Chapter 1


Pasado alas-tres ng hapon nang tingnan ko ang oras sa aking phone. Medyo nangangalay na rin ang  likod ko dahil sa mahabang biyahe. Mahigit anim na oras ang ginugol namin bago narating itong San Martin.

Itinuon ko na lang ang aking paningin sa labas ng sasakyan nang lumiko ito sa isang private road. Pinagmasdan ko ang mayayabong na puno ng Acacia sa gilid ng daan. Nakakamangha ang laki ng mga ito, parang mga nakahilerang kawal na hinubog ng panahon sa labas ng magarbong tarangkahan. Alagang-alaga pa rin ang mga halamang namumulaklak sa gilid ng fountain na nadaanan namin. May  iilang turista na rin ang nagpapa-picture doon. Ilang minuto lang ay huminto na ang sinasakyan ko.

"Nandito na po tayo, Ma'am Hasna," ani Manong Carding, ang driver na siyang sumundo sa akin sa Airport.

Nauna siyang bumaba sa sasakyan  at ipinagbukas ako ng pinto.

"Thank you, Manong Carding." Dahan-dahan akong lumabas ng sasakyan at binigyan siya ng malapad na ngiti. Tumango naman siya sa akin at bahagyang napayuko.

Nagpalinga-linga ako sa paligid habang ibinababa ni Manong Carding ang aking mga gamit.

I had been to different places, but I never seen such a beautiful place like this! Napapikit ako nang umihip ang sariwang hangin. Kahit kailan talaga ay hindi ako binigo ng lugar na ito. Malayong-malayo ito sa magulo at maingay na lungsod. Kung puwede lang sanang dito na lang ako manirahan habangbuhay.

"Welcome to La Villa's, hija," sabi ng may edad na lalaki. Nakasuot siya ng floral polo shirt and white shorts. May malapad na sobrerong nakapatong sa ulo niya't tulad ng dati, nakasabit na naman sa bulsa ng polo ang paborito niyang sunglasses.

"Lolo Gaston!" Nagmamadali akong lumapit sa kanya at saka nagmano. "Long time no see po."

"Oo nga. Matagal-tagal na rin noong huling punta mo rito..." Pinasadahan niya ako ng tingin. "Tila  lalo ka pa yatang gumanda, ah." Tumawa siya nang mahina. "Kumusta naman ang byahe mo?"

"Okay naman po. Sanay naman po ako sa mahabang biyahe."

"Okay maiba ako, ipinaayos ko na ang tutuluyan mo, hija. At kung may kailangan ka pa, 'wag kang mahiyang magsabi sa akin o 'di kaya sa mga staff nitong  La Villa's."

"Yes, Lolo. Thank you so much po talaga."

"Basta ikaw, hija. Hindi ka lang basta bisita rito, alam mo 'yan." Tinapik niya ang balikat ko. "Oh, s'ya... maiwan na kita at may aasikasuhin pa ako. Siya na ang bahala sa iyo." Itinuro niya ang bellboy na nakatayo 'di kalayuan sa amin.

"Sige po. Ingat po kayo," paalam ko sa kanya. Sinundan ko siya ng tingin habang patungo sa yateng nakadaong sa gilid ng dalampasigan. Napakabait talaga niya sa akin.

"Tara na po, ma'am, pumasok na po kayo sa loob," sabi ng bellboy. Nilingon ko siya at nakitang nailagay na sa trolley ang mga gamit ko.

Tumango ako bilang sagot sa kanya, pagkatapos ay nagpatiuna na akong naglakad patungo sa entrance ng La Villa's.

"OMG! Si Hasna Laure ba 'yon?"

"Asan, gurl?"

"'Yong dumaan! Tanga! Asan ba ang mga mata mo?"

"Shocks! S-siya nga!"

"Maganda pala talaga s'ya—totoo kaya 'yung tsismis tungkol sa kanya?"

Medyo napalakas ang usapan ng isang grupo ng mga kabataang turista, kaya umabot iyon sa pandinig ko. Napailing na lamang ako. Mukhang hanggang dito ay nakarating na rin ang fake news tungkol sa akin. Sabagay, hindi ko naman sila masisisi. Ipinagkibit-balikat ko na lamang ang aking narinig at nagpatuloy sa pagpasok sa loob.

