Better Left Unsaid

"Bakit mo ba ako sinama dito? Ang init-init tapos ang gulo pa," reklamo ng kaibigan kong si Vivien.

Nasa fund-raising event kami ng org ng best friend ko. Concert kasi and wala namang upuan tsaka punuan na rin yung bleachers kaya nakisama kami sa mosh pit. Admission lang kasi babayaran so bahala ka na kung saan mo gusto pumwesto.

Mas masaya naman sa pit, 'no! Makakajamming ka freely imbes na sa bleachers na icoconsider mo palagi yung nasa likuran mo bago ka tumayo o magtaas ng kamay.

"First concert 'to ni mokong dito kaya dapat makapunta ako," sagot ko kay Viv.

Nasa freshman year kami ng college. Si Vivien ay kapareho ko ng course which is BS Psychology. Nitong college lang kami nagkakilala. Ang best friend ko naman since elementary ay yung lalaking magpeperform ngayon.

Naghiyawan na ang mga tao nang mamatay ang mga malalaking puting ilaw at tanging mga colorful lights lang ang nakabukas.

"Naiipit na ako dito, LJ!" reklamo na naman ni Viv.

"Dadalhin naman kita backstage mamaya. Chill ka lang," sabi ko sa kanya bago ibinalik ang tingin sa stage.

Umakyat naman ang banda nila sa stage kaya nagtilian na naman ang mga tao. Nakisigaw na rin ako para sumuporta.

Nag-enjoy naman ako dahil lahat ng kinanta nila ay mga alam kong kanta. Tinugtog din nila ang ultimate favorite song ko na alam kong pasimuno nung lalaking yun. Nag-request kasi ako sa kanya pero nagbibiro lang talaga ako.

Nang matapos ang event ay agad kong dinala si Viv papunta sa backstage.

"Hoy, Jasper!" sigaw ko ng makita ang loko na nakikipagharutan sa isa niyang orgmate. May plano pa yata siyang ihampas yung gitara niya na akala mo naman ay may pambili siya ng bago.

Napatingin siya sa amin bago ibinaba ang gitara at tumakbo palapit. "Ang ganda ng Jasper, ah!" sarkastiko niyang bungad.

"Oo, tunog pangalan ng batang iyakin kasi palaging naiihi sa salawal," sagot ko kaya natawa si Vivien. Sinamaan naman ako ng tingin ni Japs.

Jasper Mendez, best friend ko since grade 3. Japs ang nickname niya. Hindi ko rin alam kung paano naging Japs kasi dapat Jasp kung Jasper pangalan niya. Basta magulo magulang niya! Baka nabulol nung nag-iisip ng nickname.

BM Music Education ang course niya. Nagulat pa nga ako kasi wala sa itsura niya ang pagiging music teacher pero hilig na niya talaga ang music dati pa. Kaya nga siya gitarista ng school band namin nung high school. Hanggang dito ay gitarista pa rin siya. Electric guitar ang madalas ipatugtog sa kanya kasi master na master na niya yun.

"Galing ko kanina tumugtog, 'no?" nagyayabang niyang tanong.

"Mas magaling pa aso namin tumugtog sayo," sabi ko bago siya inirapan.

"Japs, pakilala mo naman ako dun sa nagkikeyboard," bulong ni Viv kay Japs.

"Aba maharot kang babae ka," sabi ko kay Viv na tinusok pa ang tagiliran niya.

Natawa si Japs. "Sure, sure. Alam ko wala naman yata siyang girlfriend."

Tinignan ko si Vivien. Ngiting-ngiti ang gaga na akala mo ay nanalo sa lotto.

"Japs, una na 'ko. May emergency sa bahay," bungad ng isang lalaki kay Japs.

Parang kinapos naman ako ng hininga nang makita ko siya. Pinagpapawisan na rin ang mga palad ko.

Kung hindi ako nagkakamali, siya yung nag-acoustic guitar kanina. Ang gwapo niya pala sa malapitan!

"Sige, sige. Nakapagpaalam ka na ba sa iba?" tanong ni Japs sa kanya.

"Oo, okay lang daw," sagot nito.

"Ingat, pre," sabi ni Japs bago tinapik ang balikat nito.

Tumingin pa saglit sa amin ni Vivien ang lalaki at nginitian kami bago naglakad palayo.

"Sino yun?" wala sa sariling tanong ko.

"Si RJ. Blockmate ko rin yan," sagot ni Japs. "Bakit?"

"Hmm?" tanong ko nang makabalik sa ulirat. "Wala," sagot ko. Tumango si Japs.

"Oh, halika na at ipakilala na natin 'tong si Viv sa crush niya," sabi ko kaya nanlaki ang mata ni Viv. Hindi ko naman na pinansin ang gulat niya at kinaladkad ko na siya papalapit sa mga kabanda ni Japs.

♡・♡・♡

"Lagot ako kay Mama nito!" ungot ko. Ilang linggo na nakalipas magmula nang magconcert sila Japs.

Kung nagtataka kayo kung bakit down na down ako ngayon, bumagsak kasi ako sa quiz ng isa sa mga subjects namin.

"OA nito," sabi ni Japs habang nilalapag ang mami na inorder niya para sa aming dalawa. "Isang quiz lang naman yan. Mapupunta ka pa rin sa DL, tiwala lang."

"Yun na nga, eh! Nabagsak ko yung quiz so paano pa sa iba. Paano kung pati exam mabagsak ko?!" paiyak ko nang saad.

"Mag-mami ka muna at nang mahimasmasan ka," sabi niya habang nagpipisil ng calamansi sa mami. Hirap na hirap pa siya saluhin mga buto gamit tinidor kasi alam niyang ayokong may makaing buto ng calamansi.

Nang matapos ay inabot niya yun sakin. Agad ko naman kinain yun habang nakasimangot pa rin.

"Patingin nga ng quiz mo," sabi niya kaya inabot ko sa kanya yung papel mula sa bag ko. Binasa naman niya habang kumakain ako. "Eh, kung ituktok ko sayo 'to! Isang point lang naman sa passing score ang ibinaba."

"Hindi nga kasi! Bagsak pa rin siya, okay? Stop acting like you know my pain! Stop acting like you own it! Hindi ikaw si Celine and you will never be Celine," pagmomonologue ko, ginaya si Daniel Padilla sa movie nila ni Kathryn Bernardo na Barcelona.

