CHAPTER 6

CHAPTER 6

SARAH DAYANGHIRANG

"Ano 'tong mga nalalaman ko, Sarah? Kailan pa kayo naging magkaibigan n'yan ni Rafael? Zevallos 'yan siya, hindi ba?" matigas na tanong ni mama habang matalim na nakatingin sa akin.

Natigilan ako sa tanong niya. Sa tono pa lang kasi ng pananalita niya parang may kakaiba. Anong problema niya kay Rafael?

Ramdam na ramdam ko pa rin ang kirot sa pisngi ko kung saan niya ako sinampal. Ang totoo n'yan ay hindi ko na alam kung ano ba ang dapat kong mararamdaman ngayon. Halo-halo na lahat ang emosyon na naglalaro sa dibdib ko.

Napalunok ako at napaawang na lang ang labi. Inayos ko ang sarili at ininda ang sakit, hapdi, at kirot sa aking pisngi.

"Simula po nung nag-aral ako sa university, 'ma," mababa ang boses ko ng sumagot habang pilit na tinatago ang panginginig ng aking boses.

Napaatras ako nang umangat ang kamay niya. Akala ko naman ay sasaktan ako ulit nito pero hindi. Pinagkrus niya ang dalawang kamay sa kan'yang dibdib at mariin akong tiningnan.

"Bakit ngayon ko lang nalaman 'to?" tanong niya. "Bakit hindi mo sinabi sa akin na close mo pala 'yang si Rafael?"

Halos mag isang linya ang dalawa kong kilay sa naging tanong niya. Huh? Bakit kailangan sabihin ko pa sa kan'ya? Naguguluhan ako... hindi ko maintindihan kung bakit kailangan ko pang gawin 'yon... na sabihin sa kan'ya ang tungkol sa aming dalawa ni Rafael, na malapit kaming dalawa sa isa't isa.

Habang matagal na nakatingin kay mama ay hindi ko maiwasang hindi bumilis ang pintig ng puso ko. Ramdam ko agad ang pamumuo ng pawis sa noo ko kaya wala sa sarili na kinamot-kamot ko na naman ang sariling braso habang binabantayan ang magiging sunod na gagawin ni mama.

Naging malikot ang tingin ko sa kan'ya. "Mukhang hindi naman na po importante kung malalaman niyo ang tungkol sa aming dalawa, 'ma," sagot ko. "Mag kaibigan lang naman po kami ni Rafael... wala na pong ibang—"

"Estupida! Napaka bobo!" bigla niyang sigaw kaya natigilan ako dahil sa gulat.

Napapikit ako nang makitang naglakad siya papalapit sa akin. Sinimulan niyang duro-duruin ng maraming beses ang ulo ko at napapaatras pa ako sa sobrang lakas no'n.

"'Ma..." mahina kong sabi habang nakahawak sa aking ulo. Nanginit ang sulok ng mga mata ko dahil sa ginawa niya. Ramdam na ramdam ko ang gigil niya sa bawat pagduduro sa noo ko.

"Bakit hindi mo siya pinerahan, Sarah!" naiiritang singhal ni mama. "Hindi ka talaga nag-iisip nang maayos! Hindi mo ginagamit 'yang utak mo. Magpaawa ka! Sabihin mo gipit ka at hindi makabayad ng tuition—"

"'Ma," pigil ko sa kan'ya at hindi na naiwasan na tumaas ang boses. "Hindi ko magagawa sa kan'ya 'yon. Bakit niyo naman naisip 'yang gan'yang bagay? Kung sa tutuusin si Rafael nga ang umuubos ng pinapaninda ko sa school at sobra pa kung magbayad."

Hindi ako makapaniwala na sasabihin sa akin ni mama 'yon. Naaabot na sa punto na ganito siya mag-isip dahil sobrang gipit na ng mga tao rito sa bahay.

"Sobrang labo po na mangyari 'yang iniisip niyo. Kahit kailan hindi po ako namimera ng tao."

Alam ko na mas lalong sasama ang loob niya sa naging sagot ko. Hindi na ako nagulat nang maramdaman ang kamay niya sa akin buhok; inipon 'yon sa kan'yang kamay at hiniklat papalapit sa kan'ya. Mahina akong napadaing, at kahit na sobrang nanlalabo ang paningin ko kakapigil na huwag tumulo ang pinipigilan kong luha, sinalubong ko pa rin ang nanlilisik niyang mga mata.

"May kalalagyan talaga 'yang bibig mo sa akin, Sarah," aniya sa mariin na boses. Basta niya binitawan ang buhok ko kaya napaatras na lang ako habang nakatingin pa rin sa kan'ya.