Gumagawa ng ingay sa marmol na sahig ang suot kong heels. Nakakainis. Bakit ba naman kasi ito pa ang isinuot ko? Dahil dito ay hindi ko maiwasang makuha ang atensyon ng mga tao sa lobby, at kahit hindi ko sila tingnan isa-isa—nakatutok sa akin ang mapanuri nilang mga mata. Bahagya akong yumuko at inayos ang aking salamin.

Itinuon ko ang aking tingin sa babaeng nasa front desk, ngumiti siya nang malapad nang makita ako. Maaliwalas ang mukha niya, may nakaipit na bulaklak sa kaliwang punong-tainga, at bumagay sa kanya ang suot niyang bulaklaking uniporme. Simple, pero kaakit-akit.

"Good afternoon, Miss Hasna, welcome back to La Villa's!" aniya sa masiglang boses.

"Thank you, Jelyn, it's nice to be back here." Tipid akong ngumiti. "Kumusta ang Dandalion?"

"Okay na, Miss Hasna. Actually, may nais ding tumuloy sa favorite place mo... kaso sinabi sa akin ni Sinyor Gaston na darating daw po kayo."

Napangiti ako. "Kaya hindi mo na ibinigay sa iba, gano'n ba?"

Tumango siya. "Ang sabi ko'y naka-reserved na 'yon para sa aming guest." Iniabot niya ang susi sa akin.

"Maaasahan talaga kita. Thank you so much, Jelyn."

"Basta ikaw, Miss Hasna."

"Oh, before I forgot, I have something for you... dumaan ka sa akin mamaya after your work, ha," bulong ko sa kanya.

Ngumiti siya nang pilit, sabay lingon  sa kasama niyang busy naman sa ginagawa. "N-nakakahiya naman... 'wag na, Miss Has—"

"Hasna na lang... magtatampo ako sa 'yo kapag tinanggihan mo!" sabi ko, mahina pero mariin.

Bahagya siyang lumapit sa akin at bumulong. "Sige, Miss Hasna este Hasna pala." Hindi na niya napigil ang pagtawa. "Maraming salamat. Ang bait-bait mo talaga."

Parang hinaplos ang puso ko dahil sa sinabi niya. Tama. Maaaring mabait nga ako, 'yung tipong... sa sobrang bait ay hindi ko na kayang lumaban kahit pa dinudurog na ako nang paulit-ulit. Bigla akong nalungkot sa isiping iyon.

Mayamaya ay nagpaalam na ako kay Jelyn.

Lumingon ako sa bellboy na matiyagang naghihintay sa akin. "Let's go."

Dahil sanay na ako sa pasikot-sikot sa lugar na ito ay tahimik kong tinahak ang hallway patungo sa East Wing ng hotel. Ilang sandali lang ay nasa labas na kami kung saan naroon ang daan papunta sa mga bahay bakasyunan na available rin sa La Villa's. 

Ilang metro din ang layo ng lalakarin namin bago makarating sa bahay na tutuluyan ko. Kailangan munang dumaan sa mahabang pasilyong nasa gitna ng malawak na hardin. May mga benches sa gilid ng daan, ang ilan ay okupado na ng magkakapareha. Perfect naman talaga sa mga lovebirds ang hardin na iyon. Bukod sa  magagandang bulaklak, mayroon ding mga upuan na gawa sa kahoy at ratan na sadyang dinisenyo na  kurteng puso.

Sa totoo lang, sumisikip ang dibdib ko. Dapat ay hindi na lang ako dumaan sa lugar na iyon. Masakit sa mata ang mga tanawing nadaraanan ko—couples na halos langgamin dahil sa sobrang ka-sweet-an. Maghihiwalay rin kayo, kung hindi ngayon, baka bukas!

