Chapter 4
Napabangon ako nang marinig ang kakaibang tunog na nagmumula sa labas ng kuwarto.
Napalingon ako sa night stand at pinulot doon ang telepono kong nakalapag—naiwan ko pala ito kaninang umaga kaya hindi ko dala sa eskuwelahan—nakita kong alas tres pa lamang ng umaga.
Bumuga ako ng hangin. Hindi ako sanay na nakapatay ang ilaw kapag natutulog dahil nga sa takot ko sa dilim.
Halos mapaigtad ako nang may kumalabog sa pintuan.
Wala lang 'yan, Keres. Wag mong pansinin, pangungumbinse ng isang parte ng utak ko.
Sino bang nasa matinong pag-iisip ang kakatok ng ganitong oras, hindi ba? Wala. Wala lang 'yan . . .
Hindi. Hindi siya wala lang. Dahil tulad nang naranasan ko kanina ay unti-unting bumukas ang pinto ng kuwarto ko. Wala akong narinig na susing sinubukang ipangbukas sadyang nabuksan lang.
Maagap kong pinulot ang telepono at akmang tatawagan si Kuya Kiro ng mag-shut down ang telepono ko.
"Keres . . ."
Hindi na ako nagkaroon pa ng panahong tumawag sa kahit na sino nang marinig ang malamig na boses na 'yon. Halatang dala ng hangin. Halatang hindi normal na boses.
Mabilis akong humilata sa kama at nagtalukbong.
"Keres . . ."
Pinilit kong matulog. Mariin akong nagpikit ng mga mata hanggang sa napasigaw ako sa humawak ng paa ko dahilan muli akong mapabangon at sumalubong sa akin ang maliwanag na sinag ng araw.
Masiyadong mabilis ang tibok ng puso ko at kahit malamig sa kuwarto ay ramdam ko ang pamamawis ko.
"Ma'am Keres, Ma'am! Ayos lang po ba kayo?"
Naging malikot ang mga mata ko at natagpuan ang titig ng mga katulong na naghahanda ng kuwarto ko. Binuksan na rin pala ang kurtina kung kaya't natamaan na ako ng sinag ng araw.
"Ma'am, ano pong nangyari?"
Napabaling ako sa katulong na siyang nakahawak sa paa ko. "Wala po, Ate . . ."
"Binabangungot po kayo, Ma'am. Kanina pa po namin kayo sinusubukang gisingin," malumanay na wika niya.
Hinawakan ko lamang ang dibdib ko at muling napapikit hanggang sa maging kalmado ako.
"Salamat po . . ."
Hindi na siguro talaga ako tatantanan pa ng takot na nararamdaman ko.
—
M
aaga akong pumasok ng araw na 'yon.
Mukha ring kahit sa sariling tahanan ko ay hindi ko na magawang magtiwalang walang masamang mangyayari sa akin.
Naniniwala na rin akong kadikit na talaga ng malas ang pangalan ko dahil sa sunod-sunod na masamang pangyayari ang nararanasan ko.
"Ang lakas din ng loob ni Keres na pumasok."
"Balita ko, nakulong daw siya sa abandoned building kagabi tapos umuwing takot na takot."
"Talaga? Ang tanga naman niya para pumasok doon. E alam naman niyang abandoned nga."
"Gaga, barkada kasi nila Airi yung nagkulong sa kanya r'on."
"Ay, sina Airi? Kaya pala . . . buti buhay pa siya?"
Ilan lang yan sa mga usap-usapang pinatatagos ko sa kabilang tainga matapos kong marinig. Wala na rin akong lakas pang pakinggan ang kung anumang sasabihin nila dahil sa panaginip ko palang kagabi ay pagod na ako.
Wala akong dalang bag ngayong araw dahil nga naiwan ko kagabi sa classroom. Ngunit pagpasok na pagpasok ko pa lamang ay bumungad na sa akin ang grupo ni Airi na pinagtitripan ang mga gamit ko.
"Oh my gosh, high school ba talaga siya?" Humagalpak sila ng tawa habang hawak-hawak ang pencil case ko.
Nilibot ko ang tingin sa buong classroom at nakitang tahimik ang lahat. Malamang, kailan pa ba sila nagkaroon ng boses na magsalita para sa kapwa nila?
