Chapter 32
INIWAN KA NG EROPLANO. OKAY LANG, BABY, WAG KANG MAGBAGO.
I opened my eyes to see an unfamiliar room. I blinked many times before realizing where I was. Bigla akong napabangon nang maalalang nandito nga pala ako sa kuwarto ni Miko!
Napatingin ako sa tabi ko rito sa kama, bakante na ang puwesto niya. Gising na siya. Lumingap ako sa paligid. Nag-iisa lang ako rito sa kuwarto niya. Nasaan siya?
Nagulat ako nang makita sa orasan na 11:45 na. Sa sobrang yatang pagod at stress ko kahapon ay tinanghali ako ng gising ngayon. Napatingin ako sa kumot na nakabalot sa akin. Hindi ko maalala kung kailan ako nagkumot, pero nang alisin ko iyon ay bigla akong nilamig.
Hindi pa pinatay ang aircon kahit tanghali na. Kaya rin ang sarap ng tulog ko kasi ang lami. Nakalimutan siguro ni Miko na patayin ang aircon pagbangon niya. Ako na ang nagpatay niyon.
Binuksan ko ang pinto at sumilip sa labas. May naririnig akong nag-strum ng gitara at sinasabayan ng pagkanta. Doon iyon banda sa nakabukas na pinto ng maliit na balcony dito sa second floor. Maingat akong naglakad papunta roon.
Habang palapit doon ay lumilinaw iyong strum ng gitara at malamig na boses na kumakanta. "Iniwan ka na ng eroplano. Okay lang, baby, huwag kang magbago. Dito ka lang humimbing sa aking piling, antukin."
Hinawi ko ang kurtina sa pinto.
"Kukupkupin na lang kita. Sorry, wala ka nang magagawa. Mahalin mo na lang ako nang sobra-sobra para patas naman tayo, 'di ba?"
Huminto si Miko mula sa pagigitara at pagkanta, saka tumingala sa akin. Nakaupo siya sa wooden chair na naroon. Bagong paligo dahil basa-basa pa ang buhok. Iba na rin ang damit. White muscle shirt na saka jersey shorts.
Ibinaba niya sa maliit na lamesa ang gitara. "Gising ka na pala. Gutom ka na?"
Nakagat ko ang aking ibabang labi. "May gitara ka pala..."
"Kay Bimbo ito. Kilala mo na iyon di ba? Dinala lang sa akin kanina, pinapatono."
"Ah..." Wala na akong masabi. Ano bang dapat sabihin? Hindi na kami close.
Hindi close pero nagka-baby.
Tumayo siya. "Tara. May pagkain sa ibaba." Nauna na siya sa akin sa paglalakad. "Kumakain ka ba ng embotido? Iyon lang ang naluto ko dahil baka ayaw mo ng hotdog at itlog sa tanghalian."
"Okay lang naman sa akin kahit ano..." Ako na nga lang ang makikitira, magiging choosy pa ba ako?
Nilingon niya ako nang nasa hagdan na kami. "Meron talaga kaming kasambahay. Stay out. Si Ate Tonet. Tagaluto namin iyon, tagalinis ng bahay, at tagalaba. Pumupunta tuwing umaga, umuuwi pag hapon na. Ewan ko kung bakit hindi pinapunta ni Mommy ngayon."
Sa kusina ay siya ang naghain. Nagtaka ako dahil bakit dalawang plato? Hindi pa rin ba siya kumakain?
Wala siyang imik na ipinagsandok iyong dalawang plato. Nagsimula na kaming kumain. Masarap naman ang embotido, kaya lang ay parang ang hirap nguyain knowing na kaharap ko siya. Ito ang first time na kumain kami nang sabay sa iisang mesa!
Pagkatapos kumain ay si Miko ang nagligpit ng pinagkainan. "Maligo ka na. Pumili ka na lang sa cabinet ng damit ko na kakasya sa 'yo."
