Chapter 14
"Keres, gising ka na ba?"
Unti-unti kong minuklat ang mga mata ko ngunit agad akong nagtaka nang madilim ang paningin ko sa kaliwang parte ng mata ko.
"Anong nangyari? Bakit ang dilim? Nakakahilo ang paningin ko!" panic kong sigaw.
"Keres, keres, kumalma ka muna. Hm? Magiging ayos rin ang lahat."
Nang tingnan ko ang gilid ko ay natagpuan ko si Kuya Kiro na nakatayo at sinusuklay ang buhok ko.
"Kuya, bakit . . . bakit ganito? Bakit ang dilim?"
Sinubukan niyang ngumiti ngunit agad ding napangiwi. Iniisip ko kung ano ba yung huling nangyari sa akin para magkaganito ang paningin ko. Ayos pa naman kanina bago ako umalis—
Airi.
Siya ang may gawa nito. Sila.
"Sabi ng Doctor, magiging ayos ka rin. Kinakausap pa nila Daddy para ayusin ang tungkol sa eye surgery mo. Pero sa ngayon, ayos ka na, Keres. Maayos ka na."
Nagsimula na namang manlabo ang paningin ko dahil sa luha.
"Kuya, hindi naman ganito kaninang umaga 'to, e . . . bakit ganito na?" naiiyak kong sambit.
"Keres, please be patient. Aayusin rin nila 'yan. Magiging maayos ka rin, hm?"
Natigilan lamang si Kuya nang bumukas ang pintuan at iniluwa no’n si Ate Karina. Hindi ko siya matitigan nang maayos dahil nga madilim na ang isang paningin ko.
Agad akong nag iwas ng tingin.
"Karina," bati ni Kuya Kiro sa kaniya.
"Kuya, can I please talk to her for a while?"
Napalunok ako. Ito ang unang beses na narinig kong mag beg si Ate para lang makausap ako. Dahil noon, hindi niya magawang gawin sa akin 'yan kahit anong paki usap kong kausapin na niya ako.
"Please don’t stressed her out, Ka. Hindi pa maganda ang lagay ni Keres."
Hindi ko alam kung anong naging reaksyon ni Kuya Kiro pero narinig kong bumuntonghininga siya.
"Lalabas muna ako, ha? Mag usap kayo ng Ate Karina mo."
Aalis na sana siya nang mapahawak ako sa braso niya. Nararamdaman ko na ang takot.
"Kuya, wag mo 'kong iwan . . ."
"Hindi naman kita iiwan, Ke. Sa labas lang ako. Kailangan niyo rin 'to ng Ate mo. Hm?"
Unti-unti niyang tinanggal ang pagkakahawak ko sa braso niya kaya wala akong nagawa. Paulit-ulit lang akong napapalunok kahit wala na akong laway na mailulunok pa.
Nang marinig ko ang tunog nang pagsarado ng pintuan. Nagkaroon na nang katahimikan sa pagitan naming dalawa.
"Kamusta na ang pakiramdam mo?" panimula ni Ate.
Hindi ako nagsalita. Naubusan na rin naman ako nang sasabihin sa kaniya.
Siguro kung noon ito, ang dami kong gusto pang itanong sa kaniya tulad ng "talaga bang dahil sa mga mata ko, kailangan natin magbago?" at "hanggang kailan ko dapat tanggapin ang galit mo sa mga pangyayari?" pero naisip ko, ano pang halaga no’n?
Talaga nga namang nakakagalit kung magkakaroon siya ng kapatid na tulad ko. Noong naranasan ko lahat ng ito mula kay Airi, napatunayan ko nang kasalanan ko talaga kung bakit ako tinatrato ng ganito ng ibang tao.
"Keres, I’m sorry . . ."
Natigilan ako. Anong sinabi niya?
"I’m sorry kasi dahil sa akin nasasaktan ka ng ganiyan ngayon. I’m sorry dahil kailangan mo pang mapagdaanan lahat ng ito."
Wala sa sariling napalingon ako sa kaniya at gusto ko na lamang pumikit dahil agad akong nasaktan nang makita ang pagluha niya.
"Ako dapat yung nagpoprotekta sa 'yo pero dahil masiyado akong mahina. Nangyari pa ang lahat ng ito. I’m sorry," hikbi niya.
