Chapter 1
CHAPTER ONE
RIVALRY HAS BEGUN
Bernard V. Consuelo National High School
Fourth Year - Section Sampaguita
School Year 2015-2016
TAGAKTAK ang kaniyang malalamig na pawis. Rinig na rinig ang takong ng kaniyang two-inches black school shoes na tumama sa sahig ng hallway habang siya'y tumatakbo patungo sa kanilang classroom. Tila may humahabol sa kaniya sa bilis nang kaniyang takbo. Wala siyang pakialam kung ano ang iisipin ng mga estudyante sa kaniyang ikinikilos. Ang mahalaga sa kaniya ay maiparating sa mga kaklase ang nakita niya sa labas ng building. Pigil hiningang pinasok niya ang classroom na hindi alintana na mapuputol ang kanilang klase.
"GUYS! Si Samantha tatalon sa rooftop!" malakas na sigaw ni Charlotte ang pumutol sa tahimik na klase ng section Sampaguita sa araw na 'yon. Hingal na hingal ito sa katatakbo upang ipaalam sa mga kaklase ang nakita niya sa labas.
Walang pag-aatubiling nagsilabasan ang mga kaklase ni Charlotte at agad na tumakbo nang malaman ang sinabi niya na tatalon ang kanilang kaklase na si Samantha Roux.
Pagkababa nila mula sa ikatlong palapag ng gusali mula sa kanilang classroom, tanaw nila ang mga nagtatakbuhang mga estudyante palabas ng naturang lugar. Paglabas nila ng building, kitang-kita nila ang mga nagkukumpulang estudyante habang tinitingala ang babaeng nakatayo sa rooftop. At doon nila nakitang si Samantha nga 'yon na kanilang kaklase.
Kilala si Samantha Roux Hidalgo sa kanilang campus. Maliban sa pagiging estudyante sa star section, ang Sampaguita, kilala ang dalaga dahil sa pagiging mayaman ng pamilya. Dagdag pa ang pagiging maganda at matalino nito.
Pansin nila ang kaklase noong nakaraang araw na medyo tahimik at balisa. Sinubukan nila itong kausapin kung ano ang problema ngunit wala naman silang natanggap na sagot. Pinabayaan na lamang nila ang kaklase baka personal ang problema o hindi kaya ay tungkol ito sa pamilya. Hindi na sila nagpumilit pa na magtanong baka isipin rin nito na nakikialam sila nang may buhay.
Kitang-kita nila ang malungkot na mukha ni Samantha. Nasa dulo na ito ng railings ng rooftop. Kung may malakas na hangin na tatama sa dalaga ay tiyak na mahuhulog ito sa kinatatayuan.
Nagulat na lang sila at napasigaw nang biglang iniangat ni Samantha ang kaliwang paa. May pulis na ring kakarating lang matapos tawagan ng adviser nila na si Teacher Cindy. Hindi na magkamayaw ang kanilang guro dahil sa nerbyos na nararamdaman nang makita ang estudyante nitong magpapakamatay.
Sinubukang kumbensihin ng hepe ng pulis si Samantha na huwag gawin kung anuman ang nasa isip nito.
"Miss Hidalgo, may mas mainam pa na paraan upang masolusyunan natin ang 'yong problema. Hayaan mong tulungan ka namin," panawagan ng hepe habang hawak-hawak nito ang ginamit na mega phone. Ngunit wala ring naging epekto ang pakiusap ng hepe dahil hindi man lang nakitaan ng anumang reaksyon ang mukha ng dalaga. Ganoon pa rin ang reaksyon nito na tila binagsakan ng langit at lupa.
Napapikit na lang sila nang tuluyan na itong tumalon sa rooftop. Nagsisigaw ang ilang estudyante na nakasaksi sa pangyayari. Habang ang mga estudyante sa section Sampaguita, tulala at napatakip na lang sila sa kanilang mga bibig.
Basag ang ulo ni Samantha at nagsilabasan ang ilang parte ng utak. Tumalsik ang napakaraming dugo sa semento na pinagbagsakan nito. Dilat ang mata na saktong nakaharap ang kaniyang posisyon sa kaniyang mga kaklase.