"Taena nito! Sino si Celine, Lorraine Janna Salazar? Nababaliw ka na naman. Naturingang Psych student," ani Japs habang inaabot sakin yung quiz ko.

"Palalayasin na ako sa bahay! Saan na ako titira nito?" pagmamaktol ko na naman.

"Arte mo," sabi niya bago kumain.

Nagpout na lang ako bago kumain na rin kasi alam kong sasabihan na naman niya akong maarte kapag nagreklamo ako.

"Huy, Japs!" bati ng isang pamilyar na boses sa likuran ko.

Nanlaki naman ang mata ko at biglang bumilis ang tibok ng puso ko.

"Uy, RJ!" bati ni Japs.

Punyawa! Ang haggard ko today!

Magmula nang matapos ang concert, palagi ko na inaaya si Viv manood ng practice ng banda nila Japs para makita ulit si RJ na palaging hi at hello lang naman ang sinasabi sa akin.

"Pauwi ka na?" tanong ni Japs kay RJ nang makalapit sa table namin.

"Oo. Nagpabili lang si Mama ng lugaw," sagot ni RJ. "Excuse me, LJ," sabi niya bago tumabi sa akin!

Ramdam kong nag-iinit na yung pisngi ko dahil ang lapit namin sa isa't-isa.

"Kayo? Anong oras kayo uuwi?" tanong ni RJ sa amin.

"Kapag naubos namin 'to at kapag nahimasmasan na 'yang si LJ na hindi siya babagsak dahil nabagsak niya lang yung isang quiz!" mahabang litanya ni Japs. Tinignan ko siya ng masama.

"Okay lang yan, LJ." Tinapik ni RJ yung likod ko na ikinagulat ko. "Bawi ka na lang sa susunod."

Tinanguan ko naman siya bago ngumiti.

"Sir, ito na po yung order niyo," sabi nung taga-serve kay RJ. Kinuha naman ni RJ yung plastik na hawak nito bago nagpasalamat.

"So, paano? Kita na lang tayo bukas," sabi ni RJ kay Japs.

"Ingat, 'tol," sagot ni Japs.

"Bye, LJ," paalam ni RJ sakin.

Ramdam ko na naman ang pag-iinit ng pisngi ko.

"Bye, RJ," paalam ko pabalik bago siya pinagmasdan na umalis ng lugawan.

"Oh," sabi ni Japs nang humarap ako sa kanya. Inaabot niya sa akin yung phone niya.

"Bakit?" nagtatakang tanong ko.

"Number ni RJ. Save mo," sagot niya.

"Bakit ko naman kailangan 'to?" tanong ko bago sumubo ng sabaw ng mami.

"Kasi gusto mo siya," kibit-balikat niyang sagot kaya naibuga ko sa lamesa yung sabaw. "Oy! Ang kadiri nito!" sigaw ni Japs sabay pinunasan ang sarili gamit ang tissue dahil natalsikan din siya.

Gulat pa rin akong nakatingin sa kanya. "Paano mo nalaman?"

"Nagpupunta ka palagi sa practices namin para panoorin si RJ. Kita ko yun," sabi niya kaya napapikit ako sa pagkapahiya. "At tsaka kanina iba reaksyon mo nung lumapit siya," dagdag niya.

"Huwag mo sasabihin, please," pagmamakaawa ko.

"Hindi ako ganun, LJ. Your secret is safe with me," sagot niya kaya nakahinga ako ng maluwag. "May isa pa," pabitin niyang ani.

"Papalibre ka na naman? Sige, ano ba gusto mo?" tanong ko.

Natawa siya. "Hindi, hindi." Umiling-iling siya bago ngumiti. "Ilalakad kita kay RJ."

♡・♡・♡

"Ano bang sasabihin ko dito?" tanong ko sa sarili habang nakatitig sa phone ko kung saan nandoon yung number ni RJ. "Japs talaga! Binigay nga number sakin, hindi naman sinabi ano pwede kong sabihin."

Nakahiga ako ngayon sa kama dahil masakit ang puson ko. Wala kaming pasok ngayon kasi Sunday.

Nang hindi ko na talaga matiis yung sakit ng puson ko, tumayo ako para uminom ng pain killer. Nahiga naman ulit ako pagkatapos para matulog.

"LJ, bumili ka nga ng gata sa kanto para sa iluluto ko mamaya," utos ni Mama nang pumasok siya sa kwarto ko.

"Ma, naman! Hindi ba pwedeng si Papa na lang? Masakit puson ko," reklamo ko.

"Busy ang papa mo kaya huwag ka nang mag-inarte dyan!" sabi ni Mama sabay hampas ng unan sa akin.

Inis akong napaupo. "Ang bad trip naman nito, eh! Parang hindi nagreregla."

"Matulog ka na lang kapag nakabili ka na. Maliligo muna ako. Dapat pagkatapos ko, eh nasa lamesa na yung gata, ah!" sabi ni Mama bago lumabas ng kwarto.

Inis ko namang kinuha ang phone ko at tinext si Japs dahil mas malapit yung bahay nila sa bilihan.

"Bumili ka nga ng gata dyan malapit sa inyo. Kung kailan kasi patulog na ako, doon nagpabili."

"Sino 'to?" reply niya kaya nagtaka ako.

"Si LJ 'to! Nagkaamnesia bigla?" tanong ko.

"Sige, ano bang address niyo?" tanong niya kaya nagtaka ako lalo pero tinype ko na lang rin dahil antok na talaga ako.

Pagkatapos kong makipagtext kay Japs ay ibinato ko lang sa gilid ang phone ko at ipinikit na ang mata.

"LJ, nakakahiya ka talagang bata ka! Bumangon ka dyan!" sigaw ni Mama habang hinahampas ako ng unan.

"Ma, bakit ba?" inis kong tanong bago bumangon.

Tinignan ko ang phone ko at wala pang isang oras magmula nang makatulog ako.

"Bakit nagpabili ka pa sa iba ng gata? Dapat ikaw ang gumawa nun," sabi niya.

Nangunot ang noo ko. Si Japs lang naman yun. Parang hindi pa sila nasanay.

Tumayo na ako at naglakad palabas ng kwarto.

