Thursday
“Cheers!”
Nagdikit ang box ng chuckie namin bago namin ito sabay na ininom. Nandito kami ngayon sa isang bangin at nakatanaw sa buong city lights ng Baguio. Pareho kaming hindi makatulog kaya nag-check out na kami sa hotel at naisipan ni Luka na pumunta rito.
Magkatabi kaming naka-upo sa putol na punong nakatumba at kaharap namin ang medyo malaking siga ng apoy. Sa likuran lang namin nakaparada ang Hilux niya at patuloy ang stereo nito sa pagtugtog ng awitin ng Coldplay na Viva La Vida. Sa gitna namin ay ang sandamakmak na marshmallow na iniihaw namin. Ang saya pala mag-bonfire!
Pareho kaming nakakumot at bonet. Malamig nga talaga rito sa Baguio pero sulit sa ganda. Nakita kong luto na ang marshmallow ko kaya inalis ko na sa apoy at kinain. Inalok ko si Luka pero umiling lang siya. Ako lang yata ang uubos nito.
Habang tahimik si Luka sa tabi ko. Napatitig ako sa kan’ya. Maiksi ang buhok niya hanggang balikat lang. Morena ang kutis niya at masasabi kong ikinaganda niya iyon.
Maganda talaga siya, mula sa mata niya hanggang labi perpekto talaga. Halatang favorite siya ni Lord.
Halatang mayaman din siya. Hindi ko lang talaga alam kung saan siya galing. Mabait si Luka, maloko pero ramdam ko ang pag-aalaga niya, pansin kong hilig niya ring paghambingin ang mga bagay sa buhay ng tao, at malihim talaga siya.
Bigla kong naalala ang dahilan kung bakit kami magkasama ngayon ni Luka. Kung kaya hindi siya dumating? Buhay pa kaya ako o baka nailibing na? May iiyak o malulungkot kaya ‘pag namatay ako?
Napatingala ako sa buwan. Kung noon gusto ko lang mamatay. Ngayon . . . hindi ko na alam.
“Luka . . .” pagtawag ko sa kan’ya habang nakatingin pa rin sa buwan.
“Hmm?”
Natahimik ako saglit. “Naranasan mo na bang masaktan? ’Yong sakit na gusto mo na lang . . . tapusin ang buhay mo?”
Ramdam kong napatingin sa akin si Luka pero nanatili akong nakatingin sa buwan.
“Oo . . .” pagtatapat niya.
Natigilan ako, gusto kong magtanong kung paano niya iyon nalampasan pero natahimik ako.
“My ex-boyfriend . . .” napatingin ako kay Luka nang magsalita siya.
Nakatingin lang siya sa apoy at mukhang inaalala ang nakaraan. “He is three years older than me. We were best friends before we fell in love to each other. Masaya kami, sandigan namin ang isa’t isa through ups and downs. Sabi nga ng iba, we are a great example of a perfect couple. Alam kong mahal namin ang isa’t isa . . .” Huminto siya bago bumuntong-hininga.
“Pero isang araw natagpuan ko na lang ang sarili kong nasa tapat na ng simbahan . . .” Napatigil siya. Kita ko ang pagtulo ng luha sa pisngi niya. Hindi ko alam pero nakaramdam din ako ng kirot sa dibdib ko.
“Pinapanood siyang ikasal sa kapatid kong . . . nabuntis niya,” bakas ang matinding sakit sa boses niya.
Umawang ang labi ko. Grabe. “Bakit? Paano?” hindi ko napigilang tanong. Napatingin sa akin si Luka at tipid na ngumiti.
Grabe, ngingiti pa siya e nasasaktan na nga.
“’Yan din ang tanong ko noon. Bakit? Paano niya nagawa sa akin ’yon? Paano niya nasabing mahal niya ako pero ngayon ay magkakapamilya na siya sa kapatid ko pa mismo?” Yumuko ulit siya. “Sobrang sakit no’n!” Napatakip siya sa mukha niya. Nagdadalawang-isip pa ako kung tatapikin ko ba ang likod niya pero sa huli, ginawa ko na lang.
“Masyado akong nasanay na palagi siyang nasa tabi ko. Masyado niya akong sinanay na may masasandalan ako pero ngayong wala na siya hindi ko na alam kung saan ako tutungo. Para akong iniwan sa madilim na kagubatan. Pati pamilya ko pinagtabuyan ako.”
Tuluyan ko na siyang niyakap nang mas lumakas pa ang pag-iyak niya.