Nanatiling nakatikom ang aking bibig at pinanood na lang siyang umalis sa harapan ko. Kaya ngayon... mag-isa na ako sa sala. Isang mabigat na buntong hininga ang aking pinakawalan at pinunasan ang luha bago dumiretso sa kuwarto.

Sa bawat lakad ko papunta sa kama ay ramdam na ramdam ko ang mabibigat kong hakbang. Nahihirapan akong maglakad... pakiramdam ko para akong nasa putikan sa mga oras na 'to. Nang sandaling pabagsak akong naupo sa dulo ng kama hanggang sa mahiga na, doon na tuluyang tumulo ang mainit kong luha.

Pakiramdam ko lahat ng emosyon na naipon ngayong araw... lahat ng mabibigat na emosyon na kanina ko pa pinipigilan ay nailabas ko na. Alam kong tama lang 'to... tama lang na iiyak ko lang lahat ng 'to.

Dahil kung ikikim ko lang... kung itatago ko lang sa sarili ko 'tong mabigat na nararamdaman ko baka hindi ko kayanin... baka mawala na ako sa sarili ko.

Hinayaan ko lang na tumulo ang mga luha ko hanggang sa mapagod ako. Atsaka, kahit na ilang beses pa akong umiyak... alam ko sa sarili ko na ang nararamdaman kong bigat at sakit sa dibdib dahil sa pagkawala ni Rafael ay hindi agad mawawala.

Habang iniisip 'yon... ang hirap pa rin talagang tanggapin na wala na siya at alam kong hindi na siya babalik pa.

Hindi ko na siya makakasama pa.

Hindi ko na siya makikita pa.

݁₊ ⊹ . ݁˖ . ݁·ꕤ

"Congratulations, Group 3! You defended your research well. Thank you at kaunting revise na lang sa manuscript niyo ang kailangang gawin," anunsyo ng research professor namin, malawak ang ngiti nito habang nakatingin sa aming lahat.

Para akong nabunutan ng tinik sa dibdib sa sinabi niya. Ang sarap sa pakiramdam, parang nakahinga na ako nang maluwag dahil alam kong natapos at nakapasa kami sa research defense.

Kaya ngayon, kapag natapos na ma-revise ang manuscript ng research namin kasunod na nito ang graduation namin. Malapit na kami roon... kaunting tiis na lang ang hihintayin ko.

Punong-puno kami ng pagpuri kaya puro thank you rin ang nagiging sagot naming lahat. Ang ngiti sa aking labi ay agad din na naglaho ng dumako ang paningin ko sa dating kinauupuan ni Rafael. Napalitan ng mapait na ngiti ang aking labi.

Kung nabubuhay pa siya hanggang ngayon... paniguradong kasama ko siyang mag-celebrate ngayon. Lalo na rin sa graduation namin.

Nang matapos ang kaunting usapan kasama ang research adviser namin ay agad din na nagpaalam ang ibang kagrupo ko sa isa't isa. Ito lang naman ang inaasikaso namin dahil ang ibang subject ngayong araw ay tapos na.

Naghihintay na lang ako ng masasakyan pauwi sa bahay, at sakto tumigil ang isang sasakyan. Ito yung kotse na ginagamit sa tuwing susunduin at ihahatid si Ei ng driver niya.

Sinabihan niya ako na ngayong gabi raw ang burol ni Rafael, sa isang private at undisclosed na lugar 'yon. Hindi na ako nagtanong pa sa kan'ya at sumama na lang din sa kan'ya. Pero habang bumabyahe kami papunta sa lugar na 'yon ay hindi ko maiwasan na hindi maisip kung paano nalaman ni Ei ang tungkol doon. Higit sa lahat, masyadong private ang pamilya ng mga Zevallos.

Alam 'yon ng mga nakatira sa Austria... paanong hindi rin namin malalaman, malaki ang mga investment nila rito sa Austria kaya malabong hindi matunog ang mga Zevallos.

Minsan na rin nasubukan ng iba na alamin ang background nila pero ni isa sa kanila ay walang nakuhang impormasyon bukod sa pangalan nila at mga business dito.

"Sure ka ba?" tanong ko sa kan'ya.

Mahina siyang tumawa at tumango. "Yes. don't worry, we'll make sure you get home safely afterward."

"Thank you, Ei."

Isang ngiti lang ang sinagot niya ng tumingin siya sa rearview mirror. Naituwid ko na lang ang aking upo sa backseat at may gusto pa akong sabihin sa kan'ya pero parang nagdadalawang isip pa ako kung tatanungin ko pa ba siya o hindi na.

