Chapter 10

"Hey, loser."

Napatigil ako sa pag-inom ng juice nang marinig ang boses ni Airi sa likod ko. Talaga bang wala ng araw na hindi puwedeng hindi niya ako tantanan?

"Anong kailangan mo?" tanong ko nang lingunin ko siya.

Humalukipkip siyang naglakad patungo sa puwesto ko. Katatapos lang ng dinner at nasa loob pa rin ang mga magulang ko kasama ang mga business partner nila pati na rin ang mga kapartido.

"Hindi mo naman sinabing hindi ka pala basta-basta. Hindi ka lang loser. Isa kang mayamang loser." Natawa siya. "Alam kaya ng mga magulang mo 'yang mga kalokohan mo?"

Tumaas ang kilay ko. Kung may pagkakataon man na ayoko sanang pagurin ako ni Airi sa mga salita niya—gusto ko araw-araw sana. Pero hindi naman niya alam ang salitang "pahinga" o "tigil" kaya parati siyang nagpapatuloy. Pero ngayon, gusto ko munang magpahinga sa lahat ng kalokohan na ginagawa niya sa akin. Kahit ngayong gabi lang.

"Ano ba talagang gusto mo, Airi? Hindi pa ba sapat na may namatay ng dahil sa 'yo?"

Natigilan siya at muling natawa. "Sinong pumatay? Ako?" Tinuro niya ang sarili. "Hindi mo ba narinig ang sinabi ng mga pulis noong nakaraan? Ikaw ang nakita nandoon. At ikaw ang huling nasa rooftop na naabutan namin. Kaya bakit mo sa akin isisisi?"

Pinagmasdan ko siya. Palagi ko namang nakikita sa mga mata niya ang kadeterminahan sa lahat ng ito. Kailan ba hindi? Kaya maraming takot sa kaniya dahil iyon ang ipinakita niya, na matapang siya.

Pero alam rin kaya nila na ang lahat ng ito ay maskara niya lang?

O maski siya, alam niya kayang halatang peke lang ang pagmamatapang na ipinapakita niya ngayon?

"O bakit hindi ka na makasagot? Kasi tama ako, hindi ba? Pinatay mo si Elysha. Ikaw ang tumulak sa kaniya."

Umiling ako. "Hindi mo siguro alam 'to pero Airi, kung ito ang paraan mo para magcope up sa kung anong totoo mong problema—may iba pang paraan."

Kumunot ang noo niya. "Keres Morrigan, iba rin 'yang tapang mo, ha? Hindi ka nakakaramdam ng takot na baka totoo lahat ng sinasabi ko. Tingnan mo lang, pagmasdan mo kung saan ka dadalhin niyang tapang mo."

"At tinitingnan rin kita ngayon, Airi. Sa tingin mo, saan ka dadalhin niyang pangangawawa mo kapag lumabas na ang totoo?"

Tumawa siya at may kung anong kinuha sa loob ng bulsa. Isang cellphone.

"Alin ang totoo? Ito?"

Nanlaki ang mga mata ko nang p-in-lay niya ang isang video.

"You're currently under investigation for Elysha Grace Silvenia's case."

Kumuyom ang kamao ko at ibinaba ko sa bandang binti ang baso ng juice na hawak ko. Anong gusto niyang mangyari?

"Sa tingin mo kapag ipinakita ko sa mga kaklase natin 'to, ano kayang magiging reaksyon nila na nagsisinungaling ka pala? Plus the fact that you’re sister, Karina Morrigan was also bullied in our school because of you? May matutuwa pa kaya sa Daddy mo lalo na’t kahihiyan ka lang naman ng pamilya ninyo?"

Napalunok ako. "Anong gusto mo, Airi?"

"What? Wala akong gusto. Tinatanong lang kita. At kapag nalaman nilang nakapatay ka pa, saan kaya kayo pupulutin ng pamilya mo?"

Bumigat ang paghinga ko habang nakatayo siya ngayon sa harapan ko. Bigla na lamang nandilim ang paningin ko. Wala sa sariling kinuha ko ang kuwelyo ng suot niyang polo. Nabitiwan ko ang hawak kong juice.

"Ang pinaka ayoko sa lahat ay yung dinadamay ang pamilya ko sa mga kalokohan nila," mariin kong wika. "Kung may problema ka sa akin, sa akin lang! Huwag mong idamay ang pamilya ko rito!"