Bukas nga ang mga mata nila para tuklasan lahat ng pangyayari sa kapwa nila pero tikom naman ang mga bibig pagdating sa katotohanan.
Natigilan lamang ako nang makita ang tingin ng lahat sa akin. Yun naman pala, nakatingin na rin sa akin sina Airi.
Malaki ang ngisi na nasa labi niya. "Pumasok na ang loser natin."
Bumuga lang ako ng hininga at parang dala-dala ng hangin na naglakad patungo sa kanila. Nagbigay sila ng daan at sinimulan ko nang pulutin ang mga gamit kong pinagtripan nila.
"Kamusta naman, Keres? Masaya ba ang free ticket sa haunted classroom kagabi?"
Nagtawanan sila. Pinigilan kong magsalita kahit pa gustong-gusto ko na siyang pagsalitaan sa panlalampas niya ng linya.
Hindi na tama ang ginagawa niya.
Pero kailan ba naging mali?
Sa mata ng lahat, siya pa rin naman ang tama. Siya pa rin ang reyna. At ang sinusunod ng lahat.
At ang katotohanang lahat ng tungkol sa kanya ay mali ay hindi kailanman tatanggapin ng lipunang ito.
Hindi kahit lumuha pa ako ng dugo.
"Bakit hindi ka sumasagot? Naputulan ka na ba ng dila?" tanong niyang muli.
"Baka naman pinutol na ng halimaw, Airi. Pero sinong halimaw ang puputol?"
Tumigil ako sa paglalagay ng gamit sa bag ko. Nakapalibot sila sa akin at kaunti na lang ay mabibingi na rin ako sa tawanan nila.
"Puwede bang tumigil na kayo?" lakas loob na paki-usap ko.
"Ano raw? Tumigil? Sino?"
"Sinong gusto mong tumigil, Keres?"
Huminga ako nang malalim. "Kayo . . . tumigil na . . ."
Pero mukhang hindi yata nila narinig dahil humagalpak lang sila ng tawa.
"Nandiyan pa naman ang dila. Pero yung lakas ng loob, tinakasan na siya, Airi," pagtawa ni Irene.
Nanlalabo ang paningin ko kaya kumurap-kurap ako. Wala akong ibang marinig kundi ang tawanan. At kahit yung mga taong walang pakialam sa issue namin ay nakikita kong pinagtatawanan ako.
Bakit nila ginagawa sa akin ito?
Wala naman akong masamang ginagawa sa kanila!
Tinakpan ko ang magkabilang tainga ko at napaupo sa semento. "Tama na!"
Pero walang nakinig. Mas lalo lamang lumakas ang mga tawanan nila. Kahit saan ako lumingon ay wala akong ibang makita kundi tawanan.
Hanggang sa matapat ang mukha ko sa nakangising si Airi na para bang nagsasabing nagwagi na naman siya sa pagkakataon na ito.
"Ngayon mo sabihin sa aking mas kaawa-awa ako, Keres."
Pak!
Natahimik ang lahat.
Muli na ring bumalik ang paningin ko sa normal at kitang-kita ko sa mga mata niya ang gulat sa ginawa ko habang nakahawak sa pisngi niyang nasampal ko.
Tinititigan ko siya. Gaya ng gusto niya. Mula ulo hanggang paa, wala akong pinalagpas at saka ko siya pinagmasdan sa mga mata.
"Ang mga mata ko ang nagsasabi kung gaano ka kaawa-awa sa paningin ko, Airi. Kaya wag mo nang ipilit. Kahit anong gawin mo, naawa pa rin ako sa mga katulad ninyo."
Pinulot ko ang bag ko saka ko sila binangga upang makalagpas. Nawalan na ako ng ganang um-attend ng klase ngayon.
Kung may isa mang bagay na hindi makabibigo sa akin sa mundong ito . . . ang mga mata ko iyon.
Dahil ang matang ito ang nakakakita kung gaano karumi ang reyalidad sa likod ng maraming ngiti at kasiyahan sa bawat tao.
May dalawang uri ang mundo at katulad din ng mga mata kong hindi magkaparehas ang kulay, hinahati at tinitimbang no'n ang nakikita ko sa paligid ko.
Ang mga mata ko ang nagsasabi kung ano ang totoong ibig sabihin ng mundo.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top