CHAPTER 17
CHAPTER 17
DELAIHLA FRIA HATT
Pinagmasdan ko ang pag-aasikaso ng teacher sa pagsusuot nina Dom at Aksana ng protective gears para sa kompetisyon. Kahit na alam kong hindi si Aksana ang magmamaneho ng bike, kinakabahan pa rin ako nang sobra.
Paano kung sumemplang sila? Paano kung masugatan sila?
Huminga ako nang malalim at kinalma ang sarili. May tiwala ako kay Dominic; alam kong hindi niya pababayaan si Aksana.
Binura ko ang pag-aalala sa aking mukha at pinalitan iyon ng ngiti. Inilabas ko ang aking cellphone upang kunan ng litrato sina Dom at Aksana. Sa isip-isip ko, tila ba ang liit talaga ng mundo dahil hindi ko inaasahang mangyayari 'to.
Ilang minuto pa at nagsimula na ang paligsahan. Napuno ng hiyawan ang buong open field. Kanya-kanyang maneho ang mga tatay sa kahabaan ng field, at ang mga nanay ay kanya-kanyang cheer sa kanilang mga asawa't anak. Alikabok ang siyang hinangin sa paligid habang nagkakagitgitan ang mga kalahok.
Nangunguna sina Dominic at Aksana kaya naman mas nilakasan ko pa ang aking pag-cheer sa kanila. Napansin ko pa ang saglitang paglingon sa akin ni Dominic habang minamane-obra niya ang sinasakyang bisekleta. Ilang liko pa sa field, hindi nagtagal at sila rin ang kauna-unahang nakalampas ng finish line.
They really did it! Sila ang itinanghal na panalo sa karera. Maging ako ay napahiyaw sa sobrang saya. Napatalon pa ako mula sa aking kinatatayuan. Agad ko silang pinuntahan matapos silang parangalan.
Pawis na pawis si Dominic kaya inabutan ko siya ng extra kong face towel.
"Ang galing ni Kuya Dominic! Nakita mo 'yon, Fria? Sobrang galing niya mag-bike," Aksana exclaimed. Itinaas pa niya ang hawak-hawak niyang pana.
Tumawa ako at kinarga siya. Hinalikan ko ang kanyang pisngi bago muling lumapit kay Dominic na abala sa pagpunas ng kanyang pawis.
"Okay ka lang?" kumusta ko.
He briefly nodded. "Never better."
Kinuha niya mula sa 'kin si Aksana upang siya naman ang kumarga.
"Let's go to my car. Magpapalit ako ng damit." Binaling niya ang tingin kay Aksana. "You also need to change clothes. Pawis na pawis ka na, Aksana."
Hindi na kami nagpalipas pa ng oras. Muli naming nilakad ang kahabaan ng paaralan papunta sa kanyang sasakyan. Habang binabagtas namin ang daan, hinuhuli ni Dom ang kamay ko kaya napatingin ako sa kanya.
Hindi naman siya nakatingin sa akin dahil nakikipag-usap siya kay Aksana. Huminga ako nang malalim ng makaramdam ako ng kirot sa aking dibdib.
Sana hindi niya mapansin. Sana.
"Fria! Gusto ko ng Ice cream," biglang bulalas ni Aksana.
Nakaupo siya sa nakabukas na trunk ng kotse ni Dominic. Nakabihis na siya ng puting t-shirt na dala ni Dom.
"Sige, pero kakain muna tayo ng tanghalian, okay?" pang-uuto ko.
Ngumiti siya at tumango. Sabay naming pinagmasdan si Dom na noo'y nakapagpalit na rin ng damit. Naglatag siya ng picnic mat sa tabi ng kotse nito at doon kami naupo.
Nakita ni Aksana ang palaso na tinago ni Dom sa sasakyan, pero hindi siya pinayagan ni Dom na hawakan iyon.
Sang-ayon naman ako sa pag-hindi niya. Baka kasi mamaya mademonyo pa ang kamay ni Aksana, baka paglaruan niya 'yon. Makakadisgrasya pa siya.
"Just keep yourself out here. I'll just grab us some food," paalam ni Dom na siyang tinanguan ko naman.
Pinagmasdan ko ang nakangiting Aksana na tila hindi pa rin makapaniwala sa panang natanggap niya.
"Aksana," tawag ko sa kanyang pansin.
"Hmm?" Gumapang siya palapit sa akin saka naupo sa aking kandungan. Ngumiti ako at sinuklay ang buhok niya gamit ang aking daliri.
