Chapter 34

Naging maayos naman ang nagdaang buwan kahit papaano. Nakauwi na si papa pagkatapos ng New Year kaya sa dating bahay na kami dumadalaw. Noong nakatapak ulit ako pagkatapos ng maraming taon, hindi ko napigilang maluha. Kahit kasi sa maikling panahon, at musmos pa lang ako noon, marami-rami pa rin ang mga alaala ko roon.

At ngayon, pagkatapos kong maghanap ulit ng trabaho, doon muna ako dideretso. Ipapatikim daw kasi sa akin ni Riley ang niluto niyang Hamonadong Baboy. First time niya raw kasi kaya gusto niyang ako ang mag-critique. Though hindi naman talaga ako magaling magluto, lalo na ang mag-judge ng pagkain dahil para sa akin masarap naman silang lahat, pinagbigyan ko na siya. Tsaka libreng pagkain din, masamang tumanggi sa grasya.

"Tao po!" Kumatok ako sa gate.

"Ate Mabel!" Patakbong lumabas si Riley mula sa bahay para pagbuksan ako. Excited niya akong pinapasok at iginaya papunta sa kusina nila.

"Oh! Basta talaga pagkain mabilis ka, ah?" Natatawa akong umupo sa tabi ni Leigh Belle na nagsisimula ng kumain.

"Siyempre, magpapatumpik-tumpik pa ba ako?" sagot niya pagkalunok niya ng kinakain.

Pagkalapag ni Riley ng kanin, nagsimula na akong kumain. May kaniya-kaniya na kaming mundo! Parang kaming nagkagalit-galit dahil wala nang nagsalita. Ang sarap kasi!

"First time mo ba talagang lutuin?" paninigurado ko, baka niloloko lang pala kami ng batang 'to.

"Opo! Nung Miyerkules ko pa lang napag-aralan yung recipe."

Grabe ang batang 'to! May talent talaga siya sa kusina. Nung unang beses akong nagluto ng hamonado, ang tigas nung baboy. Sabi ni Luigi para raw siyang kumakain ng kahoy! Ang sama talaga non, siya na nga pinagluluto.

"A-ang bango naman ng hamonado," parinig ni papa pagkapasok niya sa kusina. Malat pa rin ang boses niya pero hindi na siya hirap magsalita. Pumwesto siya sa gilid ng lamesa at inupuan ang walker na gamit niya habang inaalalayan siya ni tita.

"Hi, pa." Tumayo ako at nagmano sa kaniya. Sumunod naman yung dalawa at nagmano rin, akala mo hindi nila nakita kanina.

"M-mukhang m-masarap, ah?" patuloy niya pa rin sa pagpaparinig. Style niya talaga 'yan pag alam niyang hindi namin ipapakain sa kaniya.

"Oo nga, pa. Kaya tignan mo lang." Natawa kaming lahat sa biro ni Leigh Belle pwera kay papa.

Sumimangot si papa tapos tinignan niya ng masama si Leigh. Natakot ako, pero itong mga katabi ko, tuloy-tuloy pa rin! Nung panahon ko kasi, ang kasunod ng ganiyang tingin ay sangkaterbang sermon at mala-armalite na mura. Sa panahon kasi nila Leigh at Riley, mala-watergun na lang siguro.

"Pa, bawal sa'yo 'to, 'di ba? Ayaw mo na ngang magpa-chemo, kakain ka ba ng ganito," suway ko sa kaniya dahil parang masakit pa ang loob niya. Ito rin nakakainis minsan kay papa, eh. Ang tigas-tigas talaga ng ulo niya!

"S-sabi ko naman sa'yo, pakilala mo m-mapapangasawa mo, magpapa-chemo a-ako," pangungulit pa rin niya!

"Eh wala naman akong mapapangasawa." Naiinis na ako! Simula nung hinikayat ko siyang magpa-chemo, lagi na niyang pinipilit na ipakilala sa kaniya ang mapapangasawa ko. Para raw masuri niya at malaman niyang hindi niya kauri. Kaso, ni wala naman akong jowa, pano pa kaya ang mapapangasawa 'di ba?

