Di Bale May Bukas Pa

Ilang ulit mo nang sinabi

Nabingi na nga ang araw at gabi

Madalas mong sabihing  "Di bale may bukas pa naman."

At sinayang mo ang mga oras na'yon sa kalokohan

Ngunit konting ingat kaibigan

Baka dumating ang panahon na kapusin ka sa oras

O kaya'y makagat ka ng makamandag na ahas

Di natin alam ang mangyayari bukas

Di ba ilang ulit ka na ring nasugatan

Dahil sa kasabihan mong may bukas pa naman

Ngunit bakit di ka matuto sa mga nangyayari

Ika'y tumatanda hindi bumabata pare

At mayroon kang nais sabihin

Sa mga nagmahal sayo't nakapiling

Nais mong sabihin na mahal mo rin sila

Datapwat sabi mo'y "di bale may bukas pa"

Ngunit kailan pa kaibigan

Isipin mo na lang na may balang pumapaslang

At di natin alam kung sinong dadapuan

Kaya bigkasin mo na ngayon ang nararamdaman

At di ko inaasahan nabasa mo ang aking isinulat

Na hindi natin alam ang mangyayari bukas

Na buhay natin ay maaring mawala sa anumang oras

Sabi mo "Pare tama ka, ngayon din sasabihin kong mahal ko sila"

At biglang lumapit ang yong barkada

Ika'y niyaya sa napakasayang lakwatsa't toma

"Sige, Tayo na gimik na" namutawi sa labi mo ng di na nag-iisip

Mga salitang sa dibdib ko'y tunay na nagpasikip

Kaya ako'y nangahas na nagtanong "Pare di ba ngayo'y may importanteng gagawin ka?"

Ngunit sinabi mo'y "Ay, oo nga, pero... ah... di bale may bukas pa".

Ako'y nalungkot sa'yong sinabi

Baka bukas mo kasi... wala na pare....

written: Feb. 22, 2000 @ 6:55 pm

Mysterious Aries

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: