YAMTF Kabanata: 31

Nang matapos ikwento ni Icarus ang dahilan kung bakit siya umalis nang walang paalam, ay mabilis niyang binalingan si Raine. Ngunit wala itong nakuhang sagot o reaksyon mula sa dalaga.

Nabahala si Icarus dahil hindi niya alam kung anong tumatakbo sa utak at saloobin ngayon ng dalaga. Napansin pa niya na nangingilid na ang mga luha ni Raine, ngunit pinipilit lang nitong magpakatatag.

"Raine, alam kong walang kapatawaran ang ginawa kong pag-iwan sa'yo, pero umaasa ako na mapapatawad mo pa rin ako balang araw." humahagulgol na usal ni Icarus.

Patuloy lang sa pagtulo ang mga luha ni Icarus na punong-puno ng emosyon. Pero kabaligtaran naman sa parte ng dalaga, naluluha nga ito ngunit walang mababakas na kahit ano sa itsura nito ngayon, kaya naman mas nabahala si Icarus sa ipinapakitang ito ni Raine.

"Raine, talk to me please." pakiusap nito sa dalaga habang patuloy sa pagtulo ang kanyang mga luha. "Patawarin mo ako Raine, hindi ko ginustong iwan ka."

Sa puntong iyon ay binalingan na siya ng dalaga, sinalubong s'ya nito ng matatalim na tingin. Tingin na punong-puno ng galit at pagkamuhi. Napansin pa ni Icarus, na bahagyang tumaas ang gilid ng labi nito na parang pinapakita ng dalaga na hindi ito natutuwa sa mga sinabi n'ya.

"Talagang pinamuka mo lang sa akin Icarus na hindi mo ako mahal." sarkastikong sambit ni Raine at sa puntong iyon ay nagbagsakan na ang mga luhang kanina pa nitong pinipigilan.

"That's not true Raine, mahal na mahal kita. Ginawa ko lang iyon dahil ayaw kitang masaktan." umiiyak na usal ni Icarus na agad namang sinagot ng dalaga.

"Ayaw mo akong masaktan?!" sarkastikong saad nito sa binata. "Ayaw mo akong saktan ha?!" sa puntong iyon ay tumaas na ang boses ng dalaga.

"Pwes, gusto ko lang sabihin sa'yo na huli na ang lahat Icarus, dahil simula pa lang nang araw na iniwan mo ako, ay abot langit na ang sakit na naidulot no'n sa akin! Ngayon sabihin mo, hindi ba ako nasaktan sa pagkawala mo ha!" bulyaw ni Raine na umalingawngaw sa buong silid.

"Halos mabaliw na ako noong araw na nawala ka, ang buong akala ko naaksidente ka lang, abot-abot ang panalangin ko na sana maayos ang lagay mo. Pero putangina! Wala akong kaalam-alam na iniwan mo na pala ako!" bulyaw ni Raine sa binata habang patuloy sa pagtulo ang kanyang mga luha.

"Raine I'm sorry..." hindi na natapos ni Icarus ang kanyang sasabihin nang biglang putulin ni Raine ito,

"S-Sorry?! Bakit ka nagso-sorry Icarus? Dahil ba naaawa ka sa akin, kasi iniwan mo ako na parang basura?" humahagulgol na sambit ni Raine.

"Hindi kita iniwan Raine para sa sarili ko, iniwan kita dahil ayoko na matali ka sa sitwasyon ko na wala namang kasiguraduhan..."

"Kahibangan yan, Icarus!" sigaw ni Raine. "Ganoon ba kababa ang tingin mo sa akin, para hindi mo pagkatiwalaan ang pagmamahal ko sa'yo?!"

"No! That's not what I meant, Raine."

"Hahaha!" sarkastikong halakhak ng dalaga. "Nagdesisyon ka para sa sarili mo, hindi mo ako hinayaang damayan ka sa mga panahong kailangan mo ako. Mas pinili mo pang saktan ako ng walang kamalay-malay, kesa sa masaktan akong kapiling ka!"