"Uhmm... Ei," ani ko sa mahinang boses.

"Hmm? What is it?" mabilis niyang tanong.

"Puwede naman siguro kung hindi na ako papasok sa loob 'no? Tatanawin ko na lang siya sa labas; sa tingin ko mas okay pa 'yon."

Mabilis siyang napalingon sa akin ng marinig ang sinabi ko. "Why? You can get inside; I could ask Mrs. Zevallos to let you join them. Mukhang kilala ka naman nila dahil kaibigan ka ni Rafael."

Tipid ko siyang ningitian. "Kilala ako ni Rafael pero mukhang hindi ako kilala ng magulang niya."

"Sayang naman kung hindi ka papasok sa loob. Baka mamaya magtampo si Rafael sa 'yo n'yan," sagot niya.

Mahina akong natawa. "Hindi naman siguro. Okay lang talaga sa akin na sa labas na lang ako."

"Alright. If that's what you want. Pero kung magbabago ang isip mo, sabihan mo lang ako."

"Okay. Thank you so much, Ei."

݁₊ ⊹ . ݁˖ . ݁·ꕤ

"We're here, Sarah," isang malumanay at malambot na boses ang narinig ko. Halos pabulong na rin 'yon ng tumigil ang sasakyan.

Tahimik akong napalingon kung saan sila nakatingin ngayon. Isang hindi gaano kalakihan na chapel, doon hineld ang burol ng kaibigan ko. Ang chapel na 'to ay nasa loob ng isang private cemetery.

Kitang kita ko ang ibang mga tao na nakasuot ng itim na tuxedo na nakatayo sa labas ng entrance. May mga nakacivilian naman, pero majority ay mga naka-formal attire.

Pakiramdam ko bumagal ang ikot ng mundo ko nang makita ang looban ng chapel at dumako ang tingin ko sa isang portrait ni Rafael. Kitang-kita ko 'yon dahil nakabukas ang double door. Napalunok na lang ako nang maramdaman ang pangingilid ng aking luha.

Kahit na anong gawin ko hindi mawala-wala ang bigik na nakaharang sa lalamunan ko. Sumisikip ang dibdib ko. May kirot at hapdi. Parang habang tumatagal ang tingin ko sa kan'ya ay mas lalong umiiksi ang paghinga ko.

Ang kalmado ng hitsura niya roon... ang guwapo. Halatang-halata ang matangos niyang ilong dahil medyo naka-side view ang litrato niya roon. Bagsak ang itim niyang buhok na halos umabot sa makapal at itim niyang kilay.

Higit sa lahat... ang pinaka gusto ko sa lahat ng parte ng kan'yang mukha. Ang abo niyang mga mata... malumay ang tingin niya. Nakakapanlambot at sa hindi malamang dahilan, pakiramdam ko ang dali niyang basahin kung titingnan ko ang mga mata niya, maliban na lang siguro kung ang seryoso niya tumingin.

Payapa ang ekspresyon niya sa portrait. Kalmado. Parang nararamdaman ko sa kan'ya sa tuwing kasama ko siya palagi.

Pilit ko pang sinisilip ang loob ng chapel. Napapalibutan ng magagandang white roses ang nakasaradong kabaong ni Rafael. Nagkalat din sa ibang parte ng chapel ang mga white roses kaya maganda rin sa paningin.

Kahit na gano'n ay nangingibabaw pa rin ang elegante na disenyo sa loob. Black at gold ang mga ibang disenyo roon kaya kahit papaano ay bumagay ang mga bulaklak doon.

Umabot pa ako ng ilang segundo kakatingin sa loob ng chapel bago nanatiling nakatingin sa nakasaradong kabaong ni Rafael. Kung sa tutuusin mas pipiliin ko na lang na nakasarado ang kabaong niya at baka hindi ko kakayanin na makita ng tuluyan ang mukhang niyang hindi kaaya-aya dahil sa aksidente.

Habang iniisip ang naging hitsura niya dahil sa mga natamo nito, hindi ko maiwasang hindi masaktan. Pakiramdam ko parang pinipisil ang puso ko sa sobrang sakit.

Maya-maya ay may isang babae na lumabas galing chapel. Sa tingin ko ay ito ang mama ni Rafael. Sumunod din ang isang lalaki, at paniguradong papa niya 'yon.

"That's his mom and dad," ani Ei.

Napatango na lang ako. "Ang elegante nilang tingnan."

"Yes..." 'yon na lang ang naging tugon niya bago ako lingunin. "I'll go greet them quickly. You can wait for me here, Sarah," pagpapaalam ni Ei sa akin ng lingunin ako.