Hindi na nakayanan ng ibang estudyante ang nasaksihan. Ang iba ay nagsialisan at 'yong iba ay nandidiri sa nakita. Nanatiling nakatayo ang mga kaklase ni Samantha. Minasdan nila nang maigi ang kanilang kaklaseng malungkot ang sinapit.
Nagsimulang magsibagsakan ang kanilang mga luha na kanina pa pinipigilan. Gustuhin man nilang puntahan ang kaklase ngunit hindi sila pinayagan ng mga pulis. Nagsimula nang maglagay ang mga pulis ng yellow tape at sinuri ang dalaga.
Ang buong section Sampaguita na lang at iilang mga pulis ang naiwan doon. Nakatayo lamang sila sa kanilang puwesto at hindi gumalaw dahil sa hindi nila inakalang pangyayari. Labis silang nalungkot sa nangyari ng kanilang kaklase.
Nag-imbestiga na rin ang kapulisan sa kanilang guro ukol sa mga bagay na ginawa ni Samantha bago ito magpakamatay. Nagtanong din ang mga pulis sa mga kaklase nito at kung sino ang huling nakasama at kung may na-o-obserbahan ba silang mga kilos na kakaiba. Tanging ang pagiging tahimik at balisa lamang ng dalaga ang naisagot nila. Ito kasi ang na-o-obserbahan nila noong nakaraang araw.
"S-si S-samantha. . ." putol-putol na saad ni Elisa habang nanlaki ang kaniyang mga mata sa nakita.
Sabay-sabay na nagsitinginan ang lahat matapos marinig ang sinabi ni Elisa.
Nagulat na lamang sila nang biglang gumalaw ang katawan ni Samantha. Pupuntahan na sana nila ito ngunit biglang itong bumangon papunta sa kanilang kinatatayuan. Pasuray-suray ang lakad nito na parang lasing habang bumubulwak ang sariwang dugo sa bibig nito.
Diretso ang tingin habang nanlilisik ang mata. Kitang-kita ang galit sa kaniyang mukha at maya maya ay may binubulong ito na hindi nila maintindihan. Hindi 'yon marinig nang maayos dahil sa tuwing magsasalita ito ay bumubulwak ang dugo mula sa kaniyang bibig.
Kinakabahan sila at ang iba ay nilulukob na ng takot dahil sa mukha nitong puno ng sugat at dugo. Nayupi ang ulo nito mula sa pagkabagsak at doon umagos ang sariwang dugo. Gusto nilang tumakbo ngunit hindi nila maigalaw ang kanilang mga paa. Sinubukan din nilang sumigaw ngunit tila umurong ang kanilang mga dila at hindi sila makapagsalita. Papalapit na palapit na ito sa kanila nang bigla itong sumigaw.
"Magbabayad kayong lahat!" galit na galit na sigaw ni Samantha sa harap ng mga kaklase.
Ilang sandali pa ay sumuka ito ng maraming dugo at tumawa nang pagkalakas-lakas. Humagikhik pa ito na tila nasisiraan ng bait.
"Magbabalik ako at sisiguraduhin kong isasama ko kayong lahat sa impyerno." Yumuko si Samantha at unti-unting humahagulgol.
Sinubukang igalaw ni Elisa ang kamay niya upang hawakan ang kaklase. Ngunit laking gulat niyang nang umangat ang ulo ni Samantha at nagsilabasan ang mga nakakadiri at naglalakihang uod sa bibig nito. Naroon din sa ilong habang ang mata nito ay lumuluha ng dugo. Ngumisi ito nang pagkalawak-lawak at maya maya ay sumabog ang katawan.
