Friday
"Hay! Buti na lang pinayagan na akong makalabas! Ayoko talaga ro'n," masayang pahayag ko habang naglalakad kami ni Luka sa malawak na kalsada ng Baluarte. Zoo ito na pagmamay ari ng isang mayamang lalaking matanda. Nakalimutan ko na 'yong pangalan na binanggit sa akin ni Luka kanina. Abala kasi ako sa pagtingin doon sa mga parrot habang sinasabi niya 'yon.
"Ayos ka na ba talaga-"
"Kamukha mo, oh!" pabibiro ko sabay turo doon sa unggoy. Agad na napabusangot si Luka. "Magaling ka na nga," sabi niya dahilan ng pagtawa ko.
Naglakad pa kami at titigil sa tuwing panonoorin namin ang mga hayop. Grabe, ngayon lang ako nakakita ng kangaroo. Tinanong ko si Luka kanina kung puwede bang lumapit ako tapos papasok din ako doon sa parang pocket nila gaya ng baby kangaroo pero binatukan lang ako ni Luka saka hinila papaalis doon dahil baka kung ano pa raw ang gawin ko. KJ talaga minsan 'to!
May estatuwa rin ng mga dinosaur at sa gitna ay may malaking nakasulat na 'Baluarte', iyon ang pinakabungad sa bandang itaas pagkapasok namin.
"Nangangain kaya 'yan ng tao?" tanong ko kay Luka habang nakatingin kami sa tiger. Ang taba! Ano kayang lasa nito? Natawa ako at napailing sa naisip. Masyado kang bad, Vida.
"Oo, kaya kita dinala rito para ipakain sa tigre," sabay hila sa akin ni Luka papalapit doon. Agad akong nagpumiglas. Malakas siyang tumawa. "Joke lang! Eto naman."
Napanguso ako at iniwanan siya. Sumunod din naman siya sa akin hanggang sa napadpad kami sa safari gallery. Puno ito ng mga naka-preserve na mga nahuling hayop. Pagkapasok namin ay para akong nahimasmasan dahil malamig sa loob. Napatingin ako sa paligid. Grabe, ang daming mga hayop na naka-preserve. May elephant, polar bear, lion, tamaraw, hippopotamus, balat ng buwaya, tiger, fox, at mga ulo ng moose, at deer na nakalagay sa kahoy at nakadisplay sa pader. Marami pang hayop na ngayon ko lang nakita at hindi ko alam ang pangalan. Nakamamangha pero at the same time nasasayangan at naaawa ako sa buhay ng mga hayop na nandito.
Para lang may mapanood ang mga tao, hinuhuli sila at pinapatay. Kaya sila nauubos. Mas matatanggap ko pang hulihin na lang sila nang buhay at ipakita sa mga tao, hindi 'yong ganito.
"Tahimik mo," puna ni Luka habang naglilibot kami.
Huminto ako roon sa tapat ng lion. "May naisip lang."
"Tungkol saan?"
Napuntong-hininga ako at seryoso siyang tinitigan. "Na nauubos ang mga hayop kasi napupunta sa ganito." Pagturo ko sa paligid.
"Oo kaya kailangan mo nang magtago kasi ikaw daw ang isusunod na i-di-display dito."
"Gago!" Agad ko siyang hinampas sa braso ngunit agad siyang nakaiwas.
Mas lalo siyang natawa. "Pero seryoso, tama ka. Pero ano pa nga ba hindi patas ang mundo. Kaya kung may maaalagaan kang hayop, alagaan mo."
Tumango lang ako.
Naglibot-libot pa kami hanggang sa napahinto na naman kami sa tapat ng malaking mansion na kulay ginto.
"Grabe! Magkano kaya kung isasanla ko ang isang bintana nito?" tanong ni Luka.
"Gaga! 'Wag mo ngang pagbalakan 'yan," suway ko sa kan'ya.
"Char lang! Hindi ko hahayaan ang evil 'no!" tawa niya. Napailing na lang ako. Ang ganda no'ng mansion. Ano kayang itsura no'n sa loob? Siguradong mas maganda pa.
