Kabanata 2

SHAN
        
KATATAPOS kong magplantsa ng mga damit naming pamasok nina kuya Seph at Sharry nang magdesisyon ako na tumungo sa sala para makausap si Nanay tungkol sa tuition fee ko.                      

"Nay?" abala ko sa kaniya habang nanonood siya ng telebisyon at nagkakape. Hindi siya nakasabay sa agahan namin kanina dahil may hinahabol siyang tahi na kailangan niyang tapusin.                    

"Bakit?" tanong niya sa akin saka ako nilingon matapos siyang humigop sa iniinom niyang kape.        

"Naalala n'yo po 'yong hiniram n'yo na pambili ng tela na dapat pang-tuition ko na galing kay Mayor? Tatanungin ko lang po sana, Nay, kung kailan ko po puwedeng makuha? Hindi po kasi ako makakapag-exam kapag hindi po ako nakapagbayad—"
                     
"Kung singilin kaya kita sa lahat nang kinakain mo? Kung makasingil akala mo sino! Baka kulang pang kabayaran ang buhay mo kapag ako na ang naningil sa 'yo!" putol niya sa akin saka ako padabog na tinalikuran. Napakagat na lamang ako sa pang-ibabang labi ko dahil sa isinagot niya. Hindi ko alam kung saan ako kukuha ng pambayad roon, hindi ko alam kung paano ako makakapag-exam.
              
Nag-ayos na lamang ako at maagang pumasok sa eskwelahan habang nag-iisip kung saang kamay ng Diyos ko kukuhanin ang pang-tuition ko ngayon.  

May mga part time naman ako, siguro sasagarin ko na lang muna ang sarili ko sa overtime para makabale.       

Nakarating ako sa classroom at naupo saka nagmuni-muni.   

"Awow! Mukhang hindi maganda ang umaga ng bruha," ani Mikmik nang madatnan nila ako.

Lumingon ako sa kanila saka ko sila binigyan ng tipid na ngiti. Naupo na sila ni Dash sa magkabilang-upuan ng kinauupuan ko.

"Bakit ang aga mo at sambakol 'yang pagmumukha mo?" tanong ni Dash sa akin.
      
"May iniisip lang," tipid na sagot ko na mukhang hindi nila pinaniwalaan.
    
"At ano naman 'yon, aber? Tungkol ba do'n sa playboy?" tanong muli niya.
      
"Ay! Totoo ngang tinamaan ang bruha! Jusmiyo, patawarin!" segunda naman ni Mkmik.

Sinimangutan ko sila saka ako ngumuso. "Ang sabi niya i-text ko siya sa numerong ibinigay niya, pero hindi naman nag-reply," wika ko at kurot sa tagiliran ang natanggap ko kay Dash. Iyon na lamang din ang sinabi ko kahit na ang tuition ang totoo kong inaalala. Ayaw ko kasing malaman nila Dash at Mikmik 'yon, dahil kakagalitan na naman nila ako.

"Hindi raw marupok ang gaga, pero nai-text na agad-agad at ngayon sambakol ang pagmumukha dahil hindi nireplyan. Oo nga, Shan Kassidy, hindi ka nga marupok!" singhal niya sa akin saka pa niya ako inirapan.

"Hindi naman. Inisip ko lang na baka naghintay siya ng text ko," depensa ko.
  
"Ano bang itinext mo kasi?" tanong ni Mikmik kaya't nilabas ko ang telepono ko at pinakita sa kaniya. "Ay, jusmiyo mahabagin! Hi!? Hi lang tapos naghihintay kang ma-replyan?" gigil na wika ni Mikmik saka niya biglang pinindot ang call na naging dahilan ng panlalaki ng mga mata ko.

"H–Hala, Mik! Anong ginagawa mo?" saka ko tinangkang agawin ang telepono ko ngunit bigla na lamang may sumagot sa kabilang linya kaya't napatigil ako. Nai-loud speaker na pala niya agad.

"Hello. Who's this?" tanong nito at nang marinig ko ang tinig na iyon ay para na naman akong namamaligno dahil sa kakaibang kaba na nararamdaman ko.
       
"Pakshet! Pati talaga ang boses, ang wafu!" bulong ni Mikmik sa akin saka ako tinustusan na sumagot.
      
Umiling ako nang makailang beses pero kapwa nila ako pinandilatan ni Dash ng mata kaya't napilitan akong magsalita.
    
"H–Hello. S–Si Shan 'to," pakilala ko at saglit na namayani ang katahimikan.
     
"Oh, shit! Ikaw 'yong nag-text kagabi? I'm sorry for not replying, I thought it was a spam message," aniya at hindi ko na alam ang isasagot ko.
      
Lumingon ako kina Dash at Mikmik at tila ako nagmamakaawa na tulungan nila ako sa isasagot ko.

