Chapter 01
chapter one
── ⋆⋅☆⋅⋆ ──
"Tita naman eh! Sabi nang ipinang-bili ko nga po ng pagkain para sa mga pulubi. Alam niyo namang matulungin akong tao. Kaya ayon, doon nauubos lahat ng baon ko—Aray ko, Tita!"
Napahawak ako sa bunbunan ko nang makatikim ako nang sambunot kay Tita. Hindi naman gaanong masakit 'yon pero kailangan kong umaray dahil tiyak na hindi niya ako bibitiwan.
Hindi ko alam kung bakit bigla niya na lang ako sinugod dito sa kusina at agad na tinanong ang tungkol sa baon ko. Ngayon lang siya nainggtriga nang ganito kaya naman laking pagtataka ko.
Hindi kaya sinabi ni Candy? Pasimple akong napailing. Kahit naman madaldal ang bibig no'n hindi naman niya ako kayang ilaglag.
"Ako nga h'wag mo nga akong pinaglolo-lokong bata ka." Duro niya sa akin na may nanlalaking mga mata.
Napahawak ako sa dibdib ko at pinanlakihan siya ng mata. "Tita, wala akong plano maging joker, kumalma ka."
"Tigilan mo ako sa kapilosopohan mo, Coleen."
Kaagad akong napaayos ng tayo. Kapag second name ko na ang gamit niya, isa lang ang ibig sabihin niyan. Beast mode na siya.
"Alam ko kung saan napupunta ang baon mo sa inaaraw araw! Ilan taon ka na ba ha? Labing walong taong gulang ka pa lang, gusto mo nang pumasok sa isang relasyon?! Aba'y gusto mo atang mabuntis ng wala sa oras."
Ngumuso ako kay Tita. Kahit kailan advance talaga siya mag-isip. Hindi ko rin naman siya masisisi. Talamak sa documentary na pinapanood niya ang topic na 'yon.
"Grabe ka naman, Tita. Porket papasok sa relasyon mabubuntis agad? Bakit si Candy po, hindi pa naman buntis." Pangangatwiran ko pa.
Nakita kong nasapo ni Tita ang noo niya. Masama itong tumingin sa akin at napaupo sa katapat kong upuan. Agad ko siyang inabutan ng maiinom. Baka atakihin siya ng high blood niya dahil sa akin. Bahagya akong nakonsensya ngunit mabilis ding napanguso.
Kasalanan no'ng nagsumbong kung aatakihin si Tita.
"Bata ka pa, Abigail. Puppy love pa lang 'yan, h'wag mo namang pagkagastusan." Ayan na naman siya.
Umayos ako ng upo. "Tita Anne kung sino man po ang nagsumbong sa inyo ay mali po ang balita niya—"
"Talaga?" Ngiwi ni Tita. "Kahit ang mismong nililigawan mo na ang nagsabi sa akin sa mga pinagga-gagawa mo?"
Para akong tinakpan ng unan sa mukha sa narinig. Nanlaki ang aking mga mata at hindi alam ang sasabihin o itatanong ko kay Tita. Napalabi ako kinalaunan nang mas lalong tumalim ang tingin niya sa akin.
"Tita Anne naman, nasa legal na edad na po ako. Normal na pa itong nararamdaman ko."
"Hanggat hindi ka tapos sa kolehiyo at wala kang trabaho at ipon para sa sarili mo ay bata ka pa rin para sa akin, Abigail. Mahirap ang buhay ngayon at nangako ako na gagawin ko lahat h'wag ka lang mabigo sa buhay. Naiintindihan mo ba ako?"
Hindi ko alam ang irarason ko pa kay Tita. Nakukuha ko naman ang ipinupunto niya.
"Hindi naman masama ang nararamdaman mo para sa tao, Abigail. Pero sana naman paganahin mo 'yang pag-iisip mo hah?" Sarkastikong saad niya. Hindi naman ako nakakibo. "Iyang perang iniwan ng mga magulang mo ay para lamang sa 'yo 'yan. Kung mauubos 'yan dahil sa mga kapritsuhan mo sa pag-ibig na 'yan, aba'y paano ka na? Alam mo namang kulang na kulang ang sweldo ko para sa ating dalawa. Kaya malaking tulong ang pera ng mga magulang mo, h'wag mong sayangin sa kung saan saan lang." Pangangaral niya.