"Vida."
Napalingon ako kay Luka at nagtaas ng isang kilay bilang pagtatanong.
"Kung aalukin ka nila rito para magbantay sa mansion na 'yan, kapalit no'n ay 10 million per month. Papayag ka ba?"
Kumunot ang noo ko. "Ano na namang kalokohan ang naiisip mo?"
Napangisi si Luka ngunit pinilit niyang mag-seryoso. Wala pa man siyang sinasabi ay natatawa na ako. "Basta! Papayag ka o hindi?"
"Syempre naman."
"Pero pahigop kang tatahol tuwing may daraang mga tao."
Bumunghalit ako sa pagtawa. "Buwesit ka! Paano kaya 'yon?"
Nang sinubukan ni Luka na tumahol nang pahigop ay tuluyan na akong napaupo sa sahig habang hawak ang sumasakit ng tiyan sa kakatawa. Natawa na rin si Luka at imbes na mahimasmasan ako ay mas lalo lang akong natawa dahil nahahawa ako sa mala-kambing niyang pagtawa.
"Tara na. Gutom na 'ko," pag-aaya ni Luka nang tuluyan na kaming mahimasmasan. Tumango ako at naglakad na kami papaalis doon.
Kumain kami ni Luka sa isang restaurant. Alas-dose na ng tanghali kaya maraming tao at karamihan ay mga turista, buti na lang at may napuwestohan pa kami ni Luka.
"Ang init, gusto ko tuloy bumalik sa Baguio," sabi ko habang inaayos ang pagkakatali ng buhok ko. Natawa sa akin si Luka. "Mukhang napamahal ka agad sa Baguio, ah?"
"Sino'ng hindi?" pagtawa ko.
Hinihintay pa naming dumating ang pagkain. "Ay oo pala, Luka!" pagtawag ko sa kan'ya nang may maalala bago lumapit at sumandal sa dulo ng lamesa. Napatingin sa akin si Luka.
"Ano 'yong 'ukinana'?" seryoso kong tanong pero agad na kumunot ang noo ko nang biglang humagalpak sa pagtawa si Luka. Narinig ko 'yon kanina habang naglilibot kami ni Luka. Na-cu-curious ako kasi every sentence no'ng babae meron 'yon.
"Hoy! Ano nga?" atat kong tanong kasi halos mamatay na siya sa kakatawa.
Pinilit niyang tumigil sa pagtawa bago nagsalita. "Ukinana meaning, tangina," hirap na sagot niya bago niya pinakawalan ang tawang kanina pa niya pinipigilan. Nalaglag ang panga ko. Grabe naman 'yong babae kanina mukhang suki sa word na 'yon.
"Saan tayo bukas, Luka?" tanong ko nang matapos kaming kumain. Napatingin sa akin si Luka. Kumunot ang noo ko dahil mukhang seryoso siya.
"Vida," mahinahong pagtawag niya sa pangalan ko. "Hindi sa gusto na kitang pauwiin pero may balak ka pa bang umuwi?" nag-iingat na tanong niya.
Natigilan ako. Sa pagsama ko kay Luka madalas kong nakakalimutan na may bahay akong uuwian kasi in the first place hindi naman bahay ang turing ko roon. Kaya uuwi pa ba ako? Parang ayoko na.
Napangiti ako nang mapait. "Ni-hindi nga nila ako hinahanap."
Napatingin sa akin si Luka. "Malay mo hinahanap ka pala nila?"
Umiling ako. "Impossible, Luka."
"Siguradong nag-aalala ang . . . Mama mo."
Wala nga akong mama, e. Gusto kong sabihin iyon pero naisip kong mukhang nagsasawa na si Luka sa akin. Mukhang ayaw na niya akong kasama kasi binabanggit na niya ang pag-uwi ko.
"Ayaw mo na ba akong kasama?" diretsahang tanong ko.
"Ano? Hindi!" Kaagad siyang umiling.
"Eh, bakit mo binabanggit ang pag-uwi ko? Sabihin mo lang kung gusto mo na akong pauwiin, Luka, papayag naman ako. Baka nga sawa ka na sa akin."
Tumayo na ako at iniwan siya. Mabilis at padabog akong naglakad pabalik sa Hilux at sumakay sa backseat.
"Vida," pagtawag niya sa akin nang makasakay na rin siya. Hindi ko siya pinansin. Iniwas ko ang mga mata ko at tumingin na lang sa bintana. Kung ayaw na niya akong kasama e 'di bumalik na lang kami sa Manila.
"Vida, pansinin mo naman ako," paulit-ulit niyang sabi pero hindi ako nagpatinag. Hanggang sa bumuntong-hininga siya at binuhay na ang makina ng sasakyan at nagsimula na siyang magmaneho. Hindi ko alam kung saan kami papunta. Ayokong magtanong.
Pinanood kong lampasan namin ang mga sinaunang bahay. Ang ganda pero hindi ko magawang ngumiti kasi may parte sa aking nagtatampo. Ayoko pang umuwi kasi mas gusto kong kasama si Luka. Pero siya, mukhang gusto na yata niya akong ihatid pauwi.
Hindi ko namalayang nakatulog pala ako. Nag-d-drive pa rin si Luka. Napatingin ako sa bintana at nagulat nang makita ang pamilyar na lugar. Parang kinurot ang puso ko habang nakatingin sa mga billboard at mga nagtataasang gusali. Gabi na. Nasa Manila na nga kami. Ihahatid na talaga niya ako pauwi.
Hindi ko alam pero may luhang agad na namuo sa mata ko. Agad ko iyong pinunasan. Nagulat ako nang huminto ang sasakyan sa tapat ng malawak na field at mukhang may music festival. Gulat akong napatingin kay Luka na nakatingin na pala sa akin.
"Hindi ko gustong umuwi ka sa ngayon. Hindi rin ako sawa sa 'yo. Tinanong ko lang kasi nag-aalala ako na baka hindi mo na gustong umuwi. Kasi, Vida, may buhay ka, hindi puwedeng mamasyal lang tayo palagi. Sorry kung iyon ang naisip mo. Pero sa ngayon, walang uuwi dahil manonood tayo ng music festival!" masiglang aniya sa dulo.
Agad akong napangiti. "Sorry din kung naging gano'n ang asal ko kanina . . . ayoko pa kasi talagang umuwi at saka gusto pa kitang makasama."
Gumuhit ang ngiti sa labi ni Luka kasabay nang kan'yang pagtango. Nagkabati na kami bago bumaba sa sasakyan at pumunta na kung saan gaganapin ang music festival. Excited na ako!
"Teka may ticket ka?" biglang tanong ko nang nasa entrance na kami. Natawa sa akin si Luka.
"Pupunta ba tayo kung wala?" natatawang aniya sabay kumpas ng hawak niyang dalawang ticket. Napangiti ako at naglakad na kami papasok.
Nasa unahan kami ni Luka. Abot langit ang ngiti ko nang magsimula na ang kantahan. Maraming tao pero masaya. Parang lilipad na ako sa tuwa habang nakikisabay sa kanta ng Ben & Ben, Eraserheads, December Avenue, at marami pang iba. Halos malagot na ang ugat sa leeg namin ni Luka sa pagsabay sa mga kanta.
Napapahead bang, talon, at sayaw pa kami. May sarili kaming mundo at ang mundo namin ay nag-uumapaw sa saya. Meron ding naging emosyonal ang lahat. Hindi ko alam kung ano'ng oras na no'ng matapos at doon ko lang naramdaman ang gutom ko. Hindi nga pala kami naka-kain ni Luka ng tanghalian kanina dahil nag-walk out ako.
Nag-drive thru na lang kami ni Luka sa Jollibee pagkatapos naming magpa-gas, tapos ay nagmaneho ulit siya at pumarada nang makarating kami sa isang bangin kung saan tanaw ang buong city lights ng Manila. Lumabas kami ng sasakyan dala ang pagkain bago kami pumunta sa likuran ng pick up at doon naupo at kumain habang nakatingin sa city lights.
