Kabanata 25
SHAN
AKALA ko ay susundin niya ang gusto ko na umalis siya ngunit nagkamali ako. Bigla na lamang niya akong hinatak at niyakap nang napakahigpit.
"Shan—"
"P–Please. . . Umalis ka na, Zeev. U–Umalis ka na lang!" anas ko habang nagpipilit na kumawala mula sa kaniya.
"I'm begging you. Hear me out. Please. Kahit ngayon lang pakinggan mo naman ako," aniya at nararamdaman ko na ang paggaralgal ng tinig niya maging ang pagyugyog ng balikat niya.
Sunod-sunod akong umiling saka ko siya marahas na itinulak at humakbang patalikod.
"Hindi na, Zeev. H–Hindi ko na hahayaan na bilugin mo na naman ang ulo ko. T–Tama nang nasira ang buhay ko. . . pero magpapasalamat ako sa 'yo. S–Salamat dahil ibinigay mo si Keev sa akin," wika ko at hindi ko na siyang hinintay na sumagot pa. Mabilis na akong pumasok sa loob ng gate at tumungo sa loob ng bahay.
Dumeretso ako sa sala kung saan nakita kong tahimik na nakaupo ang anak ko.
Napakagat-labi ako habang nakamasid sa kaniya. Naaawa ako sa anak ko kahit na ayaw kong maramdaman 'to. Sa murang edad niya naranasan niyang pagmalupitan, at sa mura niyang edad, ganito ang klase ng buhay at pamilya ang kaya ko lang ibigay sa kaniya.
Akala ko sa mga teleserye lang nakakaawa ang mga bata kapag naghihiwalay ang mga magulang. . . hindi pala. Sa totoong buhay pala, ang mga bata ang pinaka nasasaktan at pinaka-apektado. Sila ang walang magagawa kung hindi tanggapin at mag-adjust sa sitwasyon na pagdedesisyonan ng mga magulang nila. Sa huli. . . sila ang magiging tila goma na paghihilahan kapag hindi magkasundo ang mga magulang.
Lumapit ako sa kaniya saka ko siya kinarga at niyakap. "Mama?"
"Mahal na mahal kita," wika ko saka ko siya hinalikan sa ulo. "Mahal na mahal ka ni Mama, Keev. Hinding-hindi gagawa si mama ng mga bagay na ikakasakit mo. Lagi mo 'yon tatandaan, ha?"
Alam kong hindi pa niya ako lubos na naiintindihan. Alam kong wala pa siyang alam sa mga nangyayari. . . at isa iyon sa mga dahilan kung bakit naaawa ako lalo sa kaniya. Bakit kailangan siyang magdusa sa mga desisyon ko? Bakit hindi ko alam kung paano ko poprotektahan ang munti niyang damdamin?
Pinakawalan ko siya at tiningnan sa mga mata. Kukurap-kurap siyang ngumuso sa akin at hinawakan niya ng maliit niyang kaliwang kamay ang kanang pisngi ko.
"Bakit naiyak ka, Mama? Gagalit ka ba sa 'kin?" aniya at umiling ako sala ngumiti sa kaniya.
"Hindi, anak. Bakit naman magagalit ang mama? Mahal na mahal ni Mama si Keev. Hindi magagalit si Mama kay Keev," nakangiti kong turan sa kaniya.
"Mama, 'yong tatay kanina po parang ako po," wika niya sa akin habang nilalaro ng maliliit niyang daliri ang ilong ko. Sa totoo lang ay nabigla ako sa narinig ko. Hindi ko inakalang ma-o-obserbahan pa niya iyon.
Inupo ko siya sa sofa at hinaplos ang buhok niya nang marahan. "Anak, gusto mo bang makilala si Papa?" tanong ko sa kaniya at sa gulat ko ay sunod-sunod siyang umiling sa akin.
"Sabi po Mama Divine bad po Papa ko. Hindi po lab ni Papa si Keev," aniya at muli ay tila na naman ako nadurog sa narinig ko.
Hindi ko makuha bakit kailangan nilang magtanim ng galit sa puso ng anak ko.
"Shan?" Napalingon ako sa nagsalita at nakita ko si Mikmik at Dash na may lungkot sa mga mata.
"A–Ayos lang ako—"
"Hindi ka ba nagsisisi na hindi mo siya pinakinggan?" tanong ni Dash sa akin saka siya naupo sa tabi ko at niyakap ako sa bewang saka isinandal ang baba niya sa balikat ko. "Did I just go overboard? Sobra ba amg naging pakikialam ko?" tanong niyang muli.
Inabot ko ang buhok niya at ginulo-gulo iyon.
"Bakit mo naman iisipin 'yon? Alam ko naman na sinabi mo lang ang gusto mong sabihin dahil mahal mo 'ko at sa nakalipas na taon sa buhay ko, hindi kayo nawalang dalawa ni Mikmik. Sa lahat lagi kayong nariyan para suportahan at alalayan ako," anas ko.
Nakita kong naglakad si Mikmik palapit sa amin at naupo siya sa harap ko—sa tabi ni Keev.
