Chapter 08

Chapter 08

Kita ko iyong unti-unting paglaki ng mga mata niya, iyong pag-awang ng labi niya, iyong pagkurap niya, at iyong paghagod ng mga daliri niya sa buhok niya.

"Oh, wow..." sabi niya habang naka-tingin sa akin. "Thank you, Marian."

It was my turn to have my lips part. "You're... welcome," sagot ko sa salamat niya.

Naka-tingin pa rin siya sa akin. Ibinaba niya iyong portrait at hinawakan gamit iyong kanang kamay niya. "I mean... I'm very flattered that you like me, but... I really am not looking for a relationship right now—with the boards and everything."

Kinagat ko iyong dila ko para hindi ako maka-sagot. Gusto kong sabihin sa kanya na hindi naman ako nagdedemand ng time. Hindi ko rin naman siya kukulitin. Pero dumiretso agad siya rito.

"Oh. Okay. Got it. Thanks," sabi ko gaya nung turo sa akin ni Chloe. Tumingin ako sa kanya at ngumiti.

"Marian—"

"Una na ako," sabi ko sa kanya. "Ingat ka pauwi," dagdag ko bago mabilis na tumalikod ako at naglakad pauwi. Hindi ako naiyak gaya nung sinabi ni Chloe—ang tanging nasa isip ko lang ay kailangan kong maka-uwi. Kailangan kong maka-balik sa kwarto ko. Gusto kong humiga sa kama at yakapin iyong unan ko.

Naglakad lang ako nang naglakad.

Narinig ko iyong pagtawag ni Chase sa pangalan ko, pero hindi ako lumingon—nagpanggap lang ako na bingi at walang naririnig. Kailangan ko lang maglakad nang maglakad hanggang sa makarating ako sa bahay namin.

Paghinto ko sa harap ng bahay namin, nakita ko na nandoon si Mama. Naka-tingin siya sa akin. Tapos ay tumingin siya sa likuran ko. Ibinalik niya iyong tingin niya sa akin.

"Pasok na ako," sabi ko habang nilalagpasan ko siya.

"Sino 'yun?"

"Wala."

"Bakit hawak niya 'yung painting mo?"

Hindi ako sumagot. Nagdiretso lang ako sa paglalakad papasok ng bahay. Ayokong makipag-usap sa kanya. Ayokong makipag-usap kahit kanino pa. Gusto ko lang mapag-isa.

"Ma—" I said, frustrated, nang marinig ko na sundan niya ako sa kwarto ko.

"Boyfriend mo ba 'yon?"

"Hindi."

"Bakit ganyan itsura mo? Na-basted ka?"

Huminga ako nang malalim. Nararamdaman ko na iyong paghapdi ng paligid ng mga mata ko. Hindi ko alam kung bakit ganito siya sa akin. Anak niya rin naman ako. Anak niya ba ako?

"Ampon ba ko?" tanong ko habang naka-tingin sa kanya—habang unti-unting nanlalabo iyong paningin ko.

"Anong klaseng tanong 'yan?" galit na sagot niya.

"Kasi iyon lang ang naiisip kong dahilan kung bakit ganyan ka sa 'kin? Baka hindi mo naman talaga ako anak kaya ka ganyan," sabi ko habang mabilis na pinupunasan iyong luha na tumutulo galing sa mata ko. Hindi ko alam kung ano na iyong iniiyakan ko—kung iyong nangyari kanina kay Chase o iyong galit na nararamdaman ko kay Mama na ilang taon kong tiniis.

"Kasi kung anak mo ako, bakit 'di mo na lang ako suportahan? Bakit ikaw iyong unang nanghahatak sa akin pababa, ha, Mama? Mahirap ba talagang gawin 'yon? Mas madali ba na hilahin ako pababa? Ganon ba 'yon?"

Napaawang iyong labi niya. "Aba, Marian Eliana, sumu-sobra ka na!"

"Mas sumu-sobra ka, Mama! Lagi ka na lang ganito sa 'kin! Lagi mo na lang ako kinukumpara kay Kuya, kay Celine, sa lahat ng kakilala mo! Kung ayaw mo talaga sa 'kin, sabihin mo na ngayon! Ano?"

"Aba't—"

"Gusto mo ba mamatay na ko?! Para wala ka ng problema?!"

"Marian!" sigaw niya sa akin. "Wag mo akong sigawan! Nanay mo ako!"

"Anak mo ako! Bakit hindi mo ako mahal?!"

Ramdam na ramdam ko iyong pagsikip ng dibdib ko. Halos hindi ko na siya makita dahil sa luha sa mga mata ko. Gusto ko ng umalis dito. Ayoko na dito. Sawang-sawa na ako dito.

Kinuha ko iyong bag ko at naglakad palabas.

"Saan ka pupunta?!"

Hindi ako nagsalita.

Ayoko na siyang kausap.

