viii.
[C H A P T E R 8]
Itim.
Nagsimula ang lahat sa kulay puti. Malinis na kulay puti. Malinis na malinis, walang bahid ng dumi. Nagsimula ang lahat sa puti hanggang sa hindi naglaon ay nagkaroon ito ng dumi. Maliit na dumi lang 'nung nag-umpisa, hindi kapansin-pansin... Pero nang tumagal, palaki nang palaki ang dumi sa puti na iyon. Sa paglaki noon, nagkaroon na ng puna ang mga nakakakita. Sa isang kulay puti, hanggang sa hindi na siya naging puti. Nagsimula sa puti, hanggang sa wala na ang puti.
Sabi nila, hindi raw pinipili ng tao kung sino o ano ang magiging siya. May mga taong pinapanganak na mahirap. May mga taong pinapanganak na mayaman. May mga taong pinapanganak na maganda at mayroon din namang hindi ganoon kagandahan. May pinapanganak na babae. May pinapanganak na lalaki. Sabi nila, sa iyong kapanganakan, ay dalisay ang iyong kalooban at walang halo ng kahit ano'ng kasamaan. Sa oras ng iyong kapanganakan, doon magsisimula ang kuwadro ng buhay. Sa puti magsisimula lahat, kung saan wala pang bahid ng kahit ano'ng dumi o marka. Sa iyong paglaki naman ay magsisimula kang maglagay ng iba't ibang kulay sa kuwadro ng iyong buhay... Mga kulay na naidulot ng iyong mga karanasan o kaya naman mga kulay na ipinadama sa iyo ng mga tao sa iyong paligid. Lahat tayo ay may kanya-kanyang kwadro, at tayo na ang bahala kung ano'ng mga kulay ang nanaisin nating ilagay roon.
Sabi nila wala namang tao na pinili maging bakla. Nangyayari lang daw iyon, at darating ka daw talaga sa punto na malilito ka tungkol sa iyong kasarian. Noong bata pa ako, mas ginusto kong maglaro ng manyika kaysa sa baril-barilan. Mas ginusto kong maglaro ng chinese garter kasama ang mga babae kaysa sa text at pogs na nilalaro ng mga batang lalaki. Sabi nila hindi raw normal iyon, dahil daw sa isa akong lalaki dapat ay lalaki rin ang kasama ko. Dahil sa isa akong lalaki, dapat mga pang-lalaking bagay raw ang ginagawa ko.
Hanggang sa tumuntong ako ng hayskul, kung saan nagsimula nang maliwanagan sa akin ang lahat. Lalaki ang gusto ko at hindi babae. 'Yong mga crush ko, mga kapwa kong lalaki. Sabi nila, dahil sa isa akong lalaki, babae raw dapat ang magustuhan ko. Pinilit ko naman, e. Pero mahirap diktahan ang puso. Kahit ano'ng pilit ko, lalaki talaga ang tinitibok ng puso ko.
Sa edad na labing-apat, sinabi ko kay Papa ang tungkol dito. Sumigaw siya, nagalit, at pagkatapos ay binugbog ako. Akala ko ayos lang sa kanya. Akala ko kasi normal lang iyon at wala namang masama sa pagiging isang bakla basta ba ay wala kang tinatapakang tao. Pero noong maalala ko ang hitsura ni Papa na tila ba nandidiri sa akin, doon ko napagtantong isa pala akong pagkakamali. Sabi nila ang mga bakla raw, kahit ilang beses pang mag-simba, sa impyerno pa rin uuwi. Hindi kasi tama. Dahil kahit ano'ng mangyari, babae at lalaki lamang daw ang nilikha ng Diyos. Ang mga bakla raw ay gawa ng diyablo.
Ngunit naniwala pa rin ako. Naniwala ako na balang-araw maiintindihan din nila ang lahat. Naniwala ako na matatanggap nila na ganito ako. Naniwala ako na walang mali sa akin basta ba ay patuloy akong magmamahal. Ngunit nakakasawa rin pala, lalo na at kung sino pa 'yong pinaka-inaasahan mong tatanggap sa'yo, siya pa 'yong nagpapadama sa iyo na isa ka ngang salot sa lipunan.
Salot. Makasalanan. Demonyo.