Hindi nakasagot si Icarus sa sinabi ng dalaga dahil aaminin niya, sinarili niya ang pagdedesisyon tungkol sa pagkakaroon niya ng sakit. Kaya naman hindi niya masisisi si Raine kung kamuhian siya nito ng tuluyan.

Nabalik lang sa realidad si Icarus nang biglang tumayo ang dalaga sa kinauupuan nito, "Raine..." mahinang usal ng niya rito.

"Aalis na ako," malungkot na saad ng dalaga saka pinalis ang mga luhang nagkalat sa kanyang magkabilang pisngi.

"Maraming Salamat, dahil kahit huli na ang lahat, mas pinili mo pa ring sabihin sa akin ang katotohanan. Atleast ngayon, magaan na ang kalooban ko na magpatuloy sa buhay, hindi na ako kukutiltilin ng konsensya ko na kaya mo ako iniwan dahil may mali akong nagawa sa relasyon natin noon."

At sa puntong iyon ay lumakad na papalabas ng pinto si Raine, ngunit bago pa niya mahawakan ang seradura ng pinto agad niyang narinig na nagsalita si Icarus,

"Raine, umaasa ako na mapapatawad mo pa rin ako sa kabila ng mga maling desisyon ko." Anito sa dalaga.

Sandaling natigilan si Raine dahil sa sinabing iyon ng binata, ngunit hindi na niya ito binalingang muli at dire-diretsong lumabas ng pintuan.

Pagkasara ni Raine ng pinto, agad siyang sumandal rito at patuloy lang sa pagtulo ang kanyang mga luha. Gusto niya sanang yakapin ang binata at sabihin dito na nauunawaan niya kung bakit ito umalis.

Pero mas nanaig pa rin sa kanya ang mga sakit na kanyang naranasan noong mga panahong iwan siya nito. Kaya naman pinunasan na niya ang kanyang mga luha at diretsong umuwi sa kanilang tahanan.


*****


Matamlay na umuwi si Raine, patuloy lang sa pagtulo ang kanyang mga luha. Kahit anong pilit niyang pagpipigil rito, ay kusa pa rin itong nagbabagsakan.

Masakit para sa dalaga ang mga nangyari sa kanila ni Icarus, ngunit mas masakit para sa kanya ang hindi siya pagkatiwalaan nito at naging makasarili ang binata para ipagkait sa kanya ang katotohanan na pwede naman nilang pagdamayan ng magkasama.

Nakahiga na ngayon sa kama si Raine, nag-iisip kung anong dapat niyang gawin ngayong alam na niya ang katotohanan. "Dapat maging masaya ako 'di ba?" tanong niya sa kanyang sarili.

"Ahhhh!" iritable n'yang usal habang nakatalukbong ng kumot.

Nang hawiin ng dalaga ang kumot na nakatabing sa kanyang mukha agad siyang tumagilid pakanan para makapag-isip. "Ano nang gagawin ko ngayon." malungkot n'yang sambit sa hangin.

Ilang segundo lang ang lumipas nang biglang tumunog ang kanyang telepono. Mabilis niyang kinuha ito sa lamesita at tiningnan kung sino ang tumatawag.

Nangunot ang kanyang noo dahil hindi naman nakarehistro ang numerong iyon, kaya naman para makasigurado kung sino ito, agad niyang sinagot ang tawag na iyon.


Convo:

"H-hello." sagot ni Raine sa telepono.

"Hello, Raine." bungad ng babae sa kabilang linya.

"Yes, sino po sila?"

"This is Margaux."

"S-sinong Margaux? Sorry pero hindi kita kilala." kunot noong saad niya rito.

"I know, pero ako kilalang-kilala kita."

Sandaling natigilan si Raine, nang marinig ang sinabi ng babae. Nang makabawi agad niya itong kinausap muli,

"Hindi kita kilala, kaya h'wag mo akong pagtripan." pagtataray n'ya rito.

"Haha! I'm not joking here sweetie, believe me marami akong alam tungkol sa'yo. Kaya hihintayin kita ngayon sa BakeShop na pinagtatrabahuhan mo." wika nito saka naputol ang linya.