"Pasensya ka na kung nasabi namin iyon kay Zeev. Hindi ko na rin kasi nakontrol. Kalerki! Parang bumalik lahat ng painlalu ng lifesung mo sa akin. Sorry talaga. Kapag naiisip ko kasi lahat ng pinagdaanan mo, feeling ko lang, walang kahit na sinong lalaking deserve ang pagmamahal mo. Like, I mean, it will take the most courageous man, ganern? Feeling ko kapag nag-settle ka sa lalaking kung sino lang, tatampalin kita to death? Ewan ko. Basta iyon na 'yon!" aniya at hindi namin naiwasan ni Dash ang matawa sa kaniya. Hirap na hirap talaga siyang magseryoso at naiintindihan ko naman iyon dahil hindi iyon ang personalidad niya.
"Anong plano mo ngayon?" tanong ni Dash sa akin.
Napatitig ako kay Keev na nakikinig lang kahit na hindi naman niya naiintindihan ang nangyayari at pinag-uusapan namin.
"Hindi ko alam. Wala akong ideya. Hindi ko alam kung ano bang dapat kong unahin. Hindi ko nga alam saan ako magsisimula. Pakiramdam ko nabablangko ako. Pakiramdam ko dead end na," wika ko at biglang ngumisi sa akin si Mikmik na ipinagtaka ko.
"Unahin mong magtanggal ng toga, cyst. Tapos kakain tayo sa labas. Hulas-hulasan na rin iyang make up mo! Ayusin mo bago kita matampal. Let's go!" aniya at napapailing na lang ako sa kaniya.
Kung wala sila ni Dash? Wala na. Tuluyan na siguro akong nawalan ng lakas.
"Teka, Mik! Nasaan si Sharry?"
"Don't worry. Pinauna ko na sa resto. Ayaw ko naman na marinig niya kayong nagtatalo ni Zeev. Predicted ko na 'yon, e."
LIMANG araw na ang nakakalipas at kasalukuyan akong naghahanap ng malilipatan naming bahay nina Keev at Sharry sa internet. Ang alam ko ay marami naman talagang puwedeng malipatan, ang kaso ay mapili talaga ako lalo pa kung para sa environment ni Keev.
Marami akong naitatabing ipon. Kahit paano naman ay sasapat na iyon sa upa at panggastos namin bago ako makahanap ng trabaho.
"Miss Shan, may naghahanap po sa inyo sa gate," wika ng isang kasambahay nina Mikmik sa akin.
"Sino raw po?" tanong ko.
"Hindi po nagpakilala, Miss Shan. Isang babae po at isang lalaki," anito at agad ang kabog ng dibdib ko. Hindi naman siguro ang Nanay at Tatay iyon hindi ba?
Binitawan ko ang laptop ni Mikmik. Wala sila ngayon. Kasama niya sina Sharry at Keev. Ipinasyal niya muna dahil na-i-stress daw siya sa gawaan ng grade ng mga estudyante niya.
Lumabas ako ng bahay at nakayuko along tumungo sa gate. Iba ang kabog ng dibdib ko. . . may halong takot.
Nag-angat ako ng tingin nang nasa gate na ako at halos gumbalin ang buong sistema ko nang makita ko kung sino ang narito sa harapan ko.
"A–Anong ginagawa n'yo rito?" utal na tanong ko.
"I'm here to explain my side of the story, Shan. I need you to know that I am innocent. Hindi ko kayang tanggapin na mali ang mga nalaman mo. Hindi ko 'yon kahit na kailan tatanggapin," ani Zeev sa akin at kita ko ang sakit sa mga mata niya.
"Why do you even have to drag me here if she's not yet ready to listen—"
"You shut your damn mouth, Rebecca! She misunderstood everything because of your lies!" galit na putol sa kaniya ni Zeev.
Sa huli ay wala akong nagawa kung hindi ang papasukin sila sa bahay. Dumeretso kami sa sala at pinaupo ko sila.
Alam ko naman na wala akong karapatang tumanggap ng bisita dahil hindi ko naman bahay ito, pero wala naman akong pagpipilian.
Siguro nga. . . siguro mga mas maigi pa rin na marinig ko ang lahat kaysa habang buhay kong dalhin na naguguluhan ako at hindi malinaw sa akin ang sitwasyon.
Nakita kong naglapag ng juice sa harap namin ang kasambahay kahit hindi ko naman inutos ito.
"Bilin po ni Sir Mikmik na kapag mayroon po kayong naging bisita, pagsilbihan po namin," nakangiti nitong turan sa akin. Marahil ay nabasa nito ang gulat sa mga mata ko.
Oo nga pala. . . napakadali ko nga lang pala kasi talagang basahin.
"Salamat po," anas ko at umalis naman na ito.
"Hindi naman kami nagpunta rito para maki-inom ng juice—"
"Hindi ko rin naman kayo pinaupo rito, Rebecca, para painumin ng juice," putol ko sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit ko iyon nagawa o kung paano ko iyon nasabi.
"Shan, I am here to explain. Wala talagang namamagitan sa amin ni Rebecca. Mula noon hanggang ngayon. . . wala talaga. Walang-wala," ani Zeev at kulang na lang ay magmakaawa siya sa paraan ng higpit nang pagkakasalikop ng mga kamay niya.