Pumalakpak ang tainga ko sa narinig. Pagbaba kasi namin dito sa sala ay nakaramdam ako ng init. Naging maiinitin na kasi ako nitong nakaraan, dagdag pa na mainit naman talaga ang panahon.
Bumalik ako sa kuwarto ni Miko at naghanap ng damit sa closet niya. Lahat yata ng shirt niya ay malaki sa akin kaya sa kulay na lang ako bumase. Pinili ko iyong cotton cream shirt. May malabong print iyon sa harapan ng mukha ni Son Goku.
Sa pang-ibaba naman ay kumuha ako ng shorts niya na de tali ang bewang para puwede kong sikipan. Kumuha rin ako ng malinis na tuwalya. Sa panloob ay uulitin ko na lang ang aking suot. Naligo naman ako sa amin kagabi, plus pa na naka-panty liner naman ako.
Wala naman akong choice dahil wala akong dala kahit isang pirasong pamalit. Kung alam ko lang talaga na tatanggapin agad ako kagabi ni Miko, sana ay aking binitbit na rin ang maleta ko papunta rito.
Tumuloy na ako sa banyo na nasa ibaba ng hagdan. Maganda ang banyo nina Miko. Naka-tiles, may mini lavatory, may exhaust fan, may bidet, at may shower. Malinis din at maaliwalas. Walang masyadong anik-anik. Naghubad na ako at tumingin ng toiletries sa hanging rack.
Nakakita ako ng malaking green Irish Spring body wash with pump. Naisip ko agad na ito ang gamit ni Miko pag naliligo. Iyon din ang ngayon ang ginamit ko. Ang bango, ang presko, parang siya lang. Tuwang-tuwa ako na ilang ulit nagsabon ng katawan.
Pati sa shampoo ay shampoo niya rin ang ginamit ko. Ang lamig din sa ulo. Preskong-presko ako paglabas ko. Wala nga lang akong facial wash dahil mukhang hindi nagpi-facial wash si Miko o ang mommy niya. Mas lalong hindi rin ang lola niya.
Dahil wala akong toothbrush at iyon ay bagay na hindi puwedeng hiramin ay dinaan ko na lang sa mumog. Nakailang mumog ako gamit ang nakita kong mint mouthwash. Nang bumango na ang hininga ko ay saka na ako lumabas ng banyo.
Pumasok na ulit ako sa kuwarto ni Miko. Gamit ang suklay niya ay nagsusuklay na ako sa harapan ng salamin na nasa pinto ng closet. Ang tigas ng buhok ko kasi walang conditioner. Hindi pa nga pala ako nakakapagpa-hair treatment.
Nagsusuklay ako nang mapatitig ako sa aking sariling repleksyon. Bukod sa sabog kong buhok dahil wala na ngang hair conditioner, wala pang blower, ay kapansin-pansin din ang aking dry na balat dahil hindi ako nakapag-moisturizer. Bumaba ang aking paningin sa suot ko. Loose shirt, loose shorts, bare feet. It was only the first day, and yet, it felt like I could no longer recognize myself.
Bigla akong nakaramdam ng takot. Paano pa pag tumagal na ako rito? Paano pag lumaki na ang tiyan ko? Ano na ang magiging itsura ko? At handa na ba talaga ako?
As if naman meron pa akong pagpipilian. I'd already made my choice and my parents had already left me. Maaga pa lang ang usapan ng pagpunta sa airport. Ngayong araw ang flight na nina Mommy at Daddy.
Alam ko na aalis ang aking parents pero tinanghali pa rin ako ng gising. Parang hindi man lang nabahala. O baka dahil alam ko namang kahit umuwi ako sa amin ay wala pa ring magbabago. Buntis pa rin ako. Magagalit pa rin sa akin sina Mommy at Daddy dahil sa binigo ko sila.
