CHAPTER 11
CHAPTER 11
DELAIHLA FRIA HATT
"Napalitan na ba 'yong yero sa banyo?" tanong ko kay Stephanie sa gitna ng aming pag-aalmusal. Nilasap ko rin ang preskong simoy ng hangin sa may bakuran.
"Oo, tapos na. May natira pang 500. Iniwan ko sa ibabaw ng vanity table mo," tugon niya saka sumimsim ng kape mula sa kanyang tasa.
"Dumaan ka na lang ng grocery pagkauwi mo mamaya. Dagdagan ko na lang 'yon ng isang libo. Wala na tayong stock ng pagkain, pati na rin mga shampoo at sabon."
Isang tango naman ang itinugon niya sa akin.
Sinandal ko ang aking likod sa monobloc na kinauupuan ko. Namayani ang katahimikan, mga huni lang ng ibon ang naririnig namin.
"Hindi na lumilitaw papa mo, ah," pagbasag ni Stephanie sa katahimikan. Inirapan ko siya saka kumuha ng Spanish bread.
"Ang daming i-open na topic, bakit 'yan pa?" asik ko.
Tumawa siya at nagkibit-balikat. "Ewan ko ba. Bigla na lang din pumasok sa utak ko, eh."
"Hindi ko naman siya kailangan. Sanay ako na walang papa, so bakit pa siya bibisita rito?"
"Delaihla, papa mo pa rin siya. Kadugo mo 'yon. Kahit hindi mo siya kailangan, darating ang araw na kakailanganin mo siya," aniya. Seryoso siyang nakatingin sa 'kin. "Hindi mo naman maitatakwil 'yon, eh. Sa kanya nanggaling 'yang kulay ng buhok mo."
Kinuha ko ang butter knife at pabirong iniamba iyon sa kanya.
"Hihiwain ko 'yang bibig mo eh. Buwisit ka!" Padabog kong ibinagsak ang butter knife at humalukipkip.
Tinawanan niya lang ako saka bumaling ng tingin sa kanyang cellphone.
"Gisingin mo na si Axe. Alas sais na."
Gumulong ang aking mga mata saka siya tinanguan.
"Fine. Kuhaan mo na lang siya ng makakain. Gutom 'yon panigurado."
Agad na akong pumasok sa loob ng bahay saka dumiretso sa kwarto. Pagkapasok ko roon ay nakita ko si Aksana na nagbibihis na ng uniform.
"Sana tinawag mo 'ko para matulungan kita," bulalas ko, nakahalukipkip.
Napatingin siya sa 'kin, mga mata'y nanlalaki.
"Ate! Tulungan mo 'ko. 'Yong huling butones, hindi ko mapasok! Nasaan na 'yong butas?!"
Humalakhak ako at lumapit sa kanya. Nagsisimula nang mamula ang kanyang mukha dahil sa pagkairita. Itinali ko muna ang buhok niya saka ko pinagtuunan ng pansin ang kanyang uniporme.
"Halika nga. Ako nang mag-aayos. Nagusot na 'yang uniform mo," natatawa kong sabi.
Agad naman siyang lumapit sa 'kin. Kaya pala nawawala ang sinasabi nitong butas kasi mali-mali ang pagkakalagay niya. Napailing na lang ako at inayos 'yon.
"Ayan! Ayos na. Tara na at mag-aalmusal ka pa. Nagluto kami ni Tita Stephanie mo ng fried rice saka tocino. Paborito mo 'yon, 'di ba?"
Gumuhit sa kanyang labi ang isang malambing na ngiti at masayang tumango.
"Tara na!" Hinawakan niya ang kamay ko at hinila papunta sa bakuran.
Pagdating namin sa bakuran ay naupo kaagad si Aksana sa kanyang upuan. Natawa ako nang makita ang reaksyon niya habang naglalagay ako ng fried rice at tocino sa kanyang plato. Nagniningning pa ang mga mata niya. Binigyan ko rin siya ng gatas at hinayaan na siyang kumain.
