🎭 SEVENTEENTH BEAT

PAGKAUWI SA BAHAY GALING eskuwelahan at pagkakain ng hapunan, palagi na lang, deretso ako agad sa kuwarto para manood ng ilang episodes ng Maria Clara at Ibarra online gamit ang aking cellphone para sa requirement namin kay Sir Joko sa Teatro Apaliteño. Matagal-tagal na nga rin akong hindi makanonood at nakasubaybay nito sa TV.

Maliban na lang sa mga eksena nina Crisostomo at Maria Clara, moments nina Klay at Fidel ang lagi kong inaabangan. Minsan nga, sa sobrang panggagaya ko sa mga galawan ni Fidel sa palabas, nadadala ko na siya sa pag-arte sa rehearsals.

Wala, e. Diyan magaling si David Licauco, sa pagpapakilig. Effective talaga ang aktingan niya; kaya lodicakes ko iyan, e.

Nakatutok lang ako sa screen habang pinanonood ang eksena kung saan hinaharanan ni Ginoong Fidel si Klay. Sa sobrang babad ko sa pangyayari, para bang nandoon lang ako sa eksena at nakikichismis. Ang ganda na ng part na ito, o! Wala na sanang mang-istorbo sa akin. 

Habang naka-focus sa screen habang kumakanta si Fidel habang may hawak na mga rosas, napalingat lang ako saglit, pero pagbalik ng tingin, hindi na si David Licauco ang nasa screen.

Donny? Ano ang ginagawa niya rito at siya ang nakikita ko? Bakit si Donny ang nanghaharana kay Klay?

Teka, teka, teka.

Inalog ko ang ulo ko, saka kumurap nang ilang beses. Hayun, si David na ulit ang nasa screen.

Baka namalik-mata lang siguro ako.

Mas okay pa sigurong ituloy ko na lang ang panonood kaysa wala akong ibang iisipin. Mindset lang, mindset!

Nakatapos din naman ako ng dalawang episodes, pero nakasandal pa rin ako sa headboard ng kama. Ang weird nga na mabigat na ang nararamdaman ko sa pagod, pero hindi pa rin ako dinadalaw ng antok kahit lumalalim na ang gabi.

Kaya ang ginawa ko, binuksan ko na lang ang app ng Instagram, para maiba naman dahil puro na lang FB ang kinakalikot ko maghapon. Wala rin naman akong ibang social media accounts maliban na lang sa dalawang ito.

Pagkabukas ko pa lang, boom! Bumungad na ulit sa akin ang post ni David Licauco. Grabe, kakapanood ko lang sa kaniya kanina, siya pa ulit ang unang madadatnan ko.

Noong nilalang siguro ni Papa God ang lalaking ito, pinakatodo Niya ang pag-customize kaya ganito ang kinalabasan. Maganda na ’yong katawan, tapos maginoo pa. Sila na talaga ni Donny, e ’di, sana all!

Shet, ang guwapo talaga. Pero sorry, mas guwapo naman ako sa kaniya, kapag tulog nga lang, joke!

Napatitig ulit ako sa picture ni David mula katawan at saka deretso sa mukha. Pero pagkakita sa mukha, iba na naman ang bumungad sa akin.

Luh, bakit nakita ko mukha ni Donny? Paano napunta ang mukha niya sa katawan ni David?

Namamalik-mata ba ako at nakita ko pa ang picture na kumindat sa akin?

Para na tuloy akong sasabog sa kaba nito. Nadedeliryo na yata ako na ewan.

Kinusot ko pa ang mga mata ko at saka tiningnan ulit ang picture. Phew! Si David na ulit ang nakikita ko.

Lakas din ng trip ng Donny na iyon, a? Ayaw talaga akong tantanan.

Napahiga na lang ako sabay hinhang malalim at saka inilagay ang cellphone sa dibdib ko. Sa sobrang pagod na lang siguro kaya kung ano-ano na lang sumasagi sa utak ko. Tinalukbungan ko na ang sarili ko ng kumot.