“Sinabi ng ate kong magaling na kabit ako at sinisira ko ang relasyon nila pero siya naman ’yon, pero agad akong pinalayas ng mga magulang ko. Wala raw silang anak na kabit.” Hikbi niya. Nagpatuloy naman ako sa marahang pagtapik sa likod niya.
“I was only seventeen that time. Hindi ko alam kung saan ako pupunta palaboy-laboy na ako sa kalsada noon. Masyado akong nasaktan na hindi ko na alam kung paano aahon. Hindi ko na alam kung paano magpapatuloy, kasi para saan pa?” puno ng hinanakit niyang sigaw.
Nagpatuloy siya. “Isang araw namalayan ko na lang ang sarili kong nasa gilid ng tulay at handa nang tumalon. Pero bago ’yon napatingin ako bigla sa simbahan. Dinala ako ng mga paa ko roon at doon ako napaluhod sa may pintuan. Doon bumuhos lahat ng luhang kinikimkim ko. Doon ko sinigaw lahat ng sakit na nararamdaman ko, sinisi ko Siya. Sinisi ko Siya sa lahat ng nangyayari ngayon sa akin. Kasi ano bang nagawa kong mali para gano’n ang gawin Niya sa akin?”
Tumingin sa akin si Luka, namumula ang kan’yang mga mata at ilong. Patuloy pa rin ang pagpatak ng luha mula sa mata niya. “Hindi ko namalayang nakatulog ako sa pintuan ng simbahan. May nakakitang madre sa akin at siya ang kumupkop sa akin. Ilang linggo rin akong nanirahan doon. Ilang beses akong nagtangkang magpakamatay, ilang beses ding pumalpak. Sinisi ko Siya kasi bakit ba ayaw Niya? Ano’ng gusto Niya? Maghirap ako habang buhay?”
Napalunok ako dahil nakikita ko ang sarili ko sa kan’ya. Naiintindihan ko ang hinanakit niya. Kasi gan’yan din ako.
“Pero lahat iyon nagbago nang makilala ko ang isang babaeng muling nagbigay ng liwanag sa buhay ko. Ang dahilan kung bakit gusto kong mabuhay. Mas nakilala ko ang Panginoon dahil sa kan’ya. Doon ko na-realize na may purpose pa ang buhay ko. Ang dating paninisi ko sa Kan’ya, naging pagsasalamat sa Kan’ya, na kaya pala hindi niya ako hinayaang mamatay kasi gusto niyang makilala ko ang babaeng iyon at Siya mismo.”
Inabot ni Luka ang isang kamay ko bago niya ito marahang tinapik. “Napaisip din ako na kung siguro hindi iyon nangyari sa akin baka hindi ko Siya makikilala. Na kung noon sinisisi ko lang Siya sa lahat ng nangyayari sa akin, ngayon Siya na ang tinatakbuhan ko tuwing may problema ako. Sa Kan’ya na ako humihingi ng tulong at gabay.”
Marahan siyang ngumiti. “Believe me when I say that prayer is so powerful. Believe me when I say that He is the best listener, hindi man natin Siya nakikita, but He is working. And because of Him, I learned how to let go the pain from the past and learn to forgive and moved on.”
“Buti na lang nakilala ko Siya. Kaya kung feeling mo mag-isa ka na, isipin mo Siya. Siya na naghihintay na kausapin mo,” marahang ani Luka sabay pisil sa kamay kong hawak niya. Hindi ko namalayan na tumulo na pala ang luha mula sa mga mata ko. Agad ko iyong pinunasan at napangiti na rin.
Hindi ko man sinabi kay Luka ang tungkol sa pinagdaraanan ko pero ang sinabi niya ay nagpagaan sa loob ko. Matagal na rin mula noong huling naka-usap ko Siya. I had lost my faith in Him since I was 10 years old. Pero ngayon, nagkaroon ako ng lakas ng loob na maniwala muli sa Kan’ya.
“Luka,” pagtawag ko kay Luka habang nagmamaneho siya. Papunta kami ngayon sa Vigan! Hindi ako makapaniwala hanggang ngayon. Excited na ako!
“Hmm?” tanong niya.
“Tungkol doon sa kuwento mo kanina. Sino pala ’yong babaeng nakilala mo?”
Ngumiti siya sa akin. “Isang munting anghel.”
“As in?” gulat kong tanong.
Natawa siya. “Hindi literal na anghel kasi! Ipapakilala ko siya siguro sa Linggo.”
“Saan?”
Nagkibit lang siya ng balikat.
“Luka?” pagtawag ko ulit sa kan’ya.
“Hmm?”
