Chapter 13
Itim na itim na mahabang buhok, maliit ngunit pointed na ilong, hugis bow na mapulang labi, manipis na kilay, bilog na bilog na kape ang kulay sa kaliwang mata habang kulay asul naman ang nasa kanan. Depina ang panga.
Pinagmasdan kong mabuti ang itsura ko sa salamin. Alam kong walang mali sa buong mata ko hanggang sa napapatingin ako sa kulay ng mga mata ko.
Ito ang tanging nagiging mali sa lahat. Ang nagiging dahilan para masabing "malas" ako sa lahat ng bagay.
"Keres, okay ka na ba? Ihahatid ka na ng driver."
Bumuntonghininga ako bago dinampot ang case ng contact lense na nasa lamesa.
Kahit ngayong araw lang, ayoko munang maging si Keres na mag iiwan ng pangit na reputasyon sa eskuwelahang iiwanan ko.
Huling araw ko na rin naman ngayon dahil kakailanganin ko na lang kuhanin ang mga gamit na naiwan ko sa locker ko at tapusin ang huling lesson ko sa araw na 'to. Makiki usap ako sa teacher namin na pasit in ako kahit na saglit.
Matapos nito, magiging malaya na rin naman ako sa Keres na 'yon, hindi ba?
"Ano 'yan? Ba't may suot kang contact lense?" bungad ni Kuya nang makalabas ako ng kuwarto.
Ngumiti lang ako sa kaniya. "Gusto ko lang maranasan maging normal. Puro na lang bullied yung imahe ko sa mga estudyante eh."
Bumuga ng siya ng hangin. "Normal ka naman. Wag mong isiping hindi dahil lang sa iyon ang sinasabi ng ibang tao tungkol sa 'yo. Hindi manggagaling sa kanila ang opinyon mo sa sarili mo. Kundi sayo mismo."
Tinapik ko lang ang balikat niya kaya napangiti na rin siya. Nang bumaba kami ng hagdan ay nakasalubong naman namin si Ate Karina. Ganoon pa rin ang timpla ng mukha niya sa tuwing nakikita niya ako sa pamamahay na ito—galit.
"Saan ka pupunta, Kuya?"
"Ihahatid ko lang sa labas si Keres."
Tumaas ang kilay niya. "Lalabas lang kailangan mo pang ihatid? Wala ba siyang paa?"
Napatango naman ako bilang pag sang-ayon. Hinarap ko si Kuya Kiro. "Ayos lang po ako. Nandiyan lang naman sa labas yung driver."
Pagod niyang hinarap si Ate na ngayon ay nakahalukipkip na sa harapan namin.
"Karina, masiyado pang maaga. Puwede bang wag ka munang magsimula?"
Tinuro niya ang sarili. "Ako na naman ang mali? Kailangan mo nang maghanda dahil aalis tayo ngayon, Kuya. At saka, ano 'yang nasa mata mo, Keres? Akala ko ba ayaw mong nagsusuot ng contact?"
"Sinabi ko na sa 'yong kung ilalayo niyo si Keres sa lugar na 'to. Sasama ako sa kaniya. Hindi ko na kailangang um-attend sa pupuntahan ninyo."
"Kuya, ayos na po ako. Napag usapan na kagabi 'to. Sumama ka na. Kailangan ko lang kuhanin mga gamit ko sa locker saka may klase pa ako ngayong araw," sabi ko agad bago pa muling magkagulo.
Ayokong mas lalong magalit pa ang mga magulang ko sa akin dahil sa desisyong pagpili ni Kuya sa akin. Natupad na rin naman ni Daddy ang pangako niya, e. Siguro ito na rin yung oras para supportahan na niya ng buo si Daddy sa mga gusto nito.
"Hindi naman iyon ang tinutukoy ko, Keres. Sa pagpunta mo sa syudad, gusto kong ako ang kasama mo. Sa akin ka titira."
Parehas na nanlaki ang mga mata namin ni Ate Karina at sabay na napasabing "Kuya!"
Pero wala na akong nagawa nang itulak ako nang marahan ng kapatid ko palabas ng pintuan.