"Sabihin mo keri lang, hindi ka naman nag-expect, kahit ang totoo may pa-tantrums ka," bulong na angil sa akin ni Dash.
     
"A–Ayos lang naman 'yon. Hindi ko rin naman inasahan na re-replyan mo 'ko," sagot ko sa kaniya.

"Are you available today? Nandito pa naman ako sa vacation house ng Daddy ko. Just a simple date with you sana," anito at parang nalunok ko ang dila ko sa narinig ko.

Nakita kong mas nauna pang kinilig sa akin si Mikmik. Pinaghahampas niya pa ako sa braso kasabay ng mga impit na pagtili niya.
 
"A–Ahmm... H–Hindi ko alam, e—"

"Hanggang anong oras ba ang klase mo?" putol na tanong niya sa akin.

"H–Hanggang two pm," utal na sagot ko.

"Okay. I'll be at your school gate before two. I will wait for you. See you," aniya at hindi na ako hinintay na tumanggi o pumayag dahil maagap na niyang napatay ang tawag.

"Sheeeeeeet! May first date na ang bruha!" kinikilig na wika ni Mikmik at bigla niyang inilabas lahat ng laman ng bag niya. "At dahil diyan, oplan pagandahin si Shan."

Nakita kong napangiwi si Dash sa inakto ni Mikmik pero sa huli ay tumulong na lamang siya sa pag-aayos sa akin. Sa ilang buwan na kakilala ko si Dash, alam kong magaling siyang mangilatis ng tao kaya nakakaramdam ako ng bahagyang kaba dahil tila hindi niya gusto si Zeev.

  

NATAPOS ang klase ko at ngayon ay naglalakad na ako patungo sa may gate ng eskwelahan. Nakayuko lamang ako dahil hindi ko talagang ugali na maglakad na animo walang nakikita sa paligid.
 
Nagulat ako nang mabangga ako sa isang tao kaya mas lalo akong napayuko at humingi ng dispensa. "Sorry po. Sorry po—"
   
"Raise your head. Masyado kang maganda para itago mo 'yang mukha mo sa pagyuko," anang isang tinig na nagbigay na naman nang kakaibang dagundong sa dibdib ko.
    
Nagtaas ako ng tingin at nakita ko si Zeev na nakangiti sa akin. Hindi ko na naman mapigilan ang mapatitig sa kaniya lalo na sa lakas ng dating na isinisigaw ng pormahan niya. He's wearing a sun glasses, a navy polo shirt and a maong pants. Para siyang artista na parang ang hirap dikitan dahil baka magmukha kang alila.   

"Z–Zeev..."  

"Ang ganda mo," he said out of nowhere at naramdaman ko agad ang pag-iinit ng mga pisngi ko. "Posible pala talaga. . ." aniya at saglit na huminto.    

"A–Ang alin?" tanong ko.  

"Posible pala na mahulog ka ulit sa isang tao kahit nahulog ka na rito," sagot niya at itinaas niya ang salamin niya sa buhok niya. Bumungad na naman sa akin ang tila inaantok niyang mata maging ang kakaibang emosyon na nababasa ko rito.

"K–Kakakilala lang natin," sagot ko sa kaniya saka ko itinuon ang mata ko sa ibang parte dahil tila ako hinihikayat ng mga mata niya na gumawa ng mga bagay na hindi ko maintindihan. 

"And that's okay. Kikilalanin kita lalo," aniya at hindi ko mahanap kung anong isasagot ko. "Don't be shy, Shan. Sakay ka na," aniya at may inabot siya sa akin na helmet. "I brought my motorbike. Let's escape the suffocating world for a while."  

Kinuha ko iyon at isinuot. Naka-skirt ako kaya't patagilid ang naging pagsakay ko sa moto niya.               

"Yumakap ka sa akin," aniya dahil siguro bahagya akong naglilikot.                 

"H–Hindi na. D–Dito na lang sa bakal sa likod," sagot ko ngunit bigla na lamang niyang kinuha ang mga kamay ko saka niya iyon pinaikot sa bewang niya. Dama ko ang kakaibang kuryente sa buong katawan ko nang magdikit ang mga katawan namin. Para siyang may ibinubugang shockwave na sapat na para mangatog ako at makaramdam ng pamumula sa pisngi ko.

"Just trust me. Okay?" aniya at sinimulan na niyang paandarin ang motor.
               
Habang nasa byahe kami ay tahimik lamang ako at lihim na napapangiti. I never knew that escaping life would be this satisfying. Nakakagaan pala ng pakiramdam. Iyong bawat tama ng hangin sa balat, pakiramdam mo tinataboy na rin paalis lahat ng alalahanin. Lihim akong nagpapasalamat kay Zeev for doing this to me—for helping me escape my life just for the mean time—for giving me back my freedom na matagal ko nang ipinagdamot sa sarili ko. Nagpapasalamat ako kahit pa wala naman siyang ideya kung anong klaseng buhay ang mayroon ako.                                  