"Sino 'yon?" kunot noong tanong ni Raine sa kanyang sarili.

Dala ng kanyang kuryosidad agad siyang nagbihis para puntahan ang babaeng kausap niya kanina. Hindi man siya sigurado pero malakas ang kutob ni Raine na isa ito sa makakasagot ng problemang kinakaharap niya ngayon.

Makalipas ang kalahating oras, nakarating si Raine sa BakeShop na kanyang pinapasukan. Palinga-linga siya sa paligid sa pagbabaka-sakaling makita niya agad ang babaeng iyon.

Nagulat na lang ang dalaga nang biglang may kumalabit sa kanyang balikat, "Oy baks, bakit ka nandito? Sinabi ko na kay Ate Amara na hindi ka papasok kasi may emergency. So kamusta si Kuyang Pogi? Chika mo naman sa akin baks..." sunod-sunod na tanong ni Chloe sa kanya.

Sasagutin na sana ni Raine ang dalaga nang biglang may nahagip ang kanyang mga mata. Nakita niya ang isang babae na nakaupo sa 'di kalayuan. Biglang kumabog ang dibdib ni Raine dahil kilala niya ang babaeng iyon.

"S-siya 'yung babaeng kasama ni Icarus sa Reunion." saad niya sa kanyang sarili.

Nang mapansin nito ang kanyang presensya agad siyang nginitian ng babae ng napaka-tamis. Napakunot noo naman si Raine at nagpalinga-linga pa sa paligid para makasigurado kung siya nga ang nginingitian nito.

Ilang segundo lang ang lumipas nang makalapit ito sa kanyang kinatatayuan, "Hi Raine," bati nito saka bumeso. "Akala ko hindi ka na sisipot eh." nakangiting sambit nito saka ikinawit ang kamay ng dalaga sa braso ni Raine papunta sa kinauupuan nito kanina.

Nagtataka na lang na napatingin si Raine sa kanyang kaibigan na si Chloe, nakakunot-noo lang ito na parang nagtatanong sa kanya na, Anong-meron-Look. Nagkibit-balikat na lang s'ya saka muling binalingan ang babaeng kasama niya.

Umupo na ito ngayon sa harap n'ya, nang makita ng babaeng hindi pa rin umuupo si Raine saka ito muling nagsalita, "Please Raine, have a seat." nakangiting saad nito saka tinuro pa ang upuan.

Nang makaupo si Raine, nakita niyang nakatingin lang ang dalaga sa kanya ng mata sa mata. Bahagya namang nahiya si Raine sa paraan ng pagtitig nito, dahilan para siya'y mapa-yuko.

"Jic was right, maganda ka nga talaga."

Rinig ni Raine na sabi nito, dahilan para matingnan niya ang dalaga, "Jic?" kunot-noong tanong n'ya rito.

"Oh... Silly me, what I meant was Icarus. He told me na mas maganda ka raw sa akin. And yeah, he was right." saad nito saka uminom ng kape.

Naguguluhan pa rin si Raine, kung sino ang taong kaharap niya ngayon. Nagtataka siya kung bakit parang kilalang-kilala siya ng dalaga samantalang ngayon lang naman sila nagkita o nagkakilala nito. Nasa ganoong pag-iisip si Raine nang biglang magsalitang muli si Margaux,

"By the way, I'm Margaux, Jic's Fianceè." diretsong wika nito saka inilahad ang kamay kay Raine.

Nabigla si Raine sa sinabi nito, parang tinakasan ng dugo ang buo n'yang sistema habang nanlalamig ang mga kamay na naestatwa sa kanyang kinauupuan.

Hindi niya alam kung anong kamalasan ang meron sa araw na iyon para magkasunod-sunod ang mga kinakaharap niyang problema ngayon.

Hindi niya maunawaan kung bakit s'ya kinakausap nito, gayong wala na naman silang relasyon ni Icarus. Kaya naman bago pa tuluyang malugmok si Raine sa kanyang kinauupuan ngayon, taas noo n'yang hinarap ito.