Humalukipkip si Rebecca saka niya ako tinaasan ng kilay. "Bakit mo ba kailangan magpaliwanag kung hindi ka naman papakinggan? Gosh, Zeev! Are you this freaking low?" aniya habang deretsong nakatingin sa akin.
Ngumiti ako sa kaniya. Hindi ko alam kung anong ngiti ba ang ginawa ko. Basta alam ko ay nginitian ko siya. "May anak kami, Rebecca. Alam mo 'yon, hindi ba?"
Nakita ko ang pamumutla nito sa kakarampot na sinabi ko. "S–So?"
"Natatandaan mo ba kung paano mo kami bunuhusan ng soup ni Dash dahil lang gusto kong ipaalam kay Zeev na buntis ako?" wila ko at nakita kong mas lalo itong kinabahan. Marahil ay ayaw niyang marinig ni Zeev ang mga sinasabi ko.
"Are you fucking lunatic, Rebecca?" anas ni Zeev sa kaniya at kita ko ang pagpipigil niyang huwag saktan si Rebecca.
"S–She's lying!" anito at kinagat ko ang pang-ibabang labi ko para lang mapigilan ang galit na gustong kumawala sa akin.
Bumaling ako kay Zeev at nagtagpo naman ang mga mata niya. Lumunok ako nang dalawang sunod bago ako nagsalita.
"Kamakailan lang, na-dengue si Keev. Bumagsak ang platelet count niya. Kinailangan niya ng blood transfusion, pero ang masakit, nakuha ng anak mo ang type ng dugo mo. Pareho kayong O negative. Pinahanap kita kay Mikmik dahil nawawalan na ako ng pag-asa. Mamamatay siya kung hindi ako gagawa ng paraan. Wala akong mahanap na dugo. Wala sa kahit na anong blood bank," anas ko at unti-unti na namang sumisikip ang dibdib ko. Parang may bumabara sa lalamunan ko.
"Go on. . . please, go on," ani Zeev sa akin.
"Nahanap ka namin. Nalaman namin kung saan ka nakatira, pero sabi ng kasambahay mo, naroon ka raw sa resort mo kaya pumunta kami. Nakita kita roon. . . pero noong dapat na lalapitan na kita para ipaghingi ng dugo ang anak mong naghihingalo sa ospital. . . hinarang ako ng babaeng ito. H–Hindi siya naawa na mamamatay ang anak ko. N–Nagmakaawa ako. L–Lumuhod ako sa harap niya. N–Nanghingi ako ng habag dahil iyon lang ang magagawa ko. M–Mamamatay si Keev kung hindi ako kikilos. W–Wala akong balak na agawin ka n'on. Ang gusto ko lang matulungan mo ang anak mo. . . pero, Zeev, nabigo mo na naman ako. Kinailangan ka ng anak mo, pero ang babaeng iyan na naman ang nakaharap ko," mahabang turan ko at tuluyan nang bumagsak ang mga luha ko.
"I'm sorry. I'm so damn sorry, Shan—"
"Ang masakit lang para sa akin ngayon. . . kahit ano pang matuklasan ko tungkol sa 'yo. . . kahit ano pang malaman ko. . . hindi ko alam kung mapapatawad kita. Masisisi mo ba 'ko? Muntik nang mawala sa akin ang anak ko. . . at ikaw na inaasahan kong tutulong sa akin, binigo na naman ako," wika ko sa kaniya at nakita kong nagsimula na rin tumulo ang mga luha niya.
"I'm a shit, Shan. Tanggap ko naman. Kung hindi ko hinayaan na pumasok si Rebecca sa buhay ko, hindi naman mangyayari 'to, kaya alam kong kasalanan ko—"
"Kung mag-usap kayo, parang wala ako? Kasalanan ko bang tatanga-tanga ang pag-aalaga nila sa batang iyon at magkakaroon ng dengue—OH MY GOD!"
Hindi ko napigilan ang sarili ko na isaboy sa kaniya ang baso ng juice na nasa harap ko.
Muli ay nginitian ko siya bago ako nagsalita.
"Huwag sanang mapunta sa bingit ng kamatayan ang anak mo, dahil oras na mangyari sa 'yo ang naranasan ko—na huwag naman sanang pahintulutan ng Diyos, Rebecca. . . ikakamatay mo. Kapag anak mo na ang nasa bingit ng kamatayan. . . kahit kay satanas, isasangla mo ang kaluluwa mo."
Nakita ko ang pagngingitngit niya na tila hindi intindi ang sinabi ko.
"Makakaalis ka na, Rebecca . .
. . . maiwan ka, Zeev. Ipapakilala kita sa anak mo. Iyon lang ang kaya kong i-offer sa 'yo para sa mga nalaman ko."
--
M A Y O R A
I C E _ F R E E Z E
**
May kasunod pa 'to. I'm planning to finish this novel until tomorrow or the next next day. Btw, the ENTIRE EPILOGUE will be Zeev's POV. Just so you know. Hehehe.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top