"Kung aalis ka ngayon, 'wag ka ng babalik!"

Hindi na talaga.

Hindi na ako babalik dito.

"Pupunta ka don sa lalaki na 'yon, Marian? Mayaman 'yon! Hindi natin ka-uri 'yon! Kailan ka ba magigising sa katotohanan?!"

Huminto ako at humarap sa kanya.

"Sana hindi na lang ako pinanganak," sabi ko sa kanya bago ako lumabas ng bahay. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Hindi ko alam kung ano ang plano ko. Naglakad lang ako nang naglakad sa ilalim ng buwan.

Hindi ko alam kung gaano ako katagal naglalakad hanggang makaramdam ako ng pagod. Kinuha ko iyong cellphone ko at tinignan kung sino ang pwede kong tawagan doon. Hindi ko pwedeng tawagan si Chloe dahil nakikitira lang din siya sa mga tita niya. Wala akong ibang kaibigan. Alam ko naman na ayaw nila sa akin dahil sa ugali ko. Hindi ko pwedeng tawagan si Kuya. Hindi ko pwedeng tawagan si Ate Niles.

"Sino 'to?"

"Si Marian," sagot ko.

"Bakit ka napa-tawag, little devil?"

Huminga ako nang malalim. "Alam ko ayaw mo sa 'kin, pero pwede mo ba akong puntahan ngayon?"

"Umiiyak ka ba?"

"Pwede mo ba akong puntahan?" sagot ko habang pinipigilan iyong paghikbi ko.

"Oo naman. Nasan ka ba ngayon?"

"Hindi ko alam."

"Nasa daan ka ba? Safe ka ba? Kung nasa daan ka, punta ka sa pinaka-malapit na 7-11 o fast food tapos text mo ako ng location mo," diretso niyang sabi sa akin.

"O-okay..."

"Tawagan ko ba—"

"Wag mong sabihin kay Kuya... Please."

"Okay... pero mag-aalala 'yon."

Hindi ako sumagot. Alam ko naman. Pero palagi na lang ba siya ang iisipin ko? Paano naman ako? Ayoko ng umuwi talaga. Mas gusto ko na lang tumira sa kalsada kaysa umuwi sa bahay.

* * *

"Thank you," sabi ko kay Yanyan nang abutan niya ako ng tubig.

"No problem," sabi niya. "Magpahinga ka na. Bukas na natin pag-usapan 'yan."

Tumango ako. "Pasensya na sa abala."

"Sus, wala 'yon," sagot niya sa akin. "Iyan 'yung kumot mo. May bagong toothbrush naman sa CR. Kapag nagutom ka, may pagkain ata sa ref. Kapag wala, pasensya muna."

"Okay..."

Tumayo siya. Tumingin siya sa akin. "Okay. Sige, good night na."

Pinilit kong matulog, pero naramdaman ko iyong pagvibrate ng cellphone ko. Nakita ko iyong pangalan ni Chase doon.

'Hey, Marian. Can I call?'

Hindi ako sumagot.

'I just want to talk. I feel really awful. Please reply kapag pwede na akong tumawag.'

Ibinaon ko sa loob ng bag ko iyong cellphone ko.

Gusto ko na lang kalimutan na nangyari iyong araw na 'to.

* * *

"Aga mo namang nagising," sabi ni Yanyan nung magka-tinginan kami nung lumabas siya ng kwarto niya.

Agad akong naupo. "Thank you ulit sa kagabi," sabi ko sa kanya.

"Welcome," sagot niya. "Umorder ako sa Mcdo. Tinatamad akong magluto."

Mcdo.

Si Chase.

Naalala ko na naman iyong nangyari.

Baka tama nga si Mama—masyado akong nangarap. Bakit naman ako magugustuhan ni Chase? Sariling nanay ko nga ay ayaw sa akin. Wala akong maipagmamalaki.

"Hindi na ako makiki-kain, nakaka-hiya."

"Ay, may hiya ka pala?" Napa-tungo ako. "Uy, joke lang! Akala ko normal na sa atin 'yung pagiging balahura."

Tumingin ako sa kanya. "Sorry sa ugali ko dati. Alam ko masama iyong ugali ko. Sorry."

"Uy, Marian, ano'ng nangyayari sa 'yo? Kinakabahan ako sa 'yong bata ka."

Umiling ako. Ramdam ko iyong pagsikip ng dibdib ko. Naiinis ako na naiiyak na naman ako. Hindi pa ba 'to tapos? Kagabi pa ako umiiyak.

"Okay lang ako."

"Anong okay? Kagabi ka pa umiiyak," sabi niya sa akin at inabutan ako ng tissue at baso ng tubig. "Ano ba 'yang problema mo? Gusto mo magshare?"

Umiling ako.

"Okay," sabi niya. "Pero maghanap ka ng sasabihan mo, kahit sino. Masama 'yang ganyan na sina-sarili."