Sinaluhan na rin namin siya ni Stephanie sa pagkain. Namayani ang katahimikan dahil abala kami sa paglasap ng aming almusal. Ngunit sa pagitan ng bawat palatak ng kubyertos sa aming plato ay bigla kong naalala ang isang bagay na sinabi sa 'kin ng adviser ni Aksana.
"Aksana," pagtawag ko sa kanyang pansin.
"Bakit?" sagot niya habang ngumunguya. Dumukwang ako at inalis ang kanin sa gilid ng kanyang labi.
"Tumawag nga pala sa 'kin 'yong teacher mo. Hindi ka raw gumawa ng assignment? Bakit 'di ka gumawa?" usisa ko.
Natigilan siya sa tanong ko at lumingon kay Stephanie. Tiningnan ko si Stephanie at nag-kibit balikat ito.
"Wala siyang sinabi sa akin na may homework siya," ani ni Stephanie.
"S-sorry. 'Di ko na uulitin. Naglaro kasi kami ni Raven ng pogs." Bumaba ang kanyang tingin.
Napabuntonghininga ako sa sinabi nito. Unang beses pa lang nangyari 'to.
"Aksana," pagtawag ko ulit sa kanya.
"Hala, palo ka ngayon," pabirong pananakot ni Stephanie.
Mabilis pa sa alas kwatro na umangat ang tingin ni Aksana sa akin. Nanunubig ang kanyang mga mata habang nakatingin sa 'kin.
"A-ate."
"Huwag kang maniwala sa tita mo. Tinatakot ka lang niyan," pang-aalo ko. Nilingon ko si Stephanie nang may pag-irap. "Hindi kita papaluin. Huwag mo nang uulitin 'yon, okay?"
Tumango siya at saka bumaba sa kanyang upuan. Nilapitan niya ako at marahang yumakap sa akin. Hinalikan niya ako sa pisngi saka tumingin sa akin.
"Sorry. I love you."
Ngumiti ako at hinalikan ang kanyang noo. "I love you too."
Naupo ulit siya sa kanyang kinauupuan at itinuloy ang kanyang pagkain.
"Siraulo ka," saad ko kay Stephanie. Tinawanan niya lang ako at itinuloy ang pag-aalmusal.
Pagkatapos naming kumain ay pinaggayak ko na nang tuluyan si Aksana. Inayusan ko rin siya. Pigtail pa ang naisipan kong ayos ng buhok niya na siyang ikinabusangot niya. Mukha raw kasi siyang nene.
"Ikaw ba maghahatid sa 'kin ngayon, Fria?" Sinakbit niya sa kanyang balikat ang kanyang backpack.
"Opo. Inom ka muna gamot." Inabot ko sa kanya ang gamot pati ang tubig.
Ininom niya kaagad 'yon at ipinakita sa akin na nainom na niya ito. Salbahe rin kasi 'tong si Aksana, eh. Kapag kasi nakatalikod ako, niluluwa niya 'yong gamot sa basurahan kasi pangit daw ang lasa.
"Tara na," pag-aaya ko sa kanya.
Ngumiti siya at agad na hinawakan ang kamay ko. Nauna na si Stephanie sa amin. Ni-lock ko muna ang bahay saka kami naglakad.
Habang naglalakad kami ay walang patid sa pag-ku-kuwento si Aksana.
"Alam mo, Fria, kaya hindi ko natapos 'yong assignment ko kasi naglaro kami ng pogs ni Raven." Nagsimula pa siyang tumalon-talon habang naglalakad. Bahagya niya akong tiningnan nang malungkot.
"Kaso natalo ako. . ." pagkatapos ay muli siyang ngumiti, "Pero! Binigyan niya pa rin ako ng pogs. Ang bait niya, 'di ba?"