Hay, itulog ko na lang nga ito.

---

Pagkapihit ng gripo, kaagad na akong nagbuhos ng tubig gamit ang tabo galing sa kulay red na timba na dating lalagyanan ng biskuwit.

Maaga kasi kaming pinatatawag ni Sir Joko para sa rehearsals kaya heto, alas-siyete pa lang ay pumasok na ako sa banyo para maligo.

Daig ko pa ang nagko-concert habang kinakanta ang Ang Huling El Bimbo bago nilagyan ng shampoo galing sa 3-in-1 sachet ang basa kong buhok. Seryoso, bakit gumaganda ang boses ko kapag nasa loob ng banyo? O baka binobola lang ako ng mga audience kong toothpaste, toothbrush, sachet ng shampoo, at mga pang-facial ng ate ko na nakalagay sa basket.

Habang pinapahiran ng shampoo ang buhok ko, bigla naman akong napaisip nang malalim, ’yong mas malalim pa sa pagkakahulog sa bangin. Kaya natatagalan sa loob ng banyo, e. Kung ano-anong pagse-senti pa ang ginagawa.

Sa lalim ng iniisip ko, sumulpot pa si Donny sa harapan ko. “Chester...” Maski sa imahinasyon kong iyon, napakaguwapo niya.

“Chester, my baby...”

Seryoso niya akong tiningnan, na para bang nagniningning ang mga mata niya. Ang sarap pakinggan ng boses niya—malalim, para bang galing sa balon—na gusto akong kunin at dalhin sa kailaliman.

Mas lalo akong kinilabutan sa sunod na ginawa ni Donny—hinimas niya ang pisngi ko at sunod na hinawakan ang baba ko.

“Chester, I love you.”

Bigla siyang napapikit at saka dahan-dahang inilapit ang mukha niya sa akin.

Palapit nang palapit.

Tapos ako naman, napapikit na rin marahang idinidikit ang mukha ko sa kaniya.

Ilang pulgada na lang ang lapit namin sa isa’t isa at hindi ko namamalayang humahaba na ang nguso ko.

Kaunti na lang talaga, maglalapit na ang mga labi namin hanggang sa...

...isinampal ko ang sarili ko at binuksan ang aking mga mata para magising na sa katotohanan. Hingal na hingal akong isinandal ang isa kong kamay sa pader.

Jusko, ano nang nangyayari sa akin?

Hinihingal na nga, mapuwersa ko pang isinuklay patalikod ang buhok kong may shampoo pa habang iniisip ’yong mga nangyari. Shet, nakakahiya talaga!

Napaalog pa ako ng ulo at Pinag-uuntog ko na ang sarili ko sa pader ng CR. Kahit ano na lang talaga, gagawin ko para mabura ang imagination kong iyon.

“Donny naman, ba’t ayaw mo ’kong tantanan?” Habang mahinang pinupukpok ang sarili, sinabayan ko pa ng pagngawa dahil utang na loob! Ginagawa ko lang tanga ang sarili ko.

Bobo na nga, magiging tanga pa ako kay Donny? Aba, sumosobra na! Double kill na iyon.

Kaagad akong nagbuhos ng tubig mula sa tabo na sinalok ko galing sa timba. Tama iyan, nang mahimasmasan na ako sa kahibangang ito.

Pero hindi pa pala roon natatapos ang kalbaryo ko. Dahil nga buong araw kaming magkasama ni Donny mula rehearsals sa umaga hanggang sa klase namin ng hapon. Sa paglipas ng mga araw, mas nagiging close kami. Dahil mas nakikilala ko siya, mas lumalalim itong nararamdaman ko para sa kaniya.

Hindi ko masisisi ang mga tao sa nakikita nila kay Donny kaya siya hinahangaan mula nang dumating siya galing Saudi. Pero iba na yata ang nagiging epekto niya sa akin. Bisyo na yata ito na hindi ko matigilan...iyon ay kahit hindi ko na alam kung saan ito patungo. Tama pa ba kaya itong ginagawa ko?

