8

HINDI BUMALIK sa klase si Laila. At nang hanapin ko siya, nakita kong tama ang ibinalita sa akin ni Mikaela. Magkasama nga sila ni Maximo.

Sa ilalim ng puno at nagkukwentuhan...

Mukhang nakalimutan na ni Laila ang tungkol sa klase namin dahil nag-eenjoy siyang kausap ang lalaking nanakit at nanloko sa kaniya. At ako, hindi ko magawang kumilos para paglayuin silang dalawa kahit na may basbas na ako mula sa papa niya.

Bakit ang hirap unahin ng tama kung may masasaktang tao? Bakit ang hirap pigilan ng isang bagay kung nakikita mong 'yon ang makakapagpasaya sa kaniya?

Tumulo ang butil ng luha sa pisngi ko. Mabilis ko 'yong pinunasan tsaka ako tumalikod para bumalik sa klase. Sinubukan ko pang makinig sa discussion, pero lumilipad ang utak ko.

"Mr. Lladones, nakikinig ka ba? Wala naman akong pinapasulat, bakit sige ang kalikot mo sa ballpen mo?"

Kung hindi pa ako siniko ng katabi ko ay hindi ko mapapansing ako pala ang kinakausap ng teacher namin. Huli na para makasagot pa dahil lumapit na siya sa akin at tiningnan ang ginagawa ko.

"I knew it! Nagdo-drawing ka na naman! Masyado ka bang in love kay Laila para iguhit mo siya habang nagkaklase? Nabalitaan ko rin ang tungkol doon at hindi ko naman kayo pinipigilan, pero mas mabuting unahin ninyo muna ang pag-aaral ninyo. Tingnan mo, wala na naman siya sa klase. Nasa'n ba siya?" sunod-sunod niyang litanya na ang tanging sagot ko lang ay...

"H-hindi ko po alam."

Mabilis kong binawi ang notebook ko, tsaka itinago sa bag ko. Napunta ang tingin ko sa dako ni Mikaela. Bumuntong-hininga siya na para bang naaawa sa akin.

At nang uwian ay muli niya akong nilapitan.

"Jaydel, sandali!" paghabol niya. Nilingon ko naman siya kaagad na siyang ikinagulat niya.

"A-ano kasi..."

"Hindi ba't kaibigan mo si Laila? At pinahahalagahan niya 'yon. Hindi katulad mo, Mikaela. At isa 'yon sa mga dahilan kung bakit hindi kita magugustuhan," deretsong sambit ko, tsaka siya tinalikuran.

Nakita ko na lamang ang mga paa ko na naglakbay patungo sa bahay nila Laila. Sinipat-sipat ko siya roon, pero mukhang wala pa rin siya.

Yumuko na lamang ako para pagsipa-sipain ang mga bato sa lupa.

"Saan kaya sila pumunta? Nag-date ba silang dalawa ni Maximo? Akala ko ba ako ang boyfriend niya? O pantasya ko lang 'yon?" bulong ko habang nakapamulsa at bumubuntong-hininga.

"Jaydel! Anong ginagawa mo rito?"

Agad akong napalingon at hinanap ang boses na 'yon. Nakita ko si Laila na naglalakad habang kapit-kapit ang backpack niya.

"Ahhh... ano..."

"Hinintay mo ba akong makauwi? Pasensya na hindi ako nakapasok, may ginawa lang ako."

Tinagpo ko ang mga mata niyang may nililihim. Bumigat ang paghinga ko at sa pagkakataong 'yon, hindi ko na napigilang deretsuhin siya.

"Nagkabalikan na ba kayo?"

"Huh? Nino?"

"Ni Maximo... I saw you with him earlier."

"Jaydel, it's not what you think..." Nawala ang ngiti sa mga labi niya na siyang lalong ikinabigat ng loob ko. Kanina, habang magkausap sila ni Maximo, hanggang tainga ang ngiti niya, pero ngayon, naalis ko ang ngiting 'yon sa pamamagitan lang ng isang tanong.

Napakamot ako sa batok ko dahil sa inis. Sinubukan kong pakalmahin ang sarili ko habang nakatitig siya sa akin. Pumalatak ako ng tawa.

"It's fine, Laila. Sige... Kung gusto mo kaming pagsabayin, ayos lang o kaya ikaw ang bahala, basta nandito lang ako. Kapag sinaktan ka ng lalaking 'yon, handa kitang saluhin... pasayahin... gamutin ang p-puso mo."

Nabasag ang boses ko. Bakit ba pagdating sa kaniya, ang hina-hina ko? Kahit na nagawa ko nang maging lalaki sa harap niya ng isang beses, hindi ko pa rin mapigilang mawalan ng lakas para lumaban. Pakiramdam ko palagi, wala ako sa posisyon.

Nilapitan niya naman ako at hinaplos ang pisngi. Gumuhit sa mga labi niya ang ngiti.

"No, Jaydel. Pumayag lang akong mag-usap kami so I can also come clean. Hindi naman pala talaga siya nag-cheat sa akin."

I scoffed and gritted my teeth. "So, kayo na nga ulit?"

"No, you are my boyfriend now, so why would I accept his offer? I told you I also came to him to explain that I have you now. Takot ko lang sa 'yo, 'no?"

Naalala ko ang pagbabanta ko sa kaniya na wala nang susunod pagkatapos ko.

Natakot ba siya sa akin nang sabihin ko 'yon?

Ibinaba niya ang kamay niya at hinawakan ang kamay ko. Both of her hands are caressing mine.

"Nakakatawa. Kinilig ako nung sinabi mo 'yon... Bumilis ang tibok ng puso ko. At sa sandaling 'yon, pinangarap kong maging totoo ang banta mo. Sana nga wala nang dumating pagkatapos mo, Jaydel."

Hindi ko na napigilang yakapin siya. Wala na akong pakialam kung marinig niya ang malakas na pintig ng puso ko. Hinaplos ko ang buhok niya habang ikinukubli ang patuloy kong pag-iyak sa mga langit.

"Walang katapusan 'to, Laila. Hindi matatapos 'yung atin. Hindi ko hahayaan."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top