Tumalsik ang napakaraming dugo sa mapuputing uniporme ng kaniyang mga kaklase at naamoy ang nakakasulasok at malansang amoy. Hindi natigil ang kaba at takot na lumukob sa kanila. Matapos ang nakakatakot na nangyari kay Samantha, bigla na lang dumilim ang paligid. Bawat isa ay nababahala at natatakot. Rinig na rinig ang paghinga ng bawat isa at hindi alintana ang darating na kapahamakan. Isang malakas na dagundong ang kanilang narinig na tila magpapasabog sa kanilang pandinig. Hindi nila mawari kung saan 'yon nanggaling. Tanging pag-iyak na lamang ang kanilang nagawa at taimtim na nagdasal sa Diyos.
HABOL ang hininga ni Elisa nang magising siya sa bangungot na 'yon. Pawis na pawis habang inaalala ang mga pangyayari sa kaniyang panaginip. Ramdam na ramdam niya ang mabilis na pagtibok ng kaniyang puso. Tila 'yon mga kabayong nag-uunahan sa pagkarera.
Tiningnan niya ang wall clock na nakadikit sa dingding sa loob ng kaniyang kwarto. Nakita niyang alas tres pa lang ng madaling araw. Naniniwala pa naman siya na devil's hour ang nasabing oras. Mas lumakas ang tibok ng kaniyang puso nang malaman 'yon. Nakaramdam siya nang dobleng takot nang sumagi 'yon sa kaniyang isipan.
"Totoo nga ba na devil's hour ang alas tres ng madaling araw?" tanong niya sa sarili.
Hinawakan niya ang kaniyang dibdib at pilit na pinapatahan ang sarili. Ngunit kahit anong gawin niya ay naaalala niya pa rin ang nakakatakot na mukha ng kaniyang kaklase. Wasak habang tumutulo ang dugo at nagsilabasan ang uod sa bibig nito. Napaigtad at napangiwi siya dahil pandidiri.
Napagpasiyahan na lang ni Elisa na bumangon at magtungo sa kusina upang uminom ng tubig. Akmang bubuksan na sana niya ang refrigerator upang kumuha ng malamig na tubig, ngunit naalala niya na pinutulan pala sila ng kuryente. Hindi kasi sila nakabayad sa inuupahan. Sinubukan nilang humingi ng palugit sa may-ari ngunit hindi ito nakinig. Nag-alala nga sila ng nanay niya dahil kung hindi sila makakabayad sa susunod na araw ay baka palalayasin na sila sa tinutuluyan nito. Kasalukuyan silang umuupa sa isang maliit na apartment malapit sa kanilang paaralan. Malayo kasi ang lugar nila sa bayan at kung babiyahe pa siya araw-araw, dagdag gastusin lang ito. Kaya napag-pasiyahan ng ina niya na umupa na lang sila upang makatipid. Maliit lang ang inuupahan nilang apartment. May dalawang kuwarto na sakto sa kanilang dalawa, mini-sala at kitchen, at comfort room na nasa loob. Maliit ngunit kasyang-kasya dahil dalawa lang sila roon.
Kumuha na lang si Elisa ng tubig sa pitsel na nasa mesa at 'yon ang ininum. Bumalik siya sa kuwarto at inayos ang mga notebooks at textbooks na dadalhin niya pagpasok. Saglit siyang tumingin sa salamin na nakadikit sa cabinet malapit sa study table na pinag-ayusan niya. Kitang-kita ang kaniyang buong katawan at pinag-aralan niya 'yon. May takot man siya tuwing titingin sa salamin dahil naaalala niya ang mga napapanood sa horror movies na may biglang lilitaw na multo, naroon pa rin ang kuryusidad niya na suriin ang sariling pigura.
Tumitig nang husto si Elisa sa kaniyang mukha. Seryoso siyang tumingin sa sariling repleksyon. Ngayon pa lang siya humanga sa sariling pigura at taglay na katangian. Mula sa maitim at mahaba niyang buhok hanggang beywang at morena na kutis. Ang makakapal niyang kilay na bumagay sa bilugan niyang mukha. Hindi man katangusan ang kaniyang ilong, bawing-bawi naman siya sa mapupula niyang labi. Sa katunayan, bumagay ito sa kurba ng kaniyang pisngi lalo na kung lalabas ang kaniyang biloy kung ngingiti siya.