Grabe ang ganda talaga ng city lights nakakawala ng problema, pero ngayon mukhang maaalala ko ito.
Ilang beses akong bumuntong-hininga bago tumingin kay Luka. "Luka, hindi mo ba ako tatanungin kung bakit gusto kong magpakamatay noong nakita mo ako?"
Tapos na kaming kumain noong maisip kong magtanong sa kan'ya. Napatingin siya sa akin. "Kung tinanong ko ba sasagutin mo?"
Natigilan ako. Syempre hindi kasi noon 'yon pero ngayon handa na ako. Marahan akong umiling sa kan'ya. "Pero ngayon gusto mo ba akong tanungin?"
"Gusto mo na bang sagutin?" balik niya.
Tumango ako. Mas humarap pa siya sa akin halatang handa nang makinig. "Bakit nga? Bakit mo gustong gawin iyon?"
Napayuko ako. Akala ko madali na pero hindi pala. Pero kakayanin ko 'to. Gusto ko na talagang magkuwento sa kan'ya. "Kasi hindi naging mabuti ang mundo sa akin," panimula ko.
Niyakap ko ang tuhod ko at sumandal sa pader ng sasakyan. "I . . . I was raped when I was four, and that hell only ended when I was six," mapait kong bulong. "Iyon ang dahilan kung bakit lagi akong hindi makahinga sa tuwing nagugulat ako. Kasi gabi-gabi akong nagugulat noon sa tuwing pinapasok ng taga-linis ng simbahan ang kuwarto ko at b-binababoy ako . . ."
Rinig ko ang pagsinghap ni Luka. Hindi ako makatingin sa kan'ya kaya pinagpatuloy ko ang pagsasalita. "Higit pa sa salitang takot ang naramdaman ko, Luka. Hindi ako makapagsumbong sa mga madre kasi tinakot niya ako. Sinabi niyang papatayin niya raw ang mga kapwa ko bata, ang mga Madre, at si Father kung magsusumbong ako. Halos dalawang taon niya akong binaboy." Bahagya akong napatigil nang gumaragal ang boses ko.
"Gustong gusto ko na talagang magsumbong, kaso sa tuwing sinusubukan ko mas lalo niya akong pinahihirapan. H-Hanggang sa halos mamatay na ako noon sa pangbababoy niya." Pinunasan ko ang luhang dumaloy sa pisngi ko.
"Doon din nalaman nila sister ang kahayupang pinaggagagawa sa akin noong taga-linis ng simbahan. Akala ko mamamatay na ako pero hindi pa pala. Nasa ospital ako no'n nang may biglang dumating na isang lalaki at nagpakilala bilang papa ko. Imbes na matuwa ako noon, galit ang naramdaman ko. Kasi bakit ngayon lang siya dumating? Bakit niya ako hinayaan sa ampunan? Bakit hindi niya agad ako kinuha o hinanap? Bakit hinintay niya pang mangyari iyon bago siya nagpakita?" Basag na basag ang boses ko at halos masamid na ako sa kakaiyak. Sobrang tagal na pero parang kahapon lang ang sakit. Sariwa pa rin.
Tumingala ako sa kalangitan at wala akong bituin o buwan na nakita. "Puro bakit ang sumbat ko sa kan'ya at alam mo ang mas nakakatawa? Sinabi niya na hindi niya raw alam na may anak siya. Nalaman lang daw niya noong tumawag at humingi ng tulong si Sister Flora sa kan'ya." Mapait akong natawa at tumingin kay Luka na nakatingin lang sa akin at bakas ang empatiya sa kan'yang mukha. Nag-iwas ako ng tingin at tumingin sa harapan.
"Nakulong ang hayop na bumaboy sa akin. Kinuha ako ni Papa at inuwi sa bahay nila. Napatawad ko naman na si Papa dahil talagang ramdam ko ang pagsisisi niya at pagmamahal niya sa akin. Akala ko, okay na ako kasi kasama ko na si Papa. Malayo na ako sa ampunan pero akala ko lang pala dahil nang makilala ko ang asawa ni Papa, naging imperyno muli ang buhay ko."