"Masaya ka ba ngayon?" tanong ko.
Tumango naman siya. "Oo naman, Fria! Siyempre kasi kasama ko kayo."
Nagpalipat-lipat ang tingin niya mula sa kanyang pana at pabalik sa akin. "Alam mo, Fria, mas maganda pa rin pala kapag dalawa ang kasama ko tuwing family day," natatawa niyang wika hanggang sa mahiga siya sa picnic mat.
My forehead formed a crease. "Bakit naman?"
"Kasi feeling ko may magulang talaga ako kahit alam kong wala na. Kahit 'di ko kadugo si Kuya Dom, pinaramdam niya sa akin na para ko siyang papa."
Umawang ang aking mga labi. Hindi ko maiwasang hindi humanga sa kanya. Paano niya ba naiisip ang ganitong mga bagay sa edad niyang 'to?
She turned to me. "I love you, Fria. Mahal na mahal kita."
Bumaba ang tingin ko sa kanya at marahang hinimas ang kanyang ulo.
"I love you too, Axe. Mahal na mahal ka ni Fria." Hinalikan ko ang noo niya at niyakap siya nang mahigpit.
Ilang saglit pa ay namataan na namin si Dom na pabalik na sa aming pwesto. Itinali ko kaagad ang buhok ni Aksana maging ang sa akin para naman hindi buhaghag ang buhok namin habang nakain.
"Sorry, it took me a while," bungad ni Dom saka ko siya tinulungang ibaba ang mga bitbit niyang supot. "The line took forever."
"Wow! Jollibee!" Aksana exclaimed.
Sabay kaming naupo ni Dom sa picnic mat, pinagigitnaan si Aksana na nauna nang dumukot ng pagkain sa amin.
"Thank you, Kuya Dom! Bida ang saya!" ani Aksana, ang bibig ay puno.
"Don't talk if your mouth is full," marahang saway ni Dom kay Aksana.
Naitikom ni Aksana ang bibig niya at lumunok. Ngumisi siya kay Dom saka uminom ng tubig.
"Sorry naman. Pasalamat ka, boto ako sa 'yo para kay Fria." Inirapan pa niya si Dom bago itinuloy ang kanyang pagkain.
Narinig ko ang pagbuntonghininga ni Dominic.
"Where did she get that kind of attitude?" mapang-usisa niyang bulong sa akin.
I laughed. "Malay ko. Bratinella talaga 'yan simula't sapul," tanging tugon ko saka dinampot ang karton ng hotdog sandwich.
"Hindi ka naman mabubusog sa ganyan, Fria. Kumain ka kaya ng kanin para medyo magkataba ka," biglang komento naman ni Aksana na siyang sinusubuan ni Dom ng sundae.
Bigla akong natigilan. Bumaba ang tingin ko sa aking sarili. Lalo ba akong pumayat?
"Maybe you're stressed." Napatid ang iniisip ko sa sinabi ni Dom. "Kaya siguro napansin ni Aksana na pumayat ka," dugtong pa niya.
I sighed. "Maybe."
"Fria, pagtapos kong kumain pwede ba na puntahan ko na ulit sina Mia at Yna?" paalam ni Aksana.
Tumango ako at kinuha ang bracelet sa aking bag. Nang makita niya kung ano iyon, nilahad niya kaagad ang kanyang pulsuhan. Isinuot ko 'yon sa kanya.
"That bracelet has a tracker, am I right?" tanong ni Dom.
I nodded. "Oo, para alam ko kung saan siya pupunta."
Tumango-tango siya. "That's cool."
"Oo cool!" singit ni Aksana habang pinupunasan ko ang dumi sa gilid ng kanyang bibig.
"Ingat ka, ah. Huwag ka masyadong magtatakbo," paalala ni Dom.
Tumango si Aksana saka tumayo. "Oo naman, Kuya Dom!" Hinalikan niya ang pisngi naming dalawa. "Bye!" pagpapaalam niya saka siya kumaripas papunta sa kanyang mga kaibigan.
Dom seemed stunned. "This is the first time she kissed me on my cheek," natatawang wika niya habang hinihimas ang pisngi niyang hinalikan ni Aksana.
Tumawa ako. "Malambing siya 'no? Maliban sa kamalditahan niya minsan."
He nodded. "Yeah."
Lumapit siya sa akin at hinawakan ang kamay ko pero agad kong tinanggal 'yon kaya napatingin siya sa akin.
"Why?"
"I'm eating, okay?" buwisit kong tugon.
He chuckled as he brushed his hair upwards.