Napatigil siya sa pananalamin nang maalala na mayroon silang history class mamaya. Kaya napagdesisyunan niyang magbasa saglit. Kilala pa naman si Teacher Rolette, ang guro nila sa History, na nagbibigay ng surprise quiz. Hindi naman ito istrikta, ganito lang talaga ang istilo niya upang sukatin ang natutunan ng mga mag-aaral sa kaniyang klase.
Nais ni Elisa na maging guro. Ito kasi ang kaniyang childhood dream. Lalo pa at naging inspirasyon niya rin ang adviser niyang si Teacher Cindy. Si Teacher Cindy ang palaging nagbibigay sa kaniya ng lakas ng loob na tuparin ang pangarap bukod sa kaniyang ina. Bukod pa rito, dito nakikita ni Elisa ang sarili na magbahagi ng makabuluhang aral para sa mga tao lalong-lalo na sa mga kabataan. Kaya pursigido siyang mag-aral upang maging top one sa klase nang sa gayon ay makatanggap ng full scholarship.
Isa kasi sa pribelihiyo ng Bernard V. Consuelo National High School ang makatanggap ng full scholarship sa kolehiyo na mapapasukan hanggang makatapos ito sa kursong pinili. Malayang makakapili ang valedictorian sa university at course na kaniyang mapapasukan. Ang tanging gagastusin lamang nito ay ang daily allowance, ang miscellaneous at iba pang related fees sa university ay sagot ng naturang high school. Dagdag pa sa pribelihiyo nito ang vacation trip tuwing semestral break at summer break. All paid expenses sa Bernard V. Consuelo High National High School kung magaganda ang makukuhang marka. Kaya marami ang naghahangad sa puwestong ito. Ito ang nakikitang katuparan ng karamihan lalo na sa section Sampaguita. Magmimistulang nanalo sa lotto ang makakatanggap nito.
Fourth year high school student na si Elisa at gusto niyang makatuntong ng kolehiyo. At ang scholarship ang naiisip niyang paraan upang ito ay maisakatuparan. Pinilit niyang ninanamnam ang binabasa ngunit kahit anong basa niya ay naalala niya ang pagmumukha ni Samantha mula sa kaniyang panaginip. Sa tuwing ibubuklat niya ang bawat pahina ng textbook ay sumasalubong sa kaniyang paningin ang mukhang nakakatakot, puno ng dugo at dilat na mata ng kaklase.
Itinigil niya ang pagbabasa dahil baka atakihin siya sa puso nang wala sa oras. Naisip na lang ni Elisa na buksan ang kaniyang cell phone at sinimulang mag-browse sa newsfeed ng kaniyang Facebook account. Ilang araw na rin siyang hindi nakapag-online, kaya mainam na tignan niya ang account dahil baka may importanteng mensahe rin na is-in-end sa kaniya.
Todo scroll siya nang mapahinto siya sa isang larawan na kaka-post lang ng kaniyang kaibigan at kaklase na si Margaux Ruiz. Nag-post na naman ito ng bagong mamahaling damit galing sa isang sikat na brand.
Mayaman, maganda at matalino si Margaux Ruiz. Dagdag pa rito ang pagiging mabait nito sa kapwa. Marami ang humahanga sa dalaga dahil sa estado at maging sa kaniyang mabuting pag-uugali. Maraming nagsasabi na halos perpekto na ang kaniyang buhay. Pera, kasikatan at busilak na kalooban.
Ilang minuto pa lang na naka-post ang bagong damit nito ay mayroon nang mahigit limang daang reactions. Sikat talaga si Margaux. Hindi 'yon maitatanggi.
Minsan, hindi maiwasan ni Elisa na makaramdam ng inggit sa kaklase. Ngunit nagpapasalamat na lamang siya kung ano ang meron sa kaniya. Ginagawa niya lang na motibasyon ang inggit na 'yon para paghusayan pa ang kaniyang pag-aaral nang sa gayon makapagtapos siya at makahanap ng magandang trabaho upang mabili ang lahat ng gusto.
