Chapter 1
"Bitiwan n'yo ako!"
Tumigil kami sa harapan ng abandonadong building sa loob ng eskuwelahan namin. Wala akong ibang maramdaman kundi takot dahil sa posible nilang muling gawin sa akin.
"Tumigil ka, Keres! Akala mo ba may tutulong sa 'yo kahit ilang beses ka pang sumigaw? Wala! Kaya tumahimik ka na!"
Napapikit ako nang mariin nang maramdaman ang palad ni Aya na tumama sa pisngi ko. Tumulo ang luha sa pisngi ko habang nakayuko ang ulo.
Alam ko namang ayaw nila sa akin. Dahil hindi naman nila gagawin lahat ng pang-aabuso na ito kung hindi, di ba? Pero hindi bakit parating ako na lang?
Bakit parang wala na akong karapatang magreklamo?
"Dalhin niyo na yan kay Airi. Dali. Panigurado kanina pa naiinip 'yon," utos ni Aya sa dalawa niyang kaibigan na nakahawak sa magkabilang braso ko.
Bigla na lamang nila akong hinila rito at hindi man lang hinayaang binigyan ng opinyon kung gusto ko bang sumama sa kanila.
Lahat na lang ng pakiramdam nilang mas nakaangat sa kanila ay hinihila nila pababa. At isa na ako doon.
Ito rin ang resulta kung bakit hindi ko na magawang magreklamo man lang o tumingin sa mga mata nila sa tuwing bababuyin nila ang pagkatao ko—diring-diri ako sa mga tulad nila.
Halos sumubsob ako sa semento nang itulak ako sa likod ni Irene—isa sa mga alipores nina Aya at Airi. Mga kilala silang bully ng eskuwelahan namin at lahat ng mga taong walang laban sa kanila ay binabangga nila.
Kung sabagay, sino ba namang may kakayahang labanan ang anak ng principal. Hindi ba?
"Airi, nandito na kami. Tingnan mo kung sino itong dinala namin para sa 'yo," masayang pahayag ni Aya.
Naramdaman ko na lang ang paa niyang pumatong sa leeg ko habang nakaluhod ako sa semento.
"Ano ba?! Bakit late na kayo— oh! Look who we have here . . ."
Ipinikit ko ang mga mata ko nang mariin. Ayoko silang tingnan...ayoko silang makita.
"Idilat mo yang mga mata mo at tingnan mo ako, Keres. Hindi mo ba ako namiss?"
"Aray!" sigaw ako nang hilahin ng isa sa kanila.
"Sinabing dumilat ka, e! Gusto mo bang dukutin ko yang mata mo, ha?!" bulyaw ni Airi sa mukha ko.
Gustong-gusto nang dumilat ng mga mata ko pero alam kong pagsisihan ko lang kapag ginawa ko 'yon.
"Anong kailangan mo sa akin, Airi?" nanginginig ang boses na tanong ko.
Kusang napadilat ang mga mata ko at nakangising mukha ni Airi ang sumalubong sa akin nang sampalin niya ako.
"Sinabi ko na sa 'yong dumilat ka para matapos na tayo rito, hindi ba? Bingi ka ba, Keres?" patuya niyang tanong.
Kumuyom ang kamao kong nakalapag sa semento habang nakikipagtitigan sa kanya. Ito ang isa sa mga ayaw ko kapag pumapasok sa eskuwelahan. Kapag sumasapit ang break time at hihilahin na naman ako rito ni Aya.
"Kailan ka ba magsasawang mangtrip ng tao, Airi? Hindi ka pa ba naaawa sa sarili mo?"
Tumawa siya at tinampal ang noo ko. "Magsasawa? Saan? Ang pagtripan ang mga outcast na kagaya mo? Siyempre, hindi. Tinatanong pa ba yan?"
"Oo. Dahil nagmumukha kang papansin. May mga kaibigan ka, hindi ba?" hindi ko na napigilang sabihin. "Pero sa ginagawa mo ngayon, parang wala kang ibang kaibigan dahil yung mga taong hindi ka pinapansin—pinipilit mong pansinin ka."