"So anong gusto mong gawin ko kung fianceè ka ni Icarus? Wala na kaming relasyon kaya hindi mo ako kailangang kumprontahin pa." matigas n'yang saad rito, pero sa loob-loob n'ya ay parang sinasaksak ang puso niya sa kaisipan na may ibang mahal na ang binata.

"I think you're lying." maikling wika nito, dahilan para mangunot ang noo ni Raine.

"Anong ibig mong sabihin?"

"Nagsisinungaling ka, dahil sa tingin ko mahal mo pa ang fianceè ko." seryosong saad nito saka sumandal sa upuan.

"You see miss, matagal na kaming tapos ni Icarus. Hindi ko alam kung bakit pa tayo nag-uusap ngayon, ikaw ang fianceè 'di ba? Bakit hindi mo itanong sa lalaking 'yon ang dahilan para pagdudahan mo siya." iritableng sambit ni Raine habang namumula ang mukha sa galit.

Sandaling katahimikan ang namayani sa pagitan ng dalawang dalaga. Nagpupuyos na sa galit ang kalooban ni Raine, dahil mukang pinapalabas pa ni Margaux na third-party s'ya sa relasyon ng dalawa.

Nasa ganoong pag-iisip si Raine nang biglang marinig n'ya na tumawa ang dalaga.

"Hahaha!" halakhak ni Margaux. "Look at your face, it's turning red." humahalakhak na usal nito na ikinabwisit ni Raine.

"Miss, pwede ba... Kung wala ka ng sasabihin, aalis na ako." pagtataray ni Raine saka dali-daling tumayo.

Hahakbang na sana palayo si Raine nang biglang tawagin ni Margaux ang kanyang pangalan, "Raine, wait!" sigaw nito.

Binalingan naman agad ito ni Raine dahil masyado ng eskandalosa ang pagtawag nito sa kanyang pangalan.

"Ano bang problema mo?" inis na sambit niya rito saka muling naupo sa upuan.

"Wait..." saka nito iminustra ang kamay na parang humihingi ng ilang segundo para maiayos nito ang kanyang sarili. "Okay, i'll be serious na. Look, I was kidding when I told you that I'm Jic's Fianceè. Ang totoo n'yan pinsan niya ako." saad nito saka ngumiti ng napaka-tamis.

"Pinsan?" kunot-noong wika niya rito na parang naguguluhan.

"Yep..." ngisi nito. "I just want to talk to you about Jic, I know mahal mo pa siya! I saw it in your eyes. That's why I'm here, I wanted you and Jic back together." desididong sambit ni Margaux dahilan para mas magulat si Raine.

"Sandali ahh... Pinapunta ka ba ni Icarus dito para kumbinsihin ako?" nanlalaki ang mga matang usal ni Raine.

"Nope, Jic has nothing to do about this. Hindi nga n'ya alam na kinuha ko ang number mo sa cellphone n'ya eh. So you see Raine, seryoso ako tungkol sa inyo ni Jic. Give him a chance, hindi naman niya ginusto na iwan ka." pagpapaliwanag nito sa dalaga.

"Ewan ko, naguguluhan pa ako."

"I understand Raine, he doesn't want you to get hurt, na makita s'yang nagsusuffer sa sakit n'ya. Maghihintay ako Raine, just call me when you're ready," saad ni Margaux saka tumayo bitbit ang kanyang bag.

Lumapit ito sa kinauupuan ni Raine at humalik sa pisngi ng dalaga, "I liked you by the way." naka-ngiting usal nito saka isinuot ang kanyang shades papalabas ng BakeShop.

Naiwang tulala si Raine sa lamesa, hindi niya alam kung anong emosyon ang kanyang nararamdaman ngayon. Para s'yang natauhan sa mga sinabi ni Margaux, ngunit nandoon pa rin ang takot. Takot kung kaya ba niyang haraping muli si Icarus.

Napahugot na lang ng malalim na hininga si Raine saka ito ibinuga sa hangin...




*****

Don't forget to tap the star ⭐️ button to vote.
Vote | Comment | Share
Facebook Page: Everjoy Condes #anaknikikodora
Facebook Group: THELABSSQUADWP
Facebook Official: Everjoy Condes WP

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top