"Mag ingat ka. Aalis muna ako ngayon."
Napakagat na lang ako ng pang ibabang labi. Bakit ba napaka pasaway niya?
***
Nang makababa ako sa harapan ng eskuwelahan, walang ibang nasa isip ko maliban sa gustong mangyari ni Kuya Kiro sa buhay niya.
Pinapasok ako ng guard pero nasa mga mata niya ang kakaibang titig na parang may ginawa akong masama.
Malaki ang eskuwelahan namin at sikat ang mga estudyante tulad ni Airi Mendeval pagdating sa mga achievements niya. Pero kung usapang pag uugali, nagiging bulag sila. Kaya kahit ilang beses kong ipaliwanag ang sarili ko—walang naniniwala sa akin dahil hindi iyon ang pagkakakilala nila sa kaniya.
"Sigurado ka bang anak siya ni Governor?"
"Oo raw. Chismis 'yon sa third year ngayon. Akalain mo 'yon yung tulad niyang halimaw—anak pala ng gobernador?"
"Hindi kaya nakakahiya 'yon para sa pamilya niya? Siya lang yung kakaiba. Mukha siyang . . . alien or mutant ba 'yon? Ampangit!"
Nanuyo ang lalamunan ko. Wag mong sabihing—?
Inipon ko lahat ng lakas ko at mabilis na tinakbo ang building ng third year na nasa gitna lamang ng eskuwelahang ito. Binalewala ko lahat ng mga kakaibang titig ibinabato sa akin.
Wag naman sana . . . wag naman sana . . .
Ngunit pagdating ko sa floor ng building namin, agad na bumagsak ang mga balikat ko.
"Keres, totoo ba yung sinasabi nila? Anak ka raw ni Governor Morrigan?"
"Seryoso ka ba? Ikaw? Anak ng tatakbong gobernador?"
Napatingin ako sa mga estudyanteng nakatitig sa akin. Lahat sila ay may pandidiri sa mga mata.
"Nakakahiya ka sa pamilya mo. Hindi mo ba naramdaman 'yon?"
"Bakit ka nagsinungaling? Akala ba namin wala kang connection sa kanila?"
May tumulak sa akin.
"Hoy, sumagot ka!"
Napahawak ako sa ulo ko nang lumabo ang tingin ko sa paligid ko.
"Ikaw rin ang dahilan kung bakit nabubully noon si Karina Morrigan, di ba? Kapatid ka pala niya?"
"Ano na kayang nararamdaman ng pamilya mo ngayon? Dahil nagkaroon sila ng kapamilya na tulad mo?"
Tama na . . . tama na! Gusto kong sabihin 'yan sa kanila pero masiyado nang nanghihina ang katawan ko.
Masiyado na akong nahihilo sa pangyayaring 'to at gusto ko na lang na umuwi sa mga oras na 'to. Wala na akong makitang matino at mas nangingibabaw na rin ang mga nagbabadyang luha.
"Keres, Keres! Hindi ko alam na ganito ka pala katapang? Nagawa mo pang pumasok ng eskuwelahan ngayon?"
Hindi ako nakapalag nang maramdamang may humawak sa magkabilang braso ko.
Nang tingnan ko kung sino ang nasa harapan ko ay nakita ko si Airi na malaki ang ngiti sa akin.
"Di ba sinabi ko na sa 'yo? Huwag ako ang kalabanin mo."
Nanlisik ang mga mata kong tiningnan siya. "Airi, hanggang kailan mo balak gawin 'to? Wala na bang ibang paraan? Talaga bang ganito ka na kababa?"
Pak!
"Tumahimik ka!" bulyaw niya. "Hindi ba ikaw ang mas mababa sa atin? Ilang beses kang itinanggi ng kapatid mong si Karina noon na kapatid ka niya dahil pinsan ka lang o di naman kasambahay na pina aral tapos ang lakas ng loob mo ngayon? Porque pinakilala ka na ng tatay mo?"
Bumilis ang paghinga ko at muli siyang hinarap.