Napaatras siya sa sinabi ko at halos hindi makapaniwala.
Matagal na akong punong-puno sa kanya at sa mga kaibigan niya. Noong una, takot na takot ako parati kapag ako na ang pinupuna nila. Pero sa kinatagalan ko sa eskuwelahang ito, wala na akong ibang maramdaman kundi awa. Hindi para sa akin kundi para sa mga kagaya niya.
Yung mga taong nagpapanggap na matapang sa labas pero sa loob, mahina pala.
"Keres, ikaw ba talaga yan?" natatawang aniya. "Lumelevel up na yang pagiging loser mo, ha. Nakakapagsalita ka na. Narinig niyo ba yung sinabi niya? Nakakaawa raw tayo?"
Huminga ako nang malalim nang tumayo siya. Nagsimula na silang maghalakhakan na magkakaibigan. At alam kong sa puntong ito, hindi na sila magpapatawad.
Sa mga oras na ito, alam kong hindi na nila ako pagbibigyang makapagsalita pa.
Lumuhod sa harapan ko si Aya at walang pasabing hinila ang buhok ko upang tuluyang sumubsob sa semento. Napaigik ako nang maramdaman ko ang pisngi kong tumama rin sa semento. Agad akong nakaramdam ng pagkahilo.
"Kung may nakakaawa man sa atin dito, Keres. Hindi ba sa tingin mo, ikaw 'yon? Wala kang kakampi! Walang kakampi sa 'yo dahil isa kang loser! Outcast!" sigaw ni Airi.
Ramdam kong sumakit ang sikmura ko nang sipain ako ni Irene. Napayakap naman ako sa katawan nang patihayain ako ni Airi at saka nila ako muling pinagsisipa.
Wala na ako halos na makita dahil nandidilim na ang paningin ko. Tanging pag-ubo at pag-igik na lang ang naibubuga ng labi ko.
"Sinong kawawa ngayon, Keres? Sino?"
Kumuyom ang kamao ko nang muli akong sampalin.
"Kahit anong . . . gawin ninyo . . . kaawa-awa pa rin kayo . . . sa akin . . ." Nauubo akong wika.
Hinding-hindi magbabago ang paningin ko sa kanila. Sa lahat ng ginawa nila, hindi lamang sa akin kundi pati na rin sa mga taong sapilitang lumipat ng ibang eskuwelahan dahil sa pinaggagawa nila—hinding-hindi mabubura sa isip ko ang mga bagay na nakita at narinig ko.
"Alam mo kung bakit hindi ka namin magustuhan? Dahil nakakatakot ka. Hindi ka tao. Taga ibang planeta ka pa nga yata," boses ni Airi.
Umangat ang katawan ko dahil sa paghila ni Irene sa katawan ko. Halos duraan ko sila sa pandidiring nararamdaman ko habang tinitingnan ko sila.
"Tingnan mo." Hinarap niya sa akin ang nakapatay niyang telepono. "Tingnan mo yang sarili mo. Yang nakakadiri mong mga mata. Sa tingin mo, may magkakagusto sa 'yo? Tingnan mo! Tingnan mong mabuti at sabihin mo kung sino sa ating dalawa ang mas nakakaawa."
Sa harap ko ay ang itsura kong parang dinaanan ng bagyo dahil sa pamumula ng magkabilang pisngi, magulong pagkakaayos ng buhok, namamagang labi at ang mga mata ko...ang pares ng mga matang magkaiba ng kulay pero pare-pareho lang ang nakikita at nasisilayan.
Ang mga matang hindi lang isa kundi maraming trahedya na ang natuklasan dahil sa mga taong kagaya nina Airi.
At sa tabi ko ay ang taong may magandang postura. Nakataas noo habang pinagmamasdan ang repleksyon naming dalawa.
Nilingon ko siya na pagod ang itsura. "Mas nakakaawa ka pa rin."
