming dalawa pero ang gaga ay doon sa pinakadulo pumuwesto at humiga sa habang upuan sa likod ng bus.
Si Seven ang umupo sa tabi ko which is okay lang naman. Hindi naman ako choosy sa katabi. At isa pa, kahit naman sino ang makatabi ko sa Class Zero ay okay lang sa akin... hindi pa rin mapipigil ang bibig ko sa kadaldalan
"Mukhang puyat ka, ah," I said to him at naglagay ng neck pillow sa aking leeg.
"I spent time using my ability last night." He explained at humikab na naman. "Congrats sa pagkapasa mo. Magaling tutor mo."
Napangiti ako at tinunggo siya. "Hay nako, buhat na buhat ang bangko."
"Totoo naman." He smirked.
Naputol ang pag-uusap naming dalawa ni Seven noong magsalita si Sir Joseph sa harap. "Okay class, tandaan ninyo... hindi tayo nandito sa training camp para magsaya. We will not have fun for the whole week at ang purpose nito ay ma-improve natin ang ability ninyo. Gusto ko, bago matapos ang linggong ito ay magawa ninyo ang lahat ng task na naka-assign sa inyo. Maliwanag ba?"
Ngayon lang ulit sumagi sa isip ko ang dapat kong magawa for this training camp. Actually, hindi ko alam kung magagawa ko ba ang bagay na iyon, hindi ako confident na magagawa ko ang bagay na ito for a week. Pero sa tuwing naiisip ko na sangkot na si Jason sa gulong ito ay gusto kong gawin ang buo kong makakaya para lang matuldukan ang buong gulo na ito.
Sabi sa akin ni Sir Joseph ay mag-uusap daw kaming dalawa tungkol sa plano niya para sa kapatid ko.
"Pero sir, saan ba tayo pupunta?" Tanong ni Kiran.
"L.U." sagot ni sir at nagsigawan kaming lahat. I mean, nakapunta na akong La Union noong nagmisyon kami pero hindi ko naman in-expect na pupunta ulit kami sa beach.
Humikab ulit si Seven at napatingin ako sa kanya. "Puwede kang humiga sa balikat ko kung inaantok ka pa." Suhestiyon ko sa kanya.
He crossed his arms at diretsong nakatingin sa harap ng bus. Obvious naman kasi na inaantok pa siya, eh. "Balita ko kay sir Joseph ay may lawbreakers kang nakalaban habang nasa bakasyon ka."
"Paano mo nalaman?"
"Nakinig ka ba sa akin? Sabi ko nabalitaan ko kay Sir Joseph." Buwisit. Nagtatanong lang naman.
"Alam ninyo, hindi ko alam pero feeling ko binu-bully ako ng buong mundo." Sabi ko at napangiti si Seven. "Pero oo, may lawbreakers akong nakalaban... at alam mo ang mas nakakagulat? Glitch din ng society ang kapatid ko."
Tumingin sa akin si Seven. "I am sorry to hear that. Pero bakit parang ang aga niyang na awakened?"
"Sabi ni Sir Joseph ay may mga special case daw talaga na ganoon. Kaso nga lang, delikado raw dahil baka mahirapan silang kontrolin ang kapangyarihan nila dahil bata pa ang katawan nila at may chance na maging lawbreakers sila," Sinubukan kong maging casual sa pagkukuwento pero ang sakit para sa akin kapag naiisip ko ang possibility na iyon. "Pero hindi naman ako nag-aalala dahil tutulungan naman ako ni Sir Joseph."
"Your brother will be okay." Seven said. "We can protect him."
"Pero ikaw ba, sa pamilya ninyo, ikaw lang ang glitch ng society?" Tanong ko.
"Yup. They are all normal." Humiga si Seven sa balikat ko which is okay lang naman since ako naman ang nag-suggest noon sa kanya. "Alam kong mabigat para sa 'yo na malaman na glitch ng society ang kapatid mo. You can worry about him since he is your brother. Tatapusin natin ang gulong 'to, 'wag kang mag-alala. Hindi maglalaho ang kapatid mo."
Napangiti ako sa sinabi ni Seven.
Napalingon ako kay Kiryu na nasa kabilang upuan. "Ang lalandi ninyo." He mouthed at napairap ako. Issue talaga 'tong boy pochi na 'to.
Ilang oras na din kaming nasa bus noong saglit kaming nag-bus stop sa isang gas station sa La Union. Of course, bumaba naman kaming lahat para bumili nang makakain at mag-CR.
"Class may pupuntahan lang kami ni Hector, hintayin ninyo kami sa Convenience store. Bibili lang kami ng almusal ninyo." Napasigaw kami sa tuwa.
"Sir, burger lang ako. Diet ako." Sabi ni Girly at naglagay ng lipstock sa kanyang labi.
"Sir, spicy chicken na may extra rice." Sabi naman ni Ace. Kanya-kanya na kaming suggest ng gusto naming kainin kahit late breakfast na.
Inilista naman ni sir ang mga gusto naming kainin bago sila tuluyang umalis ni Sir Hector.
Tumambay kami sa loob ng convenience store para magpalamig. "Feeling ko hindi tayo magbi-beach." Sabi ni Ace. "Iba 'to sa dinaanan natin papunta sa San Juan."
"What?!" Sigaw ni Girly. "Hindi puwede! Nakaready na ang swimsuit ko. Ready na akog magpa-tan."
"Papa-tan ka pa. Tan ina mo." Sabi ni Teddy at sinamaan siya ng tingin ni Girly.
"Teddy. Bawas-bawasan mo nga 'yang pagmumura mo." Dumating si Claire at bumili ng chips. "Bumili ako guys, kainin natin habang wala pa yung breakfast ni sir."
"Claire, hulog ka talaga ng langit." Sabi ni Mild at binuksan ang Piattos.
Nagkuwentuhan lang kami muna at nag-catch up kung ano 'yong pinaggagawa namin for the past week. Isang oras na ang nakakalipas at hindi pa rin bumabalik yung bus at kumakalam na ang tiyan namin sa gutom.
"Akala ko ba babalikan tayo ni Sir? Tangina, saan ba siya bumili ng pagkain? Sa Taiwan? Napakatagal naman." Reklamo ni Teddy.
"Ace labasin mo nga. Silipin mo." Utos ni Mild.
"E 'di ikaw. Idea mo, gawin mo." Sagot ni Ace sa kanya.
"Ikaw na lang Kiryu." Utos ni Mild.
"Ayoko ng—"
"Bibigyan kita ng isang pack ng pochi."
"Okay." Tumayo si Kiryu at lumabas. Ang bilis din kausap ng isang 'to, eh.
Ilang minuto ang lumipat bumalik na si Kiryu. "Wala sina Sir pero may sulat na inabot sa akin yung gasoline boy." Iniabot sa amin ni Kiryu ang sulat.
Class, your training will start now. For your first task, kailangan ninyong makarating sa location at doon naghihintay ang mga pagkaing pinabili ninyo.
Location: Tangadan Falls
Malaki ang lugar kung kaya't kailangan mahanap ninyo ang mismong location ng training camp. Good luck Class Zero!
Malakas kaming napareklamo dahil naghihintay lang pala kami para sa wala!
Na-scam kami ni Sir Joseph.
*******
AN:
Tangadan Falls really exist pero sa story na ito, lalagyan ko ng kaunting changes for the story. 😁
Please, don't hate Teddy's character dahil sa mga sagutan niya hehe. I hope wala akong nao-offend. 😅✌️
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top