BEEP!

“Ay, kabayo!” bulalas ko nang biglang may tumigil na sasakyan sa tabi ng daan. Nawala pa kasi ako sa ulirat habang naglalakad palabas ng gate ng school namin para umuwi.

Pagkatingin ko ay kotse nga iyon ni Donny. Kaagad na bumukas ang bintana at bumungad siya na para bang ang saya-saya na makita ako. “Uy, sabay ka na. Hatid na kita sa inyo.” O baka nagfi-feeling lang ako?

Tama na, Donny, please lang. Utang na loob!

Ano’ng akala niya, matitibag niya ako sa pangiti-ngiti niyang iyan?

Alam na alam talaga niya kung papaano ako bilugin. Memorized na memorized na niya kung ano ang kahinaan ko.

Mga ilang sandali pa nga noong bago ako sumagot, “Sure! Tara na.” Walang hiya-hiya akong pumasok sa kabilang pinto.

Pero heto, hindi na nagtanda—handa pa rin akong magpabudol sa kaniya.

Parang timang lang ako na nakaupo sa tabi ni Donny habang nagmamaneho siya. Pero iyon, hindi ko mapigilan ang mapatingin sa kaniya habang hawak ang manibela.

Bakit kapag iba ang nagmamaneho, parang wala lang? Parang normal lang. Pero bakit kapag si Donny, may kakaiba sa kaniya?

Sa pustura ba niya? O sa porma ng braso niya na kahit may kapayatan, ang ganda pa rin ng pagkakahubog. ’Yong bang kahit hindi siya nagdyi-gym, ang ganda pa rin ng katawan niya.

Hay, Donny. Bakit lahat ng puwedeng i-describe na maganda, napunta sa ’yo?

Mga tatlong minuto lang sana ang biyahe namin kung hindi lang sa ginagawang daan sa may highway. Nag-reroute pa kasi ang sinasakyan namin ni Donny at inabot din kami ng 10 minutes sa daan.

Pagkarating sa tapat ng bahay namin, bababa na sana ako noong makita kong dumaan si Papa na papasok din ng gate.

Kinalabit naman ako ni Donny at saka nagtanong, “Uy, papa mo ’yon, ’di ba?”

“Oo,” ang tanging sagot ko naman. Kaya noong pagkababa ko, kaagad naman siyang sumunod sa akin. 

“Hello po, Tito.” Lumapit itong si Donny at saka nagmano kay Papa.

Napangiti naman ang papa ko na kaagad na nakilala si Donny. “Oh, ikaw ’yong kasama ng anak ko sa project ba ’yon?”

“Play po...kasama ko po siya sa play namin.”

“A, nakuwento nga sa ’kin ng mama ni Chester.” Pagkatapos, napatingin pa siya sa pulang kotse na naka-park sa tapat namin, “Naku, gara ng kotse mo, a? Tama ’yan, pandagdag pogi points din sa mga chicks.” Naalala kong mahilig din sa kotse ang papa ko at marunong ding mag-drive. Pero  kulang lang talaga kami sa budget at ipon kaya hindi kami makabili ng sarili namin.

Awkward na ngiti naman ang ipinakita ni Donny, “Ay, ’di naman po. Sa daddy ko talaga ’tong kotse, hiniram ko lang po.” Pagkatapos ay napunta naman ang atensiyon niya sa akin. “Uy, Chester, bukas na lang.” Nakipag-apir pa siya sa akin pagkatapos magpaalam.

“’Ge, ingat ka. Thank you din sa paghatid,” ang sabi ko na lang din pagkapasok ni Donny sa loob ng kotse niya at saka na ito pinaandar.

Pagkaalis ng sasakyan, wala akong ibang ginawa kung hindi ang huminga nang malalim, sabay kamot ng ulo.