Para siyang bulate na binudburan ng asin habang dumadaldal. Hinayaan ko na lang siyang magkwento ng kung ano-ano. Ayaw ko namang paghigpitan siya sa lahat ng bagay. Gusto kong masulit niya ang pagiging bata. Hindi na niya magagawa ang gano'n kapag malaki na siya.
"Fria, buhat." Nakaangat ang dalawa niyang braso sa akin.
Binuhat ko siya at hinawi ang kanyang buhok.
"Ang laki-laki mo na, nagpapabuhat ka pa rin?" reklamo ko habang tinatahak ang daan papunta sa kanyang eskwelahan.
"Masakit na kasi ang paa ko. Ayaw mo na ba sa 'kin?"
"Hilahin ko kaya buhok mo diyan. S'yempre gusto ka pa rin ni ate. Ikaw talaga!"
Inirapan niya lang ako. "Kagatin kita, gusto mo?"
"Ihulog kita sa kanal, gusto mo?"
"Epal," asa niyang bulong.
Napailing na lang ako at hinayaan siyang dumaldal pa nang dumaldal.
"Fria, kotse ni Leaving 'yon 'di ba?" bigla niyang bulalas.
"Anong Leaving ka diyan? Kuya Dominic—ano!?"
Nginuso niya ang itim na kotseng papalapit sa amin. Agad kaming tumabi sa isang gilid. Tama nga si Aksana. Si Dominic nga 'yon.
"Leaving!" masayang tawag ni Aksana.
"Kuya Dominic! Anong Leaving ka diyan," mariin kong saway sa kanya.
"Pa-epal ka talaga!" Inirapan niya lang ako at tumingin ulit kay Dominic na nasa sasakyan. Lumapit kami sa kotse niya.
"Anong ginagawa mo rito?" tanong ko.
He sported a playful smile. "Pumunta ako sa bahay mo kaso walang tao. May nagsabi sa akin na hinatid mo raw si Aksana," aniya sabay baling ng tingin sa atribida kong kapatid.
"Ako 'yon!" hiyaw ni Aksana. "Papasok ako!"
Nabigla ako sa ginawa nito. Bigla siyang pumasok sa loob ng bintana ng kotse ni Dominic. Muntikan pa akong mawalan ng balanse.
"Aksana!"
Agad na umalalay sa kanya si Dominic hanggang sa makapasok siya sa loob pagkatapos. Agad namang naupo ang kapatid ko sa backseat.
"Hop in," aya ni Dominic.
Wala na akong nagawa kundi ang pumasok na sa passenger seat. Nilingon ko si Aksana, sinisiguro kung ayos lang ba siya o hindi. Isang malawak na bungisngis ang siyang nadatnan ko sa kanya. Nakangisi akong napailing.
"Where does she go for school?"
Tinuro ko ang kabilang kanto. Hindi naman siya mahihirapan dahil nagkukumpulan na ang mga bata na kaparehong uniform ni Aksana.
"D'yan lang," tipid na sagot ko.
Tumango siya at pinaandar ang kotse papunta sa eskwelahan ni Aksana. Wala pang limang minuto ay narating din naman agad namin 'yon.
Ako na ang naunang bumaba nang makahinto na kami sa tapat ng gate ng school. Pinagbuksan ko ng pintuan si Aksana.
"Bye, Fria! Bye, Leaving!" masayang sambit ni Aksana saka kaagad na kumaripas ng takbo papasok ng school.
"T-teka! Wala ka pang. . . kiss sa. . . 'kin." Napakamot na lang ako sa aking pisngi. Napaka-excited naman niya ngayon; 'di man lang ako nakahalik sa pisngi niya.
Napalingon ako kay Dominic. Lumabas pala siya ng sasakyan. Naramdaman ko ang biglaang pagbilis ng tibok ng aking puso na 'di ko mawari kung saan nanggaling.
"Ah... Mauna na ako sa 'yo. Bye." Tinalikuran ko siya nang walang pag-aatubili.