Kumuyom ang kamao ko sa magkabilang gilid ko. Hindi ako makapagsalita. Siguro kasi matagal ko nang gustong marinig sa kaniya 'yan.
Hindi ang paghingi niya ng tawad kundi ang ideya na ginusto niya pa rin pala akong protektahan.
"Hindi ko sinasadya lahat ng mga nasabi ko sa 'yo, I’m sorry. Hindi mo deserve lahat ng ito, Keres. Hindi . . ."
Suminghap ako nang hawakan niya ang kanang kamay ko.
"That night, I saw how she threatened you. But I didn’t do anything because I think that it’s the way of paying your debt to me," ika niya.
"Nabayaran ko na ba, Ate?" nanginginig na tanong ko.
Umiling siya at ipinagsalikop ang mga daliri namin. "Hindi mo kailangan pagbayaran ang mga 'yon, Keres. Hindi mo 'yon kasalanan. Sa kanila 'yon. Sila ang gumawa no'n at hindi ikaw . . . I’m sorry. I’m really sorry, bunso."
Nagsimula na rin akong maiyak. Parang sasabog na ang puso ko sa samu’t-saring mga emosyon na nararamdaman. Narinig ko na ang matagal ko nang gustong marinig ulit galing sa kaniya.
Tinawag niya akong muling "bunso". Iyon lang, iyon lang sapat na para sa akin.
"Ang sakit-sakit, Ate. Para akong araw-araw pinarurusahan sa kasalanang hindi ko alam kung anong ginawa ko. Walang kahit sinong nandiyan para tulungan ako. Ang sakit . . ."
Umiling siya at pinunasan ang luha sa pisngi ko.
"Nandito na ako, Keres. Ako na ang poprotekta ulit sa 'yo. I’m sorry . . ."
"I’m sorry rin dahil kailangan mo pang maranasan ang nararanasan ko ngayon, Ate. I’m sorry . . ."
Napuno nang iyakan naming dalawa ang apat na dingding ng hospital room.
Hindi ko alam kung dapat ko bang ipagpasalamat na nangyari ang lahat ng ito para magkabati kaming dalawa o mas lalong malungkot dahil hindi ko na magawang makita nang malinaw ang mundo.
Bumukas muli ang pintuan ng kuwarto at nakita ko naman ang pagpasok doon ng mga magulang ko kasama ang isa ko pang kapatid.
Hindi ako nakagalaw nang humakbang palapit sa amin si Mommy kasunod sina Daddy at Kuya at niyakap kaming dalawa ni Ate.
"Ako ang dapat na humingi ng pasensiya, mga anak. Hindi niyo dapat nararanasan ito." Nagsimula na ring humikbi si Mommy.
"We’re very sorry, Keres. Hindi namin alam na nahihirapan ka na ng ganito, Anak," segunda naman ni Daddy.
Wala na akong masabi kundi umiyak na lamang sa mga sinasabi ng pamilya ko.
Ito ang matagal ko nang hinihintay.
Ang matagal ko nang ipinagdarasal . . . ang maramdamang tanggap nila ako.
"We are very proud of you, Anak."
***
"Sigurado ka bang makakapaghintay ka ng isang buwan?"
Tumango ako kay Daddy. Ilang araw na rin simula noong madischarge ako sa hospital. Sila na rin ang kumuha ng iilang gamit na dapat kukuhanin ko sa locker ko noong araw na nabulag ang kaliwang mata ko.
Nabalitaan ko ring napunta sa Youth Detention Center sina Airi, Aya at Irene matapos ng nangyari at natanggal rin sa puwesto ang Papa ni Airi sa pagiging Principal.
"Bibisitahin ka namin every week, ha?" wika ni Ate Karina na katabi ko.
Tumango lang ako sa kaniya.
Natuloy pa rin kasi ang paglipat ko ng eskuwelahan kahit pa hindi natuloy ang pagiging expelled ko sa eskuwelahang 'yon. Ayos na rin naman sa akin dahil malayo sa bangungot na naranasan ko sa eskuwelahang iyon. Kahit pa alam kong malabong mangyari na lulubayan ako ng bangungot na iyon.
Hindi ko rin binisita si Airi sa lugar na iyon dahil hindi ko pa kayang makita ang mukha niya sa ngayon.
