3. Interogasyon
Matiim ang pagkakatitig ni Detektib Elyong sa batang si Azuli.
Tahimik itong nakaupo sa harap niya, hindi umiiyak, hindi nanginginig. Wala ni isang pilik na gumalaw nang tanungin niya kung nakita nito ang bangkay ng kaniyang mga magulang. Para bang ang lahat ng tanong ay mga alon lamang sa ibabaw ng isang dagat na wala nang hangin.
Nagsagawa ng tahimik na imbestigasyon si Detektib Elyong tungkol sa pamilyang De Cardero bago pa man siya tumungtong sa mansyon na ito.
Ayon sa mga usap-usapan sa bayan, si Azuli ay bihirang makita sa labas ng kanilang mansyon. Hindi ito nag-aral sa paaralan; pinili raw ni Ginang Resuella na i-homeschool ang bata. Noong bata pa si Azuli, madalas niya itong isama tuwing namamalengke. Ngunit nang dumami ang nagtatanong tungkol sa mata ng bata—’yan ay nang makitang kulay azul ito, isang azul na parang buwan sa gitna ng gabi—unti-unting naglaho si Azuli mula sa paningin ng bayan.
“Masakit sa bata ang mundo,” ’yan lang ang laging tugon ni Resuella kapag tinatanong kung bakit hindi niya pinapalabas at pinag-aaral sa karaniwang paaralan ang anak. Iyon na rin ang tanging dahilan na ibinulong niya sa mga kapitbahay, mga kapwa guro, mga kakilala. Walang nagtangkang sumalungat. Sapagkat kahit pa may hiwaga sa paligid ng pamilyang De Cardero, sila’y tapat, magalang, at mapagkumbaba. Minahal sila ng buong Dassun.
Kaya nang matagpuan ang kanilang mga labi sa likod ng mansyon—doon sa bungad ng kagubatan—nagliyab ang bulong at takot sa buong bayan. Mas lalo pang lumalim ang usap-usapan nang malaman ng mga taga-bayan na si Azuli ang nakahanap sa bangkay ng mag-asawa. At nang siya’y kausapin ng mga otoridad, ang kaniyang kalmadong, halos manhid na sagot tungkol sa pagkamatay ng kaniyang mga magulang ay nagbinhi ng isang katanungan...may kinalaman kaya ang bata sa pagkamatay ng kaniyang ama’t ina?
Napanood ni Detektib Elyong ang videotape ng interogasyon kay Azuli. Oo, nakapagtataka na masyadong kalmado ang bata. Walang kurot, walang nginig. Kung sumagot, aakalin mong hindi niya kaano-ano ang mga pinaslang. Pero nang makita ni Detektib Elyong ang nakasaad sa report ng medical examiner at ng first response team ng pulisya ng Dassun, masasabi niyang imposibleng ang bata ang may gawa nito.
Ngunit… maaari ding may nalalaman ito, at marahil may inutusan upang gawin ang krimen. Pero kahit iyon, parang suntok sa buwan.
Bumuntong-hininga si Detektib Elyong at muling inalala ang nakasulat sa police file ng mga De Cardero.
Natagpuan ang mag-asawa bandang alas-otso ng gabi, tatlong linggo na ang nakalilipas, noong Mayo 16, 2025.
Sila’y nakita sampung metro mula sa bungad ng kagubatan. Ang batang si Azuli ang nakahanap sa mga bangkay.
Pareho silang nakabitin nang pabaliktad—ang ama sa isang sanga ng punong nasa kaliwa, ang ina sa puno sa kanan. Ang kanilang mga kamay ay nakatali sa likod, ang mga paa'y magkakadikit at mahigpit ang pagkakabigkis. Suot pa nila ang kanilang pangtulog. Ang kanilang balat ay maputla, malamig sa mata, ngunit malinis—walang hiwa, walang pasa, walang sugat.
Ngunit sa lupa sa ilalim nila, may dalawang lawa ng dugo—isang lawa sa ilalim ng ama, isa sa ina. Hindi alam ng mga imbestigador kung paanong lumabas ang dugo mula sa mag-asawa—at natiyak ng medical examiner na dugo nga ng mag-asawa ang naroon—kung wala namang sugat. Hindi rin nila alam kung gaano katagal na silang nandoon bago natagpuan. Hindi malamig o mainit ang katawan ng dalawa. Isang bagay na nakapagtataka, ayon sa mga doktor.