Kung umuwi naman ako at piniling sumama sa kanila pa-Canada, anong mukha ang aking ihaharap kay Kuya Zed at sa asawa nito kapag lumaki na roon ang tiyan ko? Ilang buwan kami roon na magiging pabigat sa kanila, tapos buntis pa ako. At paano na ang plano nina Mommy at Daddy na pilitin si Kuya Zed na gumawa ng paraan para ma-extend kami?
Malungkot ako na umalis sa harapan ng salamin. Ayoko na munang isipin. Naupo ako sa kama at hinintay si Miko. Ang init kaya binuksan ko ang electric fan niya. Hindi na ako nag-aircon dahil nakakahiya naman, magdamag na iyong bukas tapos tanghali na napatay.
Ang init-init kahit may electric fan. Nagsisimula na akong pawisan. Inip na inip na rin ako dahil wala namang ibang magagawa rito sa kuwarto. Wala ritong TV. Hindi naman din ako mahilig sa comics at sa mga songbook. Ayoko rin namang magbukas ng phone dahil natatakot ako kung may messages man sa akin sina Mommy at Daddy.
Tumingin ako sa orasan. Dalawang oras na agad ang dumaan. Nasaan ba si Miko? Nang makarinig ako ng yabag sa hagdan ay ewan ko kung bakit nagmamadali akong lumabas ng kuwarto. Para akong tanga na sabik. Iyon nga lang ay hindi si Miko ang nakita ko.
"G-good afternoon po..." Nagulat ako dahil ang mommy niya pala ang dumating. Nakakauwi pala ito kahit may duty.
Hindi nito sinagot ang bati ko. Wala rin kahit pilit na ngiti. Malamig na tiningnan lang ako at pumasok na ito sa kuwarto nito. Napayuko ako. Naiintindihan ko naman kung bakit ito ganoon sa akin. Pinag-aaral nito ang nag-iisang anak, pero ito at binigyan ko na agad ng responsibilidad.
"MICHAEL JONAS, YUHOO!" tawag mula sa labas na nagpaangat sa mukha ko.
Sumilip ang lola ni Miko na si Lola Maleng sa bintana. "Ay, mga utoy, wala ang aking apo. Bumile ng aking maintenance diyan sa may botika!"
Bumaba ako sa hagdan. May dalawang lalaki sa labas. Namukhaan ko agad kahit malayo ang gate. Mga taga-Gov din noon, kaibigan niya, na ilang beses ko nang nakaharap. Sina Bimbo Zaragosa at iyong isa ay hindi ko alam ang apelyido pero Francis ang pangalan sa aking pagkakatanda.
Saglit lang ay dumating na rin si Miko. Sinalubong ito ni Bimbo. "Ito na pala si Pretty Boy, e!"
Nakipag-fist bump siya sa mga ito at hinarap si Bimbo. "Kunin mo na ba iyong gitara mo, men?"
"Di pa. Kumustahin ko lang. Tinatawagan kita, e. Nakapatay CP mo. Sira pa rin ba hanggang ngayon?"
"Dalawang buwan na mahigit, di mo pa rin pinapaayos o pinapalitan," ani naman niyong Francis. "Di ka tuloy namin ma-contact. Di tuloy namin alam kapag umuuwi ka ng Cavite."
"Busy lang," maiksing sagot niya sa mga ito.
May sasabihin sana si Bimbo nang mapalingon ito rito sa pinto at nakita ako. Nanlalaki ang mga mata na bumaling ito muli kay Miko. "Hoy, si ano iyon, ah?! Bakit nandito? Nagsasama na kayo? Akala ko ba walang kayo?!"
Kahit mahina naman ang sagot ni Miko ay narinig ko. "Buntis si Zandra."
Sabay na napahawak sa kani-kanilang bibig sina Bimbo at Francis. Akala mo nakarinig ng hindi kapani-paniwalang balita, katulad ng katapusan na ng mundo ngayon.