"Dad, I’m sorry kung kailangan pang ma halt ng mga campaign activities mo dahil sa nangyari," sambit ko habang nakatitig sa kaniya. Kumpleto kasi silang maghahatid sa akin sa syudad.
"Wala 'yon, 'nak. Saglit lang din naman kitang maaasikaso kaya sinusulit ko na."
Tumango lang ako sa kaniya. Iniisip ko pa lang kung anong puwedeng maging mundo ko sa panibagong lugar na 'yon—kinakabahan na ako.
Dalawang oras lang ang tinagal ng byahe kaya nang makarating na kami sa harapan ng dorm ko ay agad akong nakaramdam ng takot. Hindi na siguro matatanggal iyon sa akin.
Nagpasalamat ako kay Kuya na siyang nagbukas ng pintuan para sa akin.
"Kakausapin na muna namin ng Daddy niyo ang landlady mo, Keres. Maiiwan na lang ba muna kayo rito?"
Tumango kaming tatlo ng mga kapatid ko.
Tiningala ko ang dorm building na siyang magiging panibagong tahanan ko ngayong taon.
"Sigurado ka bang magiging maayos ka lang dito?" panimula ni Kuya.
Nagkibit-balikat ako. "Hindi ako sigurado pero kakayanin."
"Basta kung may kailangan ka, sabihan mo lang kami, ha? Pupuntahan ka namin agad dito," segunda naman ni Ate.
Tumango lang ako sa kanila at nagpasalamat. Napabuga na lang ako ng hangin nang makitang lumabas na ng building ang magulang ko kasama ang isang babae. Ang landlady na siguro 'yon.
"Tara na," aya ko nang senyasan nila kaming lumapit sa kanila.
"Hello po, magandang umaga."
"Magandang umaga rin sa inyo." Ngumiti ang landlady at inaya kaming pumasok ng building.
Napanganga ako nang makitang maganda ang loob. Maraming tao ang pumaparoo’t-parito at mukhang lounge pa lang nila ito.
"Dito ang lounge hall nila. Puwede silang manood ng TV, malapit lang din dito ang canteen—sa left side nitong building. Then, sa second floor hanggang fourth floor ang mga kuwarto."
Napatango-tango naman kami.
Sumunod naman kami sa kaniya nang umakyat siya ng second floor.
"Puros mga babae lang ang mga nandito dahil ibang dorm pa ang mga lalake. Hindi rin sila puwedeng magdala rito ng mga 'yon. Maximum of two persons lang din ang mga magka-room mate pero malaki naman ang kuwarto."
Napatigil kami sa isang room sa dulo ng hallway at binuksan naman niya 'yon. Bumungad sa amin ang malinis na kuwarto at naabutan naming wala pang tao.
"May kasama na siya sa kuwartong ito. Nag-aaral sa eskuwelahan sa tapat ng dorm na 'to. Saan ba niya balak mag-aral?" tanong pa ng landlady.
Nagkatinginan naman kaming magpamilya bago sumagot si Mommy.
"Sa tapat lang din ng dorm na 'to kasi mas malapit."
Tumango ang landlady. "Tamang-tama. Third year highschool na ang nakakuwarto rito. Tho, hindi ko siya parating nakikita."
"Third year rin itong anak namin. Baka magkaklase pa sila," ani Mommy.
Natapos ang usapan doon hanggang sa napagdesisyunan nilang i-akyat na ang mga gamit ko.
"Basta anak, bibisitahin ka namin every week. Lalo na kailangan pa nating ipatingin 'yang mata mo kung kailan ka puwedeng i-schedule-an ng opera, okay?" bilin ni Mommy nang makumpleto na lahat ng gamit ko rito sa bagong tutuluyan ko.
Tumango lamang ako at yumakap na sa kanila. "Mag iingat po kayo pauwi."
"Galingan mo sa school, ha? Bukas ka pa naman papasok kaya magpahinga ka muna maghapon ngayon." Ginulo ni Kuya Kiro ang buhok ko.
"Thank you po. Ingat," sabi ko ulit.
Nang isarado nila ang pintuan ay napabuga ako ng hangin.
Inilibot ko ang tingin ko sa malaking kuwarto at isa lang ang nasa isip ko:
Will I really be okay?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top