Chapter 8
Nagising akong mabigat pa rin ang loob.
Matapos nang naging sagutan naming dalawa ng kapatid ko kagabi. Parang ayoko na lang lumabas ng kuwartong ito.
Nagawa ko naman ngayong umaga dahil hindi ko talaga kayang humarap pa sa kaniya. Kaya ang mga katulong na lang ang nagdala ng pagkain ko rito sa bahay.
Naisip kong araw na rin pala ng Sabado, ito yung nakatakdang araw sana na puwede na akong makilala ng mga tao bilang anak nina Kyle at Adelaide Morrigan. Pero naisip ko ring tama ang kapatid ko, mapapahiya ko lang ang pamilya namin dahil sa mga mata ko.
Pinatay ko ang gripo matapos kong maghilamos at agad na kinuha ang maliit na tuwalya na nakatupi sa may sink.
Matapos punasan ang mukha ay napatigil ako nang makita ang itsura ko. Namamaga ang dalawang mata ko dulot ng pag iyak sa sagutan namin ni Ate kagabi.
Muli ko na namang naalala ang mga naging salita niya. At habang sinasabi niya iyon, hindi maiwasang sumagi sa isipan ko ang dahilan kung bakit ganito na lang ako kadisgusto ng mga tao sa paligid namin ngayon.
"Ate Karina!" tawag ko sa kapatid ko nang mamataan ko siya sa gymnasium. Hawak-hawak ko ang lunchbox niyang pinadala ni Mommy.
Lumawak ang ngiti niya nang lingunin ako at nagtama ang paningin namin. Naglalaro sila ng volleyball. P.E. ang subject nila ngayong oras na 'to.
Nagtawag naman ng break ang teacher nila kaya masaya siyang tumakbo palapit sa akin.
"Oh, Keres! Bakit nandito ka? Ano pala 'yang dala mo?"
Ngumiti ako at inabot sa kaniya ang lunchbox na pinadala ni mommy sa akin. "Nakalimutan mo po, Ate, itong baunan mo kaya dinala ko para sa 'yo."
Agad siyang natuwa at ginulo ang buhok ko. "Thank you, sis."
"Karina, sino 'yan? Kapatid mo?" tanong ng bagong dating na babae, may dalawa pang babae siyang kasama na nasa likod niya. Lahat sila ay nakahalukipkip sa harapan namin.
Nanatili ang ngiti ko habang nakatingin sa kanila nang pagmasdan ako ni ate Karina na para bang nadestruct siya sa presensya ng tatlong babae sa harapan namin.
"Hindi," mabilis na sagot ng kapatid ko. "Katulong namin . . . siya."
Umawang ang labi ko. Hindi ko maintindihan kung bakit niya ako itinanggi.
Nang lingunin niya ako ay parang nagdarasal siya na um-oo na lang ako at sakyan ang ideya niya na ginawa ko naman. "Uh, opo . . . katulong nila ako."
Pinagmasdan ako ng babae mula ulo hanggang paa at hindi ko maiwasang hindi makaramdam ng panliliit sa sarili ko.
"She looks like a monster. Look at her eyes. It’s creeping me out," puna ng babaeng nag-approach sa amin.
Napalunok ang kapatid ko at tumingin sa akin. "I agree. Kung papipiliin ako between beast of beauty and the beast—I’d rather go for that monster than this girl in front of me. Dahil iyon, natatanggal pa ang curse sa kaniya habang ang babaeng ito . . . nevermind."
Dahil sa sinabi niyang iyon, nagtawanan sila ng mga kaibigan niya.
Hindi ko makakalimutan ang araw na 'yon dahil iyon din ang araw kung saan nag-umpisa ko nang tanggapin ang iba't ibang kritisismo sa pagkakaroon ng matang meron ako ngayon.
Iyon na rin siguro ang araw na masasabi kong nagbukas ng panibagong simula para sa akin—ang mabuksan ang mga mata sa reyalidad ng mundo.
Bumalik lamang ako sa reyalidad nang marinig kong bumukas ang pinto at nagpakita sa akin si Kuya Kiro. Inilibot niya muna ang tingin sa buong kuwarto ko bago nagtama ang paningin namin. Nagbago kaagad ang modo ko.
"Keres!"
"Kuya," bati ko.
Muli kong tiningnan ang itsura ko sa salamin bago isinabit ang maliit na tuwalya sa sabitan sa loob ng cr ng kuwarto ko at sinalubong ang isa pang nakatatandang kapatid. Si Kuya Kiro. Ang kakampi ko sa lahat.
"Bakit parang hindi ka yata masayang makita ako?"
Ngumiti lang ako sabay yakap sa kaniya. Agad akong nakaramdam ng gaan dahil ilang buwan din simula nang hindi kami magkita.
"Nagti-text at chat naman tayo. Overreaction ka lang," sabi ko.
Pinitik niya ang ulo ko. "Sira. Siyempre, ibang usapan pa rin ngayong kaharap kita 'no."
Natawa naman ako. Kung puwede lang hilingin na sana nandito lang siya parati sa bahay pero alam kong magiging mabigat hilingin iyon sa kaniya dahil masiyado na silang nasira ng mga magulang ko.
Umangat ang tingin ko sa kaniya. "Buti naman po nakapunta ka, Kuya?"
Bumuga siya ng hangin at humiwalay sa akin. "Hmm. Sabi kasi ni Daddy, ngayong araw na yung ipinangako niya sa aking ipapakilala ka sa lahat."
"Huh?"