Ayon pa sa report ng pulisya ng Dassun, sa gitna ng lawa ng dugo sa ilalim ng katawan ni Arnel De Cardero, may tatlong bagay: isang maliit na teleskopyo, isang pluma, at isang manipis na kuwaderno. Nakapatong ito sa awa ng dugo, ngunit ang nakapag tataka ay walang talsik ng dugo sa ibabaw ng pahina. Ang likod lang nito, ang bahagi na nakasayad sa lupa, ang namantsahan ng pula.
Ibig sabihin, may naglagay nito roon matapos bumuhos ang dugo ni Arnel.
Pero paano?
Sino?
Napasinghap si Detektib Elyong at marahang tinitigan muli ang batang nakaupo sa kanyang harapan. Kinuha niya ang isang brown envelope mula sa bulsa ng kanyang maong na jacket at ipinatong ito sa mesita na nasa kanang bahagi ng kanyang upuan.
Pilit siyang ngumiti. “Azuli,” panimula ng detektib, “Alam kong paulit-ulit na ang katanungang ito. Ngunit nais ko lamang muling kumpirmahin kung ikaw ba ang unang nakakita sa labi ng iyong mga magulang.”
Tinitigan lamang ni Azuli ang detektib. Nakakaumay na ang tanong. Hindi na mabilang ni Azuli kung ilang tao na ang nagtanong sa kanya ng bagay na iyon. Hindi niya mawari kung may kakulangan ba sa pag-iisip ang mga pulis na inihaharap sa kanya. Isang malakas na buntong-hininga ang kanyang pinakawalan sabay sagot ng, “Oo.”
Hindi kalaunan ay ibinaling niya ang paningin sa isa pang nakasibilyang lalaki at sa dalawang nakapulis uniform. “Nais din ba ninyong itanong kung ako ba ang nakahanap sa bangkay ng aking mga magulang?” sarkastiko niyang tanong sa mga ito.
Tahimik ang tatlong alagad ng batas. Nagkatinginan sila, para bang tinatanong ang isa’t isa kung ano ang magandang itugon sa tanong ng bata. Si Detektib Assuncion ang bumasag sa katahimikan. “Hindi na. Sapat na ang iyong sagot kay Detektib Elyong.”
Nagtaas ng kilay si Azuli. “Naniniguro lang. Ayon sa aking karanasan, may pagkabingi ang mga kapulisan.”
Noong mga oras na iyon, nagkuyom ng kamao si Detektib Elyong. Nais niyang pagalitan at sigawan ang bata. Napakabastos ng pagkakasagot nito. Ngunit pinigilan niya ang sarili. May punto naman ang bata. Marahil ay pagod na rin ito sa paulit-ulit na tanong. Kaya’t minabuti niyang agawin muli ang atensiyon nito sa pamamagitan ng pag-ubo. At siya nga ay nagtagumpay. Ang malamig at kakaibang azul na mata ng bata ay tumigil sa kanya.
“Anong ginagawa mo sa loob ng gubat sa ganoong oras?”
Isa na namang nakakainis na tanong, pagmumuni ni Azuli. Ngunit sa pagkakataong ito, sinagot niya ito ng maayos. “Nagising ako dahil maliwanag ang buwan. Naisip kong lumabas upang maramdaman ito.”
Kumunot ang noo ni Elyong.
“Naramdaman mo?” tanong niya.
Ngumiti si Azuli. “Oo. Naramdaman kong maliwanag ang buwan. Na para bang tinatawag ako at—”
“Azuli!” sigaw ni Andeng. Halos mabingi ang mga tao sa lakas ng kanyang pagkakabigkas sa pangalan ng bata.
Ibinaling ni Detektib Elyong ang kanyang atensiyon kay Andeng. “Hayaan mo siyang magsalita,” sambit nito sa babae.
Bumuntong-hininga si Andeng. Alam niyang kakaiba ang sagot ni Azuli. Ayaw niyang makarating sa parehong konklusyon ang mga detektib galing Maynila, tulad ng mga pulis Dassun; ang konklusyon na si Azuli ay may tama sa ulo.
“Andeng, mas mabuti siguro kung itimpla mo kami ng kape.”
Nagtinginan ang lahat kay Azuli.
“Kape?” nakataas-kilay na tanong ni Andeng sa bata.