Maglalakad na sana ako nang hinawakan niya ang kamay ko. Napabalikwas ako ng tingin. Walang kahit anong salitang lumabas mula sa 'king bibig.
"Ihahatid na kita," seryoso niyang sambit.
Walang pasabi niya akong hinila papasok ng kanyang kotse. Pinagbuksan niya pa ako ng pintuan.
Wala na akong nagawa kung hindi ang tanggapin ang alok niya. Tahimik lang ang buong byahe namin hanggang sa makarating kami sa bahay.
"Salamat sa paghatid," saad ko habang tinatanggal ang seatbelt.
Kumunot ang noo ko. Ano bang problema nitong seatbelt na 'to!?
Nahigit ko ang sarili kong hininga nang bigla siyang lumapit sa akin.
"Baliktad kasi," nakakatuliro niyang bulong sa akin.
Hindi ko magawang tumingin sa baba. Nanatili akong tulala sa kanyang mukha na abala sa pagtanggal ng seatbelt ko.
"There." Kasabay ng kanyang pag-imik ay ang pag-angat ng kanyang tingin.
Kitang-kita ko na nang malapitan ang makinis niyang mukha na tila ginagayuma ang aking ulirat. Sinariwa ko kung kailan pa nga ba huling pagkakataong natitigan ko nang ganito ang kanyang mukha. It felt like 8 years had already passed.
Bumaba ang tingin niya sa aking labi at awtomatiko ring bumaba ang tingin ko sa kanya. His breath grazed along my face.
"I'm going to kiss you."
"What—"
Hindi ko na nasundan ang aking sasabihin nang bigla niyang hawakan ang aking baba at marahan 'yong hinalikan. Kusang pumikit ang aking mga mata at wala sa isip na napahawak sa kanyang braso bilang suporta.
Pakiramdam ko ay biglang nanghina ang katawan ko sa ginawa niya. Naramdaman kong mas diniin niya ang kanyang sarili sa akin.
Mahina akong napadaing nang kinagat niya ang ibabang labi ko at naramdaman ang pagpasok ng kanyang dila sa loob ng aking bibig. Mas lalong lumalim ang pagkibit ng aming mga labi, nagpapalitan ng init ang katawan.
Mahina akong napaungol nang maramdaman kong nagsimula nang maglakbay ang kanyang kamay sa aking katawan. Doon ako nabalik sa aking katinuan. Walang ano-ano'y naitulak ko siya palayo sa akin, hinahabol ang sariling hininga.
"S-salamat sa pag-hatid." Mabilis akong lumabas mula sa kanyang kotse.
Lakad-takbo ang ginawa ko hanggang sa makapasok ako sa aming gate, mabilis na humahakbang tungo sa tapat ng aming pintuan.
"Wait!"
Nilingon ko si Dominic. May bitbit siyang dalawang malaking supot ng... groceries?
Naglakad siya papunta sa aking pwesto na animo'y walang nangyari. Inilapag niya sa tabi ang kanyang dala na siyang ikinakunot ng aking noo.
"Anong meron d'yan?"
"Cattalina asked me to buy these for you. Ibigay ko raw sa 'yo," siwalat niya.
Huh?
"T-teka—"
"You're welcome." Isang ngisi ang kanyang ipinamalas, pagkatapos ay hinalikan ang pisngi ko.
Hindi kaagad ako nakaiwas. Sobrang bilis ng mga pangyayari. Tinalikuran niya ako saka muling nagtungo sa kanyang kotse.
Bumaba ang tingin ko sa groceries na inilapag niya. I heaved a sigh. Binitbit ko na lang ang mga 'yon papasok ng bahay.
Naupo ako sa upuan, inihihilamos ang pawis sa aking mukha. Bumibilis ang tibok ng puso ko. Mahina kong tinapik ang dibdib ko.
"Stop!" I hissed.
SHANGPU
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top