YAMTF Kabanata: 22
Dumating na ang araw ng muling pagtitipon ng mga mag-aaral ng FTHS. Simula nang makatapos si Raine ng High School, ito ang kauna-unahang pagkakataon na dadalo s'ya sa nasabing bulwagan.
Hindi mahilig ang dalagang si Raine sa ganitong mga okasyon, paminsan-minsan pa nga kahit sa kaarawan ng kanyang mga kaibigan ay bibihira rin siya kung dumalo dahil hindi sanay ang dalaga na makipag-halubilo sa maraming tao. Hindi naman siya mangmang kung iisipin ng iba, talagang hindi lang nakasanayan ni Raine ang ganitong mga bagay, na siya namang nauunawaan ng kanyang mga kakilala.
Tinulungan ni Mama Gina si Raine na mag-ayos ng kanyang sarili. Ang kanyang Ina ang naging punong abala sa pag-aalam ng mga bagay na gagamitin ng dalaga, kaya naman laking tuwa ni Raine dahil suportado siya ng ginang dito.
Halos umabot ng isang oras ang naging pag-aayos ni Mama Gina kay Raine, sinisigurado kasi nito na magiging maayos ang itsura ng kanyang anak kapag nakipaghalubilo ito sa mga mayayamang mag-aaral ng FTHS.
"Ang ganda naman ng anak ko."
"Si Mama talaga..." natatawang sambit ni Raine, dahil sa sinabi ng kanyang Ina.
Nang iniabot ni Mama Gina ang salamin sa dalaga, laking gulat ni Raine sa transpormasyong kanyang nakita. Hindi makapaniwala ang dalaga na ang sarili niya mismo ang nakikita niya sa repleksyon ng salamin, "Wow... Ang ganda ko Mama." nakangiting sambit ni Raine habang sinisipat ang bawat anggulo ng kanyang mukha.
Mula sa kanyang kilay na kinortehan ng pa-angkla, sa talukap ng kanyang mga mata na may pinaghalong koloreteng kulay itim at ginto.
Sa kanyang pisngi na dati'y maputla ngayon ay kulay rosas na, at ang kanyang labi na kanina'y tuyot, ngayon ay may pulang lipstick ito na may halong pampakintab na kung tawagin ay lipgloss.
"Oh anak, ito na ang susuotin mo." saad ni Mama Gina saka iniabot ang isang plain black mini dress at isang pares ng sapatos na pinaghalong kulay itim at gintong strap.
Photo CTTO
Namangha si Raine sa kanyang nakita, sobrang ganda ng mga ito at halatang mamahalin. Hindi naman iyon ang nakaplano niyang suotin kaya naman nagtataka siya kung saan nakuha ng kanyang Ina ang mga iyon.
Hindi mapakali si Raine, kaya naman kunot noong tinanong n'ya si Mama Gina, "Ma, saan po galing ang mga iyan?" nagtatakang tanong niya rito, dala na rin nang kanyang kuryusidad.
"Hindi ko rin alam anak, may nag-iwan lang sa gate natin kaninang umaga. Nakalimutan kong sabihin sa'yo dahil maaga akong naglabada kina Misis Cruz." mahabang pagpapaliwanag ni Mama Gina sa dalaga.
"Kanino kaya galing ang mga ito?" nagtatakang tanong ni Raine, saka tiningnan ang paper bag na kalakip nito.
Nakita niya na nakasulat ang kanyang pangalan dito, ngunit wala namang inilagay kung kanino ito nanggaling.
Nasa malalim na pag-iisip si Raine nang biglang magsalitang muli si Mama Gina, "Sige na anak, suotin mo na... Baka dumating na si Josh." saad nito saka tinulungang magbihis si Raine.
Ilang minuto ang lumipas, habang abala ang mag-inang Gina at Raine, biglang may kumatok sa pintuan. Agad din namang bumukas ito at bumungad ang dalagang si Riz...
"Ate nand'yan na si Kuya Jo—" hindi na natapos ni Riz ang kanyang sasabihin nang makita n'ya ang kanyang Ate Raine na naka-pustura ngayon. "Wow Ate.. Ang ganda mo!" namamanghang sambit ni Riz na ani mo'y hindi makapaniwala sa kanyang nakikita ngayon.
Natawa lang si Raine sa naging reaksyon ni Riz kaya naman agad n'yang kinausap ito, "Oy Ne... Baka mahipan ka nang masamang hangin d'yan, natulala ka na ohh." natatawang saad ni Raine bago lapitan ang kanyang kapatid.
"Ate, grabe ang ganda mo... Ang gara ng suot mo, pang chochal." biro nito sa kanya saka umupo sa dulo ng kama ni Raine.