"W-wala ba talaga?" pang-aasar niya pa! Tumitirik-tirik pa mga mata niya tapos patagilid akong titignan.

"Kumain ka na lang ng gulay, oh. Kesa kung ano-ano sinasabi mo." Nilapit ko sa kaniya yung ampalaya para kumain na siya at manahimik. Baka kung ano o sino na naman masabi niyang pangalan.

"Ih, ayoko nito!" Nilayo niya yung mangkok habang umiiling-iling.

"Anong gusto mo?"

"H-hamonado nga!"

"Hindi nga pwede 'yan. Gusto mo bang madala ulit sa ospital?" Pananakot ko sa kaniya. Nababagot daw kasi siya sa ospital, ayaw niya na raw bumalik kaya pag ayaw niyang kumain ng masustansiya o kaya uminom ng gamot, 'yun ang panakot namin.

Marahas siyang huminga at nilapit ulit ang ampalaya. Masama ang loob niya nang nagsimulang kumain pero nagustuhan din naman niya. Kung umakto kasi akala mo hindi sanay kumain ng ampalaya. Eh dati nga siya pa ang nanenermon sa amin pag ayaw namin kumain ng gulay. Tignan mo nga naman at nabaligtad ang sitwasyon.

"A-anak, alam kong ... a-alam kong malaki pa rin ang epekto sa'yo ng ... g-ginawa ko," sabi na lang bigla ni papa.

Napatigil kami sa pagkukwentuhan ni Leigh at sabay pa kaming napalingon kay papa. Sa akin siya nakatingin, malalam at malungkot ang kaniyang mukha.

"P-pero hindi lahat ng lalaki, kagaya ko. Kaya sana huwag kang matakot m-magmahal ulit. Dahil bawat relasyon m-magkakaiba dahil magkakaiba ang mga tao," seryoso niyang saad.

Napaiwas ako ng tingin dahil natatakot akong makita niya sa akin na takot pa rin ako. Pero hindi lang ako takot na masaktan muli, takot din akong makasakit dahil sa takot ko. Kung magmamahal ako ulit, gusto ko buong buo na ako. Hindi na basag na makakapanakit ng susubok na bumuo ulit sa akin. Ayaw ko nang mangyari ulit ang nagawa ko kay Venn. Mas masakit sa pakiramdam na nakapanakit ako ng tao, lalo na ang taong walang ibang hinangad kung hindi ang makakabuti sa akin.

"Weh? Wala ng matinong lalaki, papa." Napairap si Leigh bago tinuloy ang pagkain. Mapait pa sa ampalayang kinakain ni papa!

"M-meron pa!" giit ni papa.

"Oh, eh, sino?"

"Si Venn!"

Nabulunan ako nang sumagot si papa! Buti na lang agad nagsalin ng tubig si Riley sa baso ko kaya nakainom ako. Kaso, hindi naman ako nakaligtas sa mga kantyaw nila.

***

Napangiti ako pagkatapos kong mag-enroll sa review center na pinasukan namin ni Mimi noon. Napagdesisyonan kong i-pursue ulit ang pangarap kong maging CPA after being turned down a lot of times sa mga inapplyan kong trabaho. Naisip ko, maybe ito na ang perfect time para rito. Dahil nasa right mindset ako, financially stable na kami, single ako, at marami na rin akong experience.

At tsaka gusto ko lang din talaga ng reason para magpunta ng Manila at makasama ang mga kaibigan ko. Ayaw nga akong payagan ni kuya at marami naman daw review center sa Cebu at doon na lang din ako mag-take ng exam. Siyempre hindi ako nagpatinag at tinipon ko lahat ng taong makakabumbinsi sa kaniya. Mabuti na lang at napapayag siya ni mama pagkatapos ng mahabang diskusyon.

