PROLOGUE

MALAKAS na sampal ang sumalubong sa akin nang makapasok ako sa pintuan ng bahay namin.

"Saan ka na naman nanggaling? Nagpakaputa ka na naman?" Hindi ako agad nakahuma dahil sa lakas ng sampal na natanggap ko.

"H-Hindi po, Tay. May inasikaso lang po ako-"

Ano? Masaya ka na? Masaya kang kinakaladkad mo na naman ang apelyido ko sa kahihiyan? 'Tang ina mo! Matanda kang walang pinagkatandaan!" galit na galit na wika ni Tatay sa akin.

Hindi ako makapanglaban. Mas pinili ko na lamang umiyak. Kasalanan ko-alam kong kasalanan ko kaya ko nararanasan ngayon ang bagay na ito.


"A-Aakyat na po ako-" Hindi ko natapos ang dapat na sasabihin ko dahil hinatak niya ang buhok ko kaya't pabalagbag akong napasandal sa pinto. Ramdam ko ang sakit ng likod ko, ngunit mas nananaig ang sakit na nasa dibdib ko.

Anim na taon. Anim na taon na ang nakakalipas ngunit hindi pa rin nila ako napapatawad. Hindi pa rin nabubura sa kanila ang kasalanang ginawa ko noon. Sa tuwing may mangyayaring hindi maganda, sa akin ang bato ng sisi, sa akin ang bato ng masasakit na salita.

"PUNYETA KANG DISGRASYADA KA! ANG LAKAS NG LOOB MONG UMALEMBONG, AT TALAGANG SA ANAK PA NG KAPITAN! HINDI MO NA 'KO BINIGYAN NG KAHIHIYAN!" sigaw niya sa akin. Nakainom na naman siya, at siguradong sa inuman na naman niya narinig ang mga salitang ibinabato niya sa akin ngayon.

"Tay, hindi po ako lumalandi at mas lalong hindi ko po kilala ang anak ni kapitan. May tinapos po kaming report sa school kaya ngayon lang ako-" Isang sampal na naman ang natanggap ko na nagpahinto sa akin sa pagsasalita.

"MAGDADAHILAN KA PA! PALAMUNIN PA KITA, BABAE! HANGGA'T NASA PODER KITA, SUSUNDIN MO 'KO! HANGGA'T NASA PODER KITA, HINDI AKO ANG SUSUNOD SA'YO!" aniya saka muli na naman niya akong sinampal at doon ko na nalasahan ang dugo mula sa labi ko.

Namamanhid na ako sa sakit. Namamanhid na ako sa talim ng bawat salita. Gusto kong sumagot. Gusto kong magbato ng sumbat, pero hindi ko magawa... mahina ako.

"LUMAYAS KA SA PANINGIN KO AT BAKA MAPATAY PA KITANG MALANDI KA!" Wala na akong sinayang na pagkakataon. Agad akong umakyat sa silid namin ng kapatid kong si Sharry.

"Ate? Ayos ka lang ba?" tanong sa akin ni Sharry nang maramdaman niya ang pagpasok ko.

Nginitian ko siya saka ako tumango. "Oo naman. 'Di ba, lagi kong sinasabi sa'yo mas matatag na ngayon ang ate?" sagot ko saka ko kinagat ang pang-ibabang labi ko para pigilan ang sarili ko mula sa pag-iyak. "Kaya, Shar, 'wag gagaya kay ate, ha? Mag-aral ka nang mabuti. Saka ka na mag-boyfriend kapag alam mong kaya mo na. Tignan mo 'tong nangyari sa akin. Ni hindi ko man lang makasama si Keev," dagdag ko pa saka ako lumunok. Sa tuwing maaalala ko ang anak ko, parang may malaking bato na nakabara sa lalamunan ko.

Kinuha ko ang wallet ko at tumungo sa banyo. Inilabas ko ang larawan ng anak ko at doon na rumagasa ang mga luha ko. Sa tuwinang nararamdaman ko na nanghihina ako, pinagmamasdan ko lamang ang larawan niya upang makahugot ako ng lakas na magpatuloy. Siya lang ang meron ako... siya lang ang natatanging masasabi kong akin.

Anak, pasensya na kung hindi malakas ang Mama, ha? Pasensya ka na kung hindi kita magawang ipaglaban sa kanila. Natatakot kasi ang Mama na baka pati ikaw saktan ka nila. Konting panahon na lang, anak, hintayin mo ang Mama. Mahal na mahal kita.

