RUNAWAY part 4

***

"Hala, umiinom uli sila," sabi ko kay Nina habang nakalingon kina Jeron at Warren. Nakaupo kaming dalawa sa pampang, isinasalubong sa alon ang mga paa namin. Nakabalot kami ng alampay kontra sa lamig ng hangin sa hatinggabi.

"Mukhang uubusin nila 'yong sa bote," sabi naman ni Nina. Wala siyang glasses kaya naniningkit nang konti ang mata niya sa pag-aninaw. "Oh well. Malakas uminom si Warren, ah. Parang wala pang tama."

"Oo nga." Naririnig ko ang malakas na tawa ni Warren mula sa kinauupuan namin. Bihira 'yon. Napangiti ako. Ano kayang pinag-uusapan nila ni Jeron?

"Ang sweet n'yo ni Warren," sabi ni Nina sa'kin.

"Ha?" Napabaling ako sa kanya. "Ah. Hindi ko napapansin."

"Sanay ka na siguro," aniya.

Nangiti ako. "Siguro. Lumaki akong nakakasama si Warren kaya hindi ko alam kung alin ang sweet o normal o ano sa'min. Magkaklase rin nga kami no'ng college. Same block pa."

"Ah. Matagal nang kayo?"

"Uhm... hindi. Pero no'ng college, alam na namin ang feelings ng isa't isa, kaso hindi pa rin kami naging official. Naghintay muna kaming makatapos sa masteral. Nagpunta ako sa London, siya naman sa Singapore. Ngayon pa lang talaga kami naging official na kami." Napapakapit ako sa alampay ko sa pagkukuwento. Iba pala ang may mapagkuwentuhan na hindi sina Iya at Yanyan. May kilig at ilang na magkahalo. Tumikhim ako. "Ano... kayo ni Jeron? Matagal na kayo?"

Tumikhim si Nina. Parang hindi siya komportable sa tanong ko.

"Ay, sorry. 'Wag mong sagutin kung ayaw mong ikuwento," una ko.

"No, hindi naman 'yon. Complicated lang ikuwento kasi," sabi niya.

Tumingala siya sa langit na nabubudburan ng mga bituin. Napatingala rin ako.

Maganda ang langit sa Burgos. Siguro dahil hindi pa gano'n kakapal ang polusyon kaya parang mas maraming bituin do'n kaysa sa Manila. Kakapiraso rin ang buwan ngayong gabi.

"Si Jeron at ako, hindi naman talaga kami," sabi ni Nina mayamaya. "Pero kailangan kong pumunta rito sa Burgos kaya sinabi namin dito sa kanila na may relasyon kami."

Hala. Parang pang-wattpad 'yong set-up nila. Dumikit ako lalo sa kanya para sa mga kasunod niyang sasabihin pero hindi na siya nagdagdag. Nahiya naman akong tanungin kung bakit kailangan niya na magpunta sa Burgos.

"Uh, pero ano, matagal mo nang kilala si Jeron?" ani ko.

"Hindi. Wala pa nga yatang one month," sabi ni Nina. Mahina siyang tumatawa.

Napanguso naman ako. Kung mag-iisang buwan pa lang silang magkakilala, bakit parang may gusto na si Jeron sa kanya? At bakit parang may gusto rin siya? Hala siya. Pang-wattpad talaga sila!

"Pero mabait si Jeron, 'no?" susog ko.

"Yeah. He's pretty nice. I thought before that he's not."

"Eh?" Alam kong mabait si Jeron mula no'ng college. Pa'no maiisip ng kahit na sino na hindi? Nakaka-curious.

"He's thoughtful, too," dagdag ni Nina na lumingon kina Jeron at Warren. Ngumiti siya.

Hindi ko nakita nang malinaw ang ngiti niya pero pamilyar sa'kin. May ngiti na para sa magagandang bagay at magagandang pakiramdam. Sigurado akong gano'n ang ngiti niya.

Napangiti rin ako.

"Anyway, medyo malamig na talaga. Lalangoy pa ba tayo?" untag ni Nina sa'kin.

