Ang Mukhang Di Makita ng Mata
Tumaas ang iyong kilay, nanindig iyong balahibo
Napatingin ka ng masakit sa iyong kaibigan
Sa pagpapakilala n'ya sa'yo ng estranghero
Pagmumukhang ayaw mong matitigan
Mukha n'ya'y may kaitiman
Kutis ay puno ng peklat
Kamay n'ya'y may katigasan
At ang dami n'yang bagong sugat
Kaya sa pagkasiping sa kanyang kamay
Agad kang umalis upang daliri ay mahugas
"Pag minamalas nga naman" binulong mo't sinabay
Sa sabon at alkohol na sa problema mo'y lumutas
Pagkatapus mo'y pinagsabihan itong kaibigan
Na s'yang naging tulay, na siyang naging dahilan
"Di bat ang sabi ko sa'yo'y ipakilala mo ako sa babagay sa'king kagandahan"
"Bakit sa palakang bato mo inihambing ang aking kariktan?"
Napatulala ang iyong kaibigan at natikom ang bibig
Sa mga narinig niyang iyong iwinika
Kailan ma'y di n'ya hangad ang saktan ang iyong dibdib
Mga sinambit mo'y kailanma'y di n'ya inaakala
Sa mabilis na kwento dumaan ang ilang araw
Pilit mong nilimot ang mukhang nakilala
Sino ba ang gustong umalala sa isang bakulaw
Kaya habang ika'y naglalakad nangangarap ka sa tala
Lalaking may malinis na kutis
Malambot ang kamay
Ginoong prinsipe ang kawangis
Sa kanyang balikat kay sarap mahimlay
Ngunit sa di inaasahang pagkakataon
Bus na parating ay huli mo na nang mapansin
Sigaw mo'y natumbusan pagputok yaring kanyon
Buti na lang may taong mabilis pa sa alas kuwatro't dumating
Sinagip ang iyong buhay at siya ang nagtamo ng galos
Kilala mo siya, siya yong ipinakilala sa'yong kinatakutan mong Abel
Napaiyak ka't tila sa puso mo'y may humaplos
Napatitig ka sa kanyang mukha't nakakita ka nang anghel....
written: July 15, 2015 @7:25
Mysterious Aries
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top