Chapter 7

Hindi ko malaman kung dapat ko bang ipagpasalamat na masiyadong nasa trabaho ang atensyon ng mga magulang ko pero kailangang maabutan ko ang kapatid ko sa pag-uwi ko.

"May plano ka pa palang umuwi. Kailangan nating mag usap."

Iyon ang bungad na salita sa akin ni ate Karina bago ko natagpuan ang sarili kong nasa opisina ni daddy kung saan nakaupo siya sa lamesa nito.

"Ano itong narinig kong issue mo na naman sa eskuwelahan, ha, Keres? Hanggang kailan mo ba balak na maging pabigat sa pamilyang 'to?"

Kung meron mang kayang paiyakin ako sa mga salita niya na hindi man lang kumukurap—si Ate Karina na iyon. Siguro dahil minsan na rin kaming naging malapit sa isa't isa at ngayong malalaki na kami ay saka niya lang narealize kung gaano ako kamalas sa pamilya namin.

"Alam mo bang binalak kang ipadala sa Youth Detention Center ng mga pulis na 'yon kung hindi ka lang naisalba ni Daddy? At ang mga magulang na naman natin ang nagliligpit ng kalat mo, Keres. Wala ka na ba talagang hiya?"

Ang pagkakaalala ko, elementary days naming dalawa iyon. I was my sister’s favorite best friend and now what? Nakakaya na niya akong pagsalitaan ng ganito...at higit pa.

"Ano? Tutulala ka na lang ba diyan? Hindi ka na magsasalita?"

Pagod ko siyang tiningnan. "Kapag ba ipinaliwanag ko ang sarili ko, Ate, may magbabago ba? Pakikinggan mo ba ako?"

Natigilan siya ngunit agad ding nakabawi. Ganoon naman siya parati. Pakiramdam ko talagang dumadating naman siya sa puntong naiintindihan niya talaga ako pero kailangan niya pang ilaban 'yon sa sarili niya dahil sa mga nangyari sa kaniya noon na dahil rin naman sa akin.

"Bakit ka pa pakikinggan kung alam mo namang mali ka? Hindi ko hinihingi ang eksplenasyon mo o ang rason mo sa gawaing ito. Pero ano na namang pumasok sa isip mo at ngayon ka pa gagawa ng ganitong gulo?"

"Then, what’s the point of talking?" tanong ko. "Kung may conclusion ka na pala. At kung gusto mong sagutin ko yang pang huling tanong mo—sapat na ba ang sagot na walang pinipili ang parusa? Na kahit wala kang ginagawang mali, dapat ikaw pa rin ang mali dahil iyon naman ang nakikita nila?"

Kumunot ang noo niya. "Anong sinasabi mo?"

"I wasn’t the one who did it, Ate. Kung iyan ang gusto mong marinig. Bakit ko sasayangin ang oras kong mambully ng iba kung ako nga, hindi ko magawang ipagtanggol ang sarili ko sa mga taong nambubully sa akin? Ganoon na ba ako katapang?" sabi ko pa.

Kung meron mang taong talagang nakakakilala sa akin. Ang kapatid ko rin na si Karina ang pangalan na maisasagot ko.

Pero hindi niya lang magawang maisip 'yon.

Alam kong naiisip niya rin 'yon pero masiyadong matayog ang pride niya para pansinin pa ang bagay na 'yon na nagreresulta sa akin na mapagod nang suyuin siya.

Kasi bakit pa?

Siya na rin mismo ang nagtataboy sa akin.

Isa rin naman siya sa mga taong hindi ko kayang tagalan titigan sa mga mata. Dahil habang tumatagal . . . wala akong ibang makita kundi ang pagpapanggap niya sa kung ano na siya ngayon. At ayoko no'n.

"Bakit kita paniniwalaan? Alam mo bang ang Principal niyo na rin mismo nagsabi na sinampal mo ang anak niyang kaklase mo pala? What was her name again? Airi Mendeval?"

Natawa ako. "So, kahit hanggang sa mga magulang natin—nagki-claim silang ako ang nanakit? Pero kagaya nga ng sabi ko, ano pang punto ng lahat ng ito kung wala namang naniniwala sa akin?"

"Dahil sa ugaling pinapakita mo ngayon!" Dinuro niya ako. "Sa tingin mo sa pagmamaangas mong sagut-sagotin ako ngayon, may mapapala kang simpatya?"

"At pagsagot-sagot na lang ba ang tingin mo sa page-explain ko ng side ko? Ganiyan ka naman palagi, e. Kaya tinatamad na akong magsabi sa 'yo o magsalita patungkol sa opinyon ko sa situwasyon na 'to. Kasi ano bang mapapala ko? Wala. Hindi mo naman ako maiintindihan."

Napaawang ang labi niya. Napatayo siya sa pagkakaupo niya sa lamesa at lumapit sa akin. Hindi ako nakapalag nang itulak niya ako sa dibdib. Wala na ring ibang pumapasok sa isipan ko kundi ang ginagawa sa akin ni Airi at ng mga kaibigan niya.

"Bakit? Sino ka ba para intindihin? Sino ka ba para kampihan? That’s your karma for ruining my life, Keres! You deserved it!"

Kinagat ko ang pang ibabang labi ko nang tumama ang likod ko sa pinto.

"Ngayon mo sagutin ang tanong ko. Sino ka? Para pagbigyan sa mga bagay na hindi mo kailanman ibinigay sa akin? Sagot!" wika niya.

Wala akong ibang gustong gawin kundi ang umalis na lang sa harapan niya. Alam kong kahit na anong gawin ko ay wala rin namang saysay dahil kailan ba niya pinakinggan ang opinyon ko? Nila? Hindi. Hindi kailanman.

Pero hindi ko isinumbat sa kanila 'yon sa pag-aakalang baka nga may kasalanan ako. Baka nga pagkukulang ko rin 'yon. Pero hindi, e. Kaya ang sakit-sakit.

Dahil kahit kailan, walang tumingin sa mga mata ko kagaya ng kung paano ko sila tingnan.

"Get your act together, Keres." Tinulak niya ang noo ko. "Alam mo kung bakit walang naniniwala sa 'yo?"

Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa dalawang mata ko at wala akong ibang makita sa repleksyon niya sa akin kundi pagkamuhi. "Dahil tama sila . . . halimaw ka."

Mas lalo akong napanghinaan ng loob.
Kung totoo mang nage-exist ang time machine sa mundo, puwede bang pakibalik ako sa panahon kung saan ayos pa ang lahat?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top