"Nilalamig na nga rin ako. Saka, pagod na rin," sabi ko. "Kaya lang, sina Warren, parang iinom pa rin, eh."

"Pauwi kayo mamaya, 'di ba?"

"Hindi. Papunta kami ng Pangasinan. Nando'n kasi mga kapatid namin."

Napatango si Nina. "Kung gusto mo, tulog muna tayo. Mukhang uubusin nila 'yong alak, eh. Gising na lang tayo ng madaling-araw para mag-check sa kanila."

"Tingin mo, okay lang 'yon?"

"Oo naman. Mas mahirap namang makiupo sa mga umiinom."

"Oo nga, eh. Tara, magsabi tayo."

Tumayo kami at lumakad palapit. Isinasadsad ang paa namin sa malamig na buhangin.

"Mi. Nilalamig ka na?" tanong ni Warren nang makalapit kami.

"Medyo lang."

Ang ganda ng ngiti niya sa'kin. Parang lasing na siya pero bukod sa mapungay lalo ang mata niya, walang ibang senyales ng alak. Si Jeron, mapungay na rin ang mata at medyo throaty ang boses.

"Gusto na sana naming magpahinga ni Amethyst," sabi ni Nina na salitan ang tingin kina Warren at Jeron. "Matutulog na ba kayo o..."

"Uubusin lang sana namin 'tong nabuksang bote," salo ni Jeron. "Mabilis na 'to."

"Ah. Iidlip muna sana kami, eh. Magche-check na lang kami sa inyo mayamaya," sabi ni Nina.

"Kahit hindi na. Matulog na kayo," sabi ni Warren.

"Oo nga. Puwede namang iwan lang muna rito 'yong mesa. Papasok na lang kami sa loob," si Jeron. "Para hindi na kayo maistorbo sa pagtulog."

Nagkatinginan kami ni Nina.

"Okay lang sa'yo 'yon?" tanong nito sa'kin.

Tumingin ako kay Warren. "Okay ka lang hanggang mamaya?"

"Oo naman, Mi. Magpahinga ka para hindi tayo pagalitan ni Kuya Ivan mamaya," aniya.

"Okay. Pumasok kayo 'pag matutulog na kayo, ha? 'Wag kayong matulog dito sa labas," sabi ko.

Tumango sila.

"Malamig dito at baka may insekto," dagdag ko pa.

Tumango uli sila.

"Walang kumot at hindi kayo kasya sa bangko."

Tango uli.

"Saka..."

Lumapad ang ngiti ni Warren sa'kin. Inirapan ko naman siya.

"Wala na pala 'kong bilin. Basta pumasok kayo sa bahay pagkatapos n'yo."

Sumaludo silang dalawa. Nakakainis. Humawak si Nina sa braso ko at hinila na 'ko palayo.

"Goodnight, Mi," sabi lang ni Warren habang hatid ako ng tingin.

Nagtuloy kami ni Nina sa mga kuwarto namin.

***

Nakatulog ako pero bandang alas-tres, gising na uli. Napanaginipan ko kasi si Warren na natulog daw sa gitna ng dagat. Tapos, inanod daw hanggang sa Pangasinan. Nakakatakot 'yong scenario sa panaginip ko, pero nang gising na 'ko, parang nakakatawa pala. Imposibleng basta maanod si Warren sa dagat.

Nakiramdam ako sa tahimik na bahay kung may gising pa. Nang hindi ako makontento sa pagkakahiga, bumangon ako at naghilamos. Mas mabuting mag-check nang tuluyan kaysa makiramdam.

Paglabas ko ng kuwarto ko, nando'n si Nina. Kakatok yata.

"Oh. Gising ka na," aniya.

"Oo. Nagising ako, eh."

"Wala pa sina Jeron at Warren sa kuwarto nila," una niya. "Nag-check ako."

"Hala. Puntahin natin sa likod-bahay."

Magkasama kaming lumabas ng bahay at bumalik sa tabing-dagat. Nakahinga ako nang maluwag nang makitang nagliligpit ng mesa sina Jeron at Warren. May mga kamiseta na sila. Mukhang hindi na lumangoy. Nag-alala ako na baka maghanap kami ng lasing na trip matulog sa dagat gaya ng sa panaginip ko.