"Mag-ayos ka muna ng buhok. May tulo laway ka pa," sabi sa akin ni Mama.

"Si Japs lang naman yun. Mas pangit siya sa akin kapag bagong gising," sabi ko kay Mama bago naglakad ng tuloy-tuloy papuntang sala habang pinupunasan gamit ng kamay ko ang natuyong laway sa gilid ng labi ko.

Nang makarating sa sala ay parang nabuhusan naman ako ng malamig na tubig nang makita si RJ doon na nakaupo sa sofa at kinakausap ni Papa. Napatingin sila sa akin at nginitian ako ni RJ.

Mabilis kong sinuklay ang buhok ko gamit ang kamay bago naupo sa single sofa.

"Anong ginagawa mo dito?" tanong ko.

"Nagpabili ka, 'di ba?" sabi niya kaya agad kong tinignan yung messages ko.

Napahawak naman ako sa bibig ko nang makitang hindi kay Japs nasend yung mga text at kay RJ nasend.

Kaya pala nagtanong siya kung sino ako at kung anong address!

"Lalabas daw kayo nitong si RJ. Nagpaalam sa akin," sabi ni Papa.

"P-Po?" tanong ko, hindi napigilan ang pagkautal. Wala naman kaming napag-usapang lalabas kami, ah? Tsaka hindi naman talaga kami nag-uusap!

Binigyan ako ni Papa ng nagtatakang tingin. "Ah, opo. Magbibihis lang ako," sabi ko bago dali-daling naglakad papasok sa kwarto ko.

Tinawagan ko naman si Viv para may masigawan man lang ako. "Viv!" sigaw ko nang sumagot ito.

"Ano?" tanong niya.

"Si RJ."

"Anong meron?"

Napakagat ako sa kuko ko. "Inaya niya ako maggala!"

♡・♡・♡

"Saan tayo pupunta?" tanong ko kay RJ nang masara ko ang gate ng bahay namin.

"Saan ba masarap na kainan ng merienda?" tanong niya.

"May toasted siopao malapit dito," sagot ko.

"Tara," aya niya kaya mas dinalian namin ang paglalakad.

"Sorry sa abala, RJ, ah! Akala ko si Japs yung natext ko," nahihiyang paghingi ko ng paumanhin.

"Okay lang," sagot niya.

"Malayo ba masyado yung bahay namin sa inyo?" tanong ko.

"Isang sakay lang naman ng jeep," sagot niya.

"Hala! Sorry!"

Natawa siya. "Okay lang."

"Eh, bakit nga ba nag-aya ka rin lumabas?" tanong ko.

"Para 'di sayang punta," sagot niya bago mahinang natawa.

"Nabayaran ka ba nila Mama? Saglit, abot ko lang bayad," sabi ko at huhugutin na dapat yung coin purse ko sa bulsa nang pigilan niya ako.

"Huwag na," aniya.

"Eh, baka baon mo yun."

"Extra money lang naman."

Bumuntong-hininga ako. Bakit ka ba ganyan? Mas nakakafall!

"Libre na lang kita. Bawal tumanggi," sabi ko bago siya hinila papasok ng toasted siopao house nang makarating na kami doon.

Agad naman akong umorder para sa amin at binayaran ito.

"Dito lang din nakatira si Japs, 'di ba?" tanong ni RJ nang makaupo kami.

"Oo, mas malapit nga sila dito sa mga bilihan," sagot ko bago inabot sa kanya ang pagkain.

"Kamusta naman yung sa quiz mo? Pinagalitan ka ng mama mo?" tanong niya sa akin.

Natawa ako. "Wala na yun. Tinuktok lang sakin ni Mama yung paper tapos sinabi niyang bumawi ako sa susunod. Hindi naman siya galit na galit at hindi ako napalayas sa bahay."

Pareho kaming natawa. "Mababawi mo pa yun," pang-eencourage niya.

Ngumiti ako. "Sana nga."

"Oy, Rolando Jose! Anong ginagawa mo dito?" malakas na tanong ng lalaki sa likuran ko na sa tingin ko ay si Japs.

"Loko talaga 'to," bulong ni RJ sa sarili.

"Ikaw, ah! Nakikipagdate ka na ngayon," panunudyo ni Japs nang makalapit sa amin.

"Mahiya ka nga! Ang ingay mo!" reklamo ko.

Nanlaki ang mata ni Japs. "Aba, si Lorraine Janna pala ang kasama mo. Date nga!" sabi niya habang umuupo sa tabi ko.

Pinaningkitan ko siya ng mata. "Talagang buong-buo, ah!"

"Ikaw, ah!" Tinusok niya ang tagiliran ko. "Hindi mo na pala kailangan ng tulong ko para magkagusto rin sayo si R–"

Mabilis kong naitakip ang kamay ko sa bibig niya. "Adik ka talaga!"

Tinanggal niya ang pagkakatakip ng kamay ko sa bibig niya. "Oo, adik sayo," pang-aasar niya kaya hinampas ko siya.

Natawa si RJ sa amin. "Nagmumukha na akong third wheel sa inyong dalawa," sabi niya kaya nanlaki ang mga mata ko.

Third wheel? Siya nga dapat jinojowa!

"Kadiri lang, 'no! Hindi ko jojowain yan," sabi ko habang tinignan ng nakakasuya si Japs.

"Mataas standards ko kaya hindi rin kita liligawan," bwelta ni Japs. "Tsaka may gusto ka na kay–"

"Buang ka talaga!" sigaw ko habang pinaghahampas siya.

Tatawa-tawa naman siyang tumayo. "Order ko nandyan na. Enjoy kayo!" paalam ni Japs bago nagpunta ng counter para kunin ang order niya at lumabas na.

"Close talaga kayo," sabi ni RJ.

"Ayoko na nga dyan, eh! Nakakasawa. Sarap ipatapon sa Mars," pagbibiro ko.

Natawa siya. "Never ka nagkagusto?" tanong niya.

"Kadiri talaga," sabi ko.

"Sino bang gusto mo?" tanong niya kaya nabulunan ako. Agad naman niya akong inabutan ng tubig.

"Sorry. Nasobrahan sa kain," sabi ko nang makarecover. "Gusto ko? Wala naman," pagsisinungaling ko. "Ikaw?"