"Hop in, future CPA."

Napangisi ako at umikot papunta sa passenger's seat. Dahil sa October pa ang exam, limang buwan akong makikitira sa unit ni Nisha. Siya na mismo ang nag-offer para hindi na raw ako umupa. Siya na rin daw ang driver ko pag wala siyang travel bilang isang vlogger.

"Daanan daw pala natin sila Mimi, overnight daw sila para mag-inuman daw tayo as your welcome party," imporma niya sa akin.

"Welcome party?" May ganon palang plano hindi ko man lang alam? Surprise ba 'to? Well, kung surprise hindi sasabihin sa akin ni Nisha. For sure, biglaang plano lang talaga.

"Alam mo naman mga 'yon." Umikot pa ang mga mata niya.

"If I know, ikaw nagplano nito." At tama nga ako nang natawa siya. Sabi ko na nga ba, hindi naman siya papayag sa place niya kung hindi siya ang nakaisip nito.

"Well, sabi kasi ni Mickey ang hina ko raw uminom. So I feel like I have to accept the challenge." Ang laki ng ngisi niya at na-evil laugh pa.

Napailing-iling na lang ako at hindi na lang nagsalita. As if madadaya niya sa shots si Mickey? Sinubukang gawin ni Lala sa kaniya 'yon, bandang huli yung nandadaya pa yung unang nalasing! Kaya good luck na lang talaga.

"Mabel! I missed you so much!" Sobrang higpit ng yakap sa akin ni Mimi pagkapasok niya sa sasakyan. Halos masakal na nga niya ako dahil sa leeg siya kumapit!

"Susunod na lang ba sila?" tanong ni Nisha nang napansing wala yung tatlo. Akala pa naman namin sasabay na sila rito.

"Oo. Baka raw hindi magkasya, eh." Hay salamat! Kumalas na sa yakap si Mimi at umupo na siya ng maayos sa back seat. Grabe, muntikan akong mamatay doon, ah?

"Okay! Let's go na!"

Hindi na ako nagtaka na alam na nila ang address ni Nisha dahil halos doon na ata sila tumira sa dalas nilang mag-overnight! Tapos iinggitin nila ako sa gc, hanggang madaling araw nagsesend sila ng pictures. Iyon talaga ang nagtulak sa akin para bumalik dito, eh! Mga yawa kasi itong mga 'to!

Pagdating namin sa unit ni Nisha, hinanda na namin ang mga alak, pulutan, at karaoke. At pagkatapos lang ng ilang sandali, sabay-sabay dumating ang tatlo na may mga dalang pagkain din.

"Ay shit! Naiwan ko 'yung mga chicharon sa kotse!" bulalas ni Nisha habang gumagawa ng sawsawan namin.

"Ako na kukuha," presinta ko dahil marami pa siyang ginagawa. Nagpiprito rin kasi siya ng mga fishball at kikiam.

Pagkababa ko sa parking area ng building, hinanap ko pa ang kotse niya at naligaw dahil hindi ko na matandaan kung saan siya nag-park. Kung saan-saan pa tuloy ako nakapunta! At kakahanap ko, iba pa yung nakita ko!

Pareho kaming napatigil at nagulat sa presensiya ng isa't isa. Mas una siyang nakabawi sa pagkabigla at nagawa akong tipid na ngitian.

"Uh ... hi—"

Hindi ko alam pero ang una kong naisip ay tumalikod at maglakad palayo. Pakiramdam ko ay hindi ko kayang lumapit sa kaniya. Parang mas tanggap ko pang makita siyang galit sa akin kaysa sa ganiyan siya kabait. Pero at the same time, mawawasak ako pag nilagpasan niya lang ako at hindi pinansin.