Nahihiya man ngunit mas nanaig sa sistema ko ang kagustuhang malaman ang sagot sa katanungang bumabagabag sa akin. “Kung pinalayas ka ng mga magulang mo. Saan galing ang pera mo ngayon?”
Bahagya siyang natigilan bago mahinang tumawa. Hindi siya lumingon sa akin. “Sa ngayon secret ko na lang muna. Sa Sunday ko na lang sasagutin ang mga tanong mo.”
Tumaas bahagya ang isa kong kilay. “Hindi ka naman nagbebenta ng shabu, ‘di ba?”
Ngayon ay napalingon na siya sa akin. Binigyan niya ako ng tingin na parang nagsasabing, ‘seryoso ka ba?’ bago siya bumunghalit sa pagtawa. “Gaga ka! Syempre hindi!”
Natawa na rin ako. “Sorry, nakakapagtaka lang kasi.”
“Don’t worry hindi galing sa illegal na bagay ‘tong pera ko. Safe tayo, Vidalia.”
Nakahinga ako nang maluwag. “Okay, kampante na ako.”
Preskong hangin ang sumasalubong sa akin dahil nakabukas ang bintana sa banda ko. Mga bakanteng lote at mga punong kahoy lang ang kadalasang nadaraanan namin. Tanghaling tapat na kaya mainit, kumain naman na kami kanina no’ng mag drive thru kami. At dahil wala kaming tulog ni Luka, kusang pumikit ang mga mata ko.
Nagising ako sa ingay ng mga tao. Minulat ko ang mata ko at agad kong iginala ang aking paningin. Nasa loob pa rin kami ng sasakyan pero naka-park na ito. Tulog na si Luka sa tabi ko, halatang napagod siya sa pag-drive. Habang sa labas naman ay mga abalang tao na namamasyal.
Nasa Vigan na kami? Nanlaki ang mata ko nang ma-realize iyon. Napatingin ako sa maliit na orasan sa harap, alas-dos na pala ng hapon.
Gusto kong lumabas at maglibot kaso lang ay ayoko namang iwan si Luka. Ayoko rin siyang gisingin kasi alam kong pagod siya. Binuksan ko ang bintana sa tabi ko dahil mainit, hindi gaya sa Baguio na malamig. Hinubad ko ang hoodie ko.
Ngayon ay naka-suot na lang ako ng white crochet top na pinarisan ng blue boyfriend jeans with black leather belt at white rubber shoes. Ang nakalugay kong mahabang buhok ay tinali ko sa messy bun.
“Gising ka na pala.”
Halos lumipad ang kaluluwa ko sa gulat nang biglang magsalita si Luka. Napahawak ako sa dibdib ko dahil sa bilis ng pagtibok ng puso ko. Hindi ako makahinga. Para akong sinasakal. Pinilit kong huminga nang malalim pero wala. Ilang beses kong hinampas ang dibdib ko pero hindi talaga ako makahinga.
“Vida!” rinig kong sigaw ni Luka.
Pinagpapawisan na ako ng malamig. Rinig na rinig ko rin ang malakas na pagtibok ng puso ko. Hindi na ako makagalaw, hindi talaga ako makahinga parang may mabigat na nakadagan sa dibdib ko. Ramdam ko ang pagpaypay niya sa akin, pabukas niya ng pinto, paghaplos niya sa likod ko pero hindi talaga ako makahinga. Mariin na ang kapit ko sa kan’ya. Humihingi ng tulong hanggang sa dumilim na ang lahat.
“Shh . . . Tayo lang dapat ang may alam nito. Secret lang dapat natin ito ni Tito.”
Umiling ako habang naglalakad siya papalapit sa ‘kin. Tuloy tuloy ang pagbagsak ng luha ko. Nanginginig ako sa takot. “‘W-Wag po! P-Paki-usap . . . M-Maawa na po kayo s-sa akin . . .”
Pero hindi gaya noon may boses na galing sa iba. “Vida!” galing sa isang babae na malabo ang mukha.
“Vida!”
“Mama!” sigaw ko bago ko naimulat ang mga mata ko. Agad kong nakita si Luka na nag-aalalang nakatingin sa akin. Napatingin ako sa paligid nasa isang putting silid kami. Ramdam ko ring may oxygen sa ilong ko at may swero ang kamay ko kaya alam kong nasa ospital kami.
“Ano’ng nararamdaman mo, Vida?” puno ng pag-aalalang tanong ni Luka habang pinupunasan ang basang pisngi ko.
Ramdam ko ang panlalamig ng kamay ko at ang malamig na pawis mula sa noo ko. Naalala ko ang napanaginipan ko. Siya na naman. Ilang taon na akong binabangungot dahil sa kan’ya. Akala ko tapos na pero hindi pa pala.