"Hindi kasi ako sure," sagot niya. "Crush siguro. Paghanga pa lang."

Bigla naman akong nalungkot. "Taga-school natin?"

Tumango siya bilang sagot.

"Sino?" tanong ko.

Ngumiti siya ng bahagya. "Secret."

♡・♡・♡

"LJ, may girlfriend na pala si RJ?" sabi ni Viv habang kumakain kami ng lunch sa cafeteria.

Napakunot ang noo ko. "Girlfriend?"

"Oo, nakita ko kanina nakaakbay sa babae," sagot ni Viv. Parang pinagsakluban naman ako ng langit at lupa. Kung kailan naman naging close na ako sa kanya!

"Baka n-naman kaibigan n-niya lang," sabi ko, hindi mapigilan ang pagkautal. Ayoko pa rin tanggapin. Hangga't hindi nanggagaling sa kanya, hindi ako maniniwala.

"Hindi ko alam pero close sila," sabi ni Vivien.

"May klase pa ba tayo after lunch?" tanong ko.

"Wala naman na," sagot niya.

Dali-dali kong inubos ang pagkain ko. "Sige," paalam ko kay Viv bago tumayo at tumakbo papunta sa music building.

Tinawag pa ako ni  Vivien pero hindi ko na siya pinansin. Kailangan kong makita ng sarili kong mga mata.

Mabilis ang naging paglakad ko papunta sa building nila. Nararamdaman kong nanlalabo na ang paningin ko dahil sa namumuong luha.

Hindi ko alam kung bakit nasasaktan ako agad gayong mababaw lang ang nararamdaman ko para kay RJ.

Pero mababaw na nga lang ba? Posible bang lumalim ang nararamdaman sa loob lamang ng ilang mga araw?

Halos matumba ako nang may mabangga ako habang naglalakad.

"Sorry," paghingi ko ng umanhin bago siya nilagpasan.

"Uy, okay ka lang?" Pagpigil sa akin nung nakabangga ko.

Tiningala ko siya at nakitang si Japs yun. Napayakap na lang ako sa kanya habang lumuluha.

"Anong nangyari? Bagsak ka na naman sa quiz?" tanong niya sa akin.

"Gusto ko siya, Japs. Gustong-gusto."

"S-sino?"

"Si RJ may girlfriend na siya," saad ko na mas lalo pang naiyak.

"Wala nama–"

"Ano nang gagawin ko ngayon, Japs? Paano nangyari 'to?" tanong ko.

"Tahan na, LJ," pag-alo ni Japs habang tinatapik ang likod ko. "Huwag ka nang umiyak, ha? Ako ang bahala."

♡・♡・♡

Isang linggo ang nakalipas magmula nang muntik ko nang sugurin si RJ sa music building. Umiwas na ako sa kanya magmula noon. Hindi na ako nagpunta sa practices nila. Okay lang din naman dahil kailangan ko magreview para sa midterm exams namin.

"Sabay tayo uwi? Daan na rin tayo sa milkteahan," sabi sa akin ni Viv habang naglalakad kami palabas ng building. Ngayon ang last day ng exams kaya nagkakayayaan ang iba na maggala.

"Tinext ako ni Japs. Magkita daw kami. Ewan ko ano trip niya," sagot ko.

Napatango-tango si Vivien. "Una na ako?"

"Gusto mo sumama sa amin?"

Umiling siya. "Hindi na. Enjoy kayo," sagot niya.

"Bye, Viv," paalam ko.

"Bye, LJ," paalam niya pabalik bago naglakad papunta sa sakayan.

Naglakad naman ako papunta sa court. Bukas ang court pero hindi nagpapractice ang mga sports team dahil exam week. Dito balak makipagkita ni Japs.

Pumasok ako at naupo sa bleachers habang tinetext si Japs kung nasaan na siya.

Hindi pa siya sumasagot ay may narinig na akong mga yabag papasok ng court.

"Ano ba gagawin natin? Dapat sabay kami ni Viv kaso–"

Natigilan ako nang makitang hindi si Japs yung pumasok. Tumikhim ako. "Sorry, sa labas ko na lang hintayin si Japs," sabi ko bago tumayo at akmang lalabas na ng court.

"LJ, saglit." Hinawakan niya ang braso ko.

Pinilit kong ngumiti. "Ano yun, RJ?"

"Wala akong girlfriend pero may nagugustuhan ako," sabi niya.

"Ah, sige," sagot ko bago ulit siya lagpasan.

"LJ, saglit lang." Hinawakan niya ang braso ko.

"RJ, please lang," sabi ko, pinipigilan ang mga luhang gustong kumawala.

"Gusto kita," pag-amin niya kaya natigilan ako.

"A-Ano?"

"Hindi ko alam kung paano o kung kailan. Ang alam ko lang simula nung panoorin mo mga practices namin, humahanga na ako sayo. Kung ikukumpara kita sa lahat ng babae sa campus, ikaw ang pinakamaganda, matalino, at masipag sa kanila," sabi niya habang nakahawak na sa kamay ko.

"Nakita ka raw ni Vivien na may kaakbay na babae. Kung hindi mo siya girlfriend, anong relasyon niya sayo?" tanong ko.

Mahina siyang natawa. "Kasama namin sa org. Close lang talaga siya sa akin pero hinding-hindi yun magkakagusto sa akin at ako sa kanya," paliwanag niya.

"Bakit naman hindi siya magkakagusto sayo? Babae rin naman siya at lalaki ka kaya–"

"Babae rin kasi ang hanap niya," aniya, pinutol ang mahaba kong litanya.

Natahimik ako. Nahihiya ako sa sarili ko kasi nag-assume na ako agad nang hindi siya kinokompronta.

"Kaya gusto sana kita tanungin kung pwede ba manligaw?" tanong niya bago nag-iwas ng tingin.

Natawa ako. Ang cute naman!

"Hindi pwede, eh," sagot ko kaya mabilis niya akong nilingon.

"Ah, ganun ba. Sorry kung–"

Doon na talaga ako napahagalpak ng tawa. "Joke lang," sabi ko, tumatawa pa rin.

Sinamaan niya ako ng tingin. "LJ!"

"Okay, totoo na," sabi ko nang makarecover.

"Oo, RJ." Ngumiti ako. "Pwede mo ako ligawan."