Nanahimik ako sa sinabi ni Tita. Iwinaksi ko ang tingin ko sa kaniya at kinalikot ang aking daliri sa ilalim ng mesa.
Ang mga magulang ko.
Hanggang ngayon, hindi ko pa rin lubos matanggap kung bakit sa isang iglap, bigla na lang silang kinuha sa'kin. Hindi ko alam kung bakit ang masaya naming pamiya noon ay bigla na lang naging ganito.
Hindi ko na nga alam kung bakit sinasabing pamilya kami kung iniwan naman nila akong dalawa. Sana ay isinama na lang nila ako, para hindi ako nakakaramdam ng bigat sa loob ko.
"Mag-aral kang maigi, Abigail. Edukasyon lamang ang magiging susi para matupad mo ang lahat ng hangarin mo sa buhay. Tsaka ka na manligaw kapag sarili mo nang pera ang ipinangbibili mo nang bungkos na mga rosas. Ke-babaeng tao nanliligaw, jusmeyo." Tikhim ni Tita Anne sabay tayo.
"Magpapalusot pang para sa mga pulubi, tch." Habol niya pa.
Napakamot ako sa batok ko. Akala ko lulusot, hindi pala. Grabe naman 'tong si Troy, ang lakas ng loob niyang isumbong ako kay Tita. Siya na nga itong pinag-e-efortan ko, ang arte pa. Hindi ko akalaing sa kaniya pa talaga manggagaling ang sumbong.
Humayo na ako at tinungo ang kuwarto ko. Agad akong sumalampak sa higaan ko dala ang phone at nag-umpisang magtipa ng message ko para sa kaniya.
Ilang sandali lang ay na-seen niya na rin. Hindi naman ako magkamayaw sa pag-padyak ng dalawa kong paa sa kawalan.
Ang lakas talaga ng tama niya sa akin. Kahit seen lang kinikilig na ako, parang tanga lang. Sandali pa akong naghintay ngunit kagaya ng lagi niyang ginagawa ay hanggang seen lang ang napala ko sa kaniya. Napakagat labi ako at pinindot ang video call button. At gaya rin ng inaasahan ko ay sinagot niya naman.
"Dapat pala tumawag na lang agad ako." Aniya ko sa sarili na alam kong narinig niya dahil bigla niya akong nilingon.
Napangisi ako at sinuri ang paligid niya. Madilim ang likod niya ngunit ang nasa harapan ay maliwanag dahil naka-turn on ang lamp. At sa ibabaw ng mesa ay nandoon naman ang mga libro niya.
"Ay, nag-aaral ka pala." Hiyang saad ko.
Tumaas ang kilay nito at bumuntong hininga.
"Anong kailangan mo?" Pagtataray niya. Ke-lalaking tao ang hilig magtaray. Dinaig pa ako kapag may dalaw.
"Wala lang po, gusto lang kita makita bago ako matulog." Malambing kong sagot sa kaniya na sinabayan ko pa ng kindat.
Animo'y nandidiri naman ito sa kaniyang puwesto. "Nakita mo na ako, patayin ko na ah? Masyado mo na akong iniistorbo."
"Grabe naman, kahit mga five minutes' pa—"
"You'll be lucky if I let you see me within those minutes, Abigail, and that's never going to happen."
"Ang sama mo naman sa akin."
"I don't give a damn, Mendez." Walang emosyon niyang sagot at nagpatuloy sa pagsusulat.
Mas lalo akong yumakap sa unan ko habang nakamasid sa kaniya. Bahagya akong ngumiti dahil ramdam ko na kumalma ako ngayong nakita ko na siya. Biglang nawala ang mabigat na pakiramdam sa dibdib ko.
"T-troy,"
"Hmmm."
"Thank you," sa sinabi ko ay bigla siyang tumingin sa screen. Kahit sa screen lang 'yon, nagrarambulan na ang balunlunan ko.