Si Francis ay hindi pa maka-get over. "Kaya nandito sa 'yo si Zandra kasi buntis? So pananagutan mo? Oy, pota, green flag ka na, boi!"
Umalis na ako sa pinto. Nasa kusina ako inilalagay ang mga pinatulong plato sa drainer papunta sa cabinet nang pumasok na si Miko. Sa gilid ng aking paningin ay nakita kong inabot na nito kay Lola Maleng ang paper bag ng biniling gamot.
Kunwari naman ay hindi ko alam na nakapasok na siya. Naramdaman ko ang paglapit niya sa aking likuran. Nagpanggap ako na busy sa ginagawa, kahit butil-butil na ang pawis ko dahil sa awkwardness.
Narinig ko siyang tumikhim. Noong una ay mahina lang, sa pangalawa ay medyo malakas na. Napanguso ako. Ano bang problema niya?
Mga ilang segundo nang magsalita siya. "Gusto mong magmeryenda?"
Sakto na nakatapos na ako sa ginagawa. Hinarap ko siya. Nakasandal pala siya sa mesa habang nakatingin sa akin. Bigla tuloy nanuyo ang aking lalamunan sa isiping kanina pa siya nakatingin sa aking likuran.
"Gusto mo ng fishball? Meron sa kanto."
"O-okay lang. Hindi ako gutom."
Nagkibit siya ng malapad niyang balikat saka nakapamewang nang naglakad papunta sa sala. Pag-alis na pag-alis naman niya ay siyang pagtunog ng tiyan ko. Ilang oras pa lang matapos ang tanghalian pero gutom na ako agad!
Kahit noon sa amin ay hindi ko naman talaga ugaling magmeryenda, kaya lang nitong nakaraang linggo ay ang gutumin ko. Nakakainis naman itong Miko na ito, hindi man lang nag-dalawang tanong sa akin. Hindi niya man lang naisip na syempre ay magpapakipot ako.
Nagmamartsa na sumunod ako sa sala. Gustong-gusto ko na siyang awayin, pero hindi puwede. Hindi ko teritoryo ito kaya bawal akong magmaldita.
Nandoon na si Miko ngayon sa sofa habang pinipiga ng yakap ang kanyang lola. Pinaghahalikan niya pa ang matanda sa pisngi. Kahit naman naiirita ang matanda ay napangiti na ito sa pagka-clingy ng apo.
"Ay, ano ba itong batang ito? Magpapakamot ka na naman ba ng likod mo o magpapabili ng candy? O baka naman may nang-away na naman sa 'yong kalaro sa labas? Aba'y, halika at ituro mo sa akin, susugurin ko!"
Sumiksik pa si Miko sa leeg ng matanda. "'La, di na ako bata. Kaya ko nang sumugod mag-isa."
Nang makita niya akong nakatingin sa kanila ay tinaasan na naman ako ng kilay. Iirapan ko sana, ang kaso ay naalala ko na namang nakikitira nga lang pala ako. Balak ko ay bumalik na lang sa itaas nang magsalita siya.
"'La, parang gusto ko ng ice cream. Kaya lang, nakakahiya naman bumili sa tindahan pag isa lang. Gusto mo rin ba?"
Napalunok ako ng laway. Kanina pa ako init na init, at bigla kong na-imagine ang lamig at tamis ng ice cream kapag nasa bibig.
Napapalatak naman si Lola Maleng. "Ay, naku ka talagang bata ka! Alam mo namang hindi na ako maari magmatamis! Mananakit ang aking mga kasu-kasuan na naman!"
Napaungol naman si Miko. "Awts. Nakakahiya kasi sa tindahan bumili pag isa lang, e. Di na nga lang ako bibili. Tsk, sayang lang dahil parang ang sarap pa namang mag-ice cream ngayon."
Hindi na ako nakatiis na hindi lumingon, at ganoon na lang ang singhap ko nang makitang sa akin nakatingin si Miko. Bakit siya sa akin nakatingin?!