♡・♡・♡

"Labas tayo?" aya ko kay RJ nang tanungin niya kung bakit ako napatawag. Ilang linggo na ang nakalipas magmula nang tanungin niya ako kung pwede ba siya manligaw.

Sembreak namin ngayon kaya inaya ko si RJ lumabas. Plano ko rin sana sagutin na siya ngayon.

Alam ko kung anong mga iniisip niyo. Masyadong mabilis at baka nagpapadalos-dalos ako pero patatagalin ko pa ba eh wala naman pumipigil sa amin.

Si Mama push na push habang si Papa paarte pa ng kaunti pero alam kong okay lang naman siya kay RJ. Nararamdaman daw nila na aalagaan niya naman ako at magiging masaya ako sa kanya.

"Saan tayo pupunta?" tanong niya sa akin.

"Mall? Gusto mo manood ng sine?"

"Ikaw, gusto mo?" tanong niya pabalik.

"Oo naman," sagot ko.

"Edi gusto ko rin," sabi niya.

Hindi ko naman mapigilan mapangiti nang parang tanga. May plano yata yung lalaking 'to patalunin yung puso ko palabas ng dibdib ko.

Nagkasundo kami na magkita na lang sa mall. Gusto pa nga niya na sunduin ako kaso ayoko nang mahirapan pa siya sa pagsundo sa akin. Pareho pa kasi kaming nagcocommute kaya magdodoble pamasahe niya kung susunduin pa ako.

Nang makarating sa mall ay agad akong umakyat sa sinehan at namili ng papanoorin namin. Pumila na rin ako para makabili na agad ng ticket.

Sorry ng sorry si RJ nang makarating siya. Hiyang-hiya siya dahil ako pa daw nagbayad pero wala naman kaso sa akin yun. Hindi naman masama na babae naman ang magbayad para sa date, 'di ba?

The World Among Us yung napili kong movie. Napanood ko na yung unang movie nito na The Sky Among Us. Sobrang nagustuhan ko yun tapos sakto inilabas na yung kasunod.

Hindi rin naman mahihirapan si RJ maintindihan yung kwento dahil kokonti lang naman ang references sa first movie dahil pwedeng stand alone yung second.

Nagsimula yung movie sa observatory ng fictional space administration. Medyo nagkakagulo sila doon dahil sa mga nangyari sa training grounds. Sa first movie makikita yung point of view nung trainees habang sa second makikita yung point of view nung mga employees na talaga nung administration.

Umikot yung kwento sa apat na magkakaibigan na sila Adara, River, Ridge, at Aria. Ang main focus ay ang magbest friend na si Adara at River.

Napakagaling nila maghide and seek ng feelings hanggang sa bumigay na si River at siya ang unang umamin. Another na-in love sa best friend story na alam mo na kahihinatnan pero gustong-gusto mo pa rin panoorin.

Naiimagine ko pa lang na magiging kami ni Japs ay nawiweirduhan na ako. Oo, kilalang-kilala na namin ang isa't isa so less tendency na magclash dahil alam na namin yung mga ayaw at gusto namin pero hindi kasi talaga kami bagay sa tingin ko.

"Nagustuhan mo naman ba?" tanong ko kay RJ nang makalabas kami ng sinehan.

"Oo naman. Ang cool kaya ni Adara," sabi niya kaya natuwa ako.

Tinanong niya ako kung saan ko gusto kumain dahil hindi naman na kami kumain sa sinehan. Busog pa kasi ako nun at kakalunch niya lang din daw kaya hindi na kami nag-popcorn.

Plano ko sabihin na sinasagot ko na siya pagkatapos namin kumain. Hindi ko alam exactly kung paano sabihin dahil medyo nahihiya ako.

Nakaisip naman ako agad ng paraan kaya naging busy ako sa paggamit ng phone ko para doon.

Nag-usap lang kami tungkol sa kung saan-saan habang kumakain. Buti ay hindi niya nahahalata na kinakabahan ako.

"RJ, may ano... gusto ako sabihin sayo," sabi ko nang bumaling sa kanya.

"Ano yun?" tanong niya.

Tumikhim ako. "Ngayon ang araw na aking pinakahihintay," panimula ko sa kanta ng The Juans na Magkasama.

"Ngayong nandito ka, hinding-hindi sasablay," pagtuloy ko sa kanta. Napapangiti naman si RJ kaya mas lalo akong naiilang.

"Oh, itong pinapangarap ko
Oh, ngayon ay magkakatotoo
Oh, lahat ng 'to, dahil sa 'yo
Heto na, heto na, 'di na palalampasin pa..." Huminga ako ng malalim. "Rolando Jose Cristobal, sinasagot na kita," saad ko kaya rumehistro ang gulat sa mukha ni RJ.

Hiyang-hiya ako sa sarili ko kaya umiwas ako ng tingin. First time sa buong buhay ko ginawa yung kakornihan na yun!

Naramdaman kong tumabi siya sa akin pero hindi ko siya matignan ng maayos dahil hiyang-hiya pa rin ako.

Nanigas na lang ako sa kinauupuan ko nang bigla niyang hinawakan ang kamay ko at inintertwine ang mga daliri namin.

Tinignan ko ang magkahawak naming mga kamay. "Pwede ko naman na gawin 'to, 'di ba?" tanong niya.

"Hindi ko alam." Nagkibit-balikat ako. "Ano sa tingin mo?" tanong ko bago ngumiti.

"Pwede na." Ngumiti siya. "At sana pwede ring hindi na bitawan pa."

♡・♡・♡

"LJ, binilhan kita ng halo-halo. Malaki binili ko kasi alam kong ma–"

Hindi natapos ni Japs ang sinasabi niya dahil nagulat siya nang makita si RJ sa sala at tinuturuan ako maggitara.

Dalawang araw na ang nakalipas magmula nang sagutin ko siya. Ngayong araw na lang ulit kami nagkita dahil sabi ko ayoko nang mapagod pa siya kung magpupunta siya rito araw-araw.

"Uy, Jasper! Halo-halo?" tanong ko bago tumayo at hinablot yun sa kanya. "Salamat!"

"Close niyo ni Rolando Jose, ah! Hindi uso ang social distancing," pang-aasar niya bago naupo sa single sofa.