Bakit siya nandito? Hindi naman siya rito nakatira as far as I remember? O lumipat siya? Pero bakit naman siya lilipat? Hindi kaya may kikitain siya rito? Baka may girlfriend na siya at dito nakatira? Pero wala namang nabanggit si Tita Risa nung huli kaming nagkita two weeks ago. Sabagay, sino ba naman ako para chismisan niya tungkol sa lovelife ng anak niya, 'di ba? Ex lang naman ako.

"Oh? Asan ang chicharon?" tanong ni Nisha pagkapasok ko.

"Ah ... eh ... h-hindi ko kasi mahanap yung sasakyan, naligaw ako." Napayuko sa sobrang hiya. Ang lakas pa ng loob kong magpresinta kanina!

"Ha? Oh siya, ako na lang kukuha. Punta ka na sa sala, nagsisimula na sila." Kinuha niya sa akin ang susi.

Wala tuloy ako sa sarili at hindi mapakali ang sarili ko kakaisip kung bakit siya nandito. Hindi na rin mawala sa isip ko ang idea na meron na siyang bagong girlfriend. Hindi tuloy ako makasabay sa kanila at tahimik lang ako sa gilid. Noong una hindi nila pansin dahil kadalasan, nakikinig lang talaga ako sa mga pinag-uusapan nila. Pero katagalan, napagtanto nilang wala ako sa tamang hulog.

"Oh? Napano ka, Mabel? May problema ba?" si Lala ang unang nakapansin, dahil siguro kami ang magkatapat ang puwesto.

"A-ah ... w-wala. Pagod lang," pagsisinungaling ko.

"Sabagay, kahapon lang biyahe mo no?" Nag-alala na silang lahat at napatigil sa kasiyahan. Nakonsensiya tuloy ako dahil dinamay ko pa sila sa kaartehan ko, nakita ko lang naman si Venn.

"Gusto mo ba mauna ka nang magpahinga?" suggestion ni Liz.

Tumango na lang ako dahil sagabal lang ako sa party nila. Para sa akin pa naman 'to. Pero ayaw ko namang maging cause ng pagkasira ng kasiyahan nila. Kaya tumayo na ako at nagpunta sa isa pang room ng unit ni Nisha na magsisilbing kuwarto ko for five months.

Pagkahiga ko, bumalik ulit kay Venn ang isip ko. At dahil hindi na talaga ako matahimik kung may girlfriend na nga ba siya, nilabas ko ang cellphone ko para i-check ang Instagram niya. Hindi na 'to bago dahil palagi ko namang ginagawa. Dati nga binlock ko pa siya, pero napagod ako sa pag-block tas unblock pag na-miss ko siya kaya hinayaan ko na lang.

Pagkabukas ko, walang nadagdag na pictures. Huling post na niya ang picture namin noong homecoming nila. Nanikip na naman tuloy ang dibdib ko nang maalala ko 'yon. Kaya nag-scroll ako at puro pictures lang din namin—mainly ako.

Noong unang beses ko 'tong tignan after ng break-up namin, nagulat pa ako dahil hindi niya binura ang mga pictures namin. Parang hindi man kami naghiwalay pag tinignan ang profile niya.

So kung wala siyang jowa na posibleng nakatira rito, ibig sabihin siya ang nakatira? Yawa! Sa iisang building na naman kami nakatira?

Hindi tuloy mawala ang kaba ko tuwing titigil ang elevator pag lumalabas ako. Pero so far, after one month kong nakatira rito, never ko pa siyang nakita ulit. So baka hindi nga siya rito nakatira. Kung ganon, may pinuntahan nga talaga siya rito nung gabing 'yon? Sino ang pinuntahan niya? At bakit hindi na niya pinuntahan ulit?

"Uy!" Kinalabit ako ni Nisha.

Napaitlag ako at gulat na napatingin ako sa kaniya. "Bakit?"

"Ang lalim lagi ng iniisip mo? May nangyari ba?" May pag-aalala niyang tanong sa akin.

"W-wala, okay lang ako," pagsisinungaling ko. Ayaw kong umamin at sabihin sa kanila ang totoo. Nahihiya ako na ganito ang reaksiyon nang dahil lang nakita ko ang ex ko NOONG NAKARAANG BUWAN! Parang akong broken na hindi.