Ang laki ng ngiti nilang dalawa nang malingunan kami. Ngiting-lasing.

"Bakit gising pa kayo?" salubong ni Jeron. "Papasok na kami, eh."

"Oo nga. Dapat natulog na kayo nang tuloy-tuloy," sabi naman ni Warren.

May slur na ang pagsasalita nila. Rough na rin ang boses. At kahit dapat ay nagliligpit sila ng mesa, gumugulong ang bote ng Tapuy at tumataob ang mga baso. Malalaglag din sa mesa ang pinggan.

Pinigil ni Nina ang bote ng Tapuy na lalaglag dapat sa buhangin. Kinuha ko naman ang mga baso at maayos na inihilera sa mesa.

"Matulog na kayo, kami na ang magliligpit," sabi ni Nina.

"Hindi na, kami na," sabi ni Jeron. Nagtangka itong umabot sa baso pero pinigil ni Nina ang kamay.

"Mamayang umaga na lang natin ligpitin," si Nina. "Matulog na tayo pare-pareho kasi malamig dito."

"O, mamaya na lang daw magligpit, Warren," sabi ni Jeron.

Pero sa'kin nakatingin si Warren.

"Bakit?" tanong ko.

Umiling siya. "Wala. Ang cute mo, eh."

Hala siya.

Umabot sa'kin si Warren at ikinulong sa palad niya ang mukha ko. Pagkatapos, pinisil niya nang marahan ang magkabilang pisngi ko.

"Ang cute ng Mimi ko, eh."

Hala siya talaga!

Pinigil ko ang magkabilang kamay niya bago lumingon kina Nina at Jeron. Nagkukulitan din 'yong dalawa. Naghuhulihan ng kamay. Gusto ni Nina na alalayan si Jeron pero gusto ni Jeron na alalayan si Nina. At si Warren...

"Tulog ka na, Mi," sabi niya at tinaptap ang tuktok ng ulo ko. "Para makapahinga ka."

"Ikaw rin kaya. Kailangan mo nang matulog."

"Hindi," giit niya. "Ikaw ang kailangang matulog."

"Ikaw, dahil ikaw ang lasing."

"Ikaw, dahil cute ka."

Siningkitan ko siya ng mata. Pero umabot lang uli siya sa mukha ko at pinisil ang magkabilang pisngi ko.

"Ang cute talaga ng Mimi ko, eh."

Napalunok ako. Ano'ng gagawin ko sa ganitong lasing? Nang lingunin ko sina Nina at Jeron, nagawa nang iakbay ni Nina si Jeron sa kanya. Parang tore na hinihila niya papasok sa bahay. Ang tangkad kasi ni Jeron sa kanya.

"Amethyst, sumunod kayo, ha?" sabi niyang hindi makalingon sa'min.

"Oo!" Bumaling uli ako kay Warren at kinuha ang braso niya para iakbay sa'kin. Hindi ko nga lang alam kung pa'no. "Halika na sa loob para makatulog tayong pareho."

Sa halip na umakbay, yumakap siya sa'kin. Sakop na sakop ako ng init ng katawan niya. Naaamoy ko rin ang alak sa kanya.

"Warren..."

"Sandali lang, Mi..."

Hindi ako gumalaw kasi baka nahihilo siya. Pero nang bitiwan niya 'ko, malaki ang ngiti niya.

"Tara, tulog na tayo, Mimi."

"Oo nga. Halika. Akbay ka sa'kin para—Hala ka!"

Napangko niya 'ko nang walang signal. Hinampas ko naman siya sa braso.

"Ano ba, Warren! Ibaba mo 'ko!"

" 'Wag kang gumalaw, Mi. Magalaw na nga ang sahig," sabi niyang nakikipagpatintero sa buhangin habang buhat ako.

"Wala namang sahig, eh. Buhangin 'yan!" sabi kong kumapit sa leeg niya.

"Sahig 'yan, Mi. May buhangin lang."