Hindi na namalayan ni Elisa ang oras at mag-a-alas singko na pala ng umaga. Iniligpit niya ang cell phone at inilagay sa bag. Tumayo siya at lumabas ng kuwarto.
"Good morning, anak! Tapos na akong magsaing. Katatapos ko lang din uminom ng kape. May itlog diyan sa tray, pakiluto na lang. Aalis na ako nang makarami ako ng benta. Nang mabayaran na rin natin si Aling Susan sa upa." Dala-dala ang basket na puno ng gulay, nakangiti pa rin ang ina niyang si Aling Rebecca na tila hindi iniinda ang bigat. Naawa si Elisa sa ina. Araw-araw ganito ang ginagawa nito upang magtinda sa palengke. Mas lalo siyang nabuhayan ng loob na magpursige upang makatulong at makaahon sa sila hirap.
"Huwag kayong mag-alala, Ma. Balang araw, giginhawa rin ang buhay natin," sa isip-isip ni Elisa habang tanaw ang ina.
"Sige po, Ma. Ingat po kayo." Humalik si Elisa sa pisngi ng ina at nagpaalam.
Naghilamos na siya at sinimulan ang pagluto ng ulam. Nang maluto ang itlog ay nagsalok siya ng kanin at nagsimulang kumain. Pagkatapos kumain ay hinugasan niya ang pinggang pinagkainan at naghanda ng baon. Kanin lang ang inilagay niya sa baunan na plastic ware dahil sa campus na lang siya bibili ng ulam para sa pananghalian. Sinunod niya ang pagligo at nagbihis. Medyo luma na ang uniporme niya pero huling taon na rin naman at malapit na siyang ga-graduate. Sayang lang sa pera para bumili ng bago.
Naglakad siya patungo sa paaralan. Binagalan lang niya ang kaniyang paglalakad dahil maaga pa para sa unang klase. Hindi pa naman siya mahuhuli. Minamasdan niya ang mga sasakyang mabagal na tumatakbo, ang mga mayayabong na puno na sumasayaw dulot ng malamig na hangin at mga ibong tila umaawit. Ang tunog na 'yon ang nagpapabuhay kay Elisa na pumasok nang may ngiti sa labi.
Nakaharap si Elisa sa entrada ng paaralan. Kitang-kita niya ang pangalang nakaukit sa itaas na bahagi ng gate. Naka-curve pa 'yon. Bernard V. Consuelo High School Founded 1988. Ngumiti si Elisa matapos tignan iyon. Napangiti siya sa nang mapait nang maalala na malapit na pala siyang aalis sa paaralan. Maraming alaala rin ang school na 'to para sa kaniya na hinding-hindi niya makakalimutan.
Tuluyan na siyang pumasok sa gate. "Good morning, Guard!" pambungad na bati niya sa security guard ng school. "Good morning din sa 'yo, Maria!" tugon nito.
"Guard naman, eh. Hindi ba sabi ko, Elisa ang itatawag n'yo sa 'kin?" Hindi alam ni Elisa kung bakit ayaw niya na may tumawag sa kaniyang unang pangalan. Siguro, sadyang hindi lang siya sanay.
"Oh siya sige. Pumasok ka na, Elisa. Baka mahuli ka pa sa klase." Talagang pinagdiinan nito ang salitang 'Elisa'. Kibit-balikat siyang pumasok at tiningnan ang kabuuan ng school. Marami nang mga estudyante ang nagsidatingan. Tiningnan ni Elisa ang room na makikita sa harapan ng school. Naka-puwesto ito sa ikatlong palapag ng gusali. Marami-rami na ang nandoon base sa natatanaw niya sa bintana.
Inangat niya ang kaniyang tingin at tinanaw ang rooftop. Hanggang ngayon ay hindi pa rin mawala sa isip niya ang panaginip.
"Sa rooftop na 'yon tumalon si Samantha," bulong niya sa sarili.