"Oo," natutuwa niyang balita. "Ipapakilala ka na ni Daddy sa lahat bilang bunsong Morrigan. Sabi ko kasi hindi ako magpapakita sa start ng campaign period niya kapag hindi niya tutuparin ang pangakong ito sa akin."
Natutop ako. "Pero Kuya . . ."
"This is what I’ve promised you, right? I’ll protect you. Kahit pa wala na ako sa pamamahay na 'to."
Madali kong pinunasan ang luhang tumulo sa pisngi ko nang marinig ang mga sinabi niya. Sa aming tatlong magkakapatid, simula noong hindi na namin magawang magpansinan ni Ate Karina ay parating si Kuya Kiro na lamang ang parating nandiyan sa tabi ko.
Hindi niya ako kailanman iniwanan. Maliban na lang noong napuno na siya sa mga salitang binibitiwan sa kaniya ng mga magulang namin ay pinili niyang umalis na lamang.
"Pero hindi ko alam kung kaya ko bang gawin 'to, Kuya." Umiling ako. "Hindi ko po talaga kayang gawin ito."
"What do you mean, Keres? Bakit hindi mo kaya?"
Huminga ako nang malalim. "Ayaw ni Ate Karina na maging hadlang ako sa tagumpay ng magulang natin. At naiintindihan ko siya doon. Hindi natin mapipilit ang mga taong gustuhin ako at baka maging dahilan pa iyon para masira ang pangalan natin—hindi iyon magugustuhan nila Daddy."
Nangunot ang noo niya. Tila hindi makuha ang gusto kong ipunto. Maski ako rin naman. Kaya wala na rin akong tiwala sa mga sarili kong desisyon.
"Anong ibig mong sabihin?"
Muling bumukas ang pintuan at iniluwa naman nito si Manang. Halata sa mukha niya ang pagkamangha nang makita si kuya. Siya kasi ang paboritong alaga ni Manang.
"Kiro, anak. Kailan ka pa dumating?"
Nginitian naman siya ni Kuya. "Kani-kanina lang po, Manang. Binisita ko lang si Keres rito sa kuwarto niya."
Sinilip naman ako ni Manang at isang maliit na ngiti ang iginawad ko sa kaniya.
"Nasa baba na ang mga magulang ninyo. Hinahanap ka, Kiro."
Kaagad na nag iba ang timpla ng mukha ni kuya. Kahit na ayoko pa muna ay tinapik ko na ang balikat niya, sinesenyasan siyang sundin na ang sinabi ni Manang.
"Susunod ka ba?" tanong niya pa.
Tumango lamang ako para naman hindi siya magtaka sa ikinikilos ko. Aalis kasi ako ngayong araw. Sa utos ng kapatid ko, upang hindi makagulo sa party na magaganap ngayon.
Nang sumarado ang pinto ay kaagad akong pinigilan ni Manang nang akma akong papasok muli ng banyo upang maligo.
"Narinig ko ang pinag-usapan ninyo ng Ate Karina mo noong nakaraang gabi. Papayag ka bang sundin siya, Keres? Alam kong nasabi na sa 'yo ng Kuya mo ang totoong dahilan kung bakit nandito siya, hindi ba?"
Natigilan naman ako. Isa si Manang sa nakakaalam ng situwasyon namin ni Ate Karina sa pamamahay na 'to. Dahil parehas naman kaming naiiwan din ay talagang hindi maiwasan na maririnig ng ibang kasambahay ang kung ano mang pinagtatalunan namin—kung pagtatalo nga iyon dahil hindi ko naman naalala ang sarili kong parati siyang sinasagot-sagot tulad ng kagabi.
"Manang, may punto naman po ang Ate Karina. Baka imbes na manalo pa si Daddy bilang gobernador ay masira pa ang pangalan ng Morrigan dahil sa akin."
Bumuntonghininga siya. "Hindi talaga kita maintindihan, hija. Kung hindi mo magawang tanggapin ang sarili mo, sino sa tingin mo ang tatanggap sa iyo?"
Hindi ako nakapagsalita sa sinabi ni Manang. Paano niya nasabing hindi ko tanggap ang sarili ko? E hindi naman ako yung ibang tao na mababa ang tingin sa akin.
"Pero masasabi ko ring kasalanan nina Adelaide ang nangyayari sa iyo ngayon. Masiyado kang nakikinig sa sinasabi ng iba dahil iyon ang ipinakita sa iyo ng Ate Karina mo, ang pagiging matimbang ng opinyon ng ibang tao tungkol sa sarili mo."
Napalunok ako. Siguro nga ay may kasalanan din talaga ang mga magulang ko. Pero alam kong kasalanan ko rin dahil hinahayaan ko ang ibang tao na pagsalitaan ako at tratuhin ng ganito.
"'Wag na lang po nating isisi sa kanila lahat, Manang. Ayos lang din naman po ako. May kailangan din akong puntahan ngayong araw," sabi ko na lang.
Napailing siya sa akin at hinila ako upang yakapin. Agad kong ibinaon ang mukha ko sa kaniyang leeg. Ang yakap ng isang ina ay madalas kong maramdaman sa kaniya.
Napaisip ako, kailan ang huling pagkakataon na naranasan kong mayakap ni mommy ng ganito?
"Hindi ka ipinanganak para mag please ng ibang tao, Keres. Ipinanganak ka para maging ikaw. Palagi mong tatandaan iyan, hija."
Tinanguan ko lamang siya at tuluyan nang tumalikod para makapaghanda na.
May isang lugar akong sa tingin ko ay kailangan kong puntahan kahit hindi ako sigurado kung matatanggap ba ako doon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top