Chapter 13

Chapter 13

Nasa couch sina Ate Niles at Yanyan habang nanonood ng TV... o baka hindi. Naka-bukas lang iyong TV pero nag-uusap lang talaga sila. May dalang isang bote ng wine si Yanyan. Wala akong wine glass kaya sa normal na baso lang sila umiinom. I also asked her earlier nung kaming dalawa lang ang magka-usap kung gusto niya ba natawagin ko siyang Ate Yanyan. She said no. Mas weird daw pakinggan. I agreed. Halos magka-age lang naman daw kami. I chose not to comment on that one.

"So... kamusta 'yung London?" tanong ni Kuya habang tinutulungan niya ako na gawin iyong mashed potato.

Nagkibit-balikat ako. "Okay naman."

"Okay lang?" Tumango ako. "Hindi masaya?"

"Masaya naman."

"Penge namang konting description," sabi ni Kuya. "Ni hindi ka nga nagpopost sa kahit anong site. May kaibigan ka man lang ba 'don?"

"Meron."

"Pangalan? Picture?"

Inisa-isa ko iyong pangalan ng mga kaibigan ko roon. As for the picture, naghanap ako ng isang group shot mula sa gallery sa phone ko at saka pinakita iyon kay Kuya.

"Sino 'to?" tanong niya habang naka-turo kay George na katabi ko sa picture.

"George."

"Bakit may pag-akbay?"

"Ano naman?" I asked. At first, it was also weird for me. Hindi ako sanay na may huma-hawak sa akin. My first instinct was to push him away. I was about to tell him that it was weird, but then I noticed na ganoon si George sa lahat ng kaibigan niya. He likes to hug people as a way to say hi or goodbye. Nasabi ko na rin sa kanya iyon dati. He told me that he's sorry at na hindi niya na uulitin. I told him it's fine. Mas weird kung kapag nagkita kaming lahat ay ako lang ang hindi niya yayakapin.

"Boyfriend mo?"

"No."

"Viste pa rin?"

Kumunot ang noo ko. "Ano?"

Nagkibit-balikat si Kuya. "Aba, malay ko."

"Ang weird mo," sabi ko sa kanya kasi siya iyong biglang nagbanggit kay Chase tapos biglang aba, malay ko ang sasabihin niya sa akin.

"May boyfriend ka roon?"

"Wala."

"Weh?"

Kumunot ang noo ko. "Pumunta ako 'dun para mag-aral—bakit ako magkakaroon ng boyfriend?" tanong ko kay Kuya. Bakit ba bigla siyang naging curious sa 'love life' ko? Dati naman wala siyang pakielam. Tinatanong niya lang ako lagi kung okay ba iyong school o kung may kailangan ba ako na art materials.

Nagkibit-balikat ulit siya. "Masama ba ma-curious?"

"Oo, lalo na kung nagiging weird ka," sabi ko sa kanya.

"Tss."

"Bilisan mo na nga lang gawin 'yang patatas," sabi ko kasi baka kung ano na naman ang itanong niya sa akin.

Nagluto lang kami ni Kuya habang iyong dalawang prinsesa ay nag-iinuman ng wine. Buong pagluluto namin ni Kuya ay hindi niya ako tinanong tungkol kay Mama; hindi rin naman ako nagtanong tungkol sa kanya. After nun ay kumain na kami.

"Kamusta 'yung London? Nag-enjoy ka ba?" tanong ni Ate Niles.

"Nag-enjoy," sagot ko.

"Jowa?" tanong ni Yanyan.

"Wala."

"Sa dami ng gwapo 'dun?" she asked. Hindi ako sumagot. "Nako... May naiwan ata dito sa Pinas, noh, Niles?"

Hindi ko na lang siya pinansin at nagfocus ako sa pagkain ng steak ko. In fairness, masarap iyong pagkaka-gawa namin ni Kuya.

"Nabati mo ba?" tanong ni Yanyan. "Nagtop sa boards 'yun, ah."

Napa-tingin ako. "Talaga?" I asked.

"Hindi mo alam?" Umiling ako. "Hindi ba kayo nag-usap buong time mo sa London?" tanong niya. Napa-tingin siya kay Kuya. Napa-tingin din ako doon. "Wag mong pansinin 'yang Kuya mo," Yanyan said, waving her hand. "Naka-move on na 'yan—kung ayaw niyang sila ni Chester mag-away sa hallway ng St. Matthew's," she said habang naka-kunot ang noo ko dahil hindi ko naintindihan iyong dulong part na sinabi niya.

"Sino si Chester?" tanong ko.

"Wala," mabilis na sagot ni Kuya.

"Sus, kapatid ng crush mo!" sabi ni Yanyan.

"Crush ko?"

"May amnesia ka ba?" tanong ni Yanyan. "Si Chase Viste?"

"Ah..." sabi ko. Tumingin ako kay Kuya. "Nag-away kayo ng Kuya ni Chase?"