“Oo, Andeng. Kape.”
Nais ni Andeng na magprotesta. Ngunit nang makita niyang ang azul na mata ni Azuli ay unti-unting nagkakaroon ng maliliit na itim na tuldok, kinagat na lamang niya ang labi at dali-daling pumunta sa kusina.
Tahimik na pinagmasdan ni Elyong ang dalawa. Sinabi sa kanya na si Andeng ang nakatalagang tagapag-alaga ni Azuli. Ayon sa mayor ng Dassun, si Azuli ay malapit kay Andeng, at kung mayroon mang taong nakakakilala nang lubos sa bata, iyon ay si Andeng. Ninais niyang makausap sana ang babae ng masinsinan bago harapin ang batang si Azuli. Ngunit gumawa ng eksena si Assuncion noong sila ay kumain. Sinita ng baguhang detektib ang plano ni Elyong. Kaya ganoon na lamang ang galit niya kanina.
Umiling-iling si Elyong upang pakalmahin ang sarili. At muli, nagmuni-muni ang detektib.
Dagdag ng mayor at ng punong pulis, malalim ang paggalang ni Azuli kay Andeng. Ngunit sa kanyang nasisilayan ngayon, mukhang walang katotohanan iyon. Walang galang makipag-usap ang bata. May bahid ng awtoridad na hindi maihahanay sa salitang “malalim na paggalang.”
Patuloy niyang pinagmamasdan ang dalawa. Makalipas ang ilang segundo ay biglang napakunot ang noo ni Elyong nang makita ang biglaang pagbabago sa tindig ni Andeng. Para bang may nangyayari sa pagitan ng dalawa. May kakaiba sa ekspresyon ng mata ng babae.
Inanggulo ni Elyong ang kanyang ulo upang mapagmasdan nang maayos ang nangyayari, ngunit hindi niya makita ang mukha ng bata dahil nakalingon ito palayo. Hindi nagtagal ay biglang nanigas si Andeng, at sa kanyang mga mata, sumilay ang hilakbot.
"Andeng," ani Detektib Elyong, ngunit kumaripas na ng takbo ang matanda na para bang may iniiwasan.
Ang dalawang pulis na taga-Dassun ay tahimik lamang. Sanay na sila sa eksenang iyon. Kanilang napagkonklusyonan—noon pa man—na si Andeng ay mayroong matinding hiya at takot sa bata. Maraming magtataka sa bagay na iyon, ngunit para sa kanilang mga taga-Dassun, iyon ay normal lamang. Dahil si Andeng ay may malalim na utang na loob sa pamilyang De Cardero. At ang utang na loob na ito ay nagtanim ng mababang pagtingin ni Andeng sa sarili, lalo na sa harap ng sino mang nagngangalang De Cardero.
Sa isang gilid, halos tumalon na palabas sa kanyang tadyang ang puso ni Detektib Assuncion. Huminga siya ng malalim at ikinuyom ang mga daliri sa hawakan ng upuang kanyang inookupa. Pabilis nang pabilis ang tibok ng kanyang puso. Pakiramdam niya ay lumulutang ang kanyang buong katawan. Paulit-ulit, halos nagkakabuhol-buhol na ang mga imahe at salita sa kanyang utak. Hindi mawari ng detektib kung siya ba ay namamalik-mata, pagod lang, inaantok, o nakita talaga niyang sa pagkurap ng mata ni Azuli, ang malalim na bughaw ng mga ito’y naging wangis ng buwan. May mga aninong tila mga crater, mga batik ng dilim. Para bang ang buwan mismo’y nananahan sa kaniyang paningin.
Napatayo si Detektib Assuncion mula sa kanyang kinauupuan nang biglang ibinaling ng bata sa kanya ang atensyon. Ang mga mata nito na noon ay mukhang salamin ng buwan ay bumalik na sa malalim at kalmadong azul nito.
"May problema ba?" tanong ng bata sa kanya.
Gustong sumagot ni Assuncion. Ngunit mistulang takot ang kanyang dila. Ayaw nitong gumalaw. Parang sinakal ng mga anino ang lalamunan niya. Nangati, nanuyo, nanikip—hanggang sa mawalan siya ng boses. Napabalikwas siya nang tumayo bigla ang bata mula sa kinauupuan at dahan-dahang lumapit sa kanya. Narinig ni Detektib Assuncion ang pagtawag ni Detektib Elyong sa kanyang pangalan. Naramdaman niya ang malamig na kamay ng bata nang ito ay dumapo sa kanyang pisngi. Ngunit mistulang nawala siya sa sariling katawan at kaisipan. At ang huling naalala ni Detektib Assuncion ay ang maliwanag na buwan.