Nawala ang ngiti sa labi niya at nakatanggap muli ako ng isang mag-asawang sampal. Hinding-hindi na yata siya magsasawang gawin 'yon sa lahat ng biktima niya.
Sinuklay niya ang buhok niya matapos n'on. Kitang-kita ang pamumula ng mukha at leeg niya sa ginawa.
"Ang sabi ko, titigan mo! Titigan mo ang sarili mo! Hindi mo ba nakikita ang sarili mo, ha?! Hindi mo ba nakikita yung repleksyon mo? Ang pangit mo! Nakakaawa ka! Nakakadiri ka! Hindi mo ba 'yon maramdaman?!" galit niyang sigaw.
"Paano ko mararamdaman yung gusto mong iparamdam kung ikaw nga, hindi mo maramdaman, Airi?" walang buhay na sambit ko. "Kung nakakaawa na ako sa lagay na ito, sa tingin mo, ikaw hindi?"
"Huh!" buga niya. "At may gana ka pang magmatapang?"
Umiling ako at wala sa sariling hinaplos ang pisnging pulang-pula mula sa pananampal na natamo. "Tigilan mo na ang pamumuhay sa ganyang paraan, Airi. Dahil kahit anong pananakit ang gawin mo sa akin, mas magmumukha ka pa ring kawawa. Bakit? Dahil nung panahong binigyan ka ng pagkakataon na tulungan yung taong nangangailangan ng tulong mo, binalewala mo."
Tumili siya at pinagduduro ang mga alipores niya. Hindi na ako nag-aksaya pang tingnan kung anong balak nila. Dahil bakit pa? Wala namang bago. Nagsasawa na lang akong matuklasan.
"Hawakan niyo! Hawakan niyo!" nanggigil niyang utos.
"At alam mo kung bakit mas nakakaawa ka sa bandang 'yon? Dahil umaakto kang mataas at ibinaba mo lalo ang mas mababa sa 'yo. Sa pagpapatunay mong mas mataas ka kaysa sa mga taong mas mababa sayo . . . hindi ba, nakakaawa 'yon?" pang-aasar ko.
Mabilis na lumapit siya sa akin at hindi ako nakagalaw nang sakmalin niya ako. Sa natitirang lakas ay pilit kong tinanggal ang kamay niyang nakahawak sa may leeg ko.
"Mapagkukumpara mo pa ba tayong dalawa gayong mawawala ka na sa mundong ito?"
Halos mangiyak-ngiyak ako sa pananakal niya ngunit bago ko pa man matanggal ang kamay niya sa leeg ko ay siya na mismo ang gumawa sa akin n'on. Tinulak niya ako kaya napahiga akong muli sa semento.
"Dalhin niyo 'yan sa isang classroom rito. Dali! Ngayon na!"
Nanlaki ang mga mata ko. "Hindi! Wag!"
Muli akong nasindak sa ngising ipinakita ni Airi dahil alam niyang takot ako sa dilim. Mas malinaw ang paningin ng asul na mata ko kaysa sa kape. At pinaka ayaw ko ang dilim.
Wala akong nagawa nang hawakan ako nina Aya sa magkabilang braso at muling kinaladkad papasok sa fire exit kung saan papunta sa first floor ng abandonadong building.
"Wag...wag, Airi!" pagmamakaawa ko nang maingay na bumukas ang isang classroom doon.
"Ngayon mo sabihin kung sinong mas nakakaawa sa atin, Keres. Matapang ka eh. Hindi ba? Ngayon ka magmatapang," aniya sabay tulak sa akin paloob.
Maagap akong gumapang at sinubukang hawakan ang paa nila ng pabalikin lang ako ulit sa loob at malakas na sinara ang pintuan.
Agad na nilukob ng takot ang dibdib ko. Naranasan ko nang ikulong sa madilim na kuwarto noon at ayoko na muling maranasan iyon.
"Saka mo na ako balikan kapag may sagot ka na sa tanong ko. For now, iiwan ka muna naming makatulog sa mahimbing na kuwartong ito. Farewell, Keres."
Sa puntong ito, kusang tumulo ang mga luha ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top