"Hahaha!" halakhak ni Raine "Loka-loka.. Ano nga 'yung sinasabi mo kanina?" aniya rito saka umupo na rin sa kanyang kama para isuot ang sapatos.
"Ay— oo nga pala! Si Kuya Josh nandy'an na sa baba," wika nito habang titig na titig sa kanyang Ate Raine "Grabe 'te, ang gwapo rin ni Kuya Josh, bagay kayo!" kinikilig na sambit nito at bahagya pang sinanggi ang balikat ng kanyang Ate sa sobrang kakiligan.
Napailing na lang si Raine sa inasal ng kanyang kapatid, kaya naman nang matapos n'yang suotin ang sapatos agad tumayo ang dalaga para tingnan ang kanyang kabuuan sa salamin.
Napangiti siya nang makitang ayos na ang kanyang itsura, hindi man s'ya mayaman kagaya ng iba n'yang kaklase noon sa FTHS, at least kahit ngayong gabi lamang ay masasabi niyang kahit papaano hindi na rin pahuhuli ang kanyang itsura sa mga ito.
****
Nanghihintay si Josh sa sala ng pamilya Lopez, para sunduin ang kanyang kaibigang si Raine. Abala ito sa pagtipa ng kanyang cellphone nang biglang marinig niya ang boses ni Riz na pababa na ngayon ng hagdanan.
"Kuya Josh, ready na po si Ate Raine!" masiglang usal nito saka tinungo ang tabi ng binata.
Napatingin si Josh sa itaas na bahagi ng hagdanan at napatulala nang unti-unting masilayan ang imahe ng dalaga. Parang bumagal ang takbo ng buong paligid nang makita n'ya si Raine pababa ng hagdan. Simula sa sapatos nito na may limang pulgada ang taas, ang mga binti nitong mala-labanos ang kutis. Nang mapadako ang kanyang paningin sa damit nito na kulay itim, napangiti siya dahil terno sila ng dalaga.
Tuluyan ng nakababa si Raine ngunit parang tanga na nakatulala lamang si Josh sa kanyang kinakatayuan ngayon.
"Joshhie..." tawag ni Raine rito.
Hindi namalayan ni Josh na nakalapit na pala ang dalaga sa gawi niya at pinagtatawanan na siya nina Mama Gina at Riz.
"Hala si Kuya Josh, natulala na sa kagandahan ni Ate..." at humalakhak si Riz ng napakalakas na siyang nakapagbalik sa katinuan ni Josh.
"H-ha?" ipinilig nito ang kanyang ulo saka muling tumingin kay Raine "I'm sorry Ulan, natulala lang talaga ako... Grabe ang ganda mo," namamaghang usal ng binata "For you." saka iniabot ang isang dosenang pulang rosas na kanyang dala.
"Thank you Joshhie," pasasalamat ni Raine sa binata "So pa'no tara na?" nakangiti niyang saad sa binata.
"Let's go," anito saka inumang ang kanyang kaliwang braso para pakapitin dito si Raine "Tita, sige po mauuna na po kami." magalang na pamamaalam nito kay Mama Gina.
"Sige iho, mag-iingat kayo." balik wika nito sa binata.
"Sige po Mama, alis na po kame," saad ni Raine saka humalik sa pisngi ng kanyang Ina. "O Riz ikaw nang bahala kay Mama, h'wag ka ng lumayas gabi na." pangaral nito sa nakababatang kapatid.
"Opo Ate, basta pahiramin mo ako niyang damit at sapatos mo kapag nag-prom kami ha?" nakangising usal nito at humalik sa pisngi ng kanyang Ate.
"Oo na po, sige na aalis na kame... Mama sige po." aniya sa mga ito saka kumaway papalabas ng kanilang pintuan.
Inalalayan ni Josh si Raine makalabas ng kanilang gate saka ito pinagbukasan ng pinto ng kanyang kotse.
"Salamat." ngiting sambit ni Raine rito.
Isang nakangiting tango lang ang isinagot ni Josh saka nagmamadaling umikot sa kabilang side ng kanyang sasakyan.
"Let's go?" tanong nito sa dalaga saka binuksan ni Josh ang makina ng kanyang sasakyan.
"Tara." nakangiting saad ni Raine at nilagay na rin ang seatbelt.
*****
Abangan ang mga kapana-panabik na eksena sa mga susunod ng Kabanata.
See you next chapter mga labs! ❤️
*****
Don't forget to tap the star ⭐️ button to vote.
Vote | Comment | Share
Facebook Page: Everjoy Condes #anaknikikodora
Facebook Group: THELABSSQUADWP
Facebook Official: Everjoy Condes WP
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top