Tinitigan niya nang diretso ang nasabing lugar. Nanlaki ang kaniyang mata nang makitang may babaeng nakatayo roon. Mahaba at tuwid ang buhok ng babae. Nakayuko ito. May suot na school uniform na katulad sa kaniya. Nagsimulang kabahan si Elisa sa nakita. Sinubukan niyang iwaglit ang paningin at nagpasiyahang magpatuloy sa paglakad.
Sa labis na takot ay napatakbo siya nang wala sa oras. Hindi niya makakayang titigan iyon dahil baka mangyari ang nasa panaginip niya. Gustuhin man niyang puntahan ang babaeng 'yon ngunit naunahan siya ng takot. Hindi niya magawa ang idinidikta ng isip. Mas mainam na piliin niyang dumiresto na lamang sa kaniyang classroom.
"OMG! This can't be happening."
D-um-oble ang takot ni Elisa nang pagpasok niya sa classroom ay biglang sumigaw si Isabelle. Napakurap siya at napahawak sa kaniyang dibdib. Muntikan na siyang mapaatras sa labis na gulat.
"You! You don't deserve the first place. Mas deserving ako roon kesa sa 'yo." Mabilis itong lumapit sa kaniya na kapapasok lang sa silid. Ni hindi pa nga nakaupo siya ay bigla siyang sinugod ng kaklase. "We both know that I am smarter than you. I'm pretty sure na dinaya mo ang result. Sipsip ka pa naman kay Teacher Cindy." Tinuro pa siya ng kaklase na tila may kasalanan siyang ginawa.
"T-teka lang. Ano ba 'yang sinasabi mo? Kapapasok ko pa nga lang, oh. Inaaway mo na agad ako". Itinaas ni Elisa ang dalawang kamay na tila isang suspek na sumuko sa pulis.
"Kunwari ka pa. Alam kong alam mo na ang sinasabi ko. Pa-victim ka pa!" Mabilis na sinabunutan ni Isabelle si Elisa. Nagsitakbuhan naman ang kaibigan ni Elisa na sina Rica Mae at Margaux upang awatin ang ginawa ng kaklase nilang si Isabelle.
Si Isabelle Soriano ay matalino, ngunit maldita at may pagka-war freak. Matalino ito sa asignaturang Math at Science. Habang si Elisa naman ay sa English at History. Halos mukha nila ang sumakop sa bulletin board dahil sa rami ng competition na kanilang napanalunan. Saksi rin ang mga tropeyo na napanalunan nila na naka-display sa kanilang classroom. Halos mapuno ang isang shelf roon dahil sa nakamit nila. Tanyag ang dalawang mag-aaral dahil sila ang naging pride ng Bernard V. Consuelo National High School.
Kaya siguro ganoon ang galit nito nang malaman ang resulta na sinasabi nito na hanggang ngayon walang alam si Elisa. Nagkatinginan silang dalawa at nakikita ni Elisa ang labis na galit nito. Kitang-kita niya ang pamumula ng pisngi ng kaklase habang nakakuyom ang kamao nito.
Tinignan niya ang nakadikit na papel sa board at doon niya nakita ang kaniyang pangalan na nangunguna sa ranking of honors. Pumapangalawa naman si Isabelle. Ngayon alam na ni Elisa ang pinagmulan ng galit ni Isabelle. Hindi nito matanggap ang resulta kaya labis ang galit nito at nag-imbento pa nang kung ano-ano para siraan siya.
Tiningnan ni Elisa ang kinauupuan ni Isabelle at nakita niya itong matalim na nakatingin sa kaniya. Tingin na kung nakakamatay pa lang ay kanina pa siya nawalan ng hininga. Iniwasan na lamang ni Elisa ang tingin at pumunta na lang sa kaniyang upuan.
"Congratulations! You deserved it, Elisa," bati na may kasamang ngiti ang iginawad ni Zephyr sa kaniya.
Si Paul Zephyr Aragon na kaklase niyang mahilig sa gitara at chess. May kagwapuhan din ito kaya naman maraming babaeng umaaligid sa binata. Hindi sila gaanong close noong una pero dahil sa pagiging makulit nito ay pinansin na niya ang lalake. Unti-unti ay naging magaan naman ang loob ni Elisa kay Zephyr at masaya naman itong kasama. Minsan pa nga ay napapagkamalan silang magkasintahan dahil sa pagiging malapit nila sa isa't isa. Hindi rin sila nakaligtas sa panunukso. Hindi na lang nila pinansin ang mga sinasabi ng mga kaklase nila.
