➳ Purgatoryo
"Purgatoryo"
A drabble written in 2020
Tagalog
☙♥❧
~~~~~~~~~~~~~~
"Purgatoryo"
Plok...! Plok...! Plok...!
Nadidinig ko ang pagpatak ng tubig. Amoy hamog ang aking paligid. Unti-unti kong binukas ang aking mga mata. Nagising ako sa isang madilim na lugar. Walang kahit anong ilaw ang nagliliwanag, tanging ilaw lamang ng buwan sa labas ng rehas ang aking nakikita.
Sinubukan kong gumalaw, ngunit naka gapos ang aking mga kamay. Buti na lamang hindi mahigpit ang pagka gapos sa akin at ako ay nakawala. Tumayo ako at hinanap ang daan palabas.
Napadpad ako sa ibang kwarto. May nakita akong anino ng isang tao. Unti-unti ko itong nilapitan. Mukhang nakagapos din siya at may takip din ang kanyang mga mata.
"Sino ka?" Boses ito ni Joaquin, isang magiting na lalaki at magaling na pinuno ng isang rebolusyonaryong grupo na kinabibilangan ko.
"Joaquin..." Tawag ko sa kanya.
"Claudio... bakit nandito ka?!" Biglang galit ang kanyang tono. "May lakas ka ng loob para pumunta dito! Walang hiya kang traydor!"
"Hayaan mo akong magpaliwanag..."
"Magpaliwanag? Anong ipapaliwanag mo sa ginawa mo? Kung bakit mo ibinuking ang lugar na pagkikitaan ng ating grupo sa mga gwardya sibil? Bakit mo nga ba yun ginawa?! Bakit?! Alam mong para ito sa ating kalayaan. Alam mo na para ito sa kinabukasan ng ating bansa."
Hindi ako makasagot. Hindi ko mahanap ang aking boses.
Nagsalita si Joaquin muli. Hindi galit ang kanyang tono, ngunit malungkot. "Kasalanan ko ba ito Claudio? May ginawa ba ako sa iyo at ito ang rason kung bakit mo kami tinaksil? Ako pa ba ang kailangang magsisi sa ating dalawa?"
Biglang may pagputok ng baril. "MAY NAKATAKAS SA PRESO!"
Tumayo ako, at naghandang tumakbo palabas.
"Pagsisihan mo ito Claudio... Paulit ulit kang magdududa sa purgatoryo at paulit-ulit kang magdududa. Isinusumpa ko ito sa diyos!"
At iyon ang huling mga salitang narinig ko kay Joaquin.
Tumakas ako palabas ng lugar na iyon. Hindi ko na alam kung saan ako papunta. Naririnig ko ang hakbang ng mga gwardiya sa likod ko. Mukhang nakahabol parin sila.
May pumutok uli na baril. Natamaan ang aking braso. Napahiyaw ako sa sakit, ngunit hindi ako susuko. Makakatakas ako dito. Patuloy akong tumakbo kahit umaagos na aking dugo.
Namumula na ang aking paningin. Umiika na ako sa sakit. Madalas akong napapatid ngunit patuloy parin akong tumatakas.
Napadpad ako sa dulo ng bangin. Lumingon ako palikod at nandoon parin ang mga gwardiya sibil. Hindi ko hahayaang mamatay ako sa kamay nila.
Tumalon ako at agad kong naramdaman ang lamig ng tubig ilog. Unti-unting nadilim ang aking paningin.
Ako nga ba ay dapat sisihin? Ako ba ang naglagay sa sarili ko sa sitwasyong ito?
Hindi, ito ay kasalanan ng mga gwardiya. Pati na rin ni Joaquin. Inosente lamang ako. Dapat hindi na ako sumali sa grupo...
Plok...! Plok...! Plok...!
Nadidinig ko ang pagpatak ng tubig. Amoy hamog ang aking paligid. Unti-unti kong binukas ang aking mga mata.
Nagsimula muli ang paulit-ulit kong purgatoryo.
—-
A/N: I wrote this for school. That's why it's written in Tagalog.
Based on the game called "DETENTION"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top