"Hindi, ah!" defensive bigla na sabi ni Kuya.

"Wag kang maniwala d'yan kay Yanyan, Marian," sabi ni Ate Niles.

Yanyan faked a gasp. "Anong klase kang kaibigan!" sabi niya kay Ate Niles. Inirapan lang siya ni Ate Niles at sinabi sa akin ni Ate Niles na ang nangyari daw ay nagtanong si Chase kay Kuya tungkol sa akin tapos hindi siya pinansin ni Kuya. Nakita raw nung Chester at tinanong si Kuya kung may manners ba siya dahil nakita naman daw na kinakausap tapos hindi pinapansin.

"Mukha kang tanga, Kuya," sabi ko kay Kuya nung matapos si Ate Niles sa pagku-kwento.

Kuya shrugged. "No regrets."

Umirap ako. "Wag ka ngang ganon kay Chase."

"Oh, so ngayon naaalala mo na siya?" parang gago na sabi ni Kuya. "And in my defense, hindi ko talaga siya narinig nun. May iniisip ako."

"Sige, kunwari naniniwala kami," sabi ni Yanyan.

"Di 'wag," sagot ni Kuya.

Napa-iling na lang kaming dalawa ni Ate Niles dahil minsan, hindi talaga magka-sundo si Kuya at Yanyan—parang lagi silang kailangan nasa opposite side ng argument. Pero usually, si Kuya ang natatalo lalo na kapag tungkol sa kagaguhan ang pinag-uusapan nila.

Nang matapos iyong dinner ay umalis na sila. Nag-aayos na ako ng gamit nung may kumatok. Pagbukas ko, nagulat ako na si Kuya 'yon.

"May naiwan ka?" tanong ko.

"Hinihingi ni Viste number mo—ibibigay ko ba?"

Kumunot ang noo ko. "Hiningi sa 'yo?" Tumango siya. "Close na kayo?"

Nagkibit-balikat siya. "A lot can happen in a year," sagot niya. "So, ibibigay ko ba?"

Tumango ako. "Okay," sabi ko.

"Okay," sagot niya.

"Yun lang ba?"

Tumango si Kuya. Tumitig siya sa akin. Kumunot ang noo ko. "Alam ko na kung ano iyong nagbago sa 'yo," sabi niya bigla.

"Ano?"

"You look at peace."

"I am."

He smiled and gently tousled my hair. "Good," sabi niya bago nagpaalam at magkikita pa raw kami ulit kapag nagka-time siya.

* * *

'Good morning. It's Chase,' bungad na text sa akin pagka-gising ko. Hindi agad ako nagreply doon dahil mas inuna ko iyong pagtitimpla ko ng kape. Nung maka-inom na ako ng kape, kinuha ko na iyong cellphone ko.

'Morning,' I replied.

'About the date—do you have a preferred day?' he replied after about 15 minutes.

'Wala naman. Ikaw iyong busy.'

'I can make time basta earliest ng 8PM.'

'Okay.'

'Okay what?'

'Okay ng 8PM.'

Hindi na siya nagreply pa pero after an hour, nagreply siya. Hindi na ako nagreply dahil busy siya sa duty niya at busy din ako sa pagta-trabaho. Kailangan maging maganda iyong unang piece na ididisplay ko sa exhibit.

'Can I call?' text niya around 3PM.

'Sure.'

Wala pang isang minuto ay nagvibrate iyong cellphone ko. Sinagot ko iyong tawag pagka-baba ko nung pencil ko.

"Hi," he said.

"Hello," I replied.

"I already made a reservation," sabi niya. "For our date."

"Okay. Kailan?"

"Is tomorrow good?"

"Okay."

Natahimik siya.

"Marian," bigla niyang sabi.

"Bakit?"

"I know I practically forced you with this date."

"You didn't," I said. "Kung ayoko talaga, wala kang magagawa."

"Really?"

"Yes," sagot ko sa kanya.

"Okay," sabi niya. "Para kasing ayaw mo akong kausap."

"Paano mo nasabi?"

"Ang igsi ng sagot mo."

"E answerable naman sa yes or no iyong mga tanong mo."

"Okay..." sabi niya. "If I ask you a question that requires a lengthy explanation, sasagot ka?"

"Depende kung gusto ko iyong topic."

Narinig ko iyong pagtawa niya sa kabilang linya. "Makes sense," sabi niya.

"Wala ka bang duty?"

"Meron."

"Paano mo ako natatawagan?" I asked.

"Nagtago ako sa quarters," sagot niya.

"Papagalitan ka."

"Worth it."

Natigilan ako sandali. Naramdaman ko iyong bahagyang pagbilis ng tibok ng puso ko, pero hindi iyon kagaya ng dati. Nanibago lang ako kasi ngayon ko lang siya ulit narinig na ganito. Ito iyong sinasabi sa akin ni Chloe dati na 'wag kong seseryosohin.