***
Sa kusina, ramdam ni Andeng ang pag-igting ng mga pangyayari sa Sala. May mga yabag, mga sigawan, mga aninong gumagalaw. Ngunit nanatili siyang tahimik. Ang kanyang katawan ay gumagalaw, ngunit ang isip niya’y lumulutang sa kung saan.
Dalawng taon na ang nkalipas nang huli niyang masilayan ang mga batik na iyon sa mga mata ni Azuli. Mga tuldok na itim sa bughaw, gaya ng mga batik ng buwan sa gabi. Huling lumitaw ang mga iyon noong ika-labing-tatlong kaarawan ng bata. Noong gabing kinuha ni Arnel ang teleskopyo nito. Ang gabingniyon ay punô ng iyakan, sigawan, at takot. Gabing hindi niya malilimutan.
Huminga nang malalim si Andeng. Pilit niyang pinapawi ang panlalamig na bumalot sa katauhan niya.
Isa-isang nilagyan ng mainit na tubig ang anim na tasa sa kanyang harapan. Kape. Para sa mga bisita. Para sa mga tanong. Para sa mga sagot na ayaw niyang marinig. Sa bawat pagbuhos, parang may inililibing siyang alaala, tinatabunan ng usok mula sa kumukulong tubig at maitim na kape.
Naririnig pa rin niya ang kaguluhan mula sa sala, pero hindi na niya ito pinapansin. Para siyang nasa panaginip. Hindi niya maibuka ang damdamin. Hindi niya maramdaman ang dapat na pagka bahala sa kumosyon na nangyayari sa sala. Walang pag-aalala na dumadapo sa puso ni Andeng. Wala.
Nang matapos niyang punuin ang huling tasa, napansin niyang tahimik na ulit. Ang dating kaguluhan ay naglaho na lang bigla. Wari’y natapos ang eksena habang siya’y wala sa entablado.
Dala ang tray ng kape, lumabas siya ng kusina.
Wala na roon ang mga pulis.
Ang tanging natira ay si Azuli—nakaupo sa lumang upuang bakal sa may bintana. Ang paboritong upuan ng kanyang ama. Tahimik ang bata, nakamasid sa labas, sa dilim, sa liwanag ng buwan na tumatagos sa dahon ng punong narra.
Ang liwanag ng buwan, parang may sinusundang daan. Daan na patungo sa batang walang sawang nakatingin dito.
“Umalis na sila.” Walang emossyon na sambit ni Azuli.
Tumango lang si Andeng. Hindi na siya nagtanong.
Ilang saglit ang lumipas bago siya muling nagsalita, halos bulong na lamang. Hindi niya alam kung saan galing ang mga salitang iyon, pero lumabas ang mga ito bago pa niya mapigilan ang sarili.
“Sa tingin ko... mas mabuti kung umalis ka muna sa bayan.”
Hindi gumalaw si Azuli.
“Nagtatanong ang mga kamag-anak ng nanay mo sa Maynila. Nais nilang doon mo ipagpatuloy ang iyong pag-aaral sa hayskul. Baka... mas ligtas doon.”
Saglit na katahimikan ang namutawi sa pagitan nila. Ngunit hindi kalaunan ay bahagyang tumagilid ang ulo ni Azuli. “Papayagan mo ako?”
Tumango si Andeng. Ngunit ang kanyang paggalaw ay kakaiba, Parang may bigat sa bawat kilos ng matanda. Parang napipilitan.
“Para sa ikabubuti mo. Para sa ikabubuti ng lahat.”
Hindi na muling nagsalita si Azuli. Nanatili siyang nakatingin sa buwan, ngunit sa sulok ng kanyang labi, sumilay ang isang bahagyang ngiti—hindi masaya, hindi mapanlinlang, kundi parang may alam siyang hindi kayang hukayin nino man.
At si Andeng, nanatiling nakatayo pa rin, hawak ang tray ng malamig nang kape, hindi alam kung iyon ba ang tamang desisyon—o kung bakit niya iyon napag desisyonan.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top