Sa mundong malupit, sa mundong mapanghusga... Hindi sapat ang magmahal ka lamang.
Sa mundong ito, mas angat ang pagkamuhi kaysa sa pagmamahal.
***
Isang araw bago ang Bagong Taon. Maingay ang paligid. May mga batang nagpapaputok, mga nanay na naghahanda para sa Media Noche sa gabi, mga lasenggong nakatambay na naman sa may labas ng kanilang mga bahay at kahit hapon pa lamang ay nagsisi-inuman na. Nakadako lang ang aking paningin sa labas ng bahay nang bumalik si Papa kasama ang mga kaibigan niya. May dala-dala ng mga bote ng alak ang mga ito at supot na naglalaman ng mga pang-pulutan nila mamayang gabi.
Noong nakita nila ako, napangisi sila isa-isa. Sino nga ba namang hindi matatawa sa pagmumukha kong ito na parang nilagyan ng kolorete. Pulang-pula ang aking mga labi at mga pisngi, pagkatapo ay may mga namumuong black eye sa pareho kong mga mata. Hindi rin pala ang mukha ko ang nakakatawa. Nakakatawa rin na nakaposas ang aking mga kamay sa may kahoy ng mesa. Para akong alagang aso at hindi isang anak.
Noong gabi na naghintay ako kay Joel, napagdesisyunan ko na lamang umuwi. Wala rin naman akong matatakbuhan at hindi ko kayang umalis mag-isa lalo pa na wala na akong nakikitang kinabukasan. Noong gabing iyon, binugbog muli ako ni Papa at para raw hindi na ako makalayas muli, gagawin niya na lamang akong bilanggo sa bahay na ito. Sinubukan kong humingi ng tawad sa kanya ngunit hindi siya nakinig sa aking mga daing.
"Ayos 'yong ginawa mo sa baby girl mo ha," sabi ni Mang Tasyo na kapwa pulis ni Papa.
Nagsitawanan na lamang sila. Mga ilang minuto rin nila akong pinagtawanan bago pa sila nagsimulang mag-inuman. Binuksan din ni Papa ang videoke at nagsi-kantahan sila. Kahit na maingay sa bahay, dahil na rin sa pagod, nakatulog na lamang ako. Mabuti pa nga dahil sa tuwing natutulog ako, pansamantala kong nakakalimutan ang lahat ng tungkol sa kapangitan ng mundong ito.
Sana ay matulog na lang ako pang-habangbuhay.
***
"Hoy, gumising ka r'yan."
Narinig ko ang boses ni Papa. Binuksan ko ang aking mga mata at nakita ko siya sa aking harapan. Namamaga na ang mga mata niya at amoy alak siya.
"Hugasan mo 'yong mga kalat doon." Sabi ni Papa pagkatapos ay tinanggal ang aking mga kamay mula sa pagkakaposas. Tumayo ako at doon ko lamang naramdaman ang gutom. Dalawang araw na rin pala akong walang kain.
Wala na 'yong ibang mga kaibigan ni Papa maliban kay Mang Tasyo na nakahiga sa may sofa. Niligpit ko ang mga bote sa may mesa at inalis ang mga kalat. Nagpunta ako ng kusina para maghugas ng mga plato. Maingay sa labas ng bahay dahil puro paputok ang naririnig, ngunit mabuti naman na tahimik sa loob ng bahay. Kumulo ang tiyan ko kaya naman tumigil muna ako sa paghuhugas at nagpunta ng silid-kainan para maghanap ng makakain. Para makapunta sa silid-kainan, kaylangan ko munang dumaan sa salas... At sa aking pagpunta roon, nakita ko ang lahat.
Naghahalikan sina Papa at Mang Tasyo.
Napatigil si Papa noong nakita niya ako. Nanlaki ang kanyang mga mata at akmang tatayo na siya para lapitan ako nang hilahin siya ni Mang Tasyo para halikan muli.
"Nakatingin si Michael John." Sabi ni Papa. Napatigil din si Mang Tasyo at nakita ako.
"E ano naman? Hindi pa ba niya alam na bakla ka?" Tanong ni Mang Tasyo sa kanya. "Saka Ismael naman, binibitin mo 'ko. Alam mo namang ayokong binibitin ako."