"For what?" Tanong niya sabay kuha sa phone at itinapat ito sa kaniyang harap. Nasa side kasi ako kanina. "Para kang may problema."
Umiling lang ako. "Ako? May problema? Duh, favorite kaya ako ni Lord." Biro ko.
"Whatever, Coleen. Whatever."
"Ang sexy naman ng second name ko sa 'yo. Pero kapag si Tita Anne ang tumawag sa'kin, ang pangit." Nguso ko.
Kitang kita ko ang bahagya niyang pagngiti. Hindi ko maiwasang hindi magulat pero hindi ko na lang 'yon pinuna. Baka mausog.
"Anong oras na. Mag-aaral ka pa rin ba? Maaga ka pa bukas ah." Pag-iiba ko.
Para naman siyang natauhan. "Inaayos ko lang 'yong research paper namin, patapos na sana ako kung hindi ka lang tumawag para mang-istorbo."
"Grabe, ganiyan mo ba talaga ako ka-ayaw?"
Napataas ang kilay niya. "You know what, Abigail. Matulog ka na lang. Pinagbigyan na kita ngayon,"
"Oo na. Grabeng kalooban mo. Kapag ikaw nag-propose sa'kin, hindi kita sasagutin!"
Napailing siya. "Mas gusto ko pang mamatay kaysa maging asawa ka, Abigail Coleen. Ang lakas mo mag-ilusyon."
Mas lalong humaba ang nguso ko sa narinig.
"Kakainin mo rin 'yang mga sinasabi mo sa'kin, Monreal. Kapag nagsawa ako sa 'yo, ikaw din ang maghahabol sa'kin, tingnan mo."
"Really?"
Napakunot noo ako. "Anong really ka diyan?"
"Magsasawa ka sa'kin?"
Hindi ko alam kung tama ba ang pagkakadinig ko sa tono niya na para bang nalulungkot siya. Iwinaksi ko 'yon sa sistema ko at tumango tango. Bumangon din ako at sumandal sa headboard ng higaan ko. Itinapat ko ng maigi ang camera ng phone ko sa'kin at tinitigan din siya.
"Sabi kasi nila kapag napagod daw ang isang tao, magsasawa daw sila. Hindi naman ako alien kaya alam kong aabot din ako sa puntong 'yon—"
"Then what will you do if that ever happens?"
Sandali akong natigilan. Sa totoo lang, kasinungalingan naman ang sinabi ko sa kaniya. Pakiramdam ko nga ay hindi ko siya kayang sukuan. Dadating lang siguro ako sa puntong 'yon kapag may taning na ako o kaya kapag nakahanap siya ng taong ihaharap niya sa altar.
Masakit, oo. Iniisip ko pa lang na hindi ako 'yon, halos madurog na ang puso ko. Pero sino ba naman ako para hadlangan siya? At the end, all I want is for him to be happy.
"I'm asking you, Abigail. What will you do if that ever happens?" Pag-uulit niya.
"Kapag nagsawa ka na sa'kin, ano'ng sunod mong mga hakbang?" Pagpapatuloy niya pa.
Napairap ako at napangiwi sa pagmamadali niya. Para bang napaka-importante ng magiging sagot ko na gusto niya agad marinig.
"Kung mangyayari man 'yon. Hindi na kita guguluhin, syempre. Hahayaan na kita at ipag-pre-pray ko na lang ang kaligayahan mo. Tapos ako, iiba ako ng daan, hahanapin ko ang para sa'kin. Gano'n."
Pero sa totoo lang. Kung dumating ako sa panahong magsawa ako sa kaniya, kahit bukas, sa makalawa, sa susunod na linggo, buwan, o taon. Sigurado ako sa sarili ko na babalik balikan ko lang ang nakaraan, at babalik na ulit ang kabaliwan ko sa kaniya.
Gusto kong sabihin 'yon pero parang may kung anong pumipigil sa'kin. Pride? Siguro.
"Kung ganiyan pala ang mangyayari, hindi na ako makapaghintay na magsawa ka sa'kin, Abigail. Matatawag kong freedom 'yan."