"Nako, ah! Baka makaapekto sa pag-re-review mo 'yan." Pinanlakihan na niya ako ng mata. Ilang beses na rin kasi niya akong napuna.

Oo nga pala, yung pag-re-review ko. Minsan wala ako sa sarili ko kaya parang wala lang pumapasok sa utak ko. Nung isang beses, tinatawag pala ako ng nagtuturo tapos nakatulala lang ako. Mabuti na lang at mabait siya, pinagsabihan niya lang ako after ng session namin.

"By the way, tuloy na nga pala ang alis ko pa-Bohol bukas. Iwan ko sa'yo susi ng kotse para magamit mo, ah?" Tumayo na siya at dinala sa lababo ang pinagkainan namin para hugasan.

Oo nga pala, nawala rin sa isip ko na aalis nga pala siya this week para sa vlog niya. Pati mga bagay na ganito naapektuhan na ng sobrang pagka-distract ko kay Venn. Kaya dapat tigilan ko na. Hindi ko rin naman na siya nakita ulit kaya wala na dapat akong ikabahala pa.

Pinilit kong mag-focus sa pag-re-review at inulit ko ang mga lesson na parang dumaan lang sa tenga ko at lumabas. Ang dami ko tuloy hinabol. Kung hindi lang ako pumapasok ng review center baka sa unit lang din ako ni Nisaha naka-stay. Kaya ngayon tuloy ay burnout ako!

"Sabi ko naman kasi sa'yo subukan mong mag-review sa mga coffee shop, ganiyan. Para may change of environmemt ka at hindi ka lang lagi nandito. Makakatulong 'yon sa pag-re-review mo." Umupo sa tabi ko si Mimi at pinainom ako ng gamot dahil nilalagnat na naman ako. Pangalawang beses ko nang lagnatin this week.

"Tsaka mag-break ka naman kasi. Mas lalong walang papasok sa utak mo kung todo review ka," sermon naman ni Nisha. Nakatayo siya sa gilid ng kama, nakahalukipkip at masama ang tingin sa akin.

Kaya kahit nasasayangan ako, hindi na muna ako nag-aral kinabukasan. Hindi rin ako nakapasok sa sessions dahil ayaw akong palabasin ni Nisha. Baka raw mabinat ako. Kaya buong araw ay natulog na lang ako, pambawi na rin ng energy.

The day after that, hindi na ako nagpapigil. Marami na akong mami-miss pag hindi pa ako pumasok sa sessions at mag-review. Sinunod ko na rin ang suggestion ni Mimi at nakahanap ako ng magandang coffee shop na konti lang ang tao. Medyo mahal nga lang ang menu pero mas okay na kesa sa mga punong coffee shop. Hindi naman ako makakapag-aral sa mga ganon.

"Uhm ... Miss Mabel?" pagkuha ng waiter sa pansin ko.

Napaangat ako ng tingin at nginitian siya. Tinanggal ko ang suot kong earphones para marinig ko siya ng mas maayos. "Yes?"

"Meron pong nag-order para sa inyo." Nilapag niya ang isang tasa ng tsaa sa harap ko.

Kinabahan ako at nakaramdam ng pag-aalangan. "S-sigurado ka ba?"

"Uh ... y-yes po?" Lalo akong kinabahan nung mukhang hindi sigurado itong batang waiter. Napakamot pa siya sa ulo. "P-pero meron naman pong note na iniwan."

Kinuha ko ang nakadikit na pink sticky note sa tasa. At sa unang tingin ko pa lang, kilala ko na kaagad ang pamilyar na handwriting na ito. Malalaki, matataba, tuwid, at all caps na letra.

MABEL,

REVIEW WELL AND GOOD LUCK!

