Chapter 21
Bumalik ang lahat sa normal.
Hindi ko alam kung bakit umaakto ang mga tao rito na parang walang nangyari. Ipinatawag lang si Audrey bilang siya ang nagligtas doon sa lalake kanina.
Nang malaman ko na bullying rin ang dahilan kung bakit ginawa 'yon ng lalake sa rooftop—nahabag ako.
Talaga bang hanggang dito ay hindi ako tatantanan ng ideya ng bullying?
"Keres Morrigan."
Napatingin ako sa grupo nina Summer na lumapit sa upuan ko. Nakita kong napatingin pa sa akin si Christelle at nahalata ko na agad sa mga mata niya ang takot.
"Anong kailangan mo?"
Napabaling si Summer sa mga kaklase namin at sarkastikong tumawa. "Sabi sa inyo, matapang 'to, e. Tapang-tapangan."
"Sabi ko sa 'yo na kung naghahanap ka ng gulo, wag ako. Wala akong oras para sa mga kalokohan ninyo."
Tinulak niya ako kaya napasandal ako sa pader sa gilid ko.
"Hoy, wag kang magmatapang sa teritoryo ko. Bakit hindi ka na lang bumalik sa kung saan ka man nanggaling?"
Napalunok ako. Ang isiping babalik pa ako sa Peterborough ay nakakatakot na para sa akin. Bakit pa?
Kung unti-unti ko na rin namang nasusubukang bawiin ang mga nawala sa 'king kahihiyan dahil sa ginawa nina Airi noon?
Kahit kinakabahan ay sumagot pa rin ako, "Batas ka ba? Para sundin ko?"
Mahigpit niyang piniga ang pisngi ko. "Anong sinabi mo?"
Nakipagtitigan ako sa kaniya. 'Di tulad ng nakikita ko parati sa mga mata ni Airi noon, malaki ang pagkakaiba nito ngayon. Dahil kitang-kita ko sa mga mata ni Summer na kaunting kibot lang sa kaniya ay madali siyang mapapabigay.
Tinapakan ko siya kaya napatili siya at napalayo sa akin. Nanggagalaiti niya akong tiningnan.
Kung dati ay wala nang pag-asa para sa paningin ko ang mga taong kagaya ni Airi—habang tinitingnan ko naman si Summer ngayon at nakita ko rin si Audrey kahapon at kanina—alam kong meron pa.
"Tingnan mo ang sarili mo sa salamin, Summer. Pagtapos ay sabihin mo sa akin kung anong nakikita mo doon. Naiintindihan kita. Nakita ko na rin sa kaniya yun noon. Ang pakiramdam na pagtawanan kaya ikaw ang nakikiisa sa tawanan pero kaunting kibot lang ay agad na bibigay. Alam ko, Summer. Alam ko lahat," sambit ko.
Ang totoo niyan, gusto ko lang din talagang makalayo sa mundo nina Airi noon. Kaya ngayong nakalipat na ako rito, wala na sana akong planong mangialam pa sa mga affairs na meron ang mga tao rito.
Pero noong nakita ko si Christelle, Summer at Audrey kahapon at kung paano sila magkaroon ng intersubjectivity sa isa’t isa. Hindi ko maiwasang mapatanong kung talaga nga bang wala ng pag-asa ang mga katulad nila?
Kaya naisip ko ring buuin ang Misfits Club sa pagbabaka sakaling matigil na yung bullying na kung saan ginagawa nilang object ang mga taong katulad ko—namin nina Christelle dahil lang sa wala silang pagkatuwaan.
Dahil hindi dapat ganoon ang mundo.
"Anong pinagsasabi mo?"
Ngumiti lang ako sa kaniya. "Hindi sa lahat ng oras ay kailangan mong makibagay para lang masabi nilang may lugar ka sa mundong ito. Ika nga, we are born to stand out and not to fit in."
Humakbang siya palapit muli sa akin at akmang hahawakan ako nang ilahad ko sa palad niya ang notebook na kung saan may printouts ko ng tungkol sa club.
"Do you want to join my club?"
Ngunit sinalag niya lang ang kamay ko, as expected. Nanlilisik ang mga mata niya pero walang ni isang salita ang lumabas sa bibig niya.
Binangga niya lang ako at lumabas na ng classroom kasama ang mga kaibigan niya.
Sa pagkakataong iyon, kumpirmado ko nang walang taong hindi kayang magbago.
Dahil lahat lang sila ay may sari-sariling kahinaan.
"K-keres, paano mo nagawa 'yon? A-at club? Bubuo ka ng recreational club?" tanong ni Christelle nang makaupo ako.
Tumango ako sa kaniya at ibinigay ang notebook na may ideas ko. "Want to join?"
Walang pagdadalawang isip siyang tumango sa akin kaya napangiti naman ako.
This is a stepping stone, right?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top