Bumitaw sa kanya si Papa. Hindi ako makapaniwala sa mga narinig ko noon. Si Papa... Isa siyang bakla. Katulad ko lamang si Papa. Sa ilang minutong iyon, nakita ko si Papa na bakas ang mukha sa pandidiri ngunit hindi sa akin kun'di para sa kanyang sarili. Kakaiba ang mga mata ni Papa noon. Lalapitan niya na sana ako nang tumayo si Mang Tasyo at inunahan siya sa paglapit sa akin.
"Alam mo, Ismael, matagal ko nang napapansin na maganda ang katawan nitong anak mo, e. Mahaba ang mga biyas at makinis pa." Hinawakan ni Mang Tasyo ang braso ko pagkatapos ay nilapit ang mukha niya sa leeg ko. "Mukhang masarap 'tong anak mo, e. Pwede bang pahiramin mo muna sa'kin kahit ngayong gabi muna?"
Pinagmasdan ko si Papa. Nakatingin din siya sa akin. Blangko ang kanyang mga mata kaya hindi ko mabasa ang mga ito.
"Papa..." Tinawag ko siya.
Tumango si Papa. "Sige. Sa'yo muna 'yan. Wala rin naman akong gana ngayong gabi."
"Papa... Papa..." Paulit-ulit akong tumawag sa kanya.
"Doon na tayo sa kwarto ng Papa mo," sabi ni Mang Tasyo. Pinilit kong kumawala sa yapos niya pero malakas siya. Hinila niya ako papasok ng kwarto. Paulit-ulit kong tinawag si Papa ngunit hindi man lang niya ako nilingunan. Tumulo ang mga luha ko at pinilit kong tumakbo, ngunit hindi ko nagawa. Noong nakapasok na kami sa kwarto at inihiga niya ako sa kama, pinilit kong umalis doon at lumabas ng kwarto, pero hinawakan niya ako nang mahigpit. Nagmakaawa ako sa kanya, na tigilan niya iyon ngunit hindi siya nakinig. Para bang mas ginanahan pa siya sa pagtangis at pagsasamo ko. Hinubad niya ang aking kasuotan pagkatapos ay hinawakan niya ako sa buo kong katawan.
Binaboy niya ako noong gabing iyon. Para bang hindi ako tao kun'di isang bagay na nagpapawi sa kanyang kalibugan. Isa siyang sakim. Naalala ko noon na isa siya sa mga tumatawag sa akin ng makasalanan, salot, at demonyo.
Ngunit sa ginawa niya noong gabing iyon, sino sa amin ang tunay na demonyo?
***
Nakatitig lamang ako sa kisame. Inisip ko na nakalutang ako sa may tubig, kung saan mawawala ang kabigatan na dinadala ko. Tumulo ang mga luha at bumabalik pa rin sa isipan ko ang nangyari kanina. Gusto kong mawala iyon sa isipan ko, pero sa tuwing ipinipikit ko ang aking nga mata ay nakikita ko lamang siya na nakangiti sa akin habang ginagawa ang kalaswaan niya sa akin. Gusto kong makalimot, gusto kong sumigaw, gusto kong magalit... Gusto kong maghiganti. Gusto kong magbayad sila sa kanilang kasalanan.
Lumabas ako ng kwarto at nakita ko si Papa na nakaupo sa may sofa sa salas. Kalaliman na ng gabi at mukhang malalim din ang kanyang iniisip.
Tumulo na naman ang mga luha ko noon. Lumapit ako sa kanya at tiningnan niya naman ako.
"Papa... Bakit niyo nagawa iyon? Bakit niyo hinayaang babuyin ang sarili niyong... ang sarili niyong... anak...?" Sinubukan kong sabihin lahat sa kanya ang aking damdamin, ngunit 'yon lamang ang nagawa kong sabihin. Nalito ako. Naguluhan. Gusto kong malaman ang kasagutan sa tanong kong iyon.