Keev Aldreen Alvarez is my life-my whole world. He's my strength. Sukong-suko na ako sa buhay ko, pero dahil may anak akong kailangan kong protektahan, pinipilit ko pa rin na magpatuloy... kahit ang sakit-sakit na... kahit sobra na... para sa kaniya, lahat pagtitiisan ko, lahat kakayanin ko. Kahit kalayaan ko, isasakripisyo ko.

Nag-ayos ako ng sarili ko saka ako muling bumalik sa silid namin ni Sharry. Nagpalit ako ng damit at nakita kong nakalingon na pala siya sa akin.

"Ate, namumula na naman 'yang likod mo. Gusto mo bang pahiran ko ng ointment?" tanong niya sa akin ngunit ngumiti lamang ako saka ako umiling.

"Magluluto na muna ako ng hapunan. Nakabalik na ba ang kuya Seph?" tanong ko sa kaniya ngunit umiling siya sa akin.

"Ate, bakit gano'n, 'no? Akala natin perfect couple na si kuya Seph at ate Rina pero naghiwalay pa rin sila," aniya sa akin.
"Kasi Shar, hindi naman nang lahat ng inaakala nating nasa ayos, iyon na talaga sila-"

"Gaya ba ate noong nakikita kitang ngumingiti sa iba, tapos biglang nahuli kita sa banyo na magbibigti sana pero buti napigilan kita?" Nabakas ko ang lungkot sa tinig ni Sharry kaya't mgumiti ako sa kaniya ng mapait at bahagya kong ginulo ang buhok niya.

"Habang-buhay kong tatanawin na utang na loob sa 'yo 'yon, Shar, kahit pa ang bata mo pa noon para masaksihan 'yon. Kung wala ka noon, baka wala na kami ni Keev ngayon," wika ko sa kaniya.

"Mahal kita, ate. Kahit minsan hindi kita maipagtanggol sa Nanay at Tatay, gusto ko lang malaman mo na mahal ko kayo ni Keev. Kahit na eighteen pa lang ako, lagi lang akong nandito para sa 'yo, ate," aniya at biglang tumayo sa kinauupuan niya at yumakap sa akin.

Ginantihan ko siya ng yakap saka ko siya hinalikan sa noo. "O'siya, huwag na tayong magdrama. Magagalit lang si Tatay lalo kapag hindi pa 'ko nakapagluto," wika ko sa kaniya saka na ako nagpasya na tumungo sa kusina.

Habang naghihiwa ako ng mga gulay ay hindi mo maiwasan na maisip ang mga bagay-bagay. Gaya na lang kung bakit hindi pa rin ako makaalis sa bahay na ito, kung bakit hindi ko pa rin makuha ang anak ko, kung bakit nananatili pa rin akong mahina, kung bakit tinitiis ko pa rin ang lahat.

Hindi kami mayaman na pamilya. Lumaki ako na napaka-istrikto ng Nanay at Tatay ko sa aming tatlong magkakapatid. Mananahi si Nanay, magsasaka naman ang Tatay. Ayaw ko man aminin, pero sa aming tatlo, paborito nina Nanay at Tatay ang kuya Seph dahil siya ang pinakamatalino, siya ang magaling sa larangan ng sports, siya ang nagpapaulan sa kanila ng mga medalya at parangal. Suki si kuya Seph ng mga contest sa eskwelahan nang nag-aaral pa siya. Sinusuportahan din naman kami ni Sharry nina Tatay at Nanay pero hindi kasing tutok ng suporta nila kay kuya Seph.

Minsan kong sinubukan lumaban sa pampalakasan, pero sinabi nilang itigil ko dahil hindi naman ako kasing galing ng kuya ko. Naniwala akong hindi ko kaya, dahil sinabi nilang hindi ko kaya. Hindi ako matalino, pero masipag akong mag-aral. Nawawalan lang ako ng oportunidad, dahil madalas kung hindi kami kapos-naitustos na nila sa mga kailangan ni kuya Seph ang para sana sa akin.

Hindi ako kailanman nakaramdam ng inis, galit o panibugho sa kuya ko, dahil para sa akin, basta napapasaya niya ang Nanay at Tatay, masaya na rin ako.

Tig-anim na taon ang pagitan naming magkakapatid. Twenty-four na ako ngayon, eighteen si Sharry, at thirty na si kuya Seph. Marami na ang nangyari pero nandito pa rin ako sa poder nila. Hindi ko man mahanap ang kongkretong dahilan, siguro dahil sila ang pamilya ko. Pamilya pa rin ang uuwian natin kahit na gaano kagulo.