Mabilis siyang nag-angat ng isang kamay at akmang sasampalin ako. "Bitch—"

Nasalag ko siyang nasalag kahit pa nanginginig ang kamay ko.

"Hindi mo lang alam pero punong-puno na ako sa 'yo. Huwag mong hintaying mapuno yung baso dahil hindi mo magugustuhan ang puwede kong gawin sa 'yo." Padarag ko siyang binitiwan.

Sinuklay ko ang buhok ko bago siya nilampasan. Kung inaakala niyang nakukuha na niya lahat ng gusto niya sa paraang ito, nagkakamali siya.

Dahil hindi lahat ng nagmamatapang ay nananalo.

Maaga akong pumasok kinabukasan. Si Kuya Kiro ang naghatid sa akin dahil ang sabi niya ay magstay muna siya rito sa Peterborough dahil isang buwan rin ang campaign period ni Daddy.

"Kuya, nakausap mo na ba si Ate?" tanong ko sa kaniya bago ako bumaba ng kotse.

Hindi ako mismong sa harapan ng eskuwelahan bumaba dahil wala pang nakakaalam ng tunay kong katauhan sa eskuwelahan namin. Paiba-iba kasi ang pagkakaalam nila sa relasyon ko sa mga Morrigan, puwedeng pinsan pero hindi nalalapit sa magkapatid at anak ng sikat na Morrigan rito sa Peterborough.

Wala rin naman silang oras para alamin dahil ang alam lang nila ay isa akong outcast na Morrigan.

"'Wag na nating pag usapan 'yang kapatid mo, Keres. Matapos ng ginawa niya sa 'yo? Wala pa akong ganang kausapin siya."

Napabuntonghininga ako. Isa pa ang bagay na 'to sa mga kailangan kong ayusin sa pamilya ko. Kailangan kong makausap si Ate Karina lalo na sa mga narinig ko mula kay Airi kagabi.

Matagal ng alam ng Principal namin ang tunay kong relasyon sa mga Morrigan pero hindi niya kailanman isinama si Airi sa tuwing may kaganapan sa amin. Ngayon lang.

Sinadya niya kaya? O sumama lang talaga si Airi dahil masiyado siyang nahumaling pakinggan ang apelyido ko?

"Kuya, may punto naman kasi talaga si Ate. Ayoko ring masira ang pangalan ng mga magulang natin kapag nalaman nila ang tungkol sa akin."

Kumunot ang noo niya. "Alam mo bang hindi ko kayo magawang intindihin ng Ate mo tungkol sa tinutukoy niyong ganiyang bagay? Anong masisira? Bakit sila masisira ng dahil sa 'yo? Dahil sa mga mata mo? Ang ganda mo. Ang ganda ng mga mata mo, Keres. Hindi ko maintindihan kung saang parte ka dapat ikahiya dahil lang diyan."

Alam kong may punto rin si Kuya. Pero anong magagawa ko kung sa lipunang meron kami, ang mga tulad kong naiiba—para sa kanila, e dapat hindi tratuhing pantay? At kapag sinubukan mong ipaglaban ang sarili mo, iisipin nilang nago-overreact ka. Pagkatapos ay ivivictim blame ka pa.

Kahit anong eksplenasyon ang gawin mo, ang tuwid para sa kanila e binabaluktot nila at ang baluktot na pananaw naman ay tinutuwid nila.

Nagkibit-balikat ako. "Kausapin mo na lang si Ate, Kuya. Kakausapin ko rin siya mamaya. May mga ilang bagay kaming kailangang pag usapan."

Sa huli ay tumango na lang din naman siya na ikinagaan ng pakiramdam ko. Kapag kasi nagalit si Kuya Kiro ay nakakalula sa sobrang taas ng pride niyan. Parang si Ate Karina. Kung sabagay, kambal naman sila. Kaya siguro ganiyan na lang sila umakto. Masiyadong dinidibdib ang ginawa ng isa dahil pakiramdam nila humihiwalay sila sa pagkakabuhol ng bituka nilang dalawa.

Bumaba na ako ng kotse at ilang kilometro pa ang nilakad ko bago makarating sa harapan ng eskuwelahan ngunit iba ang nadatnan ko—dalawang kotse ng mga pulis ang nakaparke sa labas ng campus namin. May nakalagay pang caution sa labas ng gate.

Nakita ko ring nakikipag usap si Principal Mendeval sa mga pulis na naroroon. May kasama siyang dalawang guard ng eskuwelahan namin na hinaharang ang mga taong nakikiusosyo.