"Ikaw, gusto mo ba?" Nagulat ako nang bigla niya akong tanungin. "Kung ayaw mo, okay lang. Hindi na lang talaga ako bibili—"
"Bumili ka!" mabilis at hindi nag-iisip na sabi ko. Hindi ko na nakuhang mag-isip. Napahawak na lang ako sa aking bibig nang ma-realize ang sinabi.
Binitiwan ni Miko ang yapos-yapos na matanda. Tumayo siya at humakbang palapit sa akin. "Ano pang hinihintay mo? Tara na at samahan mo akong bumili."
Alumpihit pa ako sa simula at balak pa sanang magpakipot nang mauna na siya sa pinto. Nag-panic ako dahil baka iwan niya ako. Napahabol tuloy agad ako.
Sa may mini grocery kami sa may kanto pumunta. Iyong tinderang naroon ay bata-bata pa, panay ang tingin sa amin ni Miko. Kanina ay katawan ko lang ang nag-iinit, ngayon ay parang pati na rin ang aking ulo.
Meron din kaming mga nakasabay na mga babaeng teenager na bumibili. Tumitingin din sa kanya. May itsura ang mga ito kaya napatingin agad ako kay Miko, pero focus siya sa pagpili sa ice cream freezer.
Nang mag-angat siya sa akin ng tingin ay ngumisi siya. "Oy, anong gusto mo?"
"Ha?" Napapili naman na rin ako. Nakakahiya magpalibre pero... "Uhm, okay lang ba kung akin iyong Magnum? Tapos dalawa sana?"
Saglit lang siyang napatanga. "Oo naman, anong kala mo sa akin, walang budget?" Naglabas siya ng wallet matapos kunan ako ng dalawang Magnum. Kumuha rin siya ng kanya. Iyong kanya ay ice cream na pinakamura.
Pagbayad niya ay binati siya ng tindera. "Sino iyan, Miko? Pinsan mo?"
"Dati. Pero asawa ko na ngayon."
Muntik na akong mabilaukan kahit walang laman ang bibig ko. Iyong tindera naman ay laglag ang panga, kasama ng iba pang bumibili.
Nang makalayo na kami sa grocery store ay kinurot ko siya sa tagiliran. "Bakit mo iyon sinabi?!"
Napaurong naman siya. "Alin?" maang-maangan niya. "Iyon bang asawa kita? E ano ba dapat pakilala ko sa 'yo? Nabuntisan lang?"
Napatapik na lang ako sa aking noo. Ayaw ko na palang ma-stress sa pakikipagtalo. Binuksan ko na iyong ice cream at sinimulang kainin.
Ngingisi-ngisi naman ang herodes sa gilid ko. Sabay kaming naglakad pauwi habang kinakain ang ice cream namin. Mga ilang hakbang sa bahay nila ay huminto kami para mag-concentrate sa ice cream. Dito na namin uubusin dahil baka mainggit pa si Lola Maleng.
Nang maubos ko nga lang iyong ice cream ay nakaramdam ako ng pagkabitin. Gutom pa rin ako. Napansin naman iyon ni Miko. "May gusto ka pang kainin? May isang daan pa ako rito."
Natanaw ko ang fishball stand sa kabilang kanto. Hindi ako palakain niyon pero parang ang sarap yata magsawsaw suka ngayon. Namalayan ko na lang na aking nakakagat na pala ang ibabang labi ko.
Ang mahinang tawa ni Miko ang nagpagising sa akin. Namumula akong napabalik ng tingin sa kanya. "What's funny?!"
Hindi naman na siya sa akin nakatingin kundi doon na rin sa stand ng fishball. "Tara na bago pa magbago isip ko." Nauna na siyang humakbang para hindi na ako makatanggi.
Napahabol naman ako. "Uhm, Miko, may pera ako sa wallet ko." Nasa five hundred plus pa iyon. "Naiwan ko sa kuwarto mo. Babayaran na lang kita mamaya pag-uwi natin."
