Chapter 18

Wala namang masiyadong ganap sa eskuwelahan maliban sa nagkaroon ako ng panibagong kakilala—si Christelle.

Hindi ko nagawang pagbigyan ang sarili ko noon para gawin ang mga bagay na ito ngayon. Pero nang makilala ko si Christelle, parang may kung anong tumulak sa aking maglakas loob na magsimula. Sa tulong na rin ng pamilya ko.

Tumawid ako sa kalye kung saan ang katapat lang ay ang public library na tinuro ni Christelle kanina ang likod bahagi ng dorm namin. Ito lang ang tanging library na mayroon ang Queenstown kaya rito ko na lang napagdesiyunan tumambay.

Nang makapasok ako ay inilabas ko na ang student identification card ko upang ibigay ito sa information desk na galing pang Peterborough pansamantala. Inilibot ko ang tingin ko sa building na kung saan ay pinapalibutan kami ng mga malalaking book shelf na puno ng libro. Mayroong dalawang palapag ang public library at pinaghalong cream and maroon ang motif nito.

"Miss, ito na yung number mo." Inilahad sa akin ng nagbabantay ang library card ko bago ako tuluyang umalis sa harapan.

Ang maganda sa lugar na ito ay maaliwalas at mukhang wala masiyadong napapagawing tao. Ang second floor ay metal bars ang humaharang para hindi mahulog ang mga estudyante. Wala akong masiyadong makitang tao dahil hindi naman talaga madalas pasukin ang lugar na ito, ayon na rin kay Christelle. Madalas raw kasi siya rito para mag-aral.

Sa pader ng information desk ay may nakalagay sa itaas na OBSERVE SILENCE kaya tahimik ko ring tinahak ang second floor ng building. Pinili kong malapit lang sa may hagdan ang lamesang puwestuhan. Inilapag ko na ang bag ko sa lamesa bago kinuha ang telepono ko sa bulsa at ilapag sa lamesa—bagong bili lamang ang teleponong 'yan nina Mommy para sa akin. Lumakad na ako sa isa sa mga book shelf at pumili ng librong babasahin.

"Kung gusto mong matanggap sa lipunan, kailangang mawala ng halimaw mong mga mata!"

Natahimik ang isipan ko at pilit na winaglit ang mga sinabi nila sa utak ko. Sino bang nagsabing gusto ko ng validation mula sa ibang tao? Matagal ko nang tanggap sa sarili ko na hindi ako matatanggap ng kahit sino.

Natigilan lamang ako sa ginagawa ko nang marinig kong may sumigaw.

"Hoy, kulot! Bawal salot dito ah?"

"Tigas pa ng buhok mo. May kuto ka siguro, ano? Kasing tigas ng buhok mo 'yang mukha mo!" Humalakhak sila.

Napapikit na lamang ako ng mga mata. Mukhang maski rito ay hindi ko maiiwasan ang mga estudyanteng nagkakaisa at may pinagkakaisahan.

Sinubukan kong sundan kung saan nanggaling ang ingay na 'yon at natagpuan ko ang isang babaeng may buhaghag na buhok at kulot pa na nakayuko at sinusubukang magsulat kahit pa pinalilibutan na siya ng mga kaklase niya. May mga hawak pa silang camera at pilit siyang v-in-ivideohan.

Teka, bakit siya v-in-ivideohan?

"Bakit hindi ka magsalita? Ayaw mo bang makilala ka ng mundo?" pilit nilang pinatitingala ang babae.

"Elisha Sta. Monica, the crowned princess of Ampalaya Palace. Kasing kulubot ng buhok niya ang ampalaya!"

Muli na naman silang nagtawanan na para bang ang sinabi nila ang pinakanakatatawang biro sa mundo.

Pinagpasa-pasahan pa nila ang suklay at pinilit itong raskagin ang buhok n'ong tinatawag nilang Elisha. Hindi na ako nagulat na kung umakto ang babae ay parang wala lang sa kaniya ang ginagawa nila at nagpatuloy pa rin sa pagsusulat.

Sinipa-sipa pa ng isa sa kanila ang lamesang pinagpapatungan ng mga gamit ni Elisha at halatang nagpipigil na lamang ang isa.

"Elisha, ano ba! Naiinis na ako, ha! Tumingin ka rito at magpakilala ka sa mundo!" sigaw pa noong may hawak ng camera.

Pero parang wala lang kay Elisha kahit pa sinaboy na ng mga kaklase niya ang librong nakapatong sa lamesa niya at pinagsisipa ang mga gamit niya sa lapag. Nilibot ko ang paligid at mukhang walang masiyadong nakakapansin sa nangyari o mayroon pero nagpapanggap lang na wala? Nakita kong nagsimula nang gapangin ni Elisha ang mga gamit niya upang sikupin.

"Hoy, Prinsesa! Sino nagsabing tapos na tayo?" Hinila ang buhok niya ng isa sa mga kaklase niya.

Sinipa naman noong isa ang notebook niyang nahawakan na niya. Nagiging mabilis na rin ang pintig ng puso ko at nangunguyom na ang aking kamao. Bumibigat ang aking paghinga at parang hindi na rin ako makakapagpigil pa.