Hindi ko siya inintindi.
"Magsisisi ka rin, Troy. Baka nga kapag sinagot ko ang anak ni Mayor Valderrama, bigla kang matauhan na mahal mo pala ako eh."
Muli siyang natigilan, tatawa pa sana ako nang manlaki ang mata ko sa biglang pagkaka-off ng video call namin.
"Shet! Malapit na mag-30 minutes eh!"
Muli ko siyang sinubukang tawagan pero gano'n na lang ang pagkadismaya ko. Nag-offline na ang bebe ko!
Naiwan akong nakatulala sa screen ko. Grabe, hindi man lang muna nakipag-landian sa akin bago ako pagbabaan. Ang galing mo talaga Monreal, kung hindi lang ako nababaliw sa 'yo, baka sinabunutan na kita.
Pinatay ko ang phone ko at inilapag 'yun sa tabi ko. Bumuntong hininga ako at napakapa sa aking dibdib.
Dadating kaya ang panahon na mai-isip niyang ang swerte niya sa'kin?
Napailing ako. Masyadong ginugulo ng Monreal na 'yon ang buhay ko. Simula noon hanggang ngayon, hindi nagbago ang epekto niya sa'kin. Habang tumatagal, mas lalo akong nalulunod sa kaniya.
Ipinikit ko ang mga mata ko at kalaunan ay nagpadala na lamang sa antok na aking nadarama.
"Bakla nga kasi si Brando mga ate. Best friend ko 'yon, tapos ayaw niyong maniwala."
Napatingin ako kay Jel na halatang napipikon na sa mga kaklase namin. Pano naman kasi, kanina pa siya kinukulit ng mga 'to na ilakad daw sila kay Brando.
"Bakla ka diyan. Eh, grabe nga makatitig sa 'yo 'yon—"
"Inggit na inggit 'yon sa beauty ko, kaya gano'n. Alam niyo, kayo na lang ang lumapit do'n sa tao. Tanungin niyo siya kung kaya niya ba kayong patulan." Inis na sabi niya sabay bukas ng libro.
Nagkatinginan kami ni Candy. Parehas kaming nakikinig lang sa kanilang lahat. Wala nga atang araw na hindi nila ginulo si Jel dahil lang kay Brando. Well in fact, all of us here knows that Brando Aderson Bustamante is gay.
He admitted it before, kaya lahat ng admirers niya nanghinayang.
Kahit ako eh.
Gwapo kasi si Brando. Para siyang may roman blood, pero pure filipino namam siya. Kaya ang lakas ng dating niya. Kaya nga rin kahit nagladlad ang taong 'yon, kabila't kanan pa rin ang gusto siyang jowain.
"Sayang talaga 'yang kaibigan mo, Jel. Kung wala lang akong boyfriend, baka nga ako na nanligaw diyan." Ani ni Candy.
Napatingin ako sa kaniya. "Akala ko ba, wala sa vocabulary mo 'yan lalo na't may nobyo kang manipulative?" Sabat ko at binato pa siya ng pentel pen.
Napailing si Jel tsaka inayos ang manila paper namin. May groupings kami. Tatlong member per group, at katulad ng nakagawian, kami ulit tatlo ang nagsama sama.
"Eh, kung si papa Brando ba naman ang usapan, why not turn the table?" Natatawa niyang balik. "Joke lang, baka makarating sa bebe ko."
"Tinanong ko naman na si Brando about diyan. Minsan umiiwas siya, minsan namam todo sagot siya na bakla nga raw siya. At h'wag na raw akong makulit." Ani Jel.
Nagsulat na ako para sa report namin. Si Candy naman ay todo browse na sa book niya at si Jel, may binibigay na mga main idea para mabilis kong makuha ang dapat kong ilagay sa manila paper namin.
"Pero sa totoo lang, hindi ko talaga mapaniwalaan na bakla siya. Siguro dahil magaling siyang player ng basketball no'ng junior high. Team Captain ba naman." Pasipol na wika ni Candy.