Tumango ako.

"Good," sabi niya. "Kumain ka muna. Naka-order na ako."

Tahimik kaming kumain nung dumating iyong order niya. Pagkatapos nun, nagpaalam na ako para pumunta sa school, pero sabi ni Yanyan na maligo muna ako para maging presko iyong pakiramdam ko. After ko maligo, papasok na rin siya sa trabaho kaya hinatid niya na ako sa school.

"Thank you," sabi ko nung maka-rating kami sa school. "Wag mo na lang sabihin kay Kuya na nakita mo ako."

Tumango siya. "Magtext ka 'dun, though. Mag-aalala 'yon."

"Okay," sabi ko. Magtetext ako kapag okay na ako. Ngayon, gusto ko lang kalimutan iyong nangyari kagabi. Gusto ko lang maging busy.

Dumiretso ako sa locker ko at inilagay iyong ibang gamit ko roon. Nanghiram ako ng canvas kay Chloe at sinabi ko na babayaran ko na lang. Nung tinanong niya ako kung ano nangyari doon sa natapos kong portrait, hindi ako nakapagsalita. Tinapik niya lang iyong balikat ko at hinayaan ako nag magdrawing.

Ayokong idrawing iyong mukha niya, pero hindi ko maalis sa isip ko iyong itsura niya kagabi nung marinig niya na sabihin ko na gusto ko siya—iyong pagka-bigla at pag-aalala sa mukha niya... iyong takot. Bakit? Dahil ba kapatid ako ni Dr. Nicolas? Takot ba siya dahil baka sabihin ko kay Kuya at baka magalit sa kanya? Iyon ba iyong dahilan sa reaksyon niya kagabi?

Hindi ako nakaramdam ng gutom. Binigyan ako ni Chloe ng pagkain, pero hindi ko makuhang kainin 'yon. Madilim na sa labas nung matapos ako. Bukas ko na lang itutuloy. Deadline na sa isang araw. Makaka-graduate din ako. Kahit ito man lang magawa ko.

Nagcheck-in ako sa murang hotel para doon magpa-lipas ng gabi. Bukas ako maghananap ng matitirhan ko pansamantala. Hindi ako hihingi ng tulong kay Kuya dahil alam ko na isusumbat sa akin ni Mama 'yon. Pinatay ko iyong cellphone ko dahil may text na naman galing kay Chase. Ayokong basahin. Nakaka-pagod maka-basa ng sorry galing sa tao na sinabihan mo na gusto mo siya.

Kinabukasan, dumiretso ako sa school. Tinapos ko iyong drawing ko at sinimulan kong magkulay. Napadaan iyong adviser ko.

"Iba 'to sa ginagawa mo noon," sabi niya.

"Nawala po 'yung una," sagot ko.

"Mas maganda 'to," she said. "This feels different than your other works, Marian. This looks... almost haunting."

"Thank you po."

"Galingan mo—ieexhibit lahat ng portraits niyo. Who knows? This might open an opportunity for you."

Sana.

Sana iyong malayo para maka-alis na ako rito.

Nang magdilim na, lumabas na ako para bumalik sa hotel. Nagbayad ako para sa isang linggo na stay. Kailangan kong matapos muna iyong portrait ko. Maghahanap ako ng apartment. Magoonline job muna ako. May ipon naman ako—sapat na 'yon para sa dalawang buwan.

Tumawag bigla si Kuya. Tinignan ko lang iyon hanggang sa mamatay iyong tawag. Tumawag ulit siya. Naka-limang tawag siya bago ako maka-tanggap ng text.

'Nasaan ka? Sumagot ka sa tawag.'

'Sabi ni Mama naglayas ka raw dahil sa lalaki. Si Viste ba 'yon? Kasama mo ba siya ngayon?'

Ampon nga siguro talaga ako.

'Kung 'di ka sasagot, Marian, pupuntahan ko 'yang si Viste sa bahay nila.'

Kapag pumunta siya roon, iisipin ni Chase na nagsumbong ako kay Kuya—iisipin niya na sinisira ko iyong pangarap niya.

'Wala ako don.'

Tumawag si Kuya.

"Nasaan ka?"

"Basta."

"Anong basta? Nasaan ka, Marian?"

"Okay lang ako," sabi ko sa kanya. "Okay lang ako, Kuya."

"Marian—"

"Magiging okay din ako, promise..." sabi ko tapos ay huminga ako nang malalim. "Wag mo na akong hanapin, okay? Hindi naman ako aalis ng 'di nagpapaalam sa 'yo," dugtong ko bago tinapos iyong tawag. 

**
This story is already at Chapter 13 on Patreon (patreon.com/beeyotch). Subscription starts at 100php per month for all stories.

If you're having any problems with your payment or if you want to pay via GCASH, you can email [email protected] for assistance. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top