Chapter 6
"Anong ginagawa mo sa rooftop at bakit ka nandoon?"
Bumuntonghininga ako. Pang ilang beses na ba nila akong tinanong niyan? Parehong sagot pa rin naman ang ibibigay ko.
"Umakyat po ako doon dahil pinagtutulungan ako sa classroom namin ng mga kaklase ko. Hindi niyo pa rin naman po ako paniniwalaan, hindi ba?"
Napakamot sa ulo ang police officer na siyang ipinadala ng town police namin. Kanina pa may pumuntang ambulansya upang kuhanin ang katawan ng babaeng Elysha pala ang pangalan—ayon sa pulis na kaharap ko.
Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin nakakalimutan ang mga sinabi sa akin ni Elysha. Yung sakit sa mga mata niya habang sinasabi niya kung gaano na siya kahirap na hirap at kung gaano na niya gustong tapusin ang lahat.
Kabaligtaran sa pagkahumaling ko sa mga mata ko ang pagkaayaw ko naman sa mga mata ng mga taong nasa paligid ko.
Iba't ibang klase ng mga mata at pananaw ang nakakasalamuha ko araw-araw. At kahit isa sa mga iyon, hindi ko madetermina kung ano ang totoo sa peke. At ang klase ng sakit na ipinakita niya sa akin kanina ay ang klase ng sakit na hinding-hindi makakalimutan ng utak at damdamin ko sa mahabang panahon.
"'Yang mga pasa mo ba sa katawan, e nakuha mo sa mga kaklase mo? Hindi halata, hija. Babae ang mga kaklase mo—"
"Sinipa po nila ako. Tinulak sa semento. At tinakot kagabi nang ipasok nila ako sa isang abandonadong classroom rito sa eskuwelahan namin. Nagsasabi po ako ng totoo. Pero kung hindi niyo rin naman po ako paniniwalaan, ano pa pong silbi ng mga sagot ko?" pagod kong wika.
Kanina pa kami nasa loob ng student council room at pinapaikot lang din naman niya ang usapan dahil ayaw niyang maniwala kung sino ang gumawa nito sa akin.
"Sigurado ka bang si Airi Mendeval ang gumawa sa 'yo nito?"
Kumuyom ang kamao ko. "Opo."
Napalingon ako sa sliding window ng student council room. Nasa labas no'n ay ang principal namin kasama si Airi na ngayon ay nakatitig na rin sa akin ngayon. Malawak ang ngisi sa kaniyang labi na nagsasabing nagtagumpay na naman siya sa parteng ito.
Iniwan kasi nila ako sa rooftop kanina matapos nilang bumawi sa akin ng mga kaibigan niya. Wala ako sa sarili ko dahil hindi magawang tanggapin ng utak kong may namatay lang naman sa harapan ko.
Kahit anong gawin kong pagpikit at pilit na kalimutan ay hindi ko magawang dumilat na hindi naiisip ang mukha ni Airi na may malaking ngiti ngayon.
"Kritikal ngayon ang lagay ni Elysha Silvenia. Kapag nagising siya o kapag pumunta rito ang mga magulang niya saka natin pag-uusapan ang tungkol sa 'yo."
Hindi ko na lang pinansin ang mga sinabi niya. Kahit naman anong paliwanag ko ay hindi siya maniniwalang biktima rin ako na ang totoong may kasalanan ng lahat ng ito ay nasa labas lamang ng kuwartong ito at hinimay-himay ang pagkatao ko sa pamamagitan ng titig niya.
Kung may mga mata mang hindi ko kakayaning tagalan—kay Airi na 'yon. Dahil hindi ko maiwasang hindi siya tingnan ng may pandidiri at awa lalo na sa mga aksyon niya ngayon.
Alam kong tuwang-tuwa na naman siya dahil hindi simpleng gulo itong pinasok ko. Hindi ko rin naman totoong ginawa eh. Wala lang talagang naniniwala.
Kailan ba nagkaroon?
Lumabas ang police officer ng student council room kaya medyo nakahinga ako nang maluwag. Ito ang pangalawang beses na nasasakal akong tumagal kumausap ng isang tao maliban kay Airi. Siguro nga naging malaki na ang lamat ng pagkatao ko dulot ni Airi.