"Marian," bigla niyang pagtawag dahil hindi ako nakapagsalita pagkatapos niyang sabihin iyon.

"Hmm?"

"I really do like you—it's just that the timing wasn't right then."

"And it's right now?"

"Yes," he replied. "And if it's still not right, I can make it right?"

"Ang corny na."

Natawa siya. "I know," sabi niya. "That felt weird to say."

"I heard nagtop ka raw sa boards? Congrats."

"Thank you," he said.

"Tama naman pala iyong pagbasted mo sa akin."

"Hindi naman kita binasted."

"Ano'ng tawag doon?"

"Hindi ko alam."

"E 'di binasted nga."

"No," sabi niya. "Kung sinabi ko ba na hintayin mo ako after ng boards, papayag ka?"

"Papayag."

Hindi siya nakapagsalita.

Naka-receive ako ng email galing kay Mrs. Dela Riva. "Got to go," sabi ko sa kanya dahil work email iyong na-receive ko. "Text mo na lang ako kung saan tayo magkikita bukas. Bye," I added before I ended the call.

* * *

Sabi ni Chase, susunduin niya na daw ako. Pumayag ako para maka-tipid ako sa pamasahe. He texted me when he was ten minutes away kaya naman bumaba na ako. Naka-suot lang ako ng maluwag na pantalon, white polo na naka-tuck-in, black belt, at flat mules.

Nung huminto iyong sasakyan niya na white Chevrolet Trailblazer, lumapit ako roon. I heard the door unlock kaya naman binuksan ko na iyong pinto.

"Hi," I said.

"Hi," he replied. "You look... wow."

"Thank you," sagot ko sa kanya. Naka-suot siya ng black pants at black polo na naka-tupi hanggang sa gitna ng braso niya. He looked rather formal today. Naka-brush up din iyong buhok niya. For some reason, na-highlight ngayon masyado iyong pagiging chinito niya.

Sinuot ko iyong seatbelt ko. Tahimik lang ako na naka-upo roon, pero ramdam ko iyong pagtingin-tingin niya sa akin.

"May dumi ba ako sa mukha?" tanong ko sa kanya.

"Wala."

"So, gusto mo lang akong titigan?"

Napaawang iyong labi niya. "That... line sounded so familiar."

"Sinabi mo 'yan sa akin noon," sabi ko sa kanya. "Ganoon ka ba talaga magsalita o nilalandi mo na ako noon pa?"

Parang pilit na natawa siya tapos ay inilagay niya iyong kaliwang kamay niya sa may batok niya. Napa-tingin ako sa braso niya. Hindi kasing laki nung kay Kuya iyong mga braso niya, pero hindi rin siya payat. His arms looked toned enough. And I especially liked the veins on his arm on the way to his hands.

"I'd rather not say."

"Malandi ka lang talaga?" tanong ko.

"Grabe ka naman."

"I mean, kung sinasabihan mo lahat ng ganon."

"Kahit ikaw lang kina-kausap ko nung time na 'yon?"

Natigilan ako. Tumingin ako sa kalsada. Naramdaman ko na naman iyong titig niya sa akin. Narinig ko iyong mahinang pagtawa niya.

"Marian," he called.

"Ano?"

"You said you would've waited if I asked you to, but looking at you now? You look a lot better," he said. "That whole year sucked, but I'd do it again if it means you'd be this... at peace."

Napa-tingin ako sa kanya.

Naka-ngiti siya sa akin.

"Talaga?"

Tumango siya. "Definitely."

"That whole year sucked?"

He shrugged. "May sinabi ako na ganon?"

Umirap ako. "Ewan ko sa 'yo."

Tumawa siya. "We're here," sabi niya nung huminto kami sa tapat ng isang building. Hindi ko alam kung saan kami pupunta, pero sumunod na lang ako sa kanya. Paglabas namin, pumunta siya sa may likuran ng sasakyan niya. Nagulat ako nang abutan niya ako ng bouquet ng bulaklak.

"You didn't have to, but thank you," sabi ko nung tinanggap ko iyong bulaklak. It was a bouquet of pink and white roses with baby's breath.

"You said to make this date count," sabi niya. "I hope I brought my A-game," dugtong niya.

"Let's see," sabi ko.

"Kinakabahan ako," sagot niya.

"Bakit naman?"

"Kapag hindi mo ba nagustuhan, wala ng second date?"

Naka-tingin ako sa kanya. Mukha siyang kinakabahan. Naka-titig lang siya sa akin na para bang maglalaho ako.

The world has turned weird.

Chase is chasing me. 

**
This story is already at Chapter 20 on Patreon (patreon.com/beeyotch). Subscription starts at 100php per month for all stories.

If you're having any problems with your payment or if you want to pay via GCASH, you can email [email protected] for assistance. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top