Bumalik naman ako sa tabi ni RJ. "Inggit ka lang kasi hindi ka crush ng crush mo." Inirapan ko siya.

Wala naman talagang babaeng nagugustuhan pa si Japs. Marami namang naghahabol sa kanya kaso ni isa ay wala siya natitipuhan. Naboboringan na nga ako sa buhay niya dahil wala naman siyang pinapakilig o nagpapakilig sa kanya.

Napaismid siya. "Porket nacrushback ka lang, Lorraine Janna, ganyan ka na umasta. Hindi pa naman kayo, eh so–"

"Excuse me, kami na kaya," sabi ko.

Nanlaki ang mata niya. "K-Kayo na?" tanong niya at tumango si RJ bilang sagot. "Goodluck, pare! Ngayon pa lang maghanda ka na. Welcome to impyerno, 'tol!"

"Hayop ka talaga!" sigaw ko bago inabot si Japs at hinampas. Agad naman siyang tumayo para makaiwas.

"Diyan na nga kayo. Uwi na ako," sabi ni Japs habang naglalakad papunta sa pintuan.

"Ang aga naman?" sabi ko.

"Yung pinsan ko kailangan ng comfort ngayon," aniya.

"Bakit? Anong nangyari?" tanong ko.

Natawa siya ng bahagya. "Nagluluksa ang puso," sagot niya. "Hindi kasi nacrushback ng crush niya."

♡・♡・♡

"Nakakaasar si Japs!" reklamo ko nang marating namin ni Vivien ang classroom.

"Bakit? Ano na namang ginawa?" tanong ni Viv.

Second week na ng second sem ngayon. Nagtataka ako bakit hindi na gaano nagpapakita si Japs. Busy daw siya sabi niya at babawi na lang pero ang sabi ni RJ minsan lang naman daw sila magpractice at manageable pa naman yung mga pinapagawa sa kanila.

"Hindi ako nireplyan! Tama ba 'yon?" inis kong saad.

Natatawang napailing si Viv. "Kailan ka ulit sinimulang iwasan?"

"Start ng second sem. Okay pa naman kami nung sem break. Dinalhan pa nga ako ng halo-halo!" kwento ko.

"Nung araw na rin na yun nalaman niya na kayo na ni RJ, 'di ba?" tanong ni Viv at tumango ako. "Ikaw rin kasi, eh..." pabitin na sabi niya.

"Anong ako? Wala naman akong ginagawa sa kanya," bwelta ko.

"Ikaw, talaga! Naturingang psych student, hindi marunong bumasa ng tao."

Napakunot ang noo ko. Anong ibig niyang sabihin?

"Miss mo na?" tanong ni Vivien, tinutukoy si Japs.

"Ano? Hindi, ah!" pagtanggi ko.

Actually namimiss ko na nga rin si Japs. Ayoko lang sabihin dahil baka may ibang makarinig at gawan pa ako ng issue. Miss ko lang naman si Japs kasi kaibigan ko siya at dati hindi kami mapaghiwalay kaya anong nangyari ngayon?

"Sige, sabi mo, eh," sabi ni Viv bago inilabas ang notebook niya dahil dumating na ang prof namin.

Napaisip ako sa sinabi ni Vivien. Hindi daw ako marunong bumasa ng tao? Sa pagkakaalam ko naman ay madali ko lang makuha kung anong gusto ipahiwatig ng mga tao. May tao ba akong hindi nababasa ng maayos? Kung meron, sino?

♡・♡・♡

"At sa wakas nagtagpo rin tayo, Jasper Mendez," sabi ko kay Japs nang makita ko siyang lumabas ng gate nila dahil papasok na rin siya ng school.

"LJ, musta?" tanong niya.

"Ang plastik nito!" sita ko. "Sabay na tayo pumasok," aya ko.

"Hindi ka ba susunduin ng boyfriend mo?" tanong niya habang sinasabayan ako maglakad.

"Hindi naman talaga ako sinusundo ni RJ kapag papasok," sagot ko.

Mabilis naman kami nakapagpara ng jeep at sumakay. Hindi ko alam kung bakit nanahimik siya sa byahe eh dati naman kapag sabay kami pumapasok, ang ingay namin sa jeep na tipong akala mo nirentahan namin yung buong jeep.

Nang makarating kami sa campus ay plano na niya ako iwanan kaya mabilis kong hinatak ang braso niya.

"Bakit mo ba ako iniiwasan?" tanong ko at natigilan siya.

"Hindi kita iniiwasan." Hinablot niya ang braso niya. "Busy lang ako."

"Eh, bakit si RJ?" tanong ko.

"Syempre gagawa ng oras para sayo yun kasi boyfriend mo siya," sagot niya.

"Eh, bakit ikaw hindi?" tanong ko, pinipigilan ang mga luhang kumawala sa mata ko.

"Ikaw ba kaya mong bigyan ako ng oras gayong may boyfriend ka na?" tanong niya.

"Oo kasi best friend kita. Pamilya na kita, Japs," sagot ko.

Bumuntong-hininga siya. "Fine, sige. Iniiwasan kita."

"Bakit? May nagawa ba ako sayo?" tanong ko.

"Iniiwasan ko lang na may masabi na maaring makasira sa kung anong meron ngayon," sagot niya kaya nagtaka ako.

"Bakit?"

"Hindi mo na talaga maiintindihan, LJ kasi una pa lang hindi mo na naintindihan."

"Ano ba yun? Ano yung hindi ko maintindihan?" tanong ko.

Napahilamos siya sa mukha niya. "Mahal kita, LJ," pag-amin niya kaya nanlaki ang mga mata ko.

"A-Ano?"

"Dapat nga hindi na, eh kasi may RJ ka na. Dapat simulan ko nang kalimutan yung nararamdaman ko para sayo kaso hindi. Sa tuwing nakikita ko kayo magkasama, mas lumalalim yung nararamdaman ko para sayo," paliwanag niya.

"Hindi ba ikaw ang nag-offer sa akin na ilakad ako kay RJ?"

"Oo kasi gusto ko na maging masaya ka. Naisip ko rin na baka mawala yung nararamdaman ko kapag nakita na kitang masaya sa iba," sagot niya.