"Warren!"

Tumawa lang siya nang malakas. Kapit na kapit ako sa kanya habang gumegewang siyang lumakad papunta sa bahay.

" 'Pag ako, nabitiwan mo!"

"Hindi kita bibitiwan kahit kailan. 'Wag kang mag-alala."

"Baka mahulog ako!"

"Hindi kita ihuhulog lang."

"Ano ba kasi, Warren!"

Hindi ako makapaghisterya sa pagsuray niya dahil mahigpit ang braso niya sa pagbuhat sa'kin. Lalong wala akong maireklamo nang pumasok na kami sa loob ng bahay. Ayokong makagising ng mga taong mahimbing ang tulog.

"Kapit ka lang sa'kin, Mi," sabi niya.

"Ibaba mo na kasi ako..." mahina ang boses na pakiusap ko.

"Sandali lang. Malapit na nga tayo sa kuwarto mo, eh."

"Nakakainis ka..."

Tinawanan niya lang uli ako. Pumasok kami sa kuwarto ko na buhat niya pa rin ako. Mabuway ang lakad niya hanggang sa kama. Ibinaba niya 'ko ro'n—marahan at maingat na parang hindi siya lasing. Eksakto paglapat ng likod ko sa kutson, itinukod niya ang braso niya sa tagiliran ko.

" 'Yan, matutulog ka na," sabi niyang mapungay ang mata sa'kin. Makapal at magaspang sa alak ang boses niya. Nararamdaman ko ang katawan niyang halos nakalapat sa katawan ko.

Nahihirapan akong huminga sa posisyon namin. Masyado siyang malapit at masyadong mainit ang katawan niya. Nahahawa ako. Parang mabilis din ang tibok ng puso niya gaya ng sa'kin.

Tumitig siya sa'kin at hinaplos-haplos ang buhok ko. Pagkatapos, bumaba ang labi niya sa noo ko.

"Goodnight, Mi," bulong niya.

Lumunok ako.

Akala ko, 'yon na ang goodnight kiss. Pero lumapat uli ang labi niya sa tungki naman ng ilong ko.

"Goodnight, Mi," sabi niya uli.

Sandali siyang tumingin sa'kin bago bumaba uli ang labi niya. Higit ko na ang hininga ko paglapat ng labi niya sa labi ko. Magaan lang 'yon no'ng una. Maingat. Pero masyadong mainit at malambot ang labi niya, at nanginginig ako. Naibuka ko ang labi ko nang higit pa sa dati kong ginagawa. Humalik din siya sa paraan na higit pa sa dati niyang ginagawa.

There are kisses like treading lightly on shallow water. Nakikiramdam sa agos at alon at temperatura ng tubig. Gano'n madalas ang halik niya sa'kin. Pero ang halik na ibinibigay niya sa'kin ngayon, parang paglangoy sa malalim na parte ng dagat. I had to hold my breath as long as I could. He had to explore as deeply as he could.

He kissed me like a wave out to drown me. But his tongue tasted like wine, and chocolate, and him. Nalunod ako. Nahawa sa init niya. Gumaya sa galaw ng labi niya. Again and again, our lips crushed against each other like the wave to the shore. Again and again, we tasted wine and chocolate.

Hindi ko na matukoy kung alin ang tunog ng tibok ng puso niya sa tibok ng puso ko. Hindi ko na matukoy kung alin ang lasa nino. O kung bakit parang mas mainit kami sa mainit.

Ang alam ko lang, gaya niya, gusto ko pa siyang malasahan. Gaya niya, gusto ko pa siyang mas maramdaman. Kaya hinila ko siya sa kamiseta para tuluyang lumapat sa'kin habang sumasagot sa halik niya.

Pero kahit anong halik at pagkapit, bakit parang kulang pa rin? I was aching for something more intimate.

Nang umangat siya mula sa'kin, halos napipikit siya. Sapo niya pa rin ang tagiliran ng leeg ko, hinahaplos ng hinlalaki niya ang bandang panga at pisngi ko.

"I want you... so much," sabi niya sa'kin. "I want to take you right now."