Una naming nakilala ni Candy si Brando. Ka-schoolmate na namin 'yan si Brando. Kami kami nila Troy. Ito naman si Jel ay nakilala lang din si Brando ng minsan silang magkita sa gathering sa bahay ng pamilya ni Brando. Mabilis silang nagkalagayan ng loob and one time, brinodcast na ni Brando na magbestfriend daw sila.
Malapit si Jel sa'min, kaya marami na rin siyang nai-kwento sa'min about Brando. Mas kilala niya rin ang buong katauhan nito dahil lagi silang magkasama.
"I saw his pictures before, pinagmamalaki niya rin sa'kin na team captain siya. Noong una nga, nanghihinayang ako kasi pwede niya pa rin namang ituloy ang paglalaro, pero gaya nga ng sabi ko, gusto niyang lumiko ng landas."
Napatango tango kami ni Candy.
"Mas enjoy naman na rin siya ngayon, kaya kung saan siya masaya doon din ako." Pahabol niya pa.
"Ang swerte ni Brando sa 'yo ah. Sana magkatuluyan kayo kahit impossible." Ngiti kong wika.
Napatawa si Jel sa'kin. "Ikaw talaga, Abigail. Nga pala, mag-iikot daw sila Pres. ngayon, uunahin ang room na'tin kaya mag-freshen up ka na."
"Sinong kasama? Si Pauline ba?"
Napatango naman si Jel. Kaagad akong nanlumo.
Kahit mag-freshen up ako, walang wala ako sa beauty ng babaeng 'yun.
"Nagseselos ka ba sa kaniya? May boyfriend naman na 'yong si Pauline, Gail. H'wag kang magselos." Tapik ni Jel at tumayo na.
"H'wag ka na mag-drama 'te. Bitbitin mo na 'yang manila paper para maidikit na na'tin sa board." Sunod ni Candy at sabay nila akong iniwan.
Nanlulumo akong tumayo sa sahig na kinauupuan ko at sumunod na sa loob ng room. Pagkapasok ko pa lang ay hinila na kaagad ako ni Jel at inilabas ang make up kit ko.
"Mag-ayos ka na. Bago makabalik si Candy, ako na ang magdidikit sa blackboard." Ngiti niya sa'kin.
Napailing na lang ako. Kahit walang naging reaksyon si Candy kanina sa sinabi ni Jel na mag-ayos muna ako, alam ko na deep inside sa balunbalunan niya, umiirap na siya.
Nagpaalam ako sa subject teacher namin. Nang nasa cr na ako ay pinakatitigan ko ng maigi ang sarili ko.
Maganda si Pauline, pero maganda rin naman ako. Maputi siya, may kamorenahan naman ako. Namumula rin ang pisngi at labi ko, pero mas litaw ang natural na kapuluhan ni Pauline. Pero ang alam ko pa rin, mas maganda ako in all aspect.
Bakit ko naman ida-down ang sarili ko, sarili ko na 'to, pagtataksilan ko pa? No way!
Naglagay lang ako ng oil control dahil medyo oily 'yong skin ko. Kaunting blush para ma-enhance ang kapulahan sa pisngi ko at lip gloss para sa glossy kong lips.
Inilugay ko rin ang abot baywang kong buhok, at inayos ang bangs kong kakagupit ko lang kaninang umaga.
At ang panghuling atake—cologne. Sugar frosting na juicy ang bet ko para hindi masakit sa ilong, isa pa, ang daming nagsasabi sa'kin na ang bango ko kaya hindi na ako nag-switch sa mga mamahaling perfume.
Dali dali akong umalis nang matapos na ko. Ngunit gayon na lamang ang pagkakagat ko sa labi ko nang marinig ang boses ni Pauline sa loob ng room. Sumilip ako ng bahagya, lahat sila ay tutok sa student councils na nasa harapan.
"Nakapaghanda na mostly ang lahat ng senior niyo para sa intrams na'tin. Lahat ng magiging booth next week ay approved na ni Pres. Kaya ang gagawin niyo na lang ay mag-enjoy. Welcome rin ang ibang students na galing ibang schools, dahil open gate naman tayo—"
"Excuse me po," napapalabing singit ko dahil sinenyasan ako ni Ms. Joan na pumasok na.