"Alam mo nagtataka na ako, e. Uhaw ka ba talaga sa atensyon para umabot sa ganitong punto? Pati ang pamilya ko idadamay mo sa kalokohan mo? Bakit? Akala mo ikakamatay ko rin ang ginagawa mong 'to? Gaya ng ginawa mo kay Elysha?" buong loob kong sabi.
Pak!
Napaangat ang tingin ko nang hilahin niya baba ko.
"Ang kapal ng mukha mong ipasa sa akin ang krimen na ginawa mo. Hindi ka ba nakikinig kahapon? Ikaw ang kriminal na gumawa no’n kay Elysha kaya sino ka para sisihin ako?" nanggigil niyang sinabi.
Napangisi ako. "Biktima ka . . . sa mga mata nila. Pero para sa akin, ikaw ang may kasalanan ng lahat ng ito. Walang nagsalita kahapon para sa akin? Dahil ano? Tinakot mo? Ginamit mo yung koneksyon ng tatay mo para makaligtas ka sa krimeng ginawa mo? Airi, kahit anong gawin mo, mababa ka pa rin para sa akin."
"Ah, gano'n? Kriminal? Sa paningin mo?" Nagpalipat-lipat ang tingin niya sa dalawang mata ko. "Aya, Irene, hawakan niyo 'yan nang mabuti."
Hindi na sana ako magsasalita dahil alam kong paulit-ulit lang naman ang sasabihin niya nang may mag-abot ng balisong sa kaniya na isa sa mga kapwa namin estudyante.
"A-airi, ano 'yan?" natamemeng tanong ko.
Nagsimula na akong pumalag kina Aya at Irene nang itulak nila ako sa pader malapit sa hagdanan at pigilan na makapiglas.
"Tulooong!"
Pero parang wala silang naririnig dahil nakangiti pa ang iba sa kanilang tinitingnan ako.
"Bitiwan n'yo 'ko!" muli kong sigaw.
"Ano nga ulit 'yon? Kriminal ako sa paningin mo? E di totohanin natin!" matigas niyang sinabi.
"Teka, wag! Wag!"
Nagsimula na akong humagulgol nang itutok niya ang balisong sa mukha ko.
"Ang mga katulad mong halimaw ay hindi katanggap-tanggap sa lipunang 'to. Wala kang lugar sa mundong 'to."
Paulit-ulit lamang akong umiling at ilang ulit na sinubukang pumiglas sa mahigpit na paghahawak sa kamay ko ngunit hindi ko magawa.
"Parang awa mo na, Airi! Wag!"
"Kung gusto mong matanggap sa lipunang 'to, kailangan mawala ng pangit mong mga mata!" Napapikit na lang ako nang itarak niya sa kaliwang mata ko ang balisong na hawak niya.
Nagitla ako nang maramdaman ko ang init sa gilid ng mga mata ko at halos maluha-luha dahil hapdi na nararamdaman.
Nagkaroon nang katahimikan sa buong floor ng building na 'yon nang makita mandilim ang paningin ko sa parteng natusok ng balisong.
Tila gumuho ang mundo ko nang makita ang mga patak ng dugo sa kamay ko.
"Du . . . du . . . dugo!" sigaw ng kung sino.
Nagsimula nang magsigawan ang mga taong nasa floor na 'yon at mas lalong napalakas ang iyak ko nang hindi ko na malinaw na makita ang paligid sa kaliwang mata ko.
"Mommy!" Napaluhod na lang ako sa semento habang pinagmamasdan ang dugong tuloy-tuloy na tumulo sa pisngi ko hanggang sa uniporme ko.
"Airi, anong gagawin natin?!" dinig kong wika ni Irene.
Punong-puno nang kaba at sakit ang pagkatao ko habang pinagmamasdan ang dugong tumutulo sa semento. Ramdam ko na rin ang pagkahilo dahil wala na akong ibang marinig kundi ang pagpa-panic ng mga taong nakakita ng kaganapang 'yon.
"Tumawag kayo ng teacher! Dali!"
"Keres, anong nararamdaman mo?"
"Hindi ako ang gumawa niyan! Hindi ako!"
Magsasalita pa sana ako nang dumilim na ang paligid ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top