"Fine. Let's eat," wika niya saka kumuha ng panibagong pagkain.
Ang buong akala ko ay kakain na rin siya. Natigilan ako sa pagsubo ng aking kinakain nang mahuling nakatitig lang siya sa akin.
"What? May dumi ba sa mukha ko?" I asked.
He chuckled. "Nothing, I was just admiring how beautiful you look right now."
I rolled my eyes, clicking my tongue. "Bola. Sure, thank you."
He giggled. "No. . . It's 'I love you.'"
-ˋˏ ༻❁༺ ˎˊ-
Masaya kong pinagmamasdan si Aksana na nakikipaglaro kina Mia at Yna mula sa ilalim ng lilim ng puno ng open field. Naglalaro sila ng stuffed toys sa picnic mat malapit sa amin habang ang mga magulang naman nina Mia at Yna ay nasa gilid lang nila.
Napangiti ako nang marinig ko ang halakhak ni Aksana. Pati ako ay nahahawa sa tawa niya. Para talagang sira.
"Her laugh is funny," natatawang wika ni Dom at napailing pa.
Sinabayan ko siya sa pagtawa nang bigla kong maramdaman ang pantog ko.
Umangat ang tingin sa akin ni Dom nang bigla akong tumayo. "Where are you going?"
"Bathroom," tipid kong sagot. "I need to pee."
He nodded. "Alright, sasamahan kita."
"What?!—"
"Sa labas lang ako," putol niya kaagad.
"O-okay."
Ramdam ko ang pamumula ng aking pisngi ngunit sinubukan kong 'wag indahin 'yon. Lumapit ako kay Aksana upang magpaalam bago ako dumiretso papuntang banyo.
Minadali ko ang aking pag-ihi habang naghihintay sa labas ng banyo si Dom. Inayos ko lang ang buhok ko sa harap ng salamin at naglagay ng kaunting lipstick.
Pagkalabas ko ng CR ay nakita ko kaagad si Dom sa gilid. Nilapitan niya kaagad ako sabay pulupot ng braso sa aking bewang.
Habang nilalakad namin ang daan pabalik sa pwesto nina Aksana, nakarinig ako ng sigawan ng mga tao. Nagkukumpulan sila at parang humihingi ng tulong.
"'Yong bata! Tulungan niyo 'yong bata!" Bumigat ang dibdib ko. "Hindi siya makahinga!"
Bumilis ang tibok ng puso ko. Si Aksana ang siyang kaagad na nasa isip ko. Tinanggal ko ang kapit ni Dom at agad na tumakbo papunta ro'n.
Sumiksik pa ako sa mga tao hanggang sa makarating ako. Nanlaki ang mata ko nang makita si Aksana na namumutla at hinahabol ang sariling paghinga.
Sina Mia at Yna ay parehong humahagulhol ng iyak sa kanilang ina habang ang magulang nila ay gumagawa ng paraan para maging maayos si Aksana.
"A-Aksana!"
Nanginginig ang kamay ko habang hinahanap ang inhaler sa loob ng aking sling bag.
Putangina, nasaan na!?
Nangingilid ang luha ko habang hinahanap at hinahalukay ang laman ng aking bag. Halos mabaliktad ko na 'yon bago ko pa mahanap ang inhaler.
"Aksana!" Lumuhod ako sa sahig at pinagamit kay Aksana ang inhaler.
Nanginginig ang kamay ko habang inaalalayan ko siya. Nakatingin lamang siya sa akin, lumuluha. "Take a deep breath, baby, come on."
Tumulo ang aking luha habang marahan kong hinihimas ang ulo ni Aksana. Nagsimula pang dumami ang kumpulan ng mga tao.
"Umalis kayo! Hindi makalanghap ng sariwang hangin 'yong bata!" biglang sigaw ng ina ni Yna.
Kung ano-anong paunang lunas na ang ginawa namin kay Aksana, ngunit wala pa ring nangyayari. Sumisikip ang dibdib ko dahil sa nakikita ko.
Hindi ko kayang mawala siya! Hindi pwede!
Nanlaki ang mata ko nang naibagsak niya ang inhaler na hawak niya. Nawalan si Aksana ng malay, na lalo kong ikinataranta.
"No! Dominic, dalhin natin siya sa ospital!" humahagulhol kong wika.
Nagtangis ang bagang ni Dom at binuhat kaagad si Aksana papunta sa kotse.