“O, ’nak, ’di ka pa papasok?” Nasita pa tuloy ako ni Papa na nasa loob na pala ng gate namin. Kung ano-ano pa kasing naiisip ko.

Kasabay ko nang pumasok sa bahay namin si Papa. Pero habang naglalakad, itong sa kaloob-looban ko, pakiramdam ko, para akong nabunutan ng tinik.

Akala ko, hindi na matatapos ang kalbaryo kong ito—ang delusyon na nararamdaman ko kay Donny.

Heto na nga ang kinatatakutan ko. Nagkakagusto ba ako kay Donny dahil ako ang gumaganap na Titaneo at siya si Oberon? O talagang may nararamdaman na ako? Pinaninindigan ko ba ang role kong ito na pati sa totoong buhay nagiging totoo na?

May kasabihan nga, tomorrow is another day. Habang may buhay, may panibagong pagkakataon para umasa.

---

Mainit na tanghali ang sumalubong sa akin habang naglalakad papasok sa classroom. Katapusan na nga ng May, mayroon pa kaming klase. Isa pa, mainit pa sa loob ng classroom namin. Gisado na nga kami sa mga teacher namin tustado pa kaming mga estudyante sa init.

Papadaan ako sa may corridor sa first floor bago umakyat para pumunta sa classroom namin nang mapansin ko na may ilang kumpulan ng mga estudyante.

E, dahil malaking usisero at tsismoso ako, tiningnan ko kung ano’ng mayroon at nagkukumpulan sila sa may bullentin board. Ano kayang mayroon?

“Excuse me po,” magalang na pasintabi ko sa iilang estudyante noong pagkalapit ko sa bulletin board. Tapos, ito ang bumungad sa akin na sa sobrang shock, hindi ako makagalaw sa kinatatayuan ko.

Sa lahat ng announcements na nakapaskil sa stage, may isang poster na namumukod-tangi roon sa may gitna. Pagkakita sa poster, boom! Akala ko ay may bulalakaw na bumagsak sa lupa dahil may stars na nasa picture.

May malaking picture kami ni Donny na suot ang costumes namin, tapos nasa ilalim ng picture naming dalawa ’yong ibang cast.

Donovan Mitchell Quiroz | Chester Maglalang

Teatro Apaliteño presents:

Sina Oberon at Titaneo

Directed by Joko Gaviola

June 29, 2023 | AHS Covered Court

O, wala na. Ang laki-laki ng pangalan namin sa poster. Magiging mayabang na ako nito. Hindi ko aakalaing sa ilang taon kong nabubuhay sa mundo, magkakaroon ako ng chance na umarte sa stage, tapos lead role pa.

Legit na talaga ito, malapit na nga ang play namin na ilang buwang pinaghandaan. This is is, pancit!

Sa totoo lang, nakaramdam ako ng excitement. Pero nandoon din ang kaba sa magiging reaction ng mga tao kapag napanood ito. Uy, parang mas okay na hayaan ko na lang muna.

Pero habang nagtitingin-tingin, napansin ko ang isang pamilyar na presensiya. Sa sobrang kilala ko na sa kaniya, kahit nakatalikod pa ako, alam kong siya iyon dahil sa pabango niya. “Uy, Donny,” bati ko habang nakipag-apir sa kaniya.

Napakomento si Donny habang tinitingnan ang poster, “Wow, ang cool! Pogi mo diyan, Chester.”

Sa gitna ng maraming tao, naramdaman ko na lang...biglang bumagal ang buong paligid. Hindi ko alam kung sasabog ba ako sa sinabi niyang iyon. 

“Mukha kang Avatar, joke!” Ay, binawi rin? Gago talaga ang isang ito...mahilig akong paglaruan.

“Mama mo, Avatar. Pinakaangas ko na nga pose ko diyan!” Napanguso ako at kuwari, sasapakin ko na siya. Tapos natawa pa ang loko. Akala niya yata, nakikipagbiruan ako.