Agad akong umiwas ng tingin sa dalawang naghahalikan. Nakalimot na yata ang mga ito't walang pakialam na nasa gilid lang sila ng daan. Dios mio Marimar! Ano na ba ang nangyayari sa Earth? Itinuon ko na lamang ang  tingin sa bellboy na pumantay sa aking paglalakad. Maging siya'y lihim na napailing, hindi iyon nakaligtas sa mapanuri kong mga mata.

"Bago ka lang ba rito?" tanong ko sa kanya nang lumingon siya sa akin. Medyo may kapayatan siya at halatang bata pa.

Tumango ang bellboy. "Yes, ma'am." Tipid siyang ngumiti, muling itinuon ang pansin sa trolley na tulak-tulak niya. "Mag-iisang buwan pa lang po ako rito, e."

"Ah. Kaya pala ang tahimik mo."  Pabalik-balik na ako sa lugar na ito at halos lahat ng bellboy na naa-asign sa akin ay pare-parehong madadaldal pero mababait naman.

"Pasensiya na po, ma'am. Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sanay makakita ng celebrity."

Napangiti ako. "But, I'm not one of them." Sabagay, hindi naman lingid sa kaalaman ko na maraming celebrities ang nagpupunta sa La Villa's. Last time na nagbakasyon ako rito ay nakasabay ko pa sina Nadine at James.

"Napanood na po kita sa TV, ma'am," aniya at muling lumingon sa akin. Umaliwalas lalo ang mukha niya, pati ang singkit na mga mata ay parang kumikinang. "Pati rin sa magazines, at YouTube. Tagahanga n'yo po kasi ang kapatid kong babae, 'yong sumunod sa akin."

Napangiti ako nang malapad. "Talaga ba? Pakisabi na lang sa kapatid mo na maraming salamat, ha."

"Sige, ma'am. Siguradong lulundag 'yon sa tuwa." Tumawa siya. "Nandito na pala tayo," aniya, saka napakamot sa ulo.

Nalibang din ako sa pakikipag-usap sa kanya, mukha lang pala siyang tahimik.

Saglit akong huminto at pinagmasdan ang bahay sa itaas ng burol. Ang dingding sa harap ay gawa sa salamin, natatabingan iyon ng makapal at kulay krema na kurtina. Maliban sa bubong, purong kahoy na ang ginamit para mabuo ang ganoon kagandang bahay.

Matagal ko nang gustong malaman kung sino ang nagdisenyo sa bahay na iyon, pamilyar kasi sa akin ang style nito. Ngunit kahit kay Jelyn ay wala akong nakuhang impormasyon. Wala raw itong alam tungkol sa bagay na iyon.

Umiihip ang malamig na hangin kaya pa-simple kong niyakap ang aking sarili kasunod ang malalim na buntonghininga.

Ibinaling ko ang aking tingin sa hardin. DANDELION  iyon ang nakasulat sa maliit na signboard na naroon. Napangiti ako. Napakagandang pagmasdan ang mga kulay dilaw at puting bulaklak ng dandelion. Lumapit ako at saka hinaplos ang  puting bulaklak. Ang maliliit na talulot nito ay biglang tinangay ng hangin. Sana... katulad mo na lang ang sakit na patuloy kong nadarama. Iyong isang ihip lang ng hangin ay mawawala na.

"M-ma'am, hindi pa po ba kayo papasok sa loob?" 

"Sorry. Na-miss ko lang talaga ang lugar na ito. Pakipasok na lang ang lahat ng 'yan sa loob."

Tumango siya at saka binitbit ang dalawang suitcase ko. Balak kong manatili nang ilang buwan sa lugar na ito hanggang sa tuluyang maghilom ang sugat sa aking puso. Kailangan ko nang sapat na panahon para sa tinatawag kong peace of mind.

Nang makaalis ang bellboy ay pabagsak akong umupo sa malambot na sofa.  Mamaya ko na lamang aayusin ang aking mga gamit. Ano na, Has? Ano na ang balak mo ngayon?

Habang nakatitig ako sa kisame, isang pigura ang gumuhit sa aking isipan. Eight months na ang nakararaan pero hanggang ngayon—nasasaktan pa rin ako. But, I need to move on and forget every damn thing that happened!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top