"Saka na kita sisingilin pag naghihirap na ako."
Kakaunti lang ang bumibili sa fishball-an dahil mainit-init pa kahit hapon na. Binigyan ako ni Miko ng stick. Tumuhog lang daw ako. E di tumuhog. Humingi siya ng plastic cup sa tindero at pinalagyan ng sawsawan na direkta sa container. Ibinigay niya iyon sa akin. Doon ko raw ilagay ang aking makukuha.
Naparami ang kuha ko. Fishball, kikiam, squidball, at pati maliliit na hotdogs. Parang wala akong kabusugan. Iyong hindi ko naman madalas kainin ay ngayo'y takam na takam ako. Nakalimutan ko na nga na aking kasama si Miko. Wala akong pakialam sa kanya dahil mas may pakialam ako sa pagkain.
Hinigop ko pa iyong sawsawan sa plastic cup. Sumabit nga lang sa lalamunan ko iyong ginayat na sibuyas kaya kandasamid-samid ako. Saka ko lang naalala na kasama ko si Miko nang may humagod sa likod ko.
"Tsk, dahan-dahan kasi. Hindi ka naman aagawan."
Ang init naman ng pisngi ko sa hiya. Pati pala kasi iyong tinder ng fishball ay nakatingin sa akin. Nangingiti ito.
Kinuha ni Miko sa akin ang plastic cup. "Ano, okay ka na? O bitin pa?"
"O-okay na. Busog na ako." Hinimas ko ang aking tiyan na talaga namang solved na.
Napasunod naman ang paningin ni Miko sa kamay ko na nasa ibabaw pa rin ng aking tiyan. Ang mga mata niya ay bigla na lang naging malamlam. "Zandra, may baby ba talaga ngayon diyan?"
"Ha?" Nang mag-angat siya ng paningin ay para akong nilulunod ng emosyon sa mga mata niya.
Nakita kong umalon ng ilang ulit ang lalamunan niya bago siya ulit nakapagsalita. "Zandra, ilang buwan pa lang, di ba? Sobrang liit pa niya, parang tuldok pa lang, pero buhay na siya, di ba? Tapos unti-unti siyang lalaki sa loob mo, di ba?"
Iyong inis ko sa kanya, iyong mga agam-agam ko, at pati iyong pag-iisip ko kung tama ba talaga ang aking desiyon, lahat iyon ay naglaho bigla na parang bula. Natagpuan ako ang sarili na maliit na ngumiti sa kanya.
This man was my baby's father, and I couldn't change that reality. It had already happened, and we were already here. And maybe we could work this out. Kung bibigyan ko ng pagkakataon ay baka maging posible nga...
Nakangiti pa rin na kinuha ko ang kamay ni Miko at hinila na siya. "Miko, tara na?" malambing na yaya ko.
Nakaawang naman ang mga labi niya sa pagkabigla lalo nang hindi ko na siya bitiwan hanggang sa paglalakad namin. Pero sandali lang ay naramdaman ko na ang kanyang pagganti ng paghawak sa aking palad. Again a smile drew on my lips.
Nang tumingala ako sa kanya ay hindi siya sa akin nakatingin kundi sa kalsadang dinaraanan namin, pero kitang-kita ko ang pamumula ng kanyang tainga. Ang isang kamay niya ay napahawak pa sa kanyang bibig.
Nagpatuloy kami sa paglalakad, at habang naglalakad ay humihigpit ang pagkakahawak ng mga kamay namin sa isa't isa. Iyong bahay nila na malapit lang ay parang biglang naging malayo dahil ang tagal naming makarating. The walk was kind of tiring, but, surprisingly, I was fine with it.
There was still no eye contact and no conversation and we just continued to hold hands as we walked home. Ahh... maybe, just maybe... choosing to stay with this man was really not a bad idea after all...
JFstories
#BadLoverbyJFstories
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top