Lahat ng atensyon ay napunta sa'kin at ngayon lang ata ako nakaramdam ng hiya dahil nang pasimple akong lumingon sa gawi ni Troy ay wala 'tong emosyong nakatitig sa'kin.
Sabagay, ayaw na ayaw niya pa naman na nauudlot ang announcement nila katulad ng ginawa ko. Para sa kaniya ay kabastusan 'yun! Gano'n kalawak ang pagkakaunawa niya sa mga bagay bagay—may point din naman kasi.
"Ang tagal mong bumalik 'te. Sabi ko freshen up lang, hindi mag-glamor sa cr." Tikhim ni Jel na ikinangiwi ko.
"Bad shot kay boss." Kamot batok kong wika na ikinangiwi ni Candy at muling nakinig sa nagsasalita.
"Cheerleaders will be asked to perform after prayer, the school hymn, and the introduction of our intramurals held by student councils. After this class, expect that our president will hold a meeting for further planning for our program to succeed."
"Can I ask a question, Vice?" Isa sa mga kaklase ko na nginitian ni Pauline.
"Sure,"
"Kasali rin ba kayo sa program na'tin? Like, pwede ba namin kayong maka-jamming in any booth?"
"Depende po kay Pres." Natatawang sagot ni Pauline, at siniko si Troy na tahimik lang sa gilid na nag-aayos ng fliers.
Tiningnan siya ni Troy, bahagya pang itinakip ni Pauline ang paper na hawak niya para bulungan si Troy bagay na ikinakulo ng dugo ko.
"To answer your question, Miss. Hindi kami pwede. Kami ang mag-a-assist sa inyo. Kami ang magbabantay dahil open gate nga tayo." Seryosong wika ni Troy na ikinapanghinayang ng lahat, lalo na ako.
"Sayang," wika ko.
"Anyway, that's all for today. Thank you everyone." Aniya ni Troy tsaka nagtungo kay Ms. Joan. Naunang lumabas ang ilan sa student councils, ang tanging naiwan lang ay si Troy.
"Grabe, 'di na talaga kataka taka kung bakit naghahabol ka kay Troy, Abigail. Ganiyang side profile ba naman eh, oh." Baling sa'kin ng isa sa mga kaklase namin.
Ang ibang nakarinig no'n ay kaagad akong tinukso, tuloy ay napatingin sa'min sila Troy. Hindi man lang natigil ang tuksuhan, sinuway na sila ni Ms. Joan pero ayaw naman paawat ng mga gunggong.
Si Troy, napako ang paningin sa'kin kaya ramdam ko ang pamumula ng pisngi ko. Akmang yuyuko na sana ako nang tawagin naman ako ni Troy na siyang ikinalaki ng mata ko.
"Can you come here, Ms. Mendez."
Hindi tanong 'yon kung hindi utos.
Ang mga tingin ng kaklase ko ay nanunukso, parang gusto ko mandukot ng mga mata.
Lumapit ako sa kanila. Tinitigan niya muna ako bago bumaling kay Ms. Joan.
"Ako nang bahala sa kaniya, Ms. Thank you." Aniya at muli akong hinarap.
"Bring your belongings. Hihintayin na lang kita sa dulo ng hallway." Pagkasabi niya no'n ay walang pasabi na siyang lumabas ng room habang naiwan akong nakatanga.
Mabilis akong sumunod sa kaniya nang matapos akong magpaalam kay Ms. Joan. Pinanlakihan ko na lang din ng mata sila Candy na nakamasid lang sa'kin.
PAGKPASOK NAMIN sa office nila, mabilis pa sa alas-kwatrong nagsi-ayos ang ibang miyembro nila. May nakain pa habang nakataas ang paa sa lamesa na halos mabulunan ng makita ang pagpasok ni Troy.
"Oy, president! Kasama mo si ganda ah." Puna ng isa at akmang ipaghihila ako ng upuan nang sumingit naman si Troy.
"Follow me, Abigail," maawtoridad niyang wika.
Nakangiti ko na lang na tinanggihan ang lalaki at tahimik na sumunod kay Troy habang bitbit bitbit ang bag ko.