"Anong meron?"

Sa maliit na gate ng eskuwelahan namin ako pumasok at nakita kong marami ng mga estudyante.

"Hindi ko akalaing magagawa yun ni Airi."

"Anak pa naman ng Principal. Hindi kaya masiyado 'yong nakakahiya para kay Principal Mendeval?"

"Dinig ko balak pa raw sanang icover up ng school board yung suicide na naganap sa building ng third year. Pero naunahan sila ng magulang nung namatay."

"Ano ngang pangalan nun?"

"Elysha Grace Silvenia."

Naging mabilis ang bawat hakbang ko habang pinakikinggan ang samu’t-saring usapan ng mga estudyante sa amin. Maraming napapatingin sa akin at halata sa kanila ang pandiriri. Oo nga pala, hindi ako nagsuot ng contact lense.

Pagdating ko ng building namin ay binigyan ako ng daan ng mga estudyante. Nasasapul kong tumitingin sila sa akin sabay iiwas.

Hindi naman buong estudyante sa amin ang harap-harapang nagpapakita kung gaano nila kaayaw sa akin dahil may ibang wala namang pakialam talaga.
Pero iba ngayon.

"Oo, kilala ko si Elysha Silvenia. Pero hindi ko naman siya nakitang nakasama ni Keres Morrigan noon."

"Di ba? Sina Aya Madrigal at Airi Mendeval talaga ang parati niyang nakakasama. Pero paanong nalink up ang pangalan ni Keres dito?"

"Magkaaway sina Airi at Keres, hindi ba? Alam mo naman na 'yang mga issue na ganiyan."

Kumunot ang noo ko sa mga taong nagkumpol sa harapan ng bulletin board. Kinain ako ng kuryosidad kaya hindi na ako nag-atubili pang lumapit doon.

Napaawang ang labi ko nang makita ang mga litrato ni Airi kasama si Elysha at karamihan doon ay mukhang mga panahong binu-bully niya pa ang isa.
Binasa ko ang malalaking letra na nakadikit sa buong bulletin board kasama ng mga litrato:

AIRI MENDEVAL, DAUGHTER OF THE PRINCIPAL, IS A BULLY?

"Hey, loser!"

Napalingon ako sa bagong dating na si Airi. Halata sa mukha niyang stressed na stressed siya at mukhang wala pang tulog. Posible kayang hindi siya pinatulog ng mga nangyari kagabi?

Dahil ako rin naman.

Napalingon ang mga estudyante sa amin. Nagsimula nang magbulong-bulungan ang iba.

"Anong meron?"

"Dito pa ba sila mag-aaway?"

"Nakita ko kanina yung magulang ni Elysha. Si Airi kaya yung pinuntahan?"

"Tingin ko, hindi. Dumiretso sa opisina ni Principal Mendeval, e."

Sumeryoso naman ang titig ko sa kaniya. Humigpit ang hawak ko sa strap ng bag ko habang nasa harapan ko siya.

"Airi."

"Tapusin na natin 'to."

Nilingon niya ang mga estudyante sa paligid namin. Walang kahit sinong nasa gilid ko o nasa gilid niya. Nahagilap pa ng mga mata ko sina Aya at Irene na mukhang wala ng pakialam sa mga gagawin ni Airi.

"Alam kong lahat kayo ay naniniwala sa sabi-sabing ako ang pumatay kay Elysha Silvenia. Pero itatanong ko muna sa inyo, anong patunay niyong ako nga ang pumatay sa kaniya at hindi siya?" Tinuro niya ako. "Siya ang nasa rooftop. Siya rin ang sinasabing huling nakitang kasama ni Elysha sa rooftop ng mga oras na 'yon. Kaya paano niyo nasabing ako?"

"Dahil ikaw naman talaga. Nasa bulletin na ang patunay. Itatanggi mo pa ba?" sambit ng isang estudyante na malapit sa akin.

Natawa siya bago umiling. "Oo, binully ko siya. Pero nakita niyo bang hinawakan ko? Nakita niyong ako ang nagtulak? Hindi!"

"Hindi rin naman namin nakitang ginawa 'yon ni Keres."

Kinagat niya ang pang ibabang labi niya at humarap sa amin. "Kinakampihan niyo talaga 'yang sinungaling na 'yan? Talaga? Hindi niyo ba alam ang malaking sikreto niyan?"