Napalunok ako. Lalong bumilis ang tibok ng puso ko. Ang take ba na sinasabi niya ay 'yong take na ano...

"I want to touch you. I want to kiss your hair and your lips and your curves... and every part of you. I want to taste you more than this."

Mainit ang palad niyang bumaba pa sa balikat ko.

"But it's not the right time for that," sabi niya. Inilapat niya ang palad niya sa tuktok ng ulo ko at mahinang tumaptap doon. "Hindi pa dapat ngayon. Matutulog lang ang Mi ko ngayon."

Hindi ko pa rin alam kung pa'no ako hihinga nang ibagsak niya ang katawan niya sa tabi ko. Nakapikit na siya.

"Matutulog lang ang Mi ko ngayon..." bulong niya at banayad na ngumiti.

Pinanood ko siya sandali bago huminga nang malalim. Sinusubukan kong kalmahin ang maingay na tibok ng puso ko at ang init ng katawan niya na naiwan sa'kin. Hindi ko magawa.

"Warren..." mahinang tawag ko sa kanya. "Lumipat ka sa kuwarto n'yo ni Jeron."

He groaned. "Oo. Lilipat na..."

Pero hindi naman siya gumagalaw. Patuloy ang paghinga ko nang malalim.

"Warren... wala ka sa kuwarto n'yo ni Jeron."

"Hm? Nandito na..."

Nakagat ko ang labi ko. How could anyone be adorable, cute, hot, and him at the same time? Gusto ko siyang halikan at yakapin at palipatin din sa kuwarto nila.

"Warren... Wala ka talaga sa kuwarto n'yo ni Jeron."

"Nandito na nga..."

Napakamot siya sa likod at leeg niya.

"Mainit..." sabi niya.

"Warren..."

Nakatanga lang ako nang hubarin niya ang kamiseta niya at itulak iyon sa uluhan. Hindi ko alam kung pa'no 'yon isusuot pabalik sa kanya o kung pa'no hindi titingin sa katawan niya.

"Warren?" ani ko. "Hindi ka talaga lilipat sa kuwarto n'yo ni Jeron?"

Humugong lang siya. Binasa ang labi niya.

Kung susubukan ko siyang buhatin o alalayan palabas ng kuwarto, baka ako lang uli ang mabuhat. At kung mabubuhat ako uli, at maihihiga uli sa kama, at mahahalikan niya uli nang gano'n nang wala na siyang kamiseta, baka kung ano'ng mangyari.

Kaya bumangon na lang ako at nilagyan siya ng unan. Pagkatapos, humiga ako nang maayos sa tabi niya. May kaunting espasyo sa pagitan namin para mapanood ko pa siya.

Banayad na ang paghinga niya.

"Warren..." tawag ko.

"Hm?"

"Mahal kita."

Mabagal ang naging pagngiti niya. Boses-lasing pa rin nang magsalita. " 'Wag mo 'kong tuksuhin... Mi."

Hala. Pa'no akong nanunukso? Wala naman akong ginagawa. Siya nga ang humalik na parang adult at naghubad ng kamiseta niya.

"Hindi kita tinutukso."

Humugong lang uli siya. Pinanood ko pa siya na inaalala ang halik na ibinigay niya sa'kin at ang sinabi niya sa'kin. The truth is, I want him, too. I want to touch, and kiss, and taste him, too. I want him badly, too... in a very adult way of wanting someone.

Pero gaya ng sabi niya, may panahon para ro'n. Ngayong gabi, dapat matulog lang muna kami.

Huminga ako nang malalim para makalma kahit hindi talaga ako makalma. At dahil tulog naman siya, lumapit pa 'ko nang mas malapit sa kanya.

Nararamdaman ko na uli ang init ng katawan niya at ang paghinga niya nang pumikit ako. It was hard to sleep with my heart ready to jump out of my chest. It was hard to sleep with his lips so near for me kiss.

Pero pinilit kong makatulog nang gano'n kalapit. Dahil kasama sa mga gusto ko, ang matulog katabi siya. #854u / 08062018

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top