“Sandali lang. Tatawag lang ako ng doktor.” Akmang aalis na sana siya nang hawakan ko ang kamay niya. Sunod-sunod na tumulo ang luha ko.
“Huwag mo ‘kong iwan, please . . .”
Natatakot ako na baka dumating ulit siya. Paano kung gawin niya ulit sa akin iyon? Paulit ulit akong umiling. “Please, Luka, dito ka lang . . .” kumibot ang labi ko. Nanginginig ako sa sobrang takot.
“Shush . . .” bulong ni Luka habang tinutulungan akong umupo. “Oo, dito lang ako. Hindi kita iiwan, Vida. Tahan na. It’s fine, you’re safe here.” Paulit-ulit niya akong inalo hanggang sa tumahan at kumalma ako. Pinainom niya ako ng tubig kaya mas lalo akong nahimasmasan.
“Ano’ng nararamdaman mo?” tanong niya.
“Inaantok ako…” bulong ko bago humiga at pinikit muli ang mga mata.
“Alis na kasi tayo,” pagpupumilit ko kay Luka. Napailing siya sa akin. “Hindi pa nga raw puwede sabi ni Doc.”
Napanguso ako. Ala-sais na ng hapon ngayon, kaaalis lang no’ng doktor na tumingin sa akin. Sabi niya kailangan pa raw nila akong i-check kung talagang okay na ako kaya baka bukas pa raw kami puwedeng makalabas. Okay na okay na nga ako! Ayoko talaga rito sa hospital feeling ko may mga kaluluwa rito na anumang oras hihingi ng tulong sa akin.
Maya-maya pa ay bigla akong napangisi. “Tumakas kaya tayo?”
Agad akong binatukan ni Luka. “Manahimik ka! Huwag mong hayaan ang evil, Vida.” Malakas akong natawa. Pero agad akong napatigil nang seryosong tumingin sa akin si Luka.
“‘Wag mo sanang masamain pero bakit ka hindi nakakahinga tuwing nagugulat ka?” bakas ang pag-aalala sa tono ng boses niya. Agad akong napayuko.
Hindi ko kayang sagutin. Hindi pa ako handang sagutin ang tanong niya. Napaangat muli ang tingin ko sa kan’ya nang bigla niyang tapikin ang kaliwang balikat ko.
“Hindi mo naman kailangang sagutin ngayon. Naiintindihan ko. Pero ‘pag handa ka na, huwag mo sanang kalimutang sabihin sa akin, ha?” sabi niya at parang narinig niya ang nasa isip ko. Tipid akong ngumiti at saka tumango sa kan’ya.
Kinuha ko na lang ang pagkain sa lamesang katabi ko at kumain na. Inalok ko siya pero tapos na raw siyang kumain kanina. Tahimik siyang nanonood sa akin nang may bigla akong naalala.
“Luka,” pagtawag ko sa kan’ya.
Tumingin siya sa akin, nagtatanong ang kan’yang mga mata kung ano iyon. “Gusto kong magpaint.”
Napangiti siya at agad na tumayo. “Punta lang ako sa sasakyan. Huwag kang aalis,” bilin niya. Dahil masunurin naman akong bata, agad akong tumango.
Naalala kong may binili pala kaming mga canvas at paint ni Luka sa Baguio bago kami pumunta rito sa Vigan. Tinanong niya kasi sa akin kung ano ang hobby ko kaya sinabi kong, mag-drawing at painting. Hindi ko naman alam na bibili pala siya at hindi ko rin alam kung magaling pa ba ako sa larangang ito. Isang taon na kasi simula noong tumigil ako sa pag-paint. Simula noong sinubukan kong tapusin ang buhay ko bago pa ’yong pagsubok ko no’ng Lunes. Pumalpak ako noon at kasabay no’n ay ang pagkawala ng gana ko sa dati ko namang mahal na mahal na ginagawa. Nakakalungkot, sobra, pero wala na talaga akong gana noon. Kaya ngayong meron na ulit hindi ko alam kung marunong pa ba ako.
“Ano’ng i-p-paint mo?” tanong ni Luka sa tabi ko.
Nasa rooftop kami ng ospital dahil gusto ko sa tahimik at mahangin. Gabi na pero may ilaw naman kaya maliwanag, isama mo pa ang ilaw galing sa buwan. ‘Tsaka nakakakalma rin ang view ng city lights.
