Kabanata 20
SHAN
NANGINGINIG ako habang nakaupo sa taxi na inupahan ni Mikmik. Hindi ko maikalma ang sarili ko. Para akong pinagbagsakan ng langit. Pakiramdam ko sobra na ang mga pasakit na nararanasan ko.
Kayang-kaya kong tiisin ang lahat. Kayang-kaya kong kayanin at pilitin intindihin ang lahat kung ano lang, pero kung kasama ang anak ko. . . pakiramdam ko guguho na nang tuluyan ang mundo ko.
Nanghihina ako. Natatakot ako. Hindi ko kaya.
Diyos ko, huwag po ang anak ko. Lahat na po nang pasakit ibagsak Mo na sa akin, huwag lang pong madadamay ang anak ko. Ikakamatay ko po kung siya na ang kukuhanin Mo sa 'kin. Hindi ko po kaya. Hindi ko kakayanin. Ikamamatay ko. Huwag ang anak ko. . . huwag po siya.
Sa buong byahe ay nakakapit lamang ako kay Mikmik habang siya naman ay naka-akbay sa akin at pilit akong pinapakalma.
"Cyst, magiging ayos din si Keev. Kumalma ka. Hindi puwede pagdating natin sa ospital ay mahina ka. Mas kailangan ka ngayon ng anak mo," aniya sa akin at kahit gusto kong pigilan ang mga luha ko ay lalo lamang itong pumatak nang sunod-sunod.
Nagmamadali akong bumaba ng sasakyan nang marating namin ang ospital na sinabi ni Sharry.
Sinalubong ako ng kapatid ko na puro luha sa mga mata niya. Hindi ko alam pero agad akong napayakap sa kaniya dahil marahil sa takot.
"K–Kumusta na raw si Keev, Shar? K–Kumusta na raw ang anak ko?" nanginginig na tanong ko sa kaniya nang humiwalay siya sa akin.
"Ate, mas maigi siguro kung kakausapin mo na muna ang doktor. Hindi ko rin alam ang sasabihin ko sa 'yo dahil hindi ko rin naiintindihan ang sinabi ng doktor gawa nang kay Ninang Divine siya nagsabi," ani Sharry kaya't napatango ako sa kaniya saka ko pinunasan ang mga luha ko.
Natanaw ko si tita Divine na nakaupo sa isang sulok ng waiting area kaya't lumapit ako sa kaniya. Hindi ko mapigilan ang bigat ng dibdib ko nang harapin ko siya.
"Ano pong nangyari sa anak ko?" tanong ko sa kaniya at matatalim ang mga tingin na ipinukol nito sa akin.
Tumayo ito saka humalukipkip sa akin. "Huwag mo 'kong maganiyan-ganiyan, babae. Hindi ka ulirang ina para ganiyan-ganiyanin mo 'ko!" angil nito sa akin at parang umaakyat na yata lahat ng sama ng loob at sakit sa utak ko.
"Wala ho akong sinabi na ulirang ina ako, pero nasa pangangalaga n'yo po ang anak ko dahil ipinagpilitan n'yo sa nanay ko na kukuhanin n'yo siya—"
"ABA, PUNYETA KANG BABAE KA! ANG LAKAS NG LOOB MONG INTRIMITADAHIN AKO. ANO BANG NAGAWA MO PARA SA ANAK MO? BAKA NAKAKALIMUTAN MONG LUMAKI NG GANIYAN ANG ANAK MO DAHIL SA AKIN! PALAMON AT PAARAL KO 'YANG ANAK MO KAHIT WALA KAYONG NAITUTULONG SA AKIN! PESTENG ITO!" galit na wika niya sa akin.
Napakagat-labi ako dahil sa galit na nangingibabaw sa akin. "Pinagpilitan n'yong kuhanin ang anak ko kahit pa ayaw ko—"
"Sino pong kamag-anak ni Keev Aldreen Alvarez?" Naputol ako sa pagsasalita nang biglang dumating ang doktor.
"Ako po ang Mama niya—"
"Ako ang nagpalaki sa kaniya," pigil sa akin ni tita Divine.
"Sorry po, Ma'am, pero sa policy po ng ospital, mas may power po ang immediate family over saga tagapag-alaga," anas sa kaniya ng doktor saka bumaling sa akin. "Sama muna po kayo sa akin sa office ko," anito at agad akong tumango para sumunod.
"Samahan na kita, cyst," ani Mikmik kaya't tumango ako. Pakiramdam ko ngayon ay sobrang nanghihina ako.
Narating namin ang opisina ng doktor at naupo kami ni Mikmik sa harap niya. Bigla itong mayroong kinuha sa bulsa niya na mga larawan at inilapag sa harap ko. Kinuha ko ang mga iyon at isa-isang tiningnan.