Sa pagkakataong ito, nalipat ang tingin sa akin ng lahat. Sa totoo lang, masiyadong mababaw para sa akin ang lahat ng ginagawang ito ni Airi. Problema 'yon ng pamilya ko. Bakit idinadamay niya pa ang ibang tao na para bang dapat may opinyon din sila?

Oo, ayokong malaman ng mga tao ang tunay na ugnayan ko sa pamilya ko dahil na rin sa mga mata ko at naging issue naming magkapatid dahil dito na ipinagsawalang bahala ng mga magulang ko ang parte sa akin—iyon puwede nilang ikasira. Lalo na itinatanggi rin ako noon sa iba.
Pero ano pa ba ngayon?

"Siya lang naman ang bunsong anak ni Kyle Morrigan, ang tatakbong gobernadorcillo ng bayan na 'to."

Naglakad siya palapit sa akin kaya napaatras ako ng hakbang. Masiyado na akong pagod sa mga pangyayaring ito. Hindi ba siya napapagod? Hindi ba puwede na kaming magpahinga? Hindi ko nga rin alam kung bakit niya ginagawa ito sa akin eh.

Hinaklit ni Airi ang kuwelyo ko at hinila palayo sa mga estudyante.

"Airi, itigil mo na 'to!" sigaw ko sa kaniya.

Parehas akong hinawakan nina Aya at Irene sa magkabilang braso at kinaladkad paalis ng building na 'yon. Maraming estudyante ang nakakita sa amin ngunit mas piniling tumalikod na parang walang nakita.

Mabilis na nagsibagsakan ang mga luha ko habang nagpupumilit pumiglas sa mga hawak nila.

"Ito ang gusto mo, hindi ba? Gulo? Ibibigay ko sa 'yo!" bulyaw ni Airi kasabay nang pagpilit nina Aya at Irene na paluhurin ako sa harapan niya.

Umiling ako dahil inaamin ko. Masiyado na talagang masakit ang ginagawa nila. Wala na ba akong karapatang ipaglaban ang sarili ko?

"Ngayon mo ilabas 'yang tapang mo, Keres! Matapang ka, hindi ba? Aya!"

Mabilis na kumilos ang dalawa niya pang alipores at hinawakan ako upang hindi makapalag sa kung anumang gagawin nila.

Sinubukan kong pumiglas nang hilahin ni Irene ang I.D. ko patanggal sa leeg ko at tinulak ako pahiga sa semento.

"Matapang ka, e, hindi ba? Ilabas mo! Lumalaban ka, e!"

Napalunok ako at tinitigan siya sa mga mata. "Mababa ka pa rin para sa akin, Airi. Nakakaawa ka pa rin!"

Natawa siya bago nilingon ang mga kaibigan niya at tinanguan ito kasabay nang pagtutok niya ng camera sa akin.

"Kita niyo? Ang tapang, di ba? Ito yung sinasabi nilang binubully ko? Ha!"

Kusa na lamang na bumagsak ang mga mata ko papikit nang maramdaman ang palad ni Airi sa pisngi ko.

Pak!

Napakuyom ang kamao ko habang dalawang beses na tinanggap ang palad ni Airi sa magkabilang pisngi ko.

"Aya, simulan niyo na!"

Nakangising humarap sa akin sina Aya at nagsimulang hubarin ang blazer ng uniform ko.

Pumiglas ako ngunit nakatanggap lang muli ako nang sampal kay Airi.

"Wag! Wag!"

Pakiramdam ko sa pagkakataong ito ay wala na akong laban sa kanila.

"Tulooong!"

Gustong-gusto kong tanungin si Airi kung hanggang kailan niya ako balak tratuhin ng ganito?

"Ito yung gusto mo, hindi ba? Matapang ka, hindi ba?"

Napapagod na ako! Pagod na pagod na!
"Itigil niyo 'yan!"

Natigilan ang lahat at nangibabaw ang pagtawag ko ng tulong nang bitiwan ako nina Aya at Irene sa magkabilang braso.

Para akong naupos na kandilang napahikbi na lang habang tuloy-tuloy ang bagsak ng luha ko.

"Keres, ayos ka lang ba?"

Nag-angat ako ng tingin at natagpuan ko ang nag-aalalang mukha ni Kuya Kiro. Hindi ko alam kung bakit siya nandito pero mas lalong lumakas ang bawat hikbi ko.

"Kuya . . ."

Ayoko na.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top