"Japs–"

"Kaso hindi, eh! Mahal na mahal na kita kaya sobrang sakit na pero ginusto ko 'to. Ginusto kong mapunta ka sa iba kasi ayokong maging tayo," sabi niya bago tinakpan ang mukha at saka lumuha.

Hindi ko alam kung bakit pero lahat ng sinabi niya ay parang naging mga kutsilyo na bigla na lang akong sinaksak sa dibdib. Bakit nasasaktan ako sa sinabi niya? Bakit nakakaramdam ako ng panghihinayang? Bakit hindi ako sang-ayon sa ideyang ayaw niyang maging kami?

Nilapitan ko siya at akmang yayakapin pero lumayo siya.

"Sorry, LJ. Hindi ko dapat sinabi yun. Kalimutan mo na," sabi niya bago pinunasan ang mga luha at bahagyang ngumiti bago naglakad palayo.

Habang tinatanaw ko siya maglakad papalayo ay doon tumulo ang mga luha ko. Kung bakit ay hindi ko alam at hindi ko maintindihan.

♡・♡・♡

"Sana all hinihintay ng jowa," sabi ni Viv nang makita namin si RJ sa baba ng stairs. Tinawanan ko lang siya bago bumaba ng mabilisan.

Nakita ako agad ni RJ kaya hinintay niya akong makababa habang nakaextend ang mga braso para mayakap ko siya.

"Kamusta klase?" tanong niya nang makababa ako at niyakap siya.

"Okay lang naman," sagot ko.

"Walang konsiderasyon sa mga single," sabi ni Vivien sa amin nang tuluyan na siyang makababa.

Binitawan ko naman si RJ para makapaalam kay Viv nang maayos.

Nang makaalis na si Viv ay hinawakan ni RJ ang kamay ko at tinanong kung may gusto ba daw ako puntahan. Sinabi ko na lang sa kanya na nagkecrave ako ng mami.

Pagkadating sa lugawan ay siya na ang umorder. Naghanap na rin ako ng mauupuan.

Hindi naman nagtagal at naglakad na siya papalapit sa akin dala ang tray ng pagkain namin.

"Salamat," sabi ko nang inabot niya sa akin yung order ko. Agad kong kinuha yung calamansi para malagyan yung mami ko.

"Ang galing," sabi niya nang makitang ginamit ko as strainer yung tinidor para masalo yung mga buto ng calamansi.

Natawa ako. "Ito naman parang hindi pa nasanay na–"

Natigilan ako at bumuntong-hininga. Si RJ ang kasama mo, LJ.

"Natutunan ko lang din kila Mama," sabi ko bago hinalo ang sabaw after malagyan ng calamansi.

"Okay ka lang?" tanong ni RJ, halata ang pag-aalinlangan sa tono ng boses niya.

"Hmm?" Nag-angat ako ng tingin sa kanya. Nagulat naman ako nang kumuha siya ng tissue at pinunasan ang gilid at ilalim ng mata ko. Hindi ko man lang napansin na naluluha na pala ako!

"Ano ba 'tong nangyayari sa akin?" sabi ko bago tumingala para pabalikin ang mga luha ko. "Sorry. Mood swings yata. PMS," paliwanag ko bago mahinang natawa.

Hinawakan ni RJ yung kamay kong nakapatong sa lamesa. Tumingin ako sa kanya.

Ngumiti siya. "Ilabas mo lang yan. Mas maganda kung hindi itinatago ang tunay na nararamdaman."

♡・♡・♡

"Viv, masama na ba akong tao?" tanong ko kay Vivien. Nakahiga ako sa kama habang nakatingala sa ceiling ng kwarto ko.

"Bakit? Nakapatay ka ba?" tanong niya bago tumawa.

"Baliw, hindi!" sagot ko.

"Ano ba kasi?"

"Alam mo ba magmula nang hindi na kami nagkakasama ni Japs, sinabi ko sa sarili ko na ayoko na siya makita ulit at hindi ko na siya kailangan sa buhay ko," panimula ko sa kwento. "Pero ang totoo, miss na miss ko na siya. Ayoko lang sabihin kasi sabi nga daw 'di ba, some things are better left unsaid."

"Lasing ka ba?" tanong niya.

Bumuntong-hininga ako. "Nagseseryoso ako dito tapos ginaganyan mo ako! Bwisit na 'to."

Tawang-tawa siya sa kabilang linya. "Saan dun yung masama?" tanong niya na tinutukoy yung tanong ko kung masama na ba akong tao.

"Ang unfair ko na kay RJ," sagot ko kaya natahimik siya. "Siya yung kasama ko pero bakit iba yung tumatakbo sa isip ko?"

"Ano ba kasi talagang gusto mong mangyari?"

"Yun na nga problema ko. Hindi ko rin alam," pag-amin ko.

"Gusto mo pa rin ba si RJ?"

"Oo naman. Hindi naman madaling mawala yun," sagot ko.

"Eh, si Japs?" tanong niya.

Hindi agad ako nakasagot. Ano nga ba kasi ang nararamdaman ko para kay Japs? Mahal ko pa rin ba siya bilang kaibigan o higit pa doon ang nararamdaman ko?

Ang dami kong katanungan na gusto kong masagot kaso hindi ko alam paano at saan kukuha ng sagot.

"Anak, si RJ nasa labas. Kakausapin ka raw," sabi ni Mama pagkapasok sa kwarto ko.

Bumuntong hininga naman ako bago tinanguan si Mama.

"Sige na, Viv. Thank you," paalam ko kay Vivien.

"You'll have it figured out soon. Bye, LJ," sabi niya bago ibinaba ang tawag.

Tumayo naman ako at naglakad na palabas para salubungin si RJ.

"Hi," bati ko matapos buksan ang gate.

"Hey," bati niya pabalik.

"Napadaan ka," sabi ko. Biglaan niya na lang ako hinila palabas at niyakap.

"Lorraine Janna," bulong niya nang ipatong ang ulo niya sa balikat ko.

"Buong-buo talaga." Natawa ako.

"LJ, I love you," sabi niya kaya nanigas ako sa kinatatayuan ko. "Hindi ka talaga mahirap mahalin kaya naiintindihan ko na kung bakit."

"RJ, anong–"

"Ilang linggo bago ako umamin sayo..." sabi niya habang dumidistansya ng kaunti para makita ang mukha ko. "Kinausap ako ni Japs."