“Hindi ko pa alam, nag-iisip pa ‘ko,” sagot ko habang pinapapak ’yong strawberry jam na binili namin sa Baguio. Sinuway na ako kanina ni Luka, masyado raw matamis iyon at palaman daw ’yon hindi dapat pinapapak. Ngumisi lang ako at kinatwiran na, kaya nga binili para kainin. Napailing na lang siya sa akin.
Tsk. Tsk. Akala mo naman hindi siya nakarami sa may pa-free taste ng strawberry jam sa isang tindahan sa market ng Baguio.
Biglang nanlaki ang mga mata ko at napatingin kay Luka. Malawak akong nakangiti sa kan’ya.
“Para kang si Joker,” tawa niya. Agad ko siyang hinampas. “Che!”
“May alam na akong ipe-paint!” masayang anunsyo ko na tila nanalo ako sa loto.
“Ano?” excited na tanong ni Luka.
“Since wala naman tayong picture sa lahat ng pinasyalan natin i-p-paint ko na lang!” excited kong sabi. Ramdam ko ang pagdaloy ng dugo ko at bilis ng tibok ng puso ko sa sobrang pagka-excite. Nangangati na rin ang kamay kong mag-paint. Abot taingang napangiti si Luka.
“Gusto ko ’yan!”
“Gusto ko rin!” saad ko at napahagikhik. Para akong batang excited na mabuksan ang regalong matagal na niyang inaasam-asam.
Hinanda ko na ang mga gamit na kailangan ko bago ako nagsimulang mag-paint.
“Ang galing mo pala talaga,” namamanghang sambit ni Luka habang nakatingin sa canvas na nasa harapan namin at kasalukuyang pinipintahan ko. Malapit na akong matapos. Hindi ko alam kung anong oras na pero sigurado akong malalim na ang gabi dahil medyo tumahimik na ang kanina’y maingay na kalsada.
Napangiti ako. “Hindi naman. Sakto lang.”
“Sus, pa-humble pa siya!” pang-aasar ni Luka sabay bangga sa siko ko at aksidente kong naitapon ang black na paint sa gilid ng canvas. Nanlaki ang mga mata ko.
“Luka naman e!” sigaw ko na may halong pagkainis. Kasi pinaghirapan ko e! Tapos masisira agad! Hindi ko pa nga tapos!
“Hala! Sorry! Hindi ko sinasadya!” gulat niya ring sabi habang nakatingin sa canvas.
Isang malaking canvas iyon. Ang plano ko, i-paint lahat ng pinasyalan namin doon. At patapos na sana kaso lang ay natapunan ng paint sa gilid. Medyo marami rin iyon.
“Paano na ’yan? Mag-uumpisa na naman ako?” nanlulumong wika ko habang tahimik lang si Luka na nakatingin sa canvas, halatang guilty siya.
Napabuntong-hininga ako. “Itatapon ko na lang ‘to. Tara na, matulog na lang tayo.”
Agad na umiling si Luka. “Hindi, maaayos pa ’yan.”
Napanguso ako. “Paano? Sira na ’yong plano ko. Hindi na ‘to maaayos. Itatapon ko na lang!”
“Bilis mo naman sumuko,” sabi niya na nagpatahimik sa akin. Kinuha niya ’yong paint brush na hawak ko. “Alis,” pagtataboy niya sa akin para siya ang maupo sa pwesto ko. Agad akong umalis at umupo na siya sabay kuha no’ng paint.
“Anong gagawin mo?” tanong ko. Hindi siya sumagot pero nagsimula lang siyang pintahan ’yong natapunan ko ng paint na black. No’ng una hindi ko alam pero habang tumatagal nagiging malinaw na ito. Dalawang babaeng nakatalikod at nakaharap sa canvas. May mga bituin at buwan sa taas bago sa harap pa nila ay ang city lights.
Nanlaki ang mga mata ko nang marealize kong kami iyon ngayon. Inayos niya pa ang ibang detalye. Nang matapos siya ay napatulala na lang ako sa ganda no’ng painting.
Parang real world iyong pininta niya, iyong kami sa harap ng canvas. At parang ibang mundo at mukhang imagination naman namin ang pininta ko, iyong lugar na mga pinasyalan namin. Na kahit madilim ang lugar namin, maliwanag naman ang nasa isip namin. Mas may buhay ngayon ang painting.
“Ang ganda!” wala sa sariling usal ko.
Napangiti rin si Luka habang nakatingin sa painting na ginawa namin. “May mga plano talagang hindi natutupad, kasi mayroong mas magandang plano at resulta pala ang naghihintay sa atin. Huwag lang kaagad tayong sumuko.”
-vidacarryon-
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top