-SMC

Napaisip pa ako nung una kung sino 'to. Pero nang napagtanto ko, kaagad namuo ang luha sa mata ko. Binaba ko ang sticky note at inikot sa buong shop ang mga mata ko pero wala na siya, hindi ko siya makita. Pero alam ko, sigurado akong sa kaniya galing 'to!

"Kanino 'to galing? Can you describe him ... or her?" tanong ko sa waiter. Gusto kong makasiguro kahit alam kong siya naman talaga 'to.

"Ah ... eh ... uhm ... l-lalaki po siya. Matangkad, maputi, tapos gwapo?" Napapatingin pa siya sa taas at napapakamot ng ulo kakaalala sa hitsura ni Venn.

Tumango na lang ako para makabalik na siya sa trabaho niya. Hindi na ulit ako nakabalik sa pag-re-review at occupied na naman ang isip ko. Dinampot ko ang tasa at ininom ang 'to habang nakatingin pa rin sa sticky note. Paulit-ulit kong binabasa hanggang sa napansin kong may nakasulat din pala sa likod! Nagsalubong ang mga kilay ko nang binaligtad ko.

DON'T GET DISTRACTED! GO BACK TO REVIEWING!

Napanganga ako at dinampot ulit ang note para mas mabasa ng malinaw. Yawa! May kapangyarihan ba ang lalaking 'yon na hindi niya sinabi sa akin? Napabalik tuloy ako sa pag-re-review kahit napapatingin-tingin ako doon. Hanggang sa natapos ako at umuwi, iyon lang ang nasa isip ko.

Kaya kinabukasan, bumalik ako at umasang darating siya. Inabangan ko pa ang pagdating niya. Pero wala. Ni tsaa, wala rin akong natanggap. Kahit note man lang para alam kong nagpunta siya.

Kahit ganon, hindi ako napanghinaan ng loob. Halos sa coffee shop na ako tumira, makita lang siya. Pagkabukas pa lang nandoon na ako, I will stay hanggang sa magsara.

"Uhm ... ma'am? Hinihintay niyo po ba yung lalaking nagpabigay ng tsaa sa'yo dati?" tanong bigla nung waiter sa akin. Nililinis niya ang lamesang katabi ng akin.

"H-ha? Hindi, ah!" pagtanggi ko.

"O-okay po." Bahagya siyang nagulat sa naging reaksiyon ko. Natakot pa ata dahil binilisan niya ang paglilinis.

May alam kaya 'yon? Baka kilala niya si Venn? Tanungin ko kaya siya? Kaso mahahalata niya ako! Pero may pake pa ba ako doon? Eh regular customer na nila ako, umaalis lang nga ako rito para umuwi o kaya para pumasok sa review center. Kaya nang nag-serve siya sa malapit, tinawag ko siya.

"Kilala mo ba yung nagpabigay ng tsaa sa akin? Alam mo ba pangalan niya?" tanong ko sa kaniya.

"Akala ko po ba hindi niyo siya hinihintay?" Humaba ang nguso niya at napakamot sa ulo.

"Huwag ka nang magtanong, sagutin mo na lang ako!" pagtataray ko. Ayaw ko naman sana siyang awayin, pero nakakainis kasi!

"Uh ... madalas po dati dito si engineer. Pero after niya pong magpabigay ng tsaa sa'yo, hindi na po ulit siya bumalik, eh."

So ibig bang sabihin ... iniiwasan niya ako? Bakit pa siya nagpabigay ng tsaa kung iiwasan niya lang din ako after? Sa sobrang sama ng loob ko, dinampot ko lahat ng gamit ko at umalis na doon. Hindi na ulit ako bumalik sa coffee shop kahit kailan. Nakakahiya naman sa kaniya. Baka hindi na siya nakakapunta sa paborito niyang coffee shop dahil sa akin.

Sa condo unit na lang ni Nisha ako nag-review ulit. Ang sama ng loob ko ng ilang araw to the point na binlock ko ulit siya sa lahat ng social media platforms niya! 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top