"Axe, huwag mo 'kong iiwan. Huwag mo kaming iiwan, please. P-parang awa mo na," umiiyak kong sambit habang binabagtas ni Dominic ang daan papunta sa ospital.
Maingat pero mabilis ang kanyang pagmamaneho. Nanginginig ang kamay ko habang mahigpit na niyakap si Aksana. Tumataas na rin ang kanyang temperatura.
Hold on, Aksana. Nandito na si ate.
-ˋˏ ༻❁༺ ˎˊ-
"She's okay now. Pati ang vital signs ng bata. Ma'am, more careful po tayo ngayon lalo't inaatake na siya ng malubha niyang hika. Lalo pong lumalala ang kondisyon niya sa puso na nakakaapekto rin sa daloy ng kanyang paghinga. Kung hindi pa po kayo handa para sa pampa-opera para sa cardiac ablation, isa-suggest ko na ituloy-tuloy lang po ang pagpapainom ng gamot sa kanya," wika ng doctor.
"Maraming bawal sa kanya, ma'am. Mas maganda kung nasa loob siya ng bahay at huwag masyadong patatakbuhin o pakikilusin na maaaring magpabilis ng tibok ng kanyang puso. Baka mas lalo lang pong maging irregular ang heartbeats niya kung sakali," dagdag paliwanag niya pa.
Napapikit na lang ako sa dami ng sinabi ng doctor. Napahilamos na lang ako sa aking mukha at tumango na lang bilang tugon.
"M-maraming salamat po," garalgal ang boses ko at pilit na nilalabanan ang luhang pinipigilan kong tumulo.
Lalong lumala ang sakit niya sa puso. Napaupo ako sa upuan at napatakip sa aking mukha. Doon ko ibinuhos ang luha ko. Ang iyak ko ay nauwi sa hagulhol.
Bakit naman ganito!? Inalagaan ko naman siya nang maayos pero huwag naman sana na mauuwi pa sa ganito, Lord. Sobrang sakit. Akala ko mawawala na siya sa akin.
Siya na lang ang meron sa akin. Hindi ko makakayanang mawala siya. Hinding hindi.
Naramdaman ko ang pagpulupot ng dalawang makisig na braso sa aking katawan. Mahigpit akong niyakap ni Dominic habang sinusuklay ang buhok ko.
"Let's calm down, babe. She's fine now. Don't worry, she'll get better."
Mas lalo lang akong tumangis, hindi inaalintana ang mga taong tumitingin sa amin. Hinayaan ko lang ang sarili ko na magpadala sa emosyon.
"I thought I was g-going to lose h-her," saad ko sa pagitan ng mga hikbi. "Hindi ko kayang mawala siya sa akin, Dom."
"I know, babe. I know," pag-aalo niya sa akin habang hinihimas ang likod ko.
Umabot iyon ng ilang minuto bago pa niya ako mapatahan. Hindi siya kumalas sa pagkakayakap hangga't hindi ako tumigil kakaiyak. Nang kumalma ako ay saka kami pumasok sa private room ni Aksana.
Tulog pa rin siya. Ang putla ng kanyang balat pero umaapaw pa rin ang kanyang angking kagandahan. Nilapitan ko siya at hinalikan ang noo niya.
Si Dominic naman ay nakaupo sa sofa habang tahimik kaming pinagmamasdan.
"Salamat pala," pagtukoy ko sa pagsugod niya kay Aksana rito sa hospital.
"You're always welcome," he smiled. Lumapit siya sa akin at siniil ako ng halik. Malugod ko iyong tinanggap.
Napatid ang pangungusap ng aming mga labi nang biglang mag-ring ang cellphone ko. Kinuha ko iyon at siyang tumambad sa akin ang ngalan ni Stephanie.
"Hello?" bungad ko.
"May bago ka nang trabaho!"
Kumunot ang noo ko sa bungad niya sa akin. "Ha?"
"Gaga ka! May pumunta rito, sabi kinukuha ka raw na secretary ng may-ari ng kumpanya." Iyon yata ang pinag-applyan ko noong isang araw.
"Kani-kanina lang?"
"Oo! Gaga ka talaga!" Tila ba parang siya ang natanggap sa trabaho dahil sa angking galak niya mula sa kabilang linya. "Congrats, ah! Sexytar—secretary ka na!"
Napakamot ako sa aking ulo saka nilingon si Dominic na nakatingin din sa akin. I just sported a smile, not knowing what exactly to feel. Muli kong binalik ang aking atensyon kay Aksana saka nagpakawala ng isang buntonghininga.
"O-okay. Salamat."
SHANGPU
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top