"Bago ko po kayo kausapin tungkol sa lagay ng anak n'yo tungkol sa dengue, gusto ko pong makita n'yo 'yan. Hindi po ako normal na nakikialam sa mga problemang pampamilya, pero hindi ko lang po kayang makita na ang limang taong gulang na bata ay makakaranas ng ganiyan," anito at parang nadudurog ang puso ko sa mga nakita ko sa litrato.
Sunod-sunod ang naging pagpatak ng luha ko sa mga nakikita ko. Sumisikip din ang dibdib ko at hindi ko alam kung ano pa bang nararamdaman ko. Awang-awa ako sa anak ko.
"M–Mik. . . B–Bakit ganito? B–Bakit kailangan danasin ng anak ko 'to?"
"Those are the signs of abuse, Ma'am. Habang ginagamot ko po ang anak n'yo, nakita ko po ang mga 'yan. Makikita n'yo diyan sa litrato ang mga pasa niya at maging ang mga sugat niya na ang iba ay halos kakahilom lang. Masyado pang bata ang anak ninyo at sa mura niyang katawan, mahirap kung lagi niyang dadanasin ang ganiyan. Imposible po kung sasabihin sa akin ng tagapag-alaga na dahil iyan sa kalikutan ng anak n'yo. Nag-conduct din po ako ng test sa dugo ng anak n'yo at wala namang kahit anong sign na may anemia siya o leukemia para magkaroon n'yan," anang doktor at gusto kong magwala sa kakaibang sakit na nararamdaman ko.
Hindi ko na kaya. Hindi na. Hindi ko na hihintayin na mamatay pa ang anak ko sa kamay nila.
Mabilis akong tumayo. Narinig ko pang pinipigilan ako ng doktor at ni Mikmik ngunit hindi ako nagpaawat.
Agad akong tumungo sa pinag-iwanan ko kay tita Divine at nakita kong naroon na rin ang Nanay.
"Oh! Mabuti nandito ka na—"
"Kukuhanin ko na ang anak ko pati si Sharry. Hinding-hindi ko na hahayaan na saktan n'yo pa siya!" galit na wika ko saka ibinato kay tita Divine lahat ng kuha ng pasa at sugat ni Keev. "Napakawala n'yong puso! Masahol pa kayo sa diablo!" Galit na galit ako pero tumutulo ang mga luha ko. Hindi ko kayang pigilan. Naghahalo ang galit ko sa kanila at ang awa ko para sa anak ko.
"Anong pinagsasasabi mo—"
"Inaabuso n'yo ang anak ko! Ang bata pa niya para makaranas ng pananakit mula sa inyo! Anak ba kayo ng demonyo—" Bigla akong sinampal ni Nanay ngunit umiling lamang ako sa kaniya. "Kahit saktan n'yo pa ako nang saktan, hindi n'on mababago ang katotohan na halang ang mga kaluluwa n'yo!"
"Aba, putang inang bata 'to, walang utang na loob—"
"Kung utang na loob din lang, matagal na matagal na matagal na panahon na akong bayad sa inyo! Wala na akong itinira para sa sarili ko! Lahat ibinuhos ko sa inyo! Kahit pangsarili kong kaligayahan, tinitikis ko dahil hindi n'yo gusto! Gustong-gusto kong makasama ang anak ko at magpaka-ina sa kaniya pero dahil ayaw n'yo, sinunod ko! Tapos ganito ang malalaman ko? Na inaabuso, sinasaktan at pinagmamalupitan ang anak ko? Kahit pa kadugo ko kayo, hinding-hindi ko ipagpapalit ang anak ko sa inyo! Wala na akong modo kung wala! Wala na akong utang na loob kung wala, pero kukuhanin ko na ang anak ko! HINDING-HINDI KO NA HAHAYAAN NA SAKTAN PA SIYA NG KAHIT NA SINO!" mahabang bulalas ko sa kanila na nakita kong ikinagulat nila.
Ngayon lang. . . ngayon lang naalog ang utak ko at kinailangan ko nang lumaban. Hindi na para sa akin ang laban na 'to. Para na sa anak ko. Matitiis kong masaktan ako, pero hindi si Keev. Hindi ang anak ko. Para sa kaniya handa akong maging malakas. Kung kailangan na pumatay ako para sa ikaka-ayos ng buhay ng anak ko, gagawin ko. Mahal na mahal ko siya, at kung huli man bago mo siya tinayuan, paulit-ulit akong hihingi ng tawad sa kaniya.