Hindi na ako nakatiis nang makitang may hagdan na malapit kung saan sila nakapuwesto. Mabilis naman akong lumakad papunta roon na hindi nila napapansin dahil masiyado silang okyupado sa panti-trip kay Elisha. Hindi ko na matiis ang ganitong eksena. Hindi deserve ng ibang tao ang kung ano mang nararanasan at nararamdaman ko.

Umakyat ako sa hagdan at pinili ang libro na hardbound at walang pasabing hinulog 'yon sa kanila.

"Aray ko, tangina! Sino 'yon?" reklamo ng isang babae na natamaan. Siya yung babaeng sumipa ng notebook ni Elisha.

Dahil doon ay pare-parehas na nawala ang mga ngiti nila at hinanap ang may kagagawan ng naghulog ng libro. Hindi ko alam kung tanga ba sila or ano dahil hindi nila ako napansin na nasa itaas lang.

Nang akmang ipagpapatuloy nila ang gagawin nila ay kumuha pa ako ng isa pang libro at inalalayan ko ang sarili kong humarap sa kanila at hinulog doon sa babaeng may hawak ng camera.

"Hala ka, sorry! Pasensya na! Hindi ko napansin!" kunwaring dali-dali naman akong bumaba sa hagdan upang humingi ng pasensya sa kanila.

Hinarap ako noong babaeng may hawak ng camera na bumagsak sa semento. Katamtaman lang ang tangkad niya, maputi, chinita, at dahil doon ay nagmumukha siyang shanghai na nagsusungit. "Ano bang problema mo? Kanina ka pa, ha!"

Ngayon naman ay pare-parehas na silang humarap sa akin at nabaling ang kanilang atensyon sa akin. Tinulak ako noong isang kaibigan nila na hindi ko nahulugan ng libro.

"Magbabasa lang naman ako ng libro. Hindi ko talaga sinasadya, pasensya na . . ." paliwanag ko.

"Parang nanadya ka, e. Papansin ka ba, ha? Gusto mong isunod ka namin sa salot na 'to?" Tinuro pa noong babaeng sumipa sa notebook si Elisha na ngayon ay nakatayo na.

Matapang akong humarap sa kanila kahit pa abot-abot na ang tahip ng dibdib ko. Kabang-kaba akong hinarap sila. "Bawal na bang magbasa ngayon? Hindi ko naman talaga sinasadya na mahulugan ka, e."

Sarkastiko siyang tumawa. "Nagpapatawa ka ba? E mukha ka nang nanadya, e. Ayos lang naman sa akin, para may bago kaming laruan."

Akma na niya akong hihilahin nang pigilan siya noong babaeng may hawak na camera kanina. "Tama na 'yan, Maxine."

Akala ko pa naman ay tumigil na sila dahil alam nilang manlalaban ako, yun pala may narinig kaming pumito at nakita namin ang dalawang guard na papunta na rito. Nagkatinginan silang tatlo bago tumingin sa akin nang masama yung Maxine raw.

"Pasalamat ka nakaligtas ka. May araw ka rin sa akin."

Kung magkakaroon pa. Napailing na lamang ako nang binangga nila ako hanggang sa tuluyan na silang makalagpas sa akin. Bumaling ako kaagad kay Elisha na inaayos na ang kaniyang mga kagamitan. Napabuga ako ng hangin bago siya nilapitan at tinulungan.

"Anong nangyayari rito? May nasaktan ba sa inyo?" tanong ng dalawang guard nang makalapit.

Umiling ako bilang sagot. Mukhang ayaw rin namang magsalita ni Elisha dahil maaaring dito man ay nakaligtas siya, pero alam kong babalikan pa rin siya ng tatlong babaeng yun kung sa ibang lugar sila. Alam ko na rin ang reaksyon sa mga ganitong pangyayari.

"Ayos lang naman po kami. Nalaglag lang yung mga libro."

Napatingin naman sina Manong Guard sa mga libro at notebook na pinupulot namin. Mabuti na lang at hindi natumba yung lamesa dahil doble paliwanag 'yon.

Tumango lang sa amin ang guard at nagbilin na library ito at hindi playground kaya mag-ingat. Kamuntikan na akong umirap sa kanila at sabihing "Para namang ang tanga namin, Manong? Kung wala lang namang nanggulo sa amin." Pero hindi ko na itinuloy.

Nang makaalis ang dalawang guard ay hinarap ko na si Elisha.

"Sino yung mga yun?" usisa ko.

Hindi niya ako pinansin at bumalik na sa pag-aaral. "None of your business."

Nagkibit-balikat na lang ako. Hindi ko naman hilig mangialam sa ganito. Tinulungan ko lang siya dahil alam ko yung pakiramdam na pinagtutulungan at walang ibang kakampi o makapitan. Ayokong makita ang sarili ko sa situwasyon ng iba kahit pa inevitable 'yon.

Tumalikod na ako at akmang aalis na para bumalik sa pagpili ng libro nang magsalita siya.

"Teka, saglit!"

"Ano yun?"

"Kailangan mo ba nang kausap? Salamat din pala kanina."

Napahawak ako sa kaliwang mata ko kung saan may suot akong eye patch. Hindi ko alam kung napansin ba ng mga babae ang kulay ng mga mata ko o talagang inis na sila sa akin para pansinin pa 'yon. Kung mapansin lang nila ay malamang, hindi ako n'on titigilan.

"Hindi ka naman hot and cold, ano?"
Napahinga na lamang ako nang malalim.

"Mukhang kailangan ko nga."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top