"Naranasan kong matulog sa labas sa tuwing nasa business trip si Papa. Naranasan kong hindi kumain ng halos isang linggo kaya siguro ang payat-payat ko." Sa gitna ng paghikbi ay nagawa ko pang matawa. "Naranasan ko lahat ng uri ng pananakit mula sa step-mom ko. Naaalala ko pa noong sinubukan kong sumama sa mga kaibigan ko para sana mamasyal lang sa mall pero bigla niya akong pinagpapalo sa binti dahilan para hindi ako makalakad ng tatlong linggo."
Rinig ko ang pagsinghap muli ni Luka. Napatingin ako sa kan'ya at nagulat ako nang makitang sapo na niya ang kan'yang bibig gamit ang kan'yang dalawang palad at walang awat sa pag-agos ang masasaganang luha mula sa kan'yang mga mata. Mas lalong bumigat ang dibdib ko at tuluyan na akong napahagulgol pero sinubukan ko pa ring magsalita at para matapos ko na ang kuwento ko. Bahagya pa akong napahinto nang yakapin na ako ni Luka.
"S-Sinubukan kong magsumbong kay Papa kaso lang ay masyado siyang busy at mukhang nilalayo siya ni tita Lucia sa akin. Walang araw din na hindi niya binabanggit na anak lang ako sa labas at sampid lang ako sa pamamahay na iyon. Halos buong buhay ko, sakit, paghihirap, at lungkot lang ang naranasan ko."
"Pero . . . may anak ba sila?" tanong bigla ni Luka at bahagyang humiwalay sa akin. Napailing ako. "Sa pagkakaalam ko nakuhanan daw noon si tita Lucia at hindi na muli silang nagkaanak ni Papa. Kaya siguro matindi ang galit niya sa akin kasi sa ibang babae pa talaga nagka-anak si Papa. Kaya rin naging imperyno ang buhay ko."
"Noon palagi akong nagdarasal sa Kan'ya. Humihingi ng tulong pero para sa akin para Siyang bingi sa mga dasal ko. Dahil kada araw mas lalo lang akong pinahihirapan ni tita Lucia. I was ten when I lost my faith in Him . . ." napatingin ako kay Luka, na medyo kumalma na. "Pero dahil sa sinabi mo kahapon, parang gusto ko na ulit maniwala sa Kan'ya . . ."
Sumilay ang tipid na ngiti sa labi ni Luka. "Maniwala ka sa Kan'ya. Pinakikinggan ka niya."
Nag-iwas lang ako ng tingin pero tumango ako.
"Last year . . . Last year ako nag-attempt magpakamatay pero hindi natuloy kasi bigla na lang akong nawalan ng malay dahil sa pagod, sakit sa katawan, at gutom. I took it as a sign na huwag ituloy. Pero kada araw sinusubok talaga ako."
Napatingin ako ay Luka. "At ang nangyari noong Monday ang talagang nagtulak sa aking gawin sana iyon."
"Bakit? Ano ba ang nangyari?"
Napasubsob ang mukha ko sa tuhod ko at hinayaang tumulo ang luha mula sa mata ko. "I-I was harassed by my classmate. Sinapak ko siya kasi napuno na talaga ako sa mga sinasabi niya lalo na ang pagpapamukha sa aking anak ako sa labas. Nagulat ako no'n dahil bigla niya akong dinala sa CR at binugbog. Sinubukan pa niya akong g-gahasain. Buti na lang talaga nakatakas ako at nakauwi."
"Pero syempre matatapos ba ang araw na hindi ako sinasaktan ni tita Lucia? Muli niya akong sinaktan dahil hindi pumayag si Papa na palayasin ako sa pamamahay ni Papa."
Nagpunas ako ng luha at tumingin kay Luka. "Puro sakit ang natamo ko no'ng araw na 'yon. I tried asking for help to my friends pero binalewala lang nila ako. Sinubukan kong magbigay ng signs pero wala. Sinubukan kong sabihin sa isa ang plano ko pero alam mo ang sinagot niya? Just rest. Shuta! Paano ako magpapahinga sa lagay kong iyon?"