"Ate, kumalma ka na muna—"
"Hindi na, Sharry. Matagal na panahon akong nanahimik at tinanggap lahat ng pasakit at masasakit na salitang ibinabato sa akin dahil mahal ko ang pamilya ko at dahil pakiramdam ko deserve kong matanggap iyon dahil nagkamali ako, pero hindi na ngayon. Anak ko na ang pinag-uusapan dito. Itataguyod ko siyang mag-isa. Itataguyod ko siya na wala ang tulong ng mga taong akala kong may malasakit sa anak ko. Hindi na—"
"Hindi ko ibibigay sa 'yo si Keev. Ilalaban kong naging wala kang kuwentang ina!" ani tita Divine at parang gusto ko lalong mawalan ng galang.
"EXCUSE ME SA 'YO, MADAM NA MUKHANG PUYAT! SINASAKTAN MO ANG INAANAK KO TAPOS MAY PA GANIYAN KANG DRAMA? HUWOW! SAAN MO BA HINUHUGOT ANG KAPAL NG MUKHA MO?" Nagulat ako sa biglaang pag-entrada ni Mikmik saka pa tumayosa harap ko.
"Manahimik ka, bakla—"
"So, shall I call you child abuser? Ang kapal ng mukha mo! Kung hindi ka idedemanda ni Shan, ako na ang magdedemanda sa 'yo! May katibayan naman kaming sinasaktan mo ang bata! Mabubulok ka talaga sa kulungan! Letse!" putol ni Mikmik kay tita Divine.
Bunaling ako kay Nanay na tila hindi makapaniwala sa sitwasyon. "Kapag naging maayos na ang anak ko, uuwi ako para kuhanin na lahat ng gamit ko, at kailangan n'yong ibigay si Sharry sa akin kung ayaw n'yong i-report ko lahat ng 'to. Hindi ko hahayaan na magdusa pa ang kapatid ko sa kamay n'yo. Mga wala kayong konsensya!" bulalas ko sako hinawakan si Sharry sa pupulsuhan at tuluyan na namin silang tinalikuran.
KAHARAP kong muli ngayon ang doktor na tumitingin kay Keev. Nahihiya ako sa inasal ko kanina, ngunit palagay ko naman ay naiintindihan niya ako.
"Ma'am, aware naman po kayo na O negative po ang blood type ng anak n'yo, 'di po ba? Nalalaman iyon sa new born screening," anas nito at tumango ako.
"Malala po ba ang lagay niya?" tanong ko rito.
"Hindi ko po masabing malala, pero hindi rin naman po maayos. Bagsak na po ang platelet count ng anak ninyo at subject na po siya for blood transfusion, pero dahil nga po O negative ang anak ninyo, wala po kaming makuhanan ng dugo kahit pa sa blood bank. Kung AB negative nga po ay ako na lang mismo ang magdo-donate, ang kaso ay nataon pong O negative ang bata. Alam po ba ninyo ang blood type ninyo? Baka po maaari kayong mag-donate sa anak ninyo—"
"Doc, kung ka-type ko lang po sana ng dugo ang anak ko, kahit pa ibigay ko na lang sa kaniya, ang kaso hindi po. A positive po ako," putol ko rito at tumango-tango ito sa akin.
"Kung gayon po, malaking-malaki ang posibilidad na ka-bloodtype niya ang tatay niya."
"Shan, O negative 'yon si Zeev. Nakita namin ni Dash noong naghahanap kami ng info about sa kaniya," singit ni Mikmik at hindi ko alam kung daoat ba akong matuwa r'on o hindi.
"Kung gayon po, puwede n'yo pong dalhin ang tatay ng bata para naman po maging maayos na ang anak ninyo? May 36 hours pa po ang anak ninyo para mahintay ang dugo, bago natin masabi na totoong nasa alanganin na siya," anang doktor at hindi ko alam kung ano bang dapat ang maging desistyon ko sa mga oras na ito.
Hindi ko alam saan at paano ko siya hahanapin. Sa anim na taon, wala akong alam kung nasaan na siya, kung ano na bang ginagawa niya, o kung. . . narito nga ba siya sa Pilipinas. Wala akong ideya. Hindi ko siya tinangkang hanapin simula pa nang araw na nagdesisyon siyang talikuran o iwan na ako—kami.
"Wala na po bang paraan? Kahit po magkano, handa ko pong bayaran—"
"Ma'am, blood transfusion na lang po ang last resort namin para sa anak ninyo. Hindi po kami Diyos. Hindi po namin kayang magmilagro," anang doktor at napayuko ako.
"M–Mik. . ."
"Mahahanap natin si Zeev. Ako ang bahala. Magiging ayos ang inaanak ko. Itaga mo man sa pes nitong poging doktor na 'to."
--
M A Y O R A
I C E _ F R E E Z E
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top