Naabutan ako ni Nanay na naghahain na ng pagkain sa may mesa.

"Nay, kain na po-"

"Kailan mo balak magbigay sa tita Divine mo ng pangdagdag sa panggastos ng anak mo?" putol niya sa akin saka siya naupo.

"Nay, hindi pa rin po ba natin pwedeng kuhanin si Keev-"

"Kaya mo ba? Sarili mo nga hindi mo maayos, iuuwi mo pa ang anak mo? Mag-isip ka, huwag kang makasarili. Hindi ka na nga nakakatulong, magdadagdag ka pa ng palamunin," anito sa akin at hindi ko na naman maipaliwanag ang nararamdaman ko. Paulit-ulit... Paulit-ulit nilang ipinamumukha sa akin na wala akong silbi.

Kinuha ko ang bag ko na nakasabit sa gilid ng pinto at kumuha ng kaunting naipon ko saka ko iyon iniabot kay Nanay.

"Idagdag n'yo po muna sa pambili ng bigas. Ako na lang po ang kakausap kay tita Divine sa ibibigay ko para kay Keev kapag lumabas na po 'yong sweldo ko sa pagiging student assistant at part time, para madalaw ko rin po ang anak ko," wika ko at tinanguan lamang ako nito. "Tatawagin ko lang po ang Tatay-"

"Tulog na sa kalasingan 'yon. Si Sharry na lang ang tawagin mo," putol niya sa akin.

Sinunod ko siya at tinawag ko si Sharry para kumain na. Agad naman sumunod ang kapatid ko at tumabi kay Nanay.

"Ate, ikaw, hindi ka ba kakain?" tanong ni Sharry sa akin.

"Hindi na, Shar. Nag-takeout kasi si Ma'am Nocom, kinain ko na sa jeep kaninang papauwi ako-"

"Tignan mo 'yang kadupangan mo. Sa jeep mo kinain dahil ayaw mo talagang mamigay," sabat ni Nanay na ikinatahimik ko.

"Nay, baka gutom lang talaga si ate-"

"Hindi ka kausap! Itigil mo 'yang pakikialam mo," sita niya kay Sharry kaya't tinignan ko si Sharry at bahagya akong umiling na para bang sinasabi ko na huwag na siyang sumagot.

Tumalikod na lang ako at kinuha ang iilan kong nakasampay na damit saka ito isa-isang itinupi bago inilagay sa may, may kalakihan kong bag. "Saan ang punta mo? Bakit nag-aayos ka ng mga damit sa malaking bag mo? Lalayas ka na?" tanong ni Nanay na mukhang tapos nang kumain.

"May pupuntahan lang po akong camp para sa survey questionnaire ni Ma'am Nocom. Mga ilang araw po ako roon-"

"Pa'no 'yong part time mo sa jollibee? Paano 'yong kitaan mo r'yan? Siguraduhin mo lang na trabaho 'yan at talagang kikita ka, Shan. Kapag nalaman kong buntis ka na naman, palalayasin na kita!" singhal niya sa akin saka siya nagtuloy sa labas ng bahay.

Ipininid ko lamang ang mga labi ko. Hindi ako pwedeng maging bastos, hindi ako pwedeng masaktan. Kahit gaano ako saktan ng mundo, wala akong pwedeng gawin kung hindi ang maging matatag, dahil may anak ako na umaasa sa akin.

Umakyat ako sa silid ko at nakita ko ang brochure ng camp na pupuntahan ko.

Redemption Island.

Napangiti ako ng mapait nang mabasa ko ang nakasulat na iyon. Kung sana ganoon lang kadaling maibalik ang lahat- iyong sarili ko na nawala nang mahalin ko siya, iyong ako na puno ng buhay, iyong ako na puno ng pag-asa. Dahil ngayon ubos na 'ko... halos wala na akong maramdaman... wala nang natira sa akin. Masakit man pakinggan, ngunit iyon ang katotohan. We keep losing ourselves for others. How I wish we could easily redeem ourselves back after we lost it, kaso hindi. Life doesn't work that way.

Ang tanga ko kasi. Kasalanan ko- Sarili ko lang ang pwede kong sisihin. These are all the consequences. . .

WHEN I GRATIFIED THE SINNER.

--

M A Y O R A
I C E _ F R E E Z E

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top