"Salamat!" tugon ni Elisa kay Zephyr. Nakatanggap rin si Elisa nang maraming pagbati galing sa ibang kaklase. Ang pagbati na hindi niya maiwasang tumawa ay sa malapit niyang kaibigan na si Rica Mae Olaivar o mas kilalang "Vavs" sa kanilang klase. Pinaikli ang "Vavs" mula sa salitang baboy. May kalakihan kasi ang babae kaya naging tampulan ito ng tukso sa pisikal na anyo.
"Congratulations, Beshie! Sabi ko na nga ba ikaw ang magiging top one eh! Huwag mong isipin ang sinasabi ng isa riyan. I'm sure inggit lang 'yan sa 'yo," bati ng madaldal at mataba niyang kaibigan na si Rica Mae. Nagpaparinig pa ito kay Isabelle at sabay irap ng mata.
Si Rica Mae Olaivar ang naging unang kaibigan niya simula first year high school. Ito kasi ang tipo ng tao na madaling pakisamahan dahil sa positibo nitong pag-uugali. Palaging masayahin at approachable sa mga taong nakakasalamuha. Kaya naging malapit siya sa dalaga.
"Congratulations, Elisa. Grabe talaga ang talino mo," habol na bati ni Margaux. Ngiti na lang ang tanging naitugon ni Elisa dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa nangyari. Siya ang first place ngayong third quarter. Hindi pa rin 'yon nag-sink in sa kaniyang utak.
Maya maya ay dumating na ang kanilang guro para sa unang klase. Si Teacher Rolette. Hindi nga nagkamali si Elisa dahil nga nagbigay ng surprise quiz ang guro.
"Before I check your answers, let us congratulate first Miss Maria Elisa Marquez for being first honor this quarter. Congratulations!" Mas lalong lumawak ang ngiti ni Elisa matapos marinig 'yon sa kanilang guro. Kung ano ang ikinatuwa niya ay siya namang kinainis nang husto ni Isabelle.
Lalong nakatanggap ng papuri si Elisa nang makakuha siya ng perfect score. Pumangalawa sa nakakuha ng mataas na score si Isabelle na nagkaroon ng isang wrong answer. Sumidhi ang damdamin ni Isabelle sa naging resulta. Pangalawa na naman siya. . .as always.
Huling quarter na ito ng school year nila kaya itinodo na ni Elisa ang pag-aaral upang maabot ang goal niya—ang maging top sa klase. Natupad na nga niya ito ngayong third quarter. Mas mag-aaral pa siya nang maigi upang maging consistent sa top at maging class valedictorian sa kanilang batch. Ito ang susi sa kaniyang pangarap. Hinding- hindi na niya pakakawalan ang pagkakataong ito.
Nagulat na lang si Elisa nang makitang nakatingin na naman si Isabelle sa kaniya. Tingin na tila may masamang binabalak at maya-maya ay sumilay ang mala-demonyong ngiti. Nawe-weirduhan siya sa tingin ng kaklase. Alam niya kung ano ang nasa isip nito. Kilala niya si Isabelle dahil naging kaibigan niya ito noon. Gagawin nito ang lahat para makuha ang gusto. Ayaw man niyang aminin pero nakaramdam siya ng takot. Takot na baka matalo siya sa huli.
"Hindi. Hinding-hindi ako papayag na matatalo mo ako, Elisa. I will be the class valedictorian. I claimed it!" bulong ni Isabelle sa kaniyang isipan habang tinignan si Elisa. Buhay na buhay ito sa kaniyang paningin at masayang-masaya ngunit sa isip niya ay binabalatan na niya ito ng buhay at unti-unting pinapatay.
"I will get what I deserved," pangako niya sa sarili at lihim na ngumiti na tila isang demonyo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top