"Poor Keres."
Hindi ko na kailangan pang manghula dahil boses pa lamang, alam kong si Airi na ang pumasok ng kuwarto. Malamig ang simoy ng hangin dahil sa dalawang aircon na nasa loob ng council room. Walang ibang tao maliban sa aming dalawa.
"Ngayon hindi ka na lang outcast. Perpetrator pa. Ibang klase rin ang level up mo, ha?"
"Wala akong panahon sa 'yo kaya lubayan mo ako."
Narinig ko ang tawa niya at gusto ko na lang siyang layasan dahil naririndi ako sa kaniya.
"At may gana ka pang magmatapang sa situwasyon mo ngayon. Tingnan mo kung saan ka dinala ng pagmamatapang mo—sa kulungan. Or sa girls town? Saan mo mas bet?"
Wala akong panahon sa kaniya, paulit-ulit kong sambit sa utak ko.
Pinanatili ko ang ulo kong nakayuko at nakakuyom ang kamao sa ilalim ng lamesa. Magsasawa naman siguro siya.
Narinig ko ang sapatos niyang tumunog hudyat na palapit siya sa gilid ko. Agad akong nagpikit ng mga mata. Ayokong makita kahit man lang ang anino niya.
Masiyado akong nandidiri sa pagkatao niya.
"Bakit hindi ka na makatingin ngayon? Takot ka na bang mahuli sa sarili mong mga mata? Yang mga mata mong napaka pangit?" pagsasalita niya sa harapan ko.
Hindi ako nagsalita.
"Kita mo? Ako lang yung may pakialam sa 'yo pero ganito ka makitungo sa akin. Parang napaka unfair mo naman yata," pagpapatuloy niya. "Sa tingin mo ba may maniniwala sa 'yong sinasaktan kita o sa sinasabi mong babaeng nagsuicide dahil sa akin? Ha! Think again, Keres." Hinila niya ang baba ko kaya napariin ang pagtikom ko ng labi.
Isa . . . dalawa . . . tatlo, paulit-ulit kong bilang sa isipan ko upang kumalma ako.
"Para namang hindi mo ako kilala? I'm Airi Mendeval, the daughter of Principal Hans Mendeval. The class president. A top achiever. Elegant and sophisticated. Sinong tangang maniniwala sa 'yong bully ako?" Piniga niya ang pisngi ko dahilan para madilat ako ng mga mata.
Gusto kong matawa dahil halata sa mga mata niya ang pagkainis. Nawala lang nang makitang nagsalubong na ang mga mata namin. Saglit ko siyang tinitigan. Inisip ko kung may mga nakaligtaan ba ako na tungkol sa kaniya at maaaring dahilan kung bakit siya naging ganitong klaseng tao ngayon. Pero kahit anong gawin kong pagtitig ay wala akong ibang makitang dahilan para maging ganito siyang nakakaawa sa paningin ko ngayon.
"Should I correct it for you, then?" patuya kong wika. "Yes, you’re that Airi Mendeval in other people’s eyes. But for me, you’re no other than Airi Mendeval, a bully, a hoodlum, who wants nothing but attention. In other words, gumagawa ka ng sarili mong krimen dahil kulang ka sa atensyon."
Alam kong pagsisisihan ko lahat ng mga sinabi ko ngayon.
Nanlaki ang mata niya kasabay nun ay ang paglipad ng kamay niya sa pisngi ko. Napahawak na lamang ako sa aking pisngi at hinarap siya na walang emosyon.
"How dare you? Ikaw? Ikaw pa na isang halimaw at malas sa buhay ko ang magsasabi ng mga salitang 'yan sa akin? Wala kang alam sa akin, Keres!"
Ngumisi ako. "Meron."
Ibinaba ko ang kamay kong nakahawak sa pisngi kong sinampal niya at humilig sa kaniya. "Nakakaawa ka."
Tumayo na ako sa kinauupuan ko at muli siyang binangga sa pagkakataong ito.
Hanggang kailan ko magagawang maging matapang sa harapan niya pero wasak na wasak naman ang kalooban ko sa mga salitang binitiwan niya at mga ginawa nila sa akin ng mga kaibigan niya?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top