Huminga ako nang malalim, nag-angat ng tingin bago nagpunas ng luha. "Hanggang sa namalayan ko na lang na kinukuha ko na ang tali sa drawer at itinatali sa terrace. Sawa na akong mabuhay. Ayoko na . . . Pero bigla kang dumating."
Nagkatinginan kami ni Luka. "You showed me what life feels like. You showed me what the world is like. Sa pamamasyal natin na-realize ko na ang dami ko pa pala talagang lugar na hindi napupuntahan. Ni-dagat nga iyon ang first time ko." Bahagya akong natawa kasi gulat lang na nakatingin sa akin si Luka.
"At ang mga pangaral mo, nakatatak na sa puso at isip ko. Na-realize ko na marami pa talagang bagay na kailangan kong malaman at maranasan." Tumingin ako kay Luka. "Salamat, maraming salamat dahil sa 'yo . . . ginusto kong magpatuloy sa buhay."
Agad na napangiti si Luka kasabay nang pagtulo ng luha niya bago niya ako mahigpit na niyakap. Ginantihan ko rin ang yakap niya. "Gan'yan nga, huwag kang sumuko. Nakaya mo na noon ang mga sakit, kakayanin mo rin ngayon. Naniniwala akong hindi habang buhay ang paghihirap. Matatapos din 'yan. Laban lang at huwag kang susuko."
Tumango ako sa kan'ya. "At sa mga kaibigan mo . . . try to open up with them na straight to the point. May mga tao minsan na mabagal maka-gets. Hindi kayo pare-pareho pero kung talagang wala silang pakealam sa 'yo, then better let go of them. Hindi lahat ng bagay na pinanghahawakan mo nagpapasaya sa 'yo, may mga bagay lang na nagpapahirap sa 'yo at kailangang bitawan para sumaya at maging payapa ka. Kung wala ka talagang maka-usap sa panahong iyon. Try to call some mental health hotlines they will help you. And also, kapag handa ka na ulit papasukin Siya sa puso at buhay mo, you can always pray to Him."
"Don't be afraid to ask for help. You know, asking for help is the bravest thing you do if you're in trouble." Ngumiti sa akin si Luka. "Pero kung ayaw mo. Then . . . pray to Him. It works, Vida. Believe me."
Humiwalay na ako sa kan'ya at ngumiti bago tumango. Nagpunas muli ako ng luha. Ang gaan ng pakiramdam ko nang masabi ko lahat ng kinikimkim ko. Parang nawala ang nakadagan sa dibdib ko na ilang taon ko nang iniinda. Nagpapasalamat talaga akong nakilala ko si Luka.
"Vida," pagtawag sa akin ni Luka matapos ang ilang minutong katahimikan. Tumingin ako sa kan'ya.
"Hmm?"
"Nasaan na ang tunay mong mama?"
Natigilan ako sa tanong niya.
Ilang minuto akong tumitig sa kan'ya at saka napabuntong-hininga. "Hindi ko alam. Walang sinasabi sa akin si Papa tungkol sa kan'ya. Ni-hindi ko nga alam kung buhay pa ba siya o wala na. Ang tanging alam ko lang tungkol sa kan'ya ay ang pangalan niya," sagot ko.
"Galit ka ba sa kan'ya?" tanong niya ulit.
Umiling ako. "Hindi. Kasi alam kong may dahilan siya ba't niya ako iniwan sa ampunan. Gusto kong magalit pero hindi ko magawa kasi mas lamang ang pangungulila ko sa kan'ya. Ni-hindi ko nga siya nakita man lang."
Malungkot na napatango si Luka. "Ano'ng pangalan niya?"
Sinabi ko sa kan'ya ang pangalan ni Mama bago kami nagdesisyon na umalis na para makapaghanap ng hotel na tutuluyan. Mukhang may pupuntahan na naman kami ni Luka bukas.
-vidacarryon-
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top