Habang nag-uusap pa nga, mayroong kumalabit sa akin, “OMG, kayo ’yong mga gaganap na bida?” Napalingon ako at ito pala ’yong mga babaeng katabi lang namin. Feeling ko ay nasa lower grade ang mga ito.

“Oo, kami nga.” Grabe, first time ko—este, namin ni Donny na mapansin ng ibang mga tao.

“Good luck, mga beh! Ampopogi n’yo. Manonood talaga kami.”

“Ay, thank you,” nagpapa-cute na sagot nitong si Donny. Pasalamat siya, effortless ang pagiging cute niya.

“Uy, ’di ba, ikaw si Donny ng GAS?” May isa pang lalaki ang lumapit sa amin. Tapos may kasama pa siyang isa na bading.

“Yup.” Magiliw naman na nakikipag-interact itong kasama ko. Aba, siya na ang center of attention!

“Uy, okay lang ba, pa-picture tayo?”  Kinausap naman ako ng lalaki, tapos inabot ang cellphone niya sa akin.

“Ikaw mag-picture sa ’min.” Ako pa talaga ginawang photographer. Pero siyempre, game pa rin naman ako.

Pagkatingin sa camera, G na G ring ngumiti itong si Donny na nakaakbay pa sa dalawang nagpa-picture.

At ang masasabi ko lang, ang sarap talagang titigan ng mga ngiti niya.

“Three, two, one, say cheese.” Pagkatapos picture-an, ibinalik ko na ang cellphone.

“Ay, isa pa. Sama ka din sa ’min!” Niyaya naman ako noong bading at saka na sumama sa picture.

Tapos nagkasunod-sunod pa na may iba-ibang nag-approach sa amin. Ganito pala pakiramdam ng mga artista kapag nilalapitan ng fans. Nakakangalay rin pala sa panga ang sobrang kakangiti.

Pero buti pa itong si Donny, matibay talaga at sobrang game sa ibang tao. Ganito siguro sa kanila noon sa Saudi.

“Hay, salamat, nakalabas din tayong buhay,” sabi ko sabay hingang malalim noong matapos na kami sa pagpapa-picture. Grabe, hindi pa man kami nakapasok sa classroom, napasubo pa kami. Buti nga, hindi pa kami male-late, may five minutes pa bago magsimula ang klase.

Napangisi naman itong si Donny habang papaakyat kami sa hagdan. “Sisikat na talaga ’yong love team natin.” Ay, love team ampota.

Nakisakay na lang ako sa joke niya. “Wala na, kabahan na ’yong mga love teams ng ABS-CBN at GMA,” sabi ko sabay alog ng ulo habang hawak ang magkabilaang strap ng bag.

Umakbay pa siya sa akin. “Uy, actually, may naisip na ’kong ship name natin. Kung merong DonBelle, meron ding DonSter. O, pinag-isipan ko pa ’yan.” Tapos natawa pa siya sa sarili niyang joke. Nakatatawa iyon?

Hindi ko na alam ang mararamdaman ko sa mga paganito ni Donny. Matatawa ba ako? Malulungkot? Kikiligin ba? Ewan.

Ang hirap naman kasing ispelingin ng lalaking ito. Hindi ko malaman-laman kung parehas ba kami ng nararamdaman sa isa’t isa o ano. Basta, ang gulo niya. Magulo pa siya sa kable ng kuryente.

Habang ako, gusto kong binibigyan ng gulo ang sarili ko.

“Witty mo talaga, Donny. Lakas ng amats mo, ’no?” komento ko na lang sabay panliliit ng mga mata ko.

Pero ayaw niyang magpaawat, “Mabuhay ang DonSter Nation! If we hold on together~” Napakanta pa ang loko habang kunwari, may hawak na kandila sa kamay bago kami makalapit sa classroom.

Pakingshet na malutong, ang sarap talagang umasa sa taong alam kong wala naman akong pag-asa.

-30-

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top