Ano ba kasing gagawin ko dito?
"Julian, pakihila ng upuan dito." Utos niya at isinenyas ang space sa tabi ng upuan niya.
Napataas ang kilay ko, maging ang inutusan niya na halatang naguluhan sa inutos ni Troy, pero sa huli ay sumunod pa rin.
"Sit beside me," pukaw pa nito sa'kin.
"Ano bang ginagawa ko dito?" Wala sa sarili kong tanong nang maka-upo ako sa tabi niya.
Troy didn't answer me. Parang wala siyang narinig. Kaya naman muli kong inulit.
"Troy, ano bang ginagawa ko dito? Bakit—"
"Staple that fliers for me. Itong white ang sa ibabaw at green 'yong sa ilalim. Two copies each flier." Pagbagsak niya ng halos may kakapalan na mga papel sa harapan ko.
"Ako?" Turo ko sa'king sarili.
"May problema ka?" Baling niya sa'kin. Napalunok naman ako sa kaseryosohan niya.
Napakurap kurap ako bago umiling. "Wala naman, pero bakit ako? Hindi ba dapat sila ang utusan mo, kasi sila ang student council?" Turo ko apat na lalaki na nakatingin samin habang panay ang kain.
Tiningnan din sila ni Troy. "Tamad 'yang mga 'yan." Walang pasintabi niyang wika na ikinaubo ng isa.
"G-grabe si Pres. Parang others!"
"Ang sama talaga ng ugali, parang hindi tayo pinapakinabangan."
Mga komento nila na hindi naman pinansin ni Troy.
"Do it, Abigail. Mas ayos na ikaw na lang ang mag-staple niyan, advantage mo na rin 'to, hindi mo ba naisip 'yon?" Mahina ngunit sapat lang para marinig ko.
Naguluhan naman ako, umurong ako palapit sa kaniya at kinuha ang stapler at nagsimula na.
"Advantage? Bakit naman?" Tanong ko.
"Seriously, Abigail. You didn't get it?"
Sinalubong ko ang tingin ni Troy. Halos magwala ang puso ko dahil sobrang lapit ko sa kaniya. 'Yong pabango niya, nanunuot sa ilong ko.
"Medyo slow ako ngayon, Pres. Pwedeng pa-elaborate." Ngisi ko.
Napalabi siya bago ialis ang paningin sa'kin. Nagtipa siya sa laptop niya habang ako ay ipinagpatuloy ang pinapagawa niya.
Tahimik na ang pagitan namin. Ang kaninang mga lalaki na kasama namin ay may kaniya kaniya nang pinagkakaabalahan kaya tahimik na sa buong office.
Masyado na nga ata akong nag-enjoy kaya naman hindi ko na namalayan na lunch break na pala. Napukaw na lang ako sa ginagawa nang maglapag si Troy ng tray sa mesa namin at kalabitin ako.
"Busugan ba?" Tanong kong natatakam sa mga pinag-oorder niya.
"Just eat what you want, Abigail. Go on, marami pa tayong gagawin." Aniya.
Hindi na ako nahiya. Minsan lang mangyari 'to. Pakiramdam ko nga ay ang bait bait niya sa'kin ngayon, ibang iba sa Troy na nililigawan ko.
"This is what I call an advantage on your side, Abigail."
"Huh?"
Tumikhik lang si Troy at dumukwang sa lamesa at kumuha ng takoyaki.
Maingat niyang inihipan 'yon at gayon na lang ang pagkabalisa ko nang itapat niya sa bibig ko ang pagkain.
"Eat this one, be careful lang kasi medyo may kainitan pa ang loob niyan." Aniyang nakangiti.
Para na akong mawawala sa sarili kaya napanganga na lang ako. Nang manguya ko na ay hindi pa rin nag-iiwas ng tingin si Troy. Para bang hinihintay niya pang maubos ko sa bibig ang isinubo niya.
"That's what I meant by the advantage, Abigail . . . You being with me, isn't it you want?"
──
𝓳𝓮𝓷𝓪𝓿𝓸𝓬𝓪𝓭𝓸✿
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top