Binigyan niya ako ng isang matalim na tingin bago pa siya tumayo para hawakan ako nang mahigpit sa aking mukha. Kitang-kita ko noon ang galit sa kanyang mukha. "Gusto mong malaman kung bakit? Kasi hindi naman kita anak! Anak ka ng nanay mo sa ibang lalaki! Produkto ka ng isang kasalanan. Isa kang pagkakamali. Dahil sa'yo, nawala sa akin ang babaeng pinakamamahal ko. Dahil sa'yo, nahirapan na akong magmahal pa ng ibang babae. Dahil sa'yo, naging ganito ako. Kasalanan mo ang lahat. Isa kang demonyo. Hindi kita anak kaya 'wag mo 'kong tatawaging Papa dahil wala akong anak na demonyo!"
Sinuntok niya ako nang malakas sa aking tiyan kaya napahiga ako sa lapag. Hindi pa siya nakuntento roon at pagkatapos ay pinagsisipa niya ako. Sinabi kong tigilan niya na iyon pero hindi siya tumigil. Paulit-ulit niya akong tinawag na 'Demonyo' at hindi siya tumigil sa kakasakit sa'kin. Nakakita ako ng isang tinidor sa may lapag kaya inabot ko iyon at tinusok sa may binti ni Papa. Napamura siya at napatigil kaya nakatayo ako. Tumakbo ako palayo ngunit nakasunod siya sa akin. Nagpunta ako sa may kusina at saka niya naman ako naabutan. Puno ng poot ang kanyang hitsura at mukhang papatayin niya ako.
"Isa ka talagang demonyo... Dapat sa'yo ay inaalis na lamang sa mundong ito."
Isang lalaking nanakit sa isang bata. Kahit na sabihin niya pang hindi niya ako anak, tinuring ko siya bilang aking ama. Minahal ko siya. Naniwala pa rin ako sa kanya kahit na sinasaktan niya ako at kinukutya. Minahal ko siya kahit na paulit-ulit niya akong tinatawag na 'Demonyo'. Ginawa ko naman ang lahat para mahalin niya rin ako, pero dahil sa hindi niya nga ako anak, gusto niya lamang na magdusa ako. Isang lalaking nanakit at nanghuhusga. Isang lalaking hinayaan na babuyin ng iba ang anak ng kanyang yumaong asawa.
Hindi ba't pareho lamang kami? Isa rin siyang demonyo. At ang mga demonyo, walang lugar sa langit. At ang mga demonyo, walang lugar dito sa mundo. Ang lugar nila ay sa impyerno. Doon sila nababagay. Doon siya nababagay.
Agad kong kinuha ang patalim sa may kusina at bago pa siya lumapit sa akin ay ibinaon ko na iyon kaagad sa kanyang tiyan. Nahulog siya sa may lapag.
"Walang hiya ka... Isa ka talagang demonyo..." Nasabi niya pa. Noong narinig ko na nakakapagsalita pa siya, noong nakita kong nakabukas pa ang kanyang mga mata, sumiklab ang galit sa puso ko. Noong una ay natakot ako dahil sa sinaksak ko siya, pero nang marinig ko na tinawag niya akong demonyo ay nawala ang takot na iyon. Sinaksak ko siya nang paulit-ulit sa kanyang katawan hanggang sa tumalsik ang mga dugo niya sa aking mukha. Nasiyahan ako nang tumahimik na siya. Nasiyahan ako dahil wala nang mananakit sa akin. Pinatay ko na ang demonyo at nasiyahan ako. Sa bawat saksak na natamo ng kanyang katawan ay naibuhos ko ang aking kinikimkim na galit. Sa mga nagdaang taon na nagtiis ako, napakasaya sa pakiramdam na sa wakas, sa wakas... Nailabas ko na ang aking saloobin.
Noong gabing iyon, napatigil ako nang marinig ang boses ni Joel sa aking mga tainga. Narinig ko siya at nakita ko siya na nakatitig sa akin. Napatigil ako sa pagsaksak kay Papa nang maalala ko si Joel... Ngunit nawala rin naman si Joel nang maalala kong iniwan niya nga pala ako.
Sa gabing iyon, naging isang tunay na demonyo na ako. Sa gabing iyon, nakita ko na ang aking tunay na kulay.
Nagsimula lahat sa puti... Hanggang sa nawala ang puti. Hanggang sa napuno ng poot ang aking damdamin, hanggang sa nawala ang pagkadalisay ng aking kalooban.
Sa gabing iyon, nagdilim ang aking paningin. Puro itim. Itim lamang ang paligid.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top