Nakarating kami sa tila paanan ng bundok. May nakasalubong pa kaming mga Aeta na mukhang kakatapos lamang mangahoy.                   
"Bakit dito?" tanong ko sa kaniya.
                 
"Wala lang. Mukha ka kasing suffocated," sagot niya sa akin saka siya bumaba kaya't inalis ko ang pagkakayakap ko sa kaniya.        
Nang makababa na siya ay bumaling siya sa akin saka niya inalis ang helmet na suot ko. Hindi ko alam kung bakit ito na naman ako at nakatitig sa mga mata niya.
                          
"Don't look at me that way, baka isipin kong sinasagot mo na 'ko," aniya nang nakangiti at bigla akong nahiya kaya nagbaba ako ng tingin.                      

"Sorry—"
                 
"Don't be. Let's go," aya niya sa akin saka niya kinuha ang kamay ko at iniwan ang helmet sa may side mirror.
           
Nilakbay namin ang bundok na hindi naman gaanong matarik at namangha na lamang ako nang makita ko ang isang ilog na napakalinis ng tubig.
                 
"Ang ganda," wala sa sariling naibulalas ko dahil sa pagkamangha sa paligid.
                 
"Oo nga. Ang ganda," aniya kaya't napalingon ako sa kaniya. Naabutan kong nakatingin pala siya sa akin. "You look so beautiful and innocent, Shan. Kahit sinong lalaki gugustuhin na kasama ka nila ngayon," pagpapatuloy niya saka bahagyang humakbang papalapit sa akin.                    

"Z–Zeev. . ." Kinakabahan ako sa paglapit niya. Hindi ko maipaliwanag, ngunit kakaibang kaba.              

Bigla na lamang niya akong hinatak at niyakap ng sobrang higpit. "You look so beautiful, but your eyes shout sadness. Ang lungkot. Ngumingiti ka pero malungkot pa rin ang mga mata mo. Kung may iniisip ka, let it out. Kung may problema ka, then I can be shoulder for you to cry on. Ang ganda mo pero parang takot na takot ka sa mundo," aniya at naramdaman ko na lamang ang mga labi niya sa buhok ko.
                          
Hindi ko siya magawang itulak dahil para akong nakahanap ng tahanan sa mga bisig niya—tahanan na tila masasabi kong tiyak ang seguridad ko. Hindi ko alam, pero panatag ako sa mga bisig niya.
                        
"Salamat, Zeev," tanging nasabi ko.
                
Inilayo niya ako sa kaniya saka niya hinawi ang iilang hibla ng buhok ko na napunta sa mukha ko patungo sa likod ng tainga ko.
                      
"You don't have to thank me. I told you I like you, and I really do. It must be a love-at-first-sight," aniya saka bahagya pa siyang tumawa. "Sa dami ng tao sa auditorium na 'yon, ikaw lang ang nakakuha ng atensyon ko," dagdag niya at narito na naman ang pagwawala ng puso ko na sinamahan pa ng pamumula ng pisngi ko.
                              
"H–Hindi ko alam kung anong sasabibin ko sa 'yo—"
                 
"Nope," aniya saka ngumiti. "You don't have to say anything for now. Pakiramdaman mo lang kung anong gusto mo. Just let me be. . . ako ang magpaparamdam, tatanggap ka lang," aniya saka bigla na lamang marahan na hinalikan ako sa noo.
           
Nang lumayo siya sa akin ay kumuha siya ng maliit na bato at hinagis ito sa ilog. "I found this place when I had to run away from my responsibilities, but this place will no longer be my sanctuary alone. . . sa atin na. . . atin nang dalawa," aniya at lumingon sa akin saka ito ngumiti.
                    
Sa bawat pagngiti niya, tila nakakatakas ako sa iilang problema na mayroon ako. Sa bawat tingin niya sa akin ay tila nararamdaman ko na mahalaga ako—na may dahilan kung bakit ako narito. He could make me feel that I do matter—that I am valuable. . . na puwede akong magmahal at mahalin.
             
Napaka-aga pa para masabi ko ang mga bagay na ito, pero pakiramdam ko nalulunod ang puso ko sa galak na nakilala ko siya. I feel like drowning in my own emotion. Mahirap umahon, at ayaw kong umahon.   

He's making me feel the love, concern and care that I've been dying to feel. Ang hirap na masanay na hindi ka pinapahalagahan, dahil ngayong may nagpapahalaga sa akin, parang ayaw ko nang pakawalan.                

"Zeev. . ." tawag ko sa kaniya dahil nagtitingin siya ng mga tuyong sanga na mukhang papabagain niya.                     

"Hmmm?" aniya nang lumingon siya sa akin.                     

"G–Gusto na yata kita."
                           

--

M A Y O R A
I C E _ F R E E Z E

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top