Kumunot ang noo ko. Greet them?

"Ei, malapit ka ba kay Rafael?" bigla kong tanong sa kan'ya. "Medyo napapaisip ako na may alam ka tungkol sa ganito. Alam ko naman na ma-private na tao si Rafael lalo na ang mga Zevallos. Kaya nakakagulat lang na dinala mo ako rito tapos ngayon... parang kilalang kilala mo pa ang magulang niya."

Natigilan siya bigla sa naging tanong ko. Ilang segundo siyang nakatingin sa akin bago alanganin na tumawa at nilingon ang driver nito.

"Kilala naman talaga kahit sino ang Zevallos sa Austria, Sarah. Mauuna na muna kami. Dito ka muna, okay? Babalikan kita, I promise."

Hindi na niya hinintay ang sagot ko at sumenyas na lang siya sa driver niya na lalabas na sila kaya ngayon ay ako na lang ang mag-isa rito.

Napabuntong hininga na lang ako. Hindi niya pa nasasagot ang isang kong tanong. Alam ko naman na kilala ng mga taong taga-Austria ang mga Zevallos. Nakakapagtaka lang talaga na alam niya kung saan nakaburol ang kaibigan ko... higit sa lahat parang iniiwasan niya yung isa ko pang tanong.

Napasandal na lang ako sa sandalan ng kinauupuan ko habang pinagmamasdan pa rin sa malayo si Rafael.

I miss you so much, Raf.

Mabuti na lang at tinted ang bintana nitong kotse. Nakapark pa sa ilalim ng malaking puno. Madilim na rin talaga ngayon at ang nagsisilbing ilaw na lang ay ang street light sa gilid ng driveway. Mas okay na rin 'yon, pakiramdam ko nga ay nakikisabay rin siya sa nararamdaman ko ngayon.

Pero nang makaramdam ako na parang kailangan kong umihi ay alam kong wala akong choice kundi bumaba ng sasakyan para maghanap ng banyo.

"Nasaan na ba yung banyo..." bulong ko sa sarili habang nililibot ang paningin sa paligid.

Bakit parang walang katapusan yata 'tong lugar na 'to? Sobrang lawak niya at parang mananakit pa yata ang paa ko bago makahanap ng banyo. Awtomatiko rin na nawala ang mga reklamo sa isipan ko nang makakita ng banyo sa hindi kalayuan.

Lakad takbo akong nagtungo roon pero sa sobrang bilis ng pangyayari ay natagpuan ko na lang ang sarili na napaupo sa sahig dahil may bumangga sa akin. Para akong tumilapon sa lagay na 'yon.

Mahina akong napadaing at hinawakan ang pangupo dahil sa pananakit no'n. Sa aming dalawa ay ako lang ang napaupo sa sahig, samantala ang bumangga sa akin ay nanatiling nakatayo.

Bato ba siya?

Nagmamadaling tumayo na ako at pinagpagan ang pangupo. "I'm sorry!" Tiningala ko pa siya ng sabihin 'yan.

Hindi ko makita nang maayos ang mukha niya dahil sa suot niyang itim na facemask at baseball cap. Lahat ng suot niya ngayon ay itim, kaya humahalo 'yon sa madilim na lugar dito. Pinasadahan ko siya ng tingin sa huling pagkakataon dahil ang tangkad niya.

Kumunot ang noo ko nang may mapansin sa kan'yang katawan. Bakit parang pamilyar ang hubog ng katawan niya?

Pilit kong kinakausap ang sarili na baka guni-guni ko lang 'yon pero hindi ko alam... bakit bumibilis ang pintig ng puso ko ngayon?

Hindi pa siya nagsasalita. Hihintayin ko rin sana na magsorry siya dahil kasalanan niya rin naman kung bakit ako tumilapon, ang kaso wala. Hindi ba 'to nagsasalita?

Sobrang tagal kong nakatitig sa kan'ya. Para naman makaramdam ng konsensya kahit papaano, ang kaso wala. Isang buntong hininga na lang ang aking pinakawalan bago siya lagpasan para dumiretso sa banyo.

"Hindi man lang nagsorry—" bulong ko sa sarili at akmang bubuksan na sana ang pintuan nang may humiklat sa aking braso.

Nanlaki ang mata ko at hindi agad nakakakilos nang maayos dahil sa sunod nitong ginawa. Natagpuan ko na lang ang sarili na nakakulong sa bisig ng taong hindi ko kilala.

"Wait—" mahina akong napadaing ng humigpit ang yakap niya.

SHANGPU

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top