Nanlaki ang mga mata ko sa gulat. "Anong sinabi niya?"

"Kung gusto daw kita, dapat umamin na ako sayo para hindi ka na daw nasasaktan. Nakita mo raw kasi ako na may kasamang babae. Kapag napagdesisyunan ko daw na i-pursue ka, pasayahin daw kita at huwag paluluhain dahil siya ang makakalaban ko kapag nangyari yun," sagot niya. "Nagtaka ako kung bakit out of the blue biglang sasabihin sa akin ni Japs yun eh wala namang nakakaalam na may pagtingin ako sayo. Ngayon ko lang narealize kung bakit niya ginawa yun."

Ang bigat-bigat ng atmosphere ngayon. Hindi ko alam kung bakit ganito. Hindi ko alam kung bakit parang namamaalam na siya at sumusuko.

"Bakit mo sinasabi lahat yan ngayon?" tanong ko.

Nagkibit-balikat siya. "I just think you should know. Hindi naman pepwede na unsaid lang yung kwento na yan. May karapatan kang malaman."

"Ayaw mo na ba sa akin?" seryosong tanong ko.

Natawa siya bago hinawakan ang magkabila kong pisngi. "Alam ng mundo kung gaano ako kasaya na nandito ka ngayon sa harapan ko. Alam ng mundo kung gaano ako kasaya sa tuwing nakikita ko ang mga ngiti mo."

"Hindi ko kasi maintindihan kung anong nangyayari," pag-amin ko.

Lumapit siya sa akin at niyakap ulit ako. "Gusto kong maging masaya ka, LJ. Sana maranasan mo yung katulad ng nararamdaman ko kapag ikaw ang kaharap ko."

♡・♡・♡

"Kayo lang naiwan dito?" tanong ko sa pinsan ni Japs nang pagbuksan niya ako ng gate.

"Oo, Ate. Nasa business trip kasi sila Tito at Tita," sagot niya, tinutukoy ang parents ni Japs.

"Saan ka pupunta ngayon?"

"Sa kabilang kanto, sa bahay ng kaklase ko," aniya.

"Kailan ka babalik?"

"Sa umaga na, Ate."

"Sige, sige. Ingat ka." Nginitian ko siya.

"Salamat, Ate," sagot niya bago humakbang palabas ng gate.

"Ay, saglit!" Paghabol ko. "Hindi ka daw nacrush back ng crush mo? Kamusta? Okay ka lang?" tanong ko.

Kumunot ang noo niya. "Wala naman akong crush, Ate."

"Huh? Eh, sabi ni–"

"Sige na, Ate. Baka magtaka na si Kuya Japs kung bakit ang tagal ko sa labas," sabi niya bago ako kinawayan at naglakad na papunta sa bahay ng kaklase niya.

Pumasok na lang ako sa gate nila at sinara yun bago tumuloy sa sala.

"Ang tagal mo naman sa labas. Ano ba kasi–"

Hindi natapos ni Japs ang pangangaral niya nang makita ako.

"Anong ginagawa mo dito?" tanong niya.

"Sungit naman ni Jasper. Naihi na naman siguro sa salawal," pagbibiro ko.

"Ewan ko sayo, Lorraine Janna," sabi niya habang iiling-iling.

"Oh, tara! Inom tayo," sabi ko bago ibinaba ang dala kong beer sa center table nila.

"Nasaan si LJ at sino ang sumapi sa kanya?"

Tinignan ko siya ng masama. "Para namang 'di pa ako pwede uminom."

"Papapagalitan ako ni Tito at Tita kapag umuwi kang lasing," reklamo niya.

"Huwag ka ngang KJ! First time ko iinom kaya samahan mo ako," sabi ko bago siya hinila paupo sa tabi ko.

Wala naman na siyang nagawa at naupo na lang. Tumayo ako ulit para kumuha ng baso at bukasan ng bote.

"Bukod sa mama at papa mo, lagot pa ako sa boyfriend mo," sabi niya habang pinapanood ako magsalin ng alak sa baso.

Natawa ako. "Turuan mo nga ako uminom," saad ko, hindi na pinansin ang mga pinagsasabi niya.

Napakamasunurin nga niya dahil tinuruan nga ako. Halos maubo naman ako nang matikman ko. Tinawanan lang niya ako at pinipigilan na ulit pero matigas ang ulo ko kaya sinubukan ko ulit.

Okay na rin naman nung nasanay na ako. Masarap din pala yun kaya sunod-sunod ang pag-inom ko.

"LJ niyo, lasinggera na," bulong ni Japs sa sarili na rinig na rinig ko naman.

Yun lang naman ang nangyari. Nakikipagkarera pa ako sa kanya ng inuman. Nagpapatalo naman siya na parang tanga lang.

Surprisingly, nakikipagkwentuhan rin naman siya kahit most of the time ako lang dumadaldal. Medyo nahihilo na rin ako at inaantok pero nilalabanan ko kasi gusto ko pa siya makakwentuhan.

"Alam mo tama na nga yan at baka magalit pa sa akin ang boyfriend mo," sabi ni Japs na inaabot ang alak na hawak ko.

"Okay pa ako at tsaka kanina ka pa boyfriend ng boyfriend diyan! Sino ba kasing boyfriend?" inis na tanong ko.

Nagtaka siya. "Si RJ."

"Hindi yun magagalit," sabi ko bago inuman ulit ang baso ko.

"Bakit naman?"

Nagkibit-balikat ako. "Kasi break na kami," sagot ko.

Nanlaki ang mga mata niya sa gulat kaya natawa ako. "Lasing ka na nga at kung ano-ano na nasasabi mo. Tama na yan at baka may mga masabi ka pang ireregret mo kinabukasan."

"Tulad ng ano?" tanong ko habang sinusubukan na panatilihing bukas ang mata ko.

"Basta yung mga bagay na better left unsaid," sagot niya.

"Tulad ba nito..." Ipinatong ko ang ulo ko sa balikat niya na naging dahilan para magulat siya at halos mapatalon.

Hindi ko na lang siya pinansin at hinawakan ko ang kamay niya bago pumikit at sinabing, "Mahal kita